Chapter 4
"SIRA-ULO," bulong ni Bibi habang pagod na pagod nang iniisa-isa na naman ang mga kahon buhatin. Buwisit na buwisit siya, gutom na gutom na, kanina pa nag-iinit ang ulo, sinabayan pa ng kapreng iyon. Kay laking-laking lalaki, ang pogi-pogi sana, sira naman ang ulo.
Napakabastos nitong binuhat siya ng ganoon. At balak pa siyang iwan kanina sa itaas. Sira talaga ang ulo nito. Mabuti na lamang at hindi iisa ang floor nila, kung hindi'y baka madalas pa niya itong makita.
"Hay!" iritadong sambit niya habang hindi magkamayaw sa pagbitbit ng mga dala. Sports bag lang ang kanya doon; ang iba pa ay kung kani-kaninong Poncio Pilato na kaibigan ng Tiya Guada niya.
Umuwi sa Pilipinas ito noong nakaraang linggo, ang daming dala. Mga pauwi ng mga kaibigan nito at kung kani-kanino niya ibibigay. Ang mga iyon ang laman ng kahong bukas na dahil ayaw siyang pataasin sa gusali ng guwardiya hangga't hindi naiinspeksiyon ang laman ng kahon. Ang laman naman ng bagahe ay mga pigurin naman ng amo nito sa Amerika. May nakagusto sa pag-aalaga nitong matanda at personal itong kinuhang caregiver. Hindi na ito sa old folks' home nagtatrabaho, sa isang bahay na sa Giorgia.
Ang apartment unit ay pag-aari ng bagong amo nito. Taon na raw nabili at kailangan daw ng katiwala dahil umalis na ang dating katiwala doon. At dahil siya ay dakilang tambay, pinilit siya ng kanyang ina na siya na muna ang tumao doon habang naghihintay siya ng tawag sa pinag-apply-an niyang mga kompanya.
Nahihiya naman siyang tumanggi sa ina niya dahil may tatlong buwan na rin siyang pal. Isa pa, malaki ang suweldong handang ibigay sa kanya ng amo ng tiyahin niya.
Sa wakas ay nakapasok na siya sa unit. Maganda iyon, kahit na aalog-alog. Walang gamit doon, maliban sa isang magandang mesa at ilang upuan. Hindi niya alam kung anong hangin ang pumasok sa utak ng may-ari. Naroon naman ito sa Giorgia, bakit ba kumuha pa ito ng unit doon sa Pilipinas?
Pero wala na siyang pakialam pa doon. Ang kailangan niya ngayong isipin ay kung paano siya matutulog doon nang gabing iyon. Ni wala palang kutson doon. Paano kaya natutulog doon ang dating katiwala?
Ang tigas-tigas ng sahig. Kapag naglatag lang siya ng kumot doon, malamang na bukas ay imbalido na siyang magising. Tiyak pa namang mapapasarap ang tulog niya at centralized ang aircon.
Nagpasya siyang bumili ng kutson. May iniwan namang ilang libo ang kanyang tiyahin para sa panggastos sa unit. Lumabas na nga siya. Alas-kuwatro na at kailangan niyang magmadali. Habang lulan ng elevator ay nalukot na naman ang kanyang mukha nang maalala ang kapreng nakasabay kanina doon. Pilit niyang hinahagilap sa isip kung bakit tila pamilyar sa kanya ang mukha nito, hindi niya talaga maalala.
Imposibleng artista ito dahil kung ganoon ay maaalala niya ito kaagad.
Matangkad ito, higit marahil ng ilang pulgada sa anim. Matangkad din siya pero pansin na pansin niya ang taas nito dahil tila ba mas lalo itong nagmukhang malaki sa laki ng katawan nito. Ang lapad ng balikat nito, malaking lalaki talaga. Pati ang hitsura nito, lalaking-lalaki ang dating.
Paingles-Ingles ito kanina, kaya hinuha niya'y mayaman ito. At halata rin naman iyon kung doon ito sa gusaling iyon nakatira.
Dumiretso na siya sa mall. Laking pagkadismaya niya nang walang makitang pipitsuging kutson doon. At parang nahuhulaan na niya ang sasabihin ng tiyahin niya kapag mamahaling kutson pa ang binili niya. Dahil hindi naman niya saulado ang area na iyon ay nag-text pa siya kay Leandro, na nagtanong sa kasamahan sa trabaho kung may nakakaalam na malapit na bilihan ng kutson.
Kumain na muna siya sa McDo. Malapit nang mag-alas-sais. Mayamaya'y tinawagan na siya ng kaibigan, ex-love of her life. Sinabi nito kung saan siya tutungo. Magdi-jeep pa siya. Tumuloy na siya at papasara na ang tindahan nang makaabot siya doon. Nakabili naman siya ng kutson pero hindi na maide-deliver dahil wala nang masasabayan pa. Nagpasya siyang isakay na lamang iyon sa jeep. Maliit lang naman at pang-isahan lang at manipis.
Ibig niyang magsisi dahil dalawang sakay ng jeep ang kailangan niyang gawin at rush hour. Siksikan. Hindi siya makasingit at may dala siya. Naghanap na siya ng taxi pero sa bahaging iyon ay may mga laman lang ang dumadaan.
Kamalas-malasan pa'y may dumaang bus at nagtapon ng plastic. Sa mismong paa niya sumabog ang laman niyong pinagsukahan ng kung sinong tanga. Sa bahaging iyon ng EDSA ay nagtatalak siya, handang manghamon ng away sa sinumang magkakamali.
"Shet! Shet talagang buhay 'to! Shet kang bus ka! Shet ka!"
Pero walang nagawa ang pagtatalak niya. Ang tagal pa rin niyang naghintay doon, basa ng suka ang isang sapatos at malaking bahagi ng laylayan ng pantalon. Sa wakas, nakahagilap siya ng taxi. Maging ang driver ay nagreklamo sa amoy niya. Nakatikim ito ng sermon at wala itong nakuha ni pisong tip. Buwisit siyang nagtuloy sa apartment building.
Papasara na ang elevator nang makalapit siya doon. Ikinalang niya ang kamay. Gustong-gusto na niyang makapaligo. Laking pagkadismaya niya nang makita kung sino ang sakay niyon---ang kapre. Inirapan niya agad ito. Ito naman ay masama ang tingin sa kanya.
Isang palapag pa lang ang naaakyat ng elevator ay nakita na niyang panay ang padaan nito ng hintuturo sa ilong, lukot ang mukha, mukhang mainit ang ulo. Nainis siya.
"'Wag kang mayabang," aniya.
"May sinabi ba ako?" tila iritadong balik nito.
"Para sabihin ko sa 'yo, hindi sa akin ang sukang naaamoy mo. Nagkataon lang na minalas akong matapunan."
"Hindi ko tinatanong."
"Bad trip ka talaga."
"Back at you."
Bubulong-bulong na siya doon. Hindi siya sanay na sumasagot sa kanya ang mga ginaganoon niya. Kalimitan sa mga iyon ay tumitiklop na kapag nagtalak siya. Pero mukhang walang balak ang lalaking ito na ganoon din ang gawin. At wala na rin siyang maisip na balik.
"Sabihin mo nang malakas, 'wag 'yang bubulong-bulong ka diyan. Ano ka, bata?" tila hindi nakatiis na sabi nito, namumula na ang pisngi sa inis tila.
"Sabi ko, buwisit ka. Minalas yata ako dahil sa 'yo. Buwisit ka sa buhay ko."
"Buwisit ka rin sa buhay ko!"
"Kalalaki mong tao, pumapatol ka sa babae? Ang laki-laki mo, ganyan ka."
"Being a woman is not an excuse to be a bitch."
"And being a man is?" hiniritan na rin niya ito ng Ingles. Kung inaakala nitong pipitsugin siya, nagkakamali ito. Hindi siya nanalo ng Miss Language noong first year high school siya para sa wala. Itinaas niya ang hintuturo dito. "For your information---"
Hinawakan nito ang hintuturo niya, mariin, saka iyon ibinaba pero hindi binitiwan. "Don't you point your finger at me, you little---"
"Don't you raise your voice at me, you big---"
"Shut up---"
"No, you shut up! And listen to me real good---"
"No, you listen to me---"
"No, you listen to me!" bulyaw na niya. Nagbuga siya ng hangin, handa nang sumugod. "Let go of my finger right now or I swear on my father's name---may he rest in peace---you are so going to regret it!"
Nagsukatan sila ng tingin, ayaw pa rin nitong pakawalan ang daliri niya. Noon naman bumukas ang pinto ng elevator. Nasa tenth floor na sila. May isang matandang babae doon, nakatingin sa kanila. Saka pa lamang nito pinakawalan ang kanyang daliri. Nais niyang pagsalitaan pa ito pero nahiya siya sa matanda. Parang kagalang-galang ito.
"What's going on, Gunny, hijo?" anito sa lalaki.
"Nothing, Mrs. Genoroso. How have you been? How is your son?"
"Oh, I'm doing good. I just visited my Danny... And what is that awful smell?"
Nag-init ang kanyang mukha. "That smell would be me, ma'am. Dispensa po, naaksidente ako." Lumabas na siya sa elevator.
"Oh, poor dear. By the way, my name is Juanita Genoroso, my son Danny is also known as 'Unit ten-twenty-one.' This is Isagani Realado---'unit eleven-o-five.' And, dear, you are?"
"Bibi, ma'am. Unit ten-eleven." Bahagya niyang sinulyapan ang lalaki. Sinimangutan siya nito. Bago pa muling mag-init ang ulo niya ay nagpaalam na siya sa matanda at tumalikod.
Nagtuloy na siya sa unit niya. Agad siyang naligo, saka inayos ang kanyang kutson. Mayamaya ay napailing siya. Ni walang man lang telebisyon doon. Mabuti at may dala siyang maliit na radyo. Wala siyang naririnig na kahit na anong ingay maliban sa sarili niyang paghinga. Kaya tuloy bigla ay miss na miss niya ang kanyang ina.
Kumbakit naman kasi wrong timing ang pag-apply niya sa kompanya nina Leandro. Bigla na lamang hindi na hiring ang kompanya sa dami ng nakabinbin na nag-apply na agents. Hindi siya nakahabol. Sa tingin pa naman niya ay mamaniin niya ang interview at trabaho doon.
At wala siyang maisip na dahilan kung bakit sa iba pa niyang pinag-apply-an ay hindi siya napansin din. Naisip na lang niyang may mas magandang plano ang Maykapal sa kanya. Pero ano? Muli na naman siyang napabuntong-hininga.
Nakakabaliw ang katahimikan sa unit at ang sama pa ng ugali ng isang tenant ng gusali. Isagani Realado pala ang pangalan ng kapre. Nagpasya siyang i-text si Leandro upang magtanong.
Wala pang isang minuto ay nag-ring na ang cellphone niya. Nagkuwento naman siya.
Ang sabi nito ay ang tanga-tanga daw niya. Bakit daw hindi niya kilala ang isang pride ng bansa. PBA star daw ito noon pero nag-quit upang maging Formula One racer. Sikat na team daw ito kasali. Noong isang pagkakataon daw ay napanood nito ang lalaki sa cable, sa ESPN, kasali sa Extreme Games. Endorser din daw ito ng Nike.
Una, wala siyang kahilig-hilig sa basketball. Kapag pinaglista siya ng pangalan ng basketball player, malamang na wala pang sampu ang kilala niya, at kabilang pa doon ang mag-amang Jaworski. Pangalawa, wala silang cable. At panghuli, wala siyang kilalang model na lalaki---maliban na lamang doon sa mga artistang kinukuha sa local na produkto ng damit.
"Guwapo ba talaga?" tanong nito.
"Oo, in fairness." Honest naman siyang tao. Ang totoo, na-impress siya sa nalaman tungkol sa Isagani na iyon. Aba'y hindi pala biro ang accomplishments nito, mukhang kay bata pa nito para magawa nang lahat iyon.
Bago tuluyang hilahin ng antok ay napangiti siya. Aba, isang sports icon pala ang inaway niya. Sosyal.
--
Follow, vote, leave a comment, share.
Follow my FB: vanessachubby
Thanks.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro