Chapter 30
Malaki ang bahay. Nasa loob iyon ng isang subdivision, isang tricycle lamang ang layo mula sa bahay ng nanay ni Bibi. Dalawang palapag iyon, tatlo ang silid. Isa sa ibaba, dalawa sa itaas. Malawak ang sala, kusina, at mga banyo. Milyones ang halaga, alam ni Bibi. Iyon na ang bago niyang bahay. Nakapangalan sa kanya iyon.
Limang araw matapos magtungo sa kanila si Isagani ay tumawag ito sa kanya at sinabing darating daw sa kanila ang isang pinagkakatiwalaan nitong tao. Sasamahan daw siyang mamili ng bahay. Iyon ang napili niya, iyon na ang pinakamaliit sa pagpipilian.
Isang linggo matapos iyon, dumating sa kanya ang kompletong papeles ng bahay. Fully-furnished na iyon. Pina-bless agad ng kanyang nanay. At ngayon, dalawang linggo na siya doon.
Noong nakaraang linggo, dumating ang matandang abogado ni Isagani, ang pinagkakatiwalaan nitong tao, at ibinigay sa kanya ang isa na namang titulo. Siya na ang may-ari ng gusali sa bayan, malapit sa munisipyo at palengke. Tatlong palapag iyon. Ang ibaba ay nahahati sa limang paupahang puwesto. Ang second floor ay mga apartment naman. Matagal na niyang nakikita iyon na for sale. Binili ni Isagani para sa kanya.
Sabi ng abogado, siya na raw ang bahala doon, pero kung pauupahan daw niya at kailangan niya ng kontrata at kakausap, tawagan daw niya ito.
Nabibigla ang kanyang ina, kapatid, bayaw, maging si Leandro sa mga iyon. Siya naman, parang kulang sa reaksiyon. Mas lalo pa siyang nalungkot. Oo at malaking tulong iyon, malaking ginhawa sa kanya, pero hindi iyon ang gusto niya, bagaman tanggap na niyang dapat na siyang makuntento doon.
May gusto na raw umupa sa puwesto sa ibaba at ibinigay niya ang contact number niyon sa abogado ni Isagani. Bahala na ang mga itong magkaayos. Nasa bahay lamang siya parati, kasama si Happy na dinala sa kanya ng abogado ring iyon. Mayroon din siyang isang kasambahay.
Tumawag si Isagani at sinabing magpapadala doon ng kawaksi. Kahit ayaw niya, dumating ang kawaksi at hindi naman niya mapaalis. Malilintikan daw ito kapag ganoon ang ginawa. Nang tanungin niya ang kawaksi, natuklasan niyang galing pala ito sa pamilya ng abogado ni Isagani. Pitong taon na raw itong naninilbihan sa pamilya niyon.
Mabait naman ang kawaksi, si Ate Rea. Mas matanda sa kanya ito ng labinlimang taon, matandang dalaga ito, maliksi, ismarte.
Ang bilin sa kanya ni Isagani ay parati siyang magbabalita rito. Isa iyong bagay na hindi naman niya ginagawa. Kadalasan naman kasi ay wala siyang maibalita rito. Nag-text lamang siya rito noong nanggaling siya sa doktor. Ibinalita niya ritong malusog na malusog ang sanggol sa sinapupunan niya.
Ilang ulit na itong tumatawag sa kanya, kadalasan ay para bang naiinis pa ito na wala man lang daw itong natatanggap ni text ng balita. Buwisit na buwisit naman siya rito. Bakit ba ito ganoon ba magsalita? Malamang na nakokonsensiya ito dahil nagpapasarap sa Amerika, kasama si Amber, at wala roon upang bantayan siya.
Sabagay ay hindi naman nito dapat gawin iyon, pero kung ganoong mukhang aligaga ito sa bata, huwag itong maiinis sa kanyang hindi siya nagte-text. Ayaw niyang maya't maya ay naka-text kaagad dito. Sayang lang ang load, wala naman siyang sasabihin. Isa pa, paano kung mabasa pa ni Amber ang messages niya? Ayaw na niyang magmukhang naghahabol.
At totoong malusog ang baby nila. Ang laki-laki na ng tiyan niya, mag-aapat na buwan pa lang ang tiyan niya. Wala naman siyang kahirap-hirap sa pagdadalantao. Hindi siya nahihilo o nagsusuka. Kadalasan lang ay tamad siyang kumilos at kain siya ng kain.
Paiba-iba naman ang pinaglilihihan niya. Nitong huli ay gustong-gusto niya ng halo-halo. Mabuti na lamang at may malapit na Chowking sa kanila. Nakakatatlong halo-halo siya sa isang araw. Ang constant na masasabi niyang pinaglilihihan niya ay si Leandro. Tuwing makikita niya ito, gustong-gusto niyang panggigilan ang mukha nito. Cute kasi ito, mukhang Teletubby. Very lovable, very huggable.
Araw-araw ay nagtutungo ang kanyang nanay sa bahay. Kung minsan naman ay siya ang nagtutungo sa bahay nila. Depende sa mood niya. Ang mga pamangkin niya ay madalas din doon sa kanya. Paano ay puno parati ang ref niya at cupboards. May nagdadala doon ng supply sa kanya linggo-linggo, tauhan ni Isagani.
May sariling susi ng bahay ang nanay niya doon, maging ang ate niya at si Leandro. Nakaugalian na ni Leandro na kapag uuwi ito mula sa Maynila ay tutuloy sa bahay niya kahit gabing-gabi na. Gigisingin siya nito, may uwing kung anong hiling niya rito. At kapag ganoon ay babangon siya at kakainin iyon. Magkukuwentuhan sila.
Sadyang hiniling niya kay Leandro na kahit gabi ay gisingin siya nito. Gustong-gusto niya itong nakakausap parati. Bukod sa pinaglilihihan niya ito, ito rin lang kasi ang nakakaalam ng totoong nangyari sa kanya. Dito lang niya nasasabi ang tumatakbo sa isip niya. At makakaasa rin siya rito parati na kakampi sa kanya. Naiinis nga siyang parati ay bitin ang oras nilang magkasama. Isang araw lang ang day-off nito.
Mukha namang tuwang-tuwa ito na ito ang pinaglilihihan niya. Hindi ito naiirita kahit pinupompiyang niya ng kamao ang pisngi nitong matatambok at mapupula. Sabi lang nito, baka daw maging bading ang anak niya. Hindi naman niya iyon inaalala. Hindi siya naniniwala doon. Dahil kung totoo iyon, dapat na kamukha niya si John Lennon. Mga larawan ni John Lennon ang pinaglihihan sa kanya ng nanay niya.
"Ate Rea, kumain na po ba si Happy?" tanong niya sa kawaksi.
"Oo. Ayaw mo pa bang maghapunan? Aba'y mag-aalas-diyes na."
Napalabi siya. "Gusto. Pero iba po ang gusto kong hapunan. Pakisaglit naman po ako sa Chowking, 'Te," paglalambing niya rito. Kanina ay nagtungo na ito roon at ang sabi, baka daw gusto niyang damihan na ang order niya para hindi na ito babalik. Sabi niya ay hindi na, pero heto at gusto na naman niya ng halo-halo.
Napangiti naman ito. "'Yan na nga ba ang sinasabi ko sa 'yo. O siya. Pahingi akong pambili."
"Yihee! Ang bait-bait talaga ni Ate." Inabutan niya ito ng pera at sinabing kung may gusto ito ay bumili na rin para dito.
Lumakad na nga ito. Siya naman ay nanood ng TV. May cable siya doon. Pagbukas niya at nag-channel surf siya hanggang makarating siya sa ESPN. Sports highlights ang pinapakita ng isang katatapos pa lamang na event. Flash lamang ng imahe ni Isagani ang nakita niya pero sapat na iyon upang manood siya.
Wala pa yatang labinlimang minuto itong binanggit ng anchor. Kasali ito sa isang sports activity ng mga sports icon---bicycling, alongside a Wimbledon champion, an NBA player, a pro-golfer, et cetera. Parang exhibition game, para lang sa kasiyahan ng manonood. At nanalo ito. Flashes lang ipinapakita. Bandang huli, nakita niya itong inalis ang medalya at tila siyang-siyang isinuot sa leeg ni Amber na nanonood sa bleacher.
Tapos maiinis siya sa akin na hindi ako nakakapagbalita sa kanya? Eh, luku-luko pala talaga siya...
Inilipat na lang niya ang istasyon at baka mapaiyak pa siya. Parang tiniris ang dibdib niya bigla. Ni wala siyang ideya kung kailan ito muling magpapakita sa kanya. Nakita na lang niya sa TV. Ang layo talaga nito sa kanya, kahit kailan ay hindi niya pala ito naging abot-kamay.
Noon nag-ring ang telepono at sinagot naman niya iyon. "Hello?"
"Noong isang araw ka pa walang text man lang sa akin, ah?" bungad sa kanya ng luku-lukong lalaki. Ang gandang pagbati.
"Alam na ba ni Amber na nabuntis mo ako?" Agad siyang nagsisi sa nasabi. "N-naitanong ko lang... Hindi mo kailangang sagutin."
"I will get there, okay? But not now. Anyway, kumusta ang anak ko?"
Parating may "ko" ito kapag tinutukoy ang sanggol. "Maayos naman. Ganoon pa rin. 'Wag kang mag-alala."
"Sana man lang mait-text mo sa akin ang lagay n'yo, kung ayaw mong tumawag. Kailangan pa bang ako parati ang tatawag sa 'yo?"
Napikon siya. Sa pananalita nito ay para ba itong may katungkulan at siya ay may obligasyong mag-report dito. Wala siyang obligasyong gawin iyon. Kung ibig nitong malaman, ito ang tumawag sa kanya! Wala naman itong ginagawa doon, nakikipaglampungan lang sa lintek na Amber na iyon! Kitang-kita niya iyon sa telebisyon! Ang kapal ng mukha nito!
Ano at por que nabilhan siya nito ng bahay at paupahang gusali ay aakto na itong pag-aari sila ng anak niya? Manigas nga ito. Ayaw nitong tumawag sa kanya, ang gusto ay siya pa ang kikilos. Napakasuwerte naman yata nitong unggoy na ito?
"Ano, wala kang masabi? Hirap sa 'yo, ilang linggo pa lang akong wala diyan, parang hindi na ako ang tatay ng baby ko sa ginagawa mo, eh," sermon pa nito, nakuha pang pagsabihan siya ng ganoon.
Nasuntok niya ang throw pillow. "'Wag kang mag-alala. Simula bukas, ite-text ko na sa 'yo ang lagay ng bata."
"Dapat lang naman."
"Kung wala ka nang sasabihin---"
"Eh, 'yong nanay ng baby ko, kumusta na? Maganda pa rin ba?" malambing nitong agaw. Nahihimigan niyang nakangiti ito.
Ang kapal ng mukha mo! "Maayos ako. Sige na---"
"Ano'ng pinaglilihihan ng nanay ng baby ko?"
Nagpakatimpi-timpi siya. "Halo-halo."
"Talaga? Nakakabili ka naman? Ano pa? Hindi ka ba nahihilo o nagsusuka?"
"Maayos ako."
"Ano pa nga ang pinaglilihihan mo?" pangungulit nito. Napabuga siya ng hangin at binanggit ang mga napaghilihihan niya. "Sana nandiyan ako... Gusto ko sana nandiyan ako."
Natigilan siya.
"Kaso, marami akong ginagawa. Sana naiintindihan mo. Kuwentuhan mo naman ako. Ngayon lang ako may libreng oras. Kuwentuhan mo na ako, sige na."
Ngayon ka lang nakalibre kay Amber?! Hudas ka talaga! Maraming ginagawa, utot mo! Oo, naiintidihan ko! Naiintindihan kong busy ka magpasarap habang kasama ang Amber mong lalo nang lumaki ang boobs sa camera! Magsama kayo! Huwag mo akong pikunin! Nagwawala ang hormones ko!
"Wala akong maikukuwento sa 'yo," malamig na sabi niya.
"Sige na, o," ungot nito, parang bata. "Gaano na kalaki ang tiyan mo?"
"Ayos lang."
"Bibi naman..."
"Inaantok na kasi ako, pasensiya ka na. Gusto ko nang magpahinga. Masama sa buntis ang magpuyat. Alas-diyes pasado na rito."
"Of course, of course. I'm sorry. Ngayon lang kasi ako nakahanap ng oras. Itapat mo naman ang phone sa tiyan mo. May sasabihin ako sa baby ko."
"Hindi ka maririnig."
"O, sige, sabihin mo na lang sa kanya na stay healthy. And tell him not to give his mother problems. Tell him to take care of his mother. Tell him I love him. Muah. You take care, Bibi. I miss you, you know."
"Sige na." At ibinaba na niya ang telepono. Napaluha na lamang siya at agad iyong pinunas nang marinig ang tinig ni Leandro.
"Naabutan ko si Ate Rea sa Chowking. Nagsabay na kami."
Sukat napatakbo siya rito at agad itong nayakap nang mahigpit. Hinagod nito ang kanyang likod at hindi umimik. Pinagpahinga na niya si Ate Rea. Kinurot-kurot niya ang pisngi ng bading habang sumusubo ng halo-halo.
"Ano'ng problema?" tanong nito.
Kibit-balikat siyang naglahad. Gaya noon, wala itong naipayo sa kanya kundi huwag na niyang isipin pa iyon. Magkaiba ang buhay nila ni Isagani. Normal lang na makaramdam siya ng ganoon pero unti-unti na niyang kalimutan. Iyon naman ang ginagawa niya. Hindi nga lang ganoon kadali.
"Alam mo, naisip ko... ano kaya kung huwag na tayong maghintay hanggang mag-thirty-two ako?" aniya rito.
"Gaga! Gagawin mo pa akong panakip-butas. May ilang taon ka pa. Ubusin mo muna 'yon. Mag-enjoy muna tayo. Kung magpapakasal tayo, para lang nating ginawang insurance ang isa't isa---na habang-buhay tayong magkasama---kahit walang sex."
"Mabubuhay ka bang walang sex?"
"Hindi naman doon umiikot ang buhay ko, Bibi. Maraming bagay na mas importante kaysa doon. It's important, all right, but it's not everything. We both know that."
Tumango siya. Alam na alam niya iyon. Kaya nga iba ang kapalaran ni Amber sa kanya. Sa buhay ni Isagani, siya ang less important; si Amber ang everything. Kaya kahit magkakaanak na sila nito, si Amber ang kasama nito.
"At least natikman mo siya. Masarap ba siya?"
"Bakla ka talaga!" Iningusan niya ito, saka mapaklang ngumiti. "Sobrang sarap nga, eh. Kaso, kumbaga---diabetic ako, at asukal siya. Ayoko nang tikman ulit. Hindi na puwede. Dito ka na matulog, ha? Tabi tayo."
"Baka rape-in mo ako!"
"Ang kapal mo! Asukal ang gusto ko, hindi Teletubby!"
---
Don't forget to vote, leave a comment, and share.
Like my Facebook page as well: vanessachubbyThanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro