Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 29

"ANO...? Paano...?" Tila litong-lito ang kanyang ina. Tila hindi pa tumitimo sa isip nito ang sinabi ng kanyang kapatid.

"'Nay, magkakaapo na po kayo ulit. Hindi po kami magpapakasal ni Isagani kasi aksidente lang naman po ang nangyari."

Nagsalita ang binata. "Pero susuportahan ko po si Bibi at ang bata."

Pumormal ang mukha ng kanyang ina. "At bakit ayaw mong pakasalan ang anak ko?"

"May mga personal lang po akong dahilan, 'Nay."

"Bibi, ikuha mo ako ng paracetamol. Sumakit ang ulo ko."

Agad siyang tumango at tumalima. Laking pasasamat niya at mukhang kalmado naman ang kanyang ina. Pero pagbalik niya sa sala ay napanganga siya sa nasaksihang eksena. Magkabilang kamay ni Isagani ang nakasalag sa matatabang braso ng kanyang inang humahampas dito.

"Nanay!"

"Anong personal-personal, magaling na lalaki?" Tumayo ang kanyang ina at nahagip ng kamay nito ang feather duster sa isang tabi at iyon ang ihinampas sa lalaki. Napatayo na rin si Isagani. Napaatras ito.

Patuloy itong hinampas ng kanyang ina. "May lakas ng loob ka pang magpakita rito?! Ha? Ha?!"

"Nanay, tama na po!" Tinakbo na niya ito, pero naharang siya ng kapatid niya.

Patuloy sa pag-atras si Isagani hanggang makalabas na ito sa pinto. Bahing ito ng bahing. Patuloy itong pinapalo ng kanyang ina ng feather duster.

"Nanay! Leandro, awatin mo! Ate, ano ba?!"

"Hayaan mo 'yon! Bagay sa kanya 'yon! Leandro, tulungan mo ako!"

Tila napipilitan lamang si Leandro na makiawat sa kanya. Napaiyak na siya doon.

Dinig niya ang tinig ng ina niya mula sa labas ng bahay. "Ang galing-galing mong lalaki ka! Nagpakita ka pa sa akin! Ako ang nanay ng inargabyado mo, lalapit ka pa sa akin?! Ang husay-husay mo! Kung nabubuhay pa ang asawa ko, nakuuu, sinasabi ko sa 'yong magaling kang lalaki ka!

"Ano'ng inaasahan mo? Tatanggapin kita rito?! Matapos mong gawin iyon sa anak ko? Anak ko iyon, dugo't laman ko ang batang iyon! Ako ang naglampin doon, nagpasuso, nagpatahan, naglaba maski panty noon noong bata pa 'yon, pagkatapos pupunta ka rito at haharap sa akin sa ganitong sitwasyon na lalaki ka, ha?!"

"Nanay, tama na po," dinig niyang wika ni Isagani.

"At nakuha mo pang tawagin akong nanay! Ang kapal ng mukha mong magaling na lalaki ka! Mabuti't pumanaw na ang esposo ko bago pa marinig ang lahat ng ito!"

"Ate!" Nagpilit na siyang makawala rito at kay Leandro at sa wakas ay pinakawalan siya ng mga ito. Nasa tarangkahan na ang kanyang ina at si Isagani. Ikialang niya ang sarili sa binatang inuubo na sa puntong iyon, marahil sa dami ng alikabok na nalanghap nito.

"Umalis ka diyan, Bibi! Makakatikim ang magaling na ito...! Itong magaling na...!" Pilit nitong inaabot ng feather duster ang lalaki pero inagapan na niya ang mataba nitong braso.

"Nanay, tama na po, please. Nakakahiya po sa mga kapitbahay."

Parang natauhan naman ito. Inayos nito ang damit, inalayan ng matalim na sulyap si Isagani, saka nagmartsa pabalik ng kabahayan.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya sa lalaki.

Bumahin muna ito bago tumango. "Bibi, I'm so sorry."

"Pasensiya ka na sa Nanay ko. Mabilis lang 'yan mainis pero mabait naman."

"B-Bibi..."

Naghintay siya sa sasabihin nito pero hindi na iyon dumating pa.

"Tara na. Maaga pa yata ang flight mo bukas." Nagpatiuna na siya pabalik sa kabahayan at nakasunod naman ito sa kanya. Nakahalukipkip ang kanyang ina doon.

"Maupo kayo," anito. "Bueno, magaling na lalaki, sabihin mo kung ano ang plano mo."

"G-gaya po ng sinabi ko, susuportahan ko po sila ng baby ko. Sa ngayon po, nagpapahanap na ako ng bahay para sa kanila na malapit dito."

Umingos ang kanyang ina, pero wala namang sinabing iba. Napatingin naman siya kay Isagani. Hindi niya alam kung nasabi lang nito iyon dala ng takot sa nanay niya, pero wala naman sa karakter nito ang ganoon. Pero hindi pa nito nababanggit sa kanya ang bagay na iyon.

"Balak ko rin pong bigyan si Bibi ng negosyo. Pero kahit po may negosyo na siya, may suporta pa rin po ako buwan-buwan."

"Hah! Marapat lang!" anang kanyang ina.

"Educational plan po para sa baby ko, saka kung ano pa po ang gusto ni Bibi."

Nag-iinit ang kanyang mga mata. Ang dahilan: parang talagang alam na nitong hiwalay ang magiging buhay nila sa mga plano nito. Alam na niya iyon, kaso'y may sipa pa rin. Hindi niya maiwasan dahil mahal niya ito.

"Ano pa nga ba'ng magagawa ko? Pero tandaan mong nagpasya kang iba ang buhay mo sa mag-ina mo, kaya ang relasyon mo dapat sa anak ko ay tapos na. Naiintindihan mo ba ako?"

"O-opo."

"Sige, mag-usap kayo at pagkatapos ay umuwi ka na." Iyon lang at umalis na ang kanyang ina, nagtungo na sa silid nito. Nagpaalam na rin si Leandro. Ang ate naman niya ay inismiran lang si Isagani.

Naiwan na sila doon.

"Pasensiya ka na. Hindi maiiwasan na mainis sila. Pero mababait sila," aniya.

"It's nothing."

"Hindi mo sinabi ang plano mo sa akin bago tayo nagpunta rito?"

"Pasensiya ka na, nawala sa loob ko. Kinakabahan din naman ako kanina." Ngumiti ito. "Anyway, everything seems okay now. As good as it could be, at least." Ginagap nito ang palad niya, pero marahan niya iyong binawi. Hindi ito nakapagsalita, saka tumikhim mayamaya. "B-bibi, we're okay, right? I mean, somehow we're okay. R-right?"

"Ayos naman."

"Right." Muli itong tumikhim. Nang magsalita itong muli ay bahagya itong nakangiti. "So, we're going to be parents soon, huh? That's kinda cool, huh?"

Bahagya siyang tumango. Nakita niyang tumaas-baba ang Adam's apple nito nang ilang ulit. Dinama nito ang tiyan niya.

"So, you think it's gonna be a boy or a girl?"

Ibinaba niya ang kamay nito. "Lalaki siguro. May sasabihin ka pa ba? Gagabihin ka na sa daan."

Pinakatitigan siya nito. Hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. Muli, gumalaw-galaw ang gulunggulungan nito. Inilapit nito ang labi sa kanyang pinsgi pero tumayo na siya.

"Paano?" aniya. "Happy trip na lang bukas. Salamat sa lahat."

"Right. Y-you take care, okay?"

Tumango siya. "Sige, ipagpapaalam na lang kita sa nanay ko."

"Okay." Muli ay tinangka nitong hagkan ang kanyang pisngi pero umiwas siya. Tumango ito, hindi makatingin sa kanya, saka siya bahagyang tinapik sa braso. "B-bye."

"Sige."

Lumabas na ito at sumama siya rito hanggang tarangkahan. Agad niya iyong isinara nang makalabas ito at nagbalik na sa bahay. Sumilip siya sa bintana. Umalis na rin mayamaya ang sasakyan nito.

Natutop na lamang niya ang bibig at hinayaang malaglag ang mga luha niya. Namalayan na lamang niyang nasa tabi na niya ang kanyang ina. Agad siya nitong niyakap at sa balikat nito ay umiyak lamang siya nang umiyak. Dinig niya ang singhot nito, umiiyak rin.

Mayamaya pa'y naroon na ang kanyang kapatid, kasama ang asawa at mga pamangkin niya. Maging si Leandro ay bumalik, may dalang lechon manok, barbecue, at ice cream.

"Ate, magkakaroon na raw kami ng bagong kalaro?" anang bunso ng kapatid niya, si Primrose. Four years old ito.

"Oo." Napangiti na rin siya.

"Bakit ka umiiyak?" tanong naman ng kapatid nito, si Andre. Five years old ito.

"Dahil masaya siya," tugon ng bayaw niya.

"Aba'y masaya naman tayong lahat, ah!" ang kanyang ina na pinunas ang mga mata nito. "Magkakaapo na ulit ako! 'Di ba't masaya 'yon?"

"Korek, Nanay!" si Leandro. "Kaya nga ako nagdala ng lafang. Magiging ninong na ako! Congratulations, ganda, ha?"

Tumango lamang siya at napangiti na rin. Si Leandro na ang nagsilbi sa lahat. Habang kumakain sila ay naglaro ang mga bata sa mga silid. Nagtanong ang kanyang ina kung paano daw niya nakilala si Isagani. Sinabi naman niyang doon sa apartment ng amo ng Tiya Guada niya. Hindi na nito kailangan pang malamang nagtrabaho siya para rito. Nag-shortcut siya ng kuwento. Sinabi niyang aksidente lang ang lahat. At hindi na ito nag-usisa pang maigi.

"Mabuti na ring susuportahan kayong mag-ina," ang ate niya.

"Ayoko nga sanang tanggapin."

"Naku, tanggapin mo nang tanggapin," ang kanyang ina. "Hindi mo alam kung kailan titigil ang suporta niya sa 'yo. Kung hindi mo tatanggapin, para na rin siyang nakaligtas sa responsibilidad niya. Basta't habang may suporta sa 'yo, huwag kang pumayag na maging dahilan 'yon para manduhan ka niya. Linawin mo agad ang limitasyon ninyo."

"Opo." Wala naman pong magiging problema. Alam na alam ko kung hanggang saan lang ako sa buhay niya.

"Aba, malas niya," singit ng bayaw niya.

"Siyang totoo!" gatong ng kanyang ina saka siya hinagkan sa pisngi. "Aba'y wala na siyang makikitang tulad ng isang ito!" Napaluha na naman siya. Hinagod ng kanyang ina ang kanyang buhok. "Mahal na mahal ka namin dito, Bibi. Alam mo 'yan."

"Opo naman."

"Kunsabagay, maganda na ring siya ang ama at hindi tayo tiyak malalahian ng maaskad ang mukha."

Napahagikgik na siya habang pinupunas ang luha. She silently wondered when she was going to see Isagani again. God, she missed him so much already. Pero kailangan na niyang masanay doon.

---

Don't forget to vote, leave a comment, and share.

Like my Facebook page as well: vanessachubbyThanks!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro