Chapter 26
NAPAUNGOL si Bibi nang makarinig ng pagkatok sa pinto. Masama ang pakiramdam niya at dalawang araw na siyang nakahiga lamang. Wala naman siyang lagnat, kaya hinala niya ay napagod lamang siya sa mga nakalipas na ilang araw.
Isang linggo lang siya nanatili sa kanila. Isang linggong kahit paano ay nakasama niya ang kanyang pamilya. Matapos noon ay lumuwas na siyang muli upang mag-apply ng trabaho. Tatlong linggo na siyang umiikot sa Kamaynilaan para sa mga interviews. Sa linggong iyon, malamang na isa sa mga pinagpasahan niya ng resume ay tawagan na siya.
Alam niyang hindi maaaring huminto ang inog ng mundo niya dahil lamang masama pa rin ang kanyang loob. Kailangan na niyang magkatrabaho. Tutal naman ay mukhang sadyang wala na siyang halaga kay Isagani. Siya lang ang tumatawag dito. At parati'y saglit lamang sila kung mag-usap. Kung saan-saang bansa ito naroon, kasama si Amber. Tinigilan na niya ang pagtawag dito. Siguro, pampalubag-loob sa kanya ay nakakatanggap siya ng text message ng pangungumusta rito. Kapag sinabi niyang maayos naman siya, hindi na ito magre-reply.
Nang maulit ang pagkatok ay bumangon na siya sa sofa at binuksan ang pinto. Ganoon na lamang ang pagsasal ng dibdib niya nang mabungaran si Isagani. Hindi na niya napigil ang emosyon. Agad siyang yumakap dito nang mahigpit.
"I missed you!" Nang matauhan siya ay agad niya itong itinulak. "Nagpakita ka pa?"
Pumasok na siya sa kabahayan at muling nahiga sa sofa. Naupo naman ito doon at sinalat ang kanyang leeg.
"Kumusta ka na? May sakit ka ba?"
Parang gusto niyang maglambitin sa leeg nito, sabihin ditong mag-sorry lang ito at tatanggapin niya ito nang wala nang tanong-tanong pa. Kaso, alam niyang hindi iyon ang dahilan kung bakit ito naroon.
"May kailangan ka ba sa akin? 'Di ka naman nakakaalala, 'di ba?"
"Tini-text kita, ah?"
Mapakla siyang ngumiti. "'How are you?' lang naman ang text mo. Ni walang smiley sa dulo. Ano 'yan?" Inginuso niya ang dala nito.
"Pasalubong ko sa 'yo."
"Ano 'yan, tira?"
"Ikaw talaga." Hinaplos nito ang pisngi niya pero iniwas niya iyon. "Mukhang may sakit ka. Punta tayo sa doktor, tara na." Malumanay ang pagsasalita nito, tila ba walang nangyaring masama sa pagitan nila.
Sa isang banda, tuwang-tuwa siyang malambing itong magsalita sa kanya. Sa kabilang banda naman ay lalo na siyang nalungkot.
"Hindi na. Napagod lang ako nitong nakaraang mga araw."
"Nagsisimula ka na ba ng trabaho?"
"Hindi pa. 'Di ba natanggal ako sa trabaho?" Nabanggit niya iyon dito. Tumango ito. "Wala pa ring bago."
"Don't you worry. You can find one. Meanwhile, let's go to the hospital. Ang putla-putla mo, alam mo ba 'yon?"
"Hindi lang ako naaarawan."
"Tara na."
Siguro ay dahil sa masuyong pakiusap nito kaya napapayag siya nito. Nagbihis na siya at lumakad na sila. Habang nasa sasakyan ay tanong ito nang tanong tungkol sa kanya. Pabalat-bunga, sa isip-isip niya.
Hanggang sa nakarating na sila sa ospital. Nang dumating ang resulta ng eksaminasyon sa kanya ay isa lamang ang nasabi niya kay Isagani:
"Pakakasalan mo ako sa ayaw at sa gusto mo. Hindi ako nagbibiro."
---
Don't forget to vote, leave a comment, and share.Like my Facebook page as well: vanessachubbyThanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro