Chapter 25
"O, bimpo."
Inabot ni Bibi ang inaabot ni Leandro saka doon humagulgol. Hindi siya makaiyak nang malakas dahil maririnig sila ng mga magulang nitong nasa labas ng silid. Kung bakit naman kasi ayaw pa nitong lumipat doon sa sarili nitong bahay. Tuloy ay wala siyang lugar na mangalngalan kundi sa silid nito.
Ilang ulit na niyang nangalngalan ang silid na iyon. Doon siya ngumalngal noong nag-break sila ng ex-boyfriend niya. Ilang gabing naroon lamang siya noon.
Hindi siya makaporma ng iyak sa kanila dahil naroon ang mga pamangkin niya. Bakasyon na sa eskuwela. Kapag ganoon, parang playground ng mga paslit ang buong kabahayan.
"Hindi ba talaga tayo puwedeng mag-inom?" tanong niya sa kaibigan.
"Hindi, 'no. Isa pa, hindi na ako puwedeng uminom nang husto ngayon. Ang tindi ng ulcer ko. Hindi nga ako nakapasok kahapon."
Awang-awa naman siya sa sarili. Inom na nga lang ang gusto sana niyang gawin ay hindi pa niya magawa. Hindi rin siya makainom sa apartment niya sa Maynila. Ayaw niyang uminom mag-isa, hindi niya feel. Isa pa, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon dahil natanggap na siya sa trabaho. At nasesante na agad.
Isang buwan na mula nang ihatid siya ni Isagani sa ibang apartment. Unang apply niya sa trabaho ay natanggap na agad siya. Hindi na siya nagkaroon ng sapat na oras para mag-emote. At dahil ipon ang sama ng loob niya ay naibaling niya iyon sa iba. Nasigawan niya ang kanyang trainor.
Masama ang timpla ng katawan niya, puyat pa siya sa kaiisip, pagkatapos, sa harap ng mga kapwa niya trainors ay tinarayan siya nito. Hindi raw siya nakikinig. Tipikal itong konyitang, maangas magsalita. Nag-init ang ulo niya at sinigawan ito. "I am smarter and older than you, you hard-selling piece of shit!" iyon ang sinabi niya rito. Sibak siya.
Kahapon iyon, araw ng Biyernes. Ngayon ay umuwi siya sa kanila, samang-sama ang loob. Nasabi na niya sa kanyang inang natanggal siya sa bagong trabaho. Alam nitong nag-"resign" siya sa isa pa niyang trabaho. Ang sabi lang nito, ayusin na niya ang career niya. Mahirap daw na sa edad niyang iyon ay hindi pa rin stable ang kanyang trabaho.
Nasabi na niya kay Leandro ang lahat ng nangyari sa kanya. Hindi niya kayang kimkimin, baka mabaliw siya. Kung may isang taong kayang magtago ng sikreto niya, iyon ay walang iba kundi ito. At alam niyang nauunawaan siya nito. Parang nakaganda pa nga ang paghihiwalay nila ng dalawang taon. Lalo nilang narespeto ang isa't isa. Nagkaroon din sila ng panahon mag-mature nang magkabukod.
"Ikaw naman kasi, bakit sinigawan mo pa 'yong trainor mo?" anitong inabutan siya ng isang basong tubig.
"Totoo naman ang sinabi ko sa kanya. Mas matalino pa ako sa kanya. Baka nate-threaten lang siya sa akin dahil tiyak na mas mauunahan ko siya pagdating sa promotion. Pero wala akong pakialam, marami akong pera."
"Heartbroken ka naman."
Lalo na siyang napaiyak. Kaunting-kaunti pa lamang ang nagagalaw niya sa suweldo niya kay Isagani. Kulang-kulang dalawang daang libo pa ang nasa bangko niya. Pero kahit milyones pa ang nasa bangko niya ay hindi pa rin sapat para gumaan ang pakiramdam niya sa mga nangyari.
Ilang ulit niyang tinangkang tawagan ito, pero walang sumasagot sa apartment nito. Tinawagan niya ito sa cellphone at hindi rin sumasagot ito. Pero nang minsan ay tinawagan siya. Nasa Costa Rica raw ito, kasama si Amber.
Kinumusta lang siya nito, hindi na siya masyadong makapagsalita dahil umapaw na ang labis niyang pangungulila rito at galit. Kaysa marinig pa nitong umiiyak siya ay mas minabuti na niyang tapusin ang tawag. Mukha namang masaya ito. Nangibang-bansa na agad kasama ang babaeng iyon.
Habang nagpapakasaya ang mga ito, siya ay mamatay-matay sa sama ng loob. Hindi lang iyon it hurts, kundi it hurts so bad. It was awful. She felt miserable.
"Ano na ngayon ang plano mo?" tanong ng bakla.
"Wala. Paano ako makakapagplano, wala naman siya sa bansa? Sakali man na nandito siya, ano ang magandang plano ko? Wala rin naman. Pero ayoko na ganito na lang ako. May may magagawa pa ba ako? Buwisit kasi ito, eh." Itinuro niya ang dibdib.
"Buwisit na maliit ang boobs mo?"
"Gaga! Buwisit itong heart. Lahat ng heart sa mundo, buwisit..." Bumagsak ang balikat niya. "Buwisit dahil na-in love na nga lang, doon pa sa nakabuntis ng iba, sa isang bakla---no offense, at sa isang lalaking buwisit din ang heart na in love sa iba."
"Alam mo naman palang in love siya sa iba. Hayaan mo na lang."
"Papayag na lang ako sa ginawa niya?"
"Ano naman ang magagawa mo?"
"Malay mo."
"'Wag kang eengot-engot. Makakakita ka pa ng iba. Kung hindi na, pagtiyagaan mo ako kapag thirty-two ka na. At least sigurado ka nang hindi ka tatandang dalaga."
Hinampas niya ito ng unan at lalo nang napaiyak. Tinanong siya nito kung kailan daw siya nito sasamahang maghanap ng ibang bahay.
"Hindi pa ako lilipat. Hayaan mo siyang magbayad nang magbayad!" Nayakap niya ang kaibigan at kahit paano ay nakakuha doon ng alwan.
---
Don't forget to vote, leave a comment, and share.
Like my Facebook page as well: vanessachubbyThanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro