Chapter 18
Unang tumaas ang kanang kilay ni Isagani, matapos ay ang kaliwa, matapos ay sabay, matapos ay nagtaas-baba ang mga iyon. Pilit na ngumiti si Bibi rito. Nag-aagahan sila.
"Huy!" Pinindot nito ang tungki ng ilong niya. Kunot na kunot na ang noo nito. "Ano'ng problema?"
"Wala, 'no! Meron ako." Inirapan niya ito.
Ang totoo, hindi niya alam ang tamang reaksiyon niya rito. Nasa isip pa rin niya ang nangyaring halik kagabi. Halatang wala itong naaalala. Kung may naaalala man ito, malamang na maisip nitong panaginip lang nitong kahalikan nito si Amber. At hindi na rin nito kailangang malamang labi niya iyon, hindi kay Amber.
Ayaw niyang mainis, pero iyon ang nadarama niya. Pero alam niyang kasalanan din naman niya dahil siya naman ang unang nanghalik dito. Tuloy ngayon, magkakahalo ang nadarama niya.
Nagseryoso ito. "Sigurado ka?"
"Oo naman, 'no."
Tumango ito at hindi na kumibo. Nang makapagligpit siya ng pinagkainan nila ay nakita niya itong nilalaro na si Happy. Mukha namang maganda ang mood nito kahit kagabi ay nag-inom pa. At nanghalik. Shet.
Habang nagba-vacuum siya ay nakitulong naman itong maglinis sa kanya. Nang matapos sila ay nagpaalam itong lalabas muna, kasama si Happy. Tumango na lamang siya. Naiilang pa rin siya rito kahit wala naman itong kamuwang-muwang sa nangyari nang nagdaang gabi.
Nang may kumatok sa pinto ay agad niya iyong binuksan. Kinabahan siya nang makilala ang maliit na babaeng naroon---ang mommy ni Isagani. Sa larawan ay nakita na niya ito. Nakangiti ito sa kanya.
"Magandang umaga po, Ma'am."
"Magandang umaga rin naman. You're probably Bibi, am I correct?"
"Yes, Ma'am."
"Call me 'Tita.' Can I come in?"
"Ay, opo, opo." Nilakihan niya ang awang ng pinto at agad naman itong pumasok sa loob. Agad niya itong hinainan ng maiinom. "Wala po si Isagani pero babalik po siya agad. Kung gusto po ninyo, tatawagin ko na lang po siya. Nandiyan lang po siya sa ibaba, nilalakad lang 'yong aso."
"No, please sit down. Kuwentuhan mo ako."
Alanganing ginawa nga niya iyon. "Alam po ba niyang darating kayo, Tita?"
"Hindi. Parati kong sinosorpresa ang batang 'yon. How long have the two of you been living together?"
Nasamid siya. Hindi niya malaman kung ano ang itutugon doon. Hindi naman nagbilin sa kanya si Isagani ng sasabihin sa ina nito. At parang ayaw niyang idamay pa ang matanda sa kalokohang iyon.
Mukha namang napansin nitong nag-atubili siyang sumagot. "'Wag kang mag-alala, hindi naman ako nagagalit. Medyo nagtatampo lang akong sa iba ko pa nalaman ito. Kung hindi ko pa nakatuwaang tawagan si Joaquin, hindi ko malalaman."
"M-maganda po sigurong si Isagani na lang ang magpaliwanag."
"Okay." Ngumiti ito. Parang napakabait nitong tao.
Tinanong siya nito kung taga-saan daw siya, ilang taon na, saan nag-aral. Sumagot naman siya. Mukhang nasiyahan naman ito. Hindi na yata mawawala ang ngiting iyon sa mga labi nito.
"Ah, Tita, tatawagin ko na lang po si Isagani. Saglit lang po ako."
"Oh, all right."
Tumalikod na siya pero muli siya nitong tinawag. "Po?"
"I like you, Bibi. I like you for my son."
Pakiramdam niya ay lumobo ang puso niya. Bigla siyang naging shy. Dama niya ang pag-iinit ng pisngi. "Salamat po, Tita."
Nang lumabas siya sa apartment ay saka siya natigilan. Mabigat ang loob na tinungo na niya ang elevator. Tuwang-tuwa ka, hindi naman totoo. Sira ka talaga. Eh, ano kung gusto ka niya para sa anak niya? Ang tanong doon, gusto ka ba ni Isagani? Huwag ka na kasing ambisyosa.
Natutop niya ang labi, naalalang kagabi ay nakalapat doon ang mga labi ng binata. Malamang na hindi na iyon maulit pa. Bumagsak ang balikat niya.
---
Don't forget to vote, leave a comment, and share.
Like my Facebook page as well: vanessachubbyThanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro