Chapter 15
Tutok na tutok ang atensiyon ni Bibi sa pinapanood. Naroon lamang siya sa kanyang silid, katabi si Happy sa kama. Tapos na siyang maglinis at kunin ang mga damit sa Laundromat. Wala siyang ginawa sa bahay ni Isagani kundi ang magpasarap. Pati nga sa paglilinis ay enjoy siya. May kung anong pang-aliw sa kanya ang vacuum cleaner nito. Hindi na siya nagwawalis, lahat ay bina-vacuum na lamang niya.
Noong umuwi siya noong weekend ay napansin ng kanyang ina na gumanda raw ang kanyang kulay, tumaba rin daw siya. Napapansin na rin naman niya iyon. Lahat kasi ng tsokolate doon ay siya ang umuubos. At kapag nakakain na siya, aaryahan niya ng tulog o panonood ng TV. At kapag nasa labas naman sila ni Isagani ay wala na rin siyang ginawa kundi kumain. Parang gustong-gusto naman nitong pakainin siya. Unang tanong nito parati sa kanya ay kung ano ang gusto niyang kainin.
Magdadalawang buwan na silang magkasama ni Isagani doon. Maraming pagkakataon na siya nitong naisama sa mga activities nito. Minsan ay sa isang sikat na golf course, minsan naman ay sa pag-skydive nito. Namamangha siya sa mga trip gawin ng lalaki. Hindi niya pala kaya ang ganoon.
Sa golf ay tinamad siya. Reklamo siya nang reklamo habang naglalaro sila nito. Ilang ulit siya nitong pinagsabihang huwag daw siyang maingay kapag tumitira ito. Katwiran naman niya, para lamang yata sa may sapak ang larong iyon. Papaluin ang bola, tapos ay susundan iyon kung saan iyon napadpad. Pagkatapos ay papaluin na naman at susundan na naman. Ang main goal ay ipasok sa isang maliit na butas iyon. At kapag napasok na, wala na. Dapat na masaya na sa ganoon. Ano ba namang klaseng laro iyon? Hindi talaga siya nag-enjoy.
Sa pag-skydive naman ay sadyang hindi siya nito napilit na tumalon. Una, ang lakas ng loob niya at nagyabang pa siya. Ang sabi niya ay mamaniin niya iyon. May parachute naman kasi. Isa pa, nakakasakay siya sa roller coaster nang itinataas pa ang mga kamay sa ere.
Sumama siya rito sa pag-skydive, nakinig pa sa intsruksiyon ng isang propesyunal. Pinayagan naman siyang tumalon dahil hindi siya solo. Magkayakap sila ni Isagani. Pero nang nasa ere na siya ay nabahag ang buntot niya. Ayaw sana ng binatang tumalon nang hindi siya kasama pero napaiyak na siya sa takot at mukhang nabahala ito sa reaksiyon niya at hindi na siya pinilit.
Nakapikit siya, hindi magawang pagmasdan ito. Hanggang makalapag ang maliit na eroplano ay nanginginig ang kalamnan niya. Inaway-away niya ito sa pagkapahiya niya, para hindi na siya tuksuhin. Isa pa, alam niyang mahal ang bayad doon at ibinayad siya nito, hindi naman siya tumalon.
Hindi ito tumigil sa katutukso sa kanya ng "duwag" hanggang makauwi sila. Inirap-irapan na lang niya ito. Hindi lang niya masabi ritong bago ito tumalon ay ibig na niyang manikluhod ditong huwag na nitong gawin iyon. Labis ang nadama niyang takot para dito at naging malaking dahilan ng pag-iyak niya iyon.
Nang makita nga niya itong nakangiting lumapit sa kanya ay muntikan na niya itong mayakap, kung hindi lamang niya naalalang magmumukha siyang timang kapag ginawa niya iyon. Alam niyang matagal na itong tumatalon mula sa eroplano, matataas na bundok, gusali, at kung anu-ano pa.
Nang matapos itong tuksuhin siya, inulan naman niya ito ng sermon. Sinabi niyang nagsasayang ito ng pera para lang sa isang bagay na maaaring ikapahamak nito. Tinawanan lang siya nito, parang balewala ang sinasabi niya.
Isa iyon sa mga bagay na nakakapagpainis sa kanya. Madalas na kapag may sinasabi siya rito ay ganoon ang reaksiyon nito. Minsan tuloy, pakiramdam niya ay wala naman siyang halaga rito. Kunsabagay, ano nga ba talaga ang halaga niya rito, maliban na lamang sa panangga kay Amber.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nito sinasabi sa kanya kung ano ba talaga ang nangyari sa mga ito, kahit ilang ulit siyang pasimpleng nagtanong. At hanggang ngayon, nalalabuan pa rin siya kung bakit ayaw na lang nitong tanggaping muli ang babae.
Ang babaeng iyon ay tumatawag pa rin magkaminsan doon sa apartment. Minsan pa nga ay siya ang nakakasagot. Alam niyang parating saglit lamang mag-usap ito at si Isagani. At kadalasan, kapag nangyayari iyon ay makikita niya ang binata sa gitna ng gabi na umiinom.
At kapag ganoon, ibig man niya itong samahan, ay nagkukulong na lamang siya sa kanyang silid. Larawan ito ng kahungkagan, ng kalungkutan. At habang naroon ito sa labas, nasa loob siya at walang tigil na pinapagalitan ang sarili sa nadarama niyang inis dito, kay Amber, at sa sitwasyon.
Meintras kasi nagdaraan ang mga araw ay lalo nang lumalala ang damdamin niya para sa binata kahit na anong pigil niya sa kanyang sarili. Ang hirap kasing hindi ito mapansin. Taong-tao ito. Iyon ang paglalarawan ng isip niya rito.
Minsan ay masungit ito, minsan ay mabilis mag-init ang ulo, pero sa pangkabuuan, mabait ito. Palabiro rin ito, komikero. At kapag kasama siya nito sa mga activities nito ay para bang nagturok ito ng isang bariles na Red Bull. Buhay na buhay ito. Maski simpleng basketball o badminton lang ang nilalaro nila, nag-uumapaw ang enerhiya nito.
Minsan din, nabibigla na lamang siya sa ginagawa nito. Mayroong minsang naglalaro sila ng chess ay makakatuwaan na lang nitong pindut-pindutin ang tungki ng ilong niya, ang tangos daw kasi. At hindi ito titigil hanggang hindi siya pikon na pikon na. Minsan naman, kapag nanonood ito ng TV sa sala ay tila hindi nito namamalayang nagsu-shoot ito ng popcorn sa bibig, pagkatapos ay itinatala sa isang papel ang miss and shoots nito. Weirdo rin ito magkaminsan.
At kadalasan din ay hindi nito napapansin na kapag may tatlong item itong nahahawakan ay nagda-juggle ito, kahit kausap siya. Aliw na aliw siya doon, kahit mukhang wala naman sa loob nito. Halimbawa ay iyong mga prutas sa mesa, o kandila sa coffee table na noong una niyang bilhin ay pinintasan pa nito. Nakakahilo daw ang amoy, pero mayamaya ay dyina-juggle na nito.
Isa sa mga napansin niya rito ay masyado itong malinis sa bahay. Ayaw na ayaw nitong may kalat. At may kusa itong mag-vacuum kapag may nakitang kahit na anong dumi, partikular na ang pagkain. Kaunting kalat lang ni Happy ay tangan na agad nito ang vacuum cleaner. Kahit napunasan na niya ang hapag, mag-spray pa ito ng disinfectant doon.
His little idiosyncrasies made him more endearing to her. At lalo niyang naiintindihan kung bakit ganoon na lamang ang pagsubok ni Amber na mabawi ito. Tatanga-tanga naman kasi ang babae at sinayang ang pagkakataon nito. Kung siya lamang ito, hinding-hindi na niya pinakawalan pa ang binata.
Kadalasan ay naitatanong niya sa sarili kung ano kaya ang kahihinatnan ng dalawa. Minsan, naiisip niyang marahil ay magkakabalikan din ang mga ito. Pero nagtataka siyang kahit tila gusto ni Isagani ay taliwas naman ang ipinapakita nito.
Alam niya, kung sakali man na dumating ang pagkakataong iyon ay sasama rin ang loob niya, kahit paano. Siyempre naman. Pero siguro ay matutuwa na rin siya dahil alam niya ang damdamin nito para sa babae. Isinasaksak na lang niya sa isip na pabor sa kanya na mukhang hindi pa magkakaayos ang dalawa. At least, mas lalaki pa ang pera niya sa bangko.
Nang makarinig siya ng pagkatok ay agad sinabi niyang pumasok na ito.
"You're eating in bed?" anito.
"Doritos. Favorite ko ito." Napangiwi siya. Nalimutan niyang kabilin-bilinan nga pala nitong huwag na huwag siyang kakain sa kama.
"Make sure you clean up afterwards and change the sheets, okay?" Tumango na lang siya. "Mamaya na 'yong poker game ko kasama sina Claudio."
"Oo, nakahanda na 'yong dadalhin natin." Naibilin na nito sa kanya iyon. Kapag poker night nito kasama ang mga kaibigan ay may dala itong kung anong pagkain. Sa pagkakataong iyon, pita bread at humus, pati na rin tabako na para lang naman sa mga kaibigan nito. Wala itong bisyo, maliban sa minsang pag-inom at araw-araw na pag-eehersisyo.
"Ay, oo nga pala, may dala ako, gawa ni Nanay. Hindi ko lang alam kung kumakain ka noon." Lumabas siya sa silid at nagtungo sa kusina. Nang magbalik siya ay dala na niya ang garapon ng burong hipon. Ganoon na lang ang pagtataka niya nang makitang nasa ibabaw ng kama niya si Isagani, nakatayo. May tinitingnan itong kung ano sa sahig, puno ng pangamba ang mukha. "Ano'ng nangyayari sa 'yo?"
"There's a roach!" Ang sama ng tingin nito sa kanya. "Ilang ulit na kitang sinabihang huwag kang kakain sa kama mo, ang kulit mo!" singhal nito.
Bigla siyang napatawa. "Ano ka ba? Ang laki-laki mong tao, takot ka sa ipis? Tingnan mo si Happy, parang natakot na rin sa 'yo." Nasa sahig ang aso, tila nagtataka rin sa amo. "Tumigil ka nga diyan. Sapakin kita, eh. Nasaan na?"
"Pumasok sa ilalim ng kama mo." Hindi pa rin ito bumababa sa kama. "Oh, fuck! Fuck! Fuck!" halos sigaw nito nang gumapang ang ipis sa kumbre-kama niya. Parang binabaril ang paang lundag ito nang lundag doon, iniiwasan ang ipis na mukhang nalito sa laki ng paang nagbabantang makapisak dito. Hanggang sa lumundag ito pababa ng kama at tumakbo sa gawi niya.
Napapantistakuhan na siyang napatingin dito. Nasa likod lang niya ito. Nakapamaywang ito, mukhang nagtatapang-tapangan, bagaman halatang-halatang takot ito sa ipis. Tagaktak ang pawis nito kahit malamig naman.
She snickered. Ang sama ng tingin nito sa kanya. Hinubad niya ang tsinelas at ekspertong tinaymingan ang ipis. Nang nasa nightstand na iyon ay hinampas niya. Nang lingunin niya si Isagani ay para bang diring-diri ito. Tinalikuran siya nito. Sumunod naman siya upang kumuha ng pandakot. Nang makuha ang ipis ay ipinakita niya iyon dito, nakangisi.
"Yummy!"
"Get that thing away from me, are you crazy?! Dammit, Bibi, I'm not kidding around this time, okay?!"
Natameme naman siya. "OA," bulong niya bagaman hindi niya malaman kung matatawa ba rito o ano.
"Change your sheets, clean your room. Disinfect the nightstand and your entire room. I'll clean up here," anito nang magbalik siya sa sala. Hawak na nito ang vacuum cleaner.
Hindi niya mapigilan ang paghagikigik. Tumigil lang siya nang marinig ang bulong nito. "Look, my mom died because of food contaminated by roaches."
"Ow?"
"That's what my father told me and I don't know if it's true or if he just told me that to keep me from spilling food all over the table, but the point is, I have this thing about roaches. They smell awful and they spread diseases so please don't start making fun of me. Roaches are nasty. And they're not funny."
"Bow." Nag-curtsy siya. Hindi niya lang mapigilan ang kanyang sarili.
"You are so...!" Iritadong nagbuga ito ng hangin.
Tinapik niya ito sa balikat. "Joke lang, ikaw naman. Natatawa lang ako sa 'yo. Alam mo kung ano ang sabi sa akin ng nanay ko?" Nagtuloy na siya sa silid, malakas ang tinig upang marinig siya nito. Sinimulan niyang palitan ang kubre-kama. "Sabi niya, 'Anak, 'wag kang matatakot sa ipis. Kahit mabaho sila at nagkakalat ng sakit, hindi ka dapat mag-alala kapag nakakita ka nito. Kumuha ka lang ng tsinelas, asintahin mo, at kapag nadale mo---tapos ang problema.'" Sumilip siya sa pinto at ngumiti sa binata.
Nakakunot-noo ito. "Sinabi niya talaga 'yon?"
"Hindi." Napatawa siya. "Ang nanay ko pa. Kapag umarte ako ng tulad ng ginawa mo, papaluin ako no'n."
"Tuwang-tuwa kang pagtripan ako." Mukhang nainis na naman ito.
"Uy, pero sa kanya talaga ako natuto ng tamang pagpatay ng ipis. Kumbaga, minsan lang siya nag-demonstrate, nakuha ko na. May technique kasi 'yang pagpatay sa ipis, eh. 'Ika nga sa librong nabasa ko, dapat 'sakto lang para hindi pisak. Kasi kapag napisak, titilamsik ang katas. Lalo na kapag juicy 'yong ipis. Kapag malusog, baga. Kapag gano'n ang nangyari---yuck!" Kinilig pa siya kunwa sa pandidiri.
Noon umalog-alog ang balikat nito, hanggang sa mapuno na ng halakhak nito ang kabahayan. "Luka-luka" daw siya. Parating iyon ang sinasabi nito sa kanya. Siya naman, tuwang-tuwa kapag napapatawa niya ito. Ang gaan-gaan ng loob niya kapag nakikita niya itong nasisiyahan. Lalo na kapag binabalikan niya ang eksena sa gabi at maiisip niyang marahil ay hindi ito napapatawa nang ganoon ni Amber.
Wala naman kasi sa hitsura ng babae na komikera ito. Pang-drama lang ito, saka pang-TF. Siya, pang-Bubble Gang. Personally, she would rather choose a person who would make her laugh. In the long run, that would count the most. Wouldn't it?
Sana lang ay dumaan sa isip ni Isagani iyon maski minsan lang. Ang kaso, paano naman iyon nito maiisip kung parang nakatatak na si isipan nito si Amber? Parang ayaw naman nitong mag-move on.
Ang gulo talaga ng buhay nito. Sana lang ay magtagal pa siya doon. Ayaw pa niyang tigilang patawanin ito. Kapag umalis siya, wala nang magpapatawa rito. Baka magtitigan lang ito at si Happy. Baka pagbalik niya roon ay makita na lamang niyang kapwa na mukhang kawawa ang mag-amo.
Nakangiting magkatulong na silang maglinis ng apartment. Naisip niya, ang sarap siguro nitong maging asawa. Tutulungan na siyang maglinis sa araw-araw, may kiss at haplos pa sa gabi... Lihim siyang napabuntong-hininga.
---
Don't forget to vote, leave a comment, and share.
Like my Facebook page as well: vanessachubbyThanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro