Chapter 1
"Gaano ba kahirap intindihin ang bilin ko, 'Nay? Wonder bra! Wonder bra lang, hindi pa 'ko mabilhan! Anong klase siyang tiyahin?!"
Nakatikim si Bibi ng tampal sa bibig mula sa ina. Nangapal ang pakiramdam niya sa mga labi, sa laki at taba ba naman ng kamay nito. Napanguso na lamang siya habang bubulong-bulong. Inaambaan siya nito ng sapak.
"Isa pa, ha? Isa pa!" banta nito, saka siya inirapan at inisa-isa na ang laman ng balikbayan box na padala ng pinsan nito. Minsan kada taon ay may balikbayan box na dumarating sa bahay nila, courtesy ng kanyang tiyahin, pinsan ng kanyang ina. Pinapadala nito iyon sa kung sinumang kakilala nitong uuwi ng Pilipinas.
At kahit kailan, hindi pa ito nagpadala ng kahit na anong item na nagustuhan niya. Sa katunayan, panay mga luma naman nitong gamit ang kalimitang ipinadadala sa kanila. Hindi naman kasya sa kanya ang mga padala nito dahil ang laki ng katawan nito. Ang damit nito, malaki na sa kanya ay lalo pang na-stretch sa paggamit nito.
Lahi ng matataba ang kanyang ina, isang bagay na hindi niya namana. Kahit kailan ay hindi siya naging mataba. Kaya nga gusto niya ng wonder bra, nang lumaki-laki naman ang kanyang dibdib. Kung ang sa iba ay mala-jumbo siopao o monay, ang sa kanya ay ga-puto lang tila.
"Khysthine Tintin" ang bansag sa kanya ng kanyang mga kaklase noong elementarya, hanggang high school. At noong magkolehiyo siya, ang naging katatawanan sa mga kaklase niya ay ang spelling ng pangalan niya. Ang baduy daw.
Hindi pa kasi nakuntento sa isang extra "H" ang tatay niya, kinailangan pa nitong dalawahin. At inartehan pa sa paggamit ng "Y" sa halip na "I" na lang. Ang simple-simpleng gawing "Kristine" ng pangalan niya, inartehan pa, hindi naman maganda ang kinalabasan.
Pero paano ba niya masisi ang tatay niyang noong nabubuhay pa at gumagawa ng love letter sa nanay niya ay pinipirmahan nito bilang "Dhavyd," kahit sa birth certificate nito'y "David" ang nakalagay? Sa katunayan, sa kanilang sala ay may malaking larawan ang mag-asawa, sa ibabaw ng larawang nakadikit sa makulay na cardboard ay may naka-lettering na: "Dhavyd and Jhosefhyne, Till Death Do Us Part, And Till Life After Death."
Ang kanyang palayaw na "Bibi" ay nagmula sa kapitbahay nila noong Bisaya na pinaglihihan daw siya. Nakagawian niyong magtungo sa kanila at tawagin siyang "Bibi," version nito ng "Baby." Hanggang kumabit na sa lahat ang palayaw na iyon sa kanya.
Lahat ng kaibigan niyang nakarating sa bahay nila ay hindi na nagtatanong pa sa kanya tungkol sa kanyang pangalan kapag nakita na ang larawan ng magulang niya sa sala. Ilang ulit na niyang isinuhestiyon sa nanay niyang ilipat na lamang iyon sa silid ng mga ito, at sa bawat pagkakataon ay nakakatikim siya ng tampal sa bibig. At noong nasumbatan niya ito tungkol doon---noong galit siya sa mundo dahil nag-break sila ng first boyfriend niya---ay hinabol siya nito ng walis tambo hanggang sa kanto.
May siyam na taon nang pumanaw ang kanyang ama, pero hindi na nag-asawa pang muli ang kanyang ina kahit maraming nanliligaw dito. Maganda ito kahit mataba. Kahawig niya ito kaya maganda rin siya. Ang kaso, hindi siya kailanman naging ligawin. Ewan niya kung bakit, pero ang sabi ng nanay niya, sobrang tapang daw kasi niya. "War freak" naman ang taguri sa kanya ng kanyang ate.
"I-text mo ang kapatid mo, sabihin mong may padala ang Tita n'yo."
"Piso na lang ang load ko, 'Nay!" angal niya.
Muli siya nitong inaambaan at wala na siyang nagawa kundi ipang-text ang last piso niya. Mayamaya pa'y naroon na ang kanyang Ate Jhessykha. Nakatira ito ilang bahay mula sa kanila. Taga-roon din sa kanila ang napang-asawa nitong isang maglulupa. As in nagla-landscape, may-ari ng tindahan ng mga halaman sa paso. Nasa highway ang puwesto ng mga ito. Ang bahay naman nila ay nasa mismong bayan, malapit sa simbahan.
"O, lukot ang mukha mo?" sita agad ng kanyang ina rito.
"Mahina ang benta ni Dado," tukoy nito sa asawa.
"Eh, paano 'yan? Sinabi ko nang 'wag muna kayong kumuha ng kung anu-anong hulugan! Paano ang pag-aaral ng mga bata ngayon? Hindi puwede ang ganyan!" Normal na sa kanilang ina na unang maisip sa ganoong mga sitwasyon ay negatibo.
"Makakabawi naman po siguro."
"Kung bakit naman kasi nagkakaganito ang bansa natin? Kaya si Guada, napakasuwerteng nasa Amerika na," patuloy nitong tinitingnan pa rin ang mga laman ng box. Pinuri na naman nito ang nagpadala, dakilang tagahugas ng puwit lang naman ng mga matatanda sa Amerika.
Hindi na nawala ang pagkakaismid niya dahil sa tuwing mapag-uusapan ang tiyahin niya, hindi maaaring hindi siya ihambing ng nanay niya doon at sabihang magtungo na siya doon.
Ang totoo, maayos na ang papeles niya. Paalis na sana siya ng bansa noong nakaraang taon upang makisama sa paghuhugas ng puwit ng matatandang Amerikano, ang kaso, dahil ayaw naman talaga niyang mag-abroad, sa huling sandali'y umatras siya. Galit na galit ang kanyang Tiya Guada, maging ang kanyang ina sa kanya.
Siya naman ay walang nakapang pagsisisi. Ayaw naman niyang magtrabaho sa ibang bansa. Wala naman siyang ibang makakasama doon, maliban sa Tiya Guada niyang hindi naman niya talaga ka-close. Isa pa, kung magtatrabaho siya doon, ang gusto niya ay iyong matinong visa. Gusto niya ay working visa, hindi tourist. Tourist lang ang nakuha niyang visa, pero hindi na daw iyong problema at doon na aayusin kapag naroon na siya. Ganoon daw ang naging style ng tiyahin niya noong nag-abroad ito. Ayaw niya ng ganoon.
Hindi naman siya nagkamali ng hinala, pinuntirya na siya ng kanyang ina.
"Napakaraming tao ang nagpapakamatay makarating lang sa Amerika, habang ang ilan diyan, eh, sinayang ang pagkakataon. At pera." Inirapan siya nito.
Hindi na siya umimik. May karapatan naman itong sermunan siya. Ito ang nag-effort nang todo para sa mga papeles niya, ang gumastos. Isa pa, ikinonsidera na niya ang sermon nitong alam niyang walang katapusan bago pa siya magpasyang umatras. Ang totoo, napilitan lang naman siyang umoo noong simula.
Mahigit dalawang taon na ang nakakaraan mula noong magsimula ang kanyang inang ayusin ang papeles siya. Noong panahong iyon ay sawing-sawi siya sa pag-ibig, at nawala sa kanya ang kanyang best friend. Dahil sa best friend niya siya na-in love, kay Leandro.
Bakla si Leandro. At kailanman ay hindi ito naging lalaki, kahit pa noong kaklase niya ito sa high school. Pero hindi ito stereotype na bading. Hindi ito nagdadamit-babae o nagme-makeup kaya. Pero bading talaga ito at hindi nito iyon inililihim. Pero natagpuan niya ang sariling in love dito. Hindi niya kayang ipaliwanag kung paano nangyari iyon.
Umasa siyang magagawa niya itong lalaki. Wala siyang ibang maikatwiran sa katangahan niyang iyon, maliban na lamang sa na-in love siyang talaga. Ipinagtapat niya rito ang nadarama niya, kasabay ng suhestiyong tutal naman ay kapwa sila walang love life, baka maaari nilang subukang maging sila.
Katwiran pa niya, matutuwang tiyak ang mga magulang nito kapag naging sila. Kilala siya ng mga iyon at kasundo siya. Pero ang masaklap na katotohanan ay talagang bakla si Leandro. Nagkataon lang na konserbatibong bakla ito. Ayaw lang nitong mag-boyfriend nang basta boyfriend lang. Ang nais daw nito ay iyong tototohanin ito.
At nasira ang kanilang pagkakaibigan. Dahil inaway-away niya ito nang pagtawanan siya. Napahiya siya. Binatuk-batukan pa niya ito. Ang lahat ng sakit, lahat ng pagkapahiya, sa pambabatok dito niya ibinuhos. Iniwasan na niya ito kahit pa pinilit nitong mabalik sa dati ang samahan nila. Nahiya kasi siya rito sa inasal niya.
Para bang ayaw tumimo sa isip ng lahat ng nakaalam na totoo ang nadama niya para rito. Kalokohan daw iyon. Balde-baldeng luha ang naubos niya kay Leandro.
At noong sa wakas ay lumipas na ang damdamin niya para dito ay ayos na ang papeles niya. Hindi na niya feel lumayo. Magkaibigan na kasi silang muli ng bakla, pinansin na lang niya ito isang araw na kawayan siya nito. Natanggap na niya na kailanman ay hindi magiging sila. Panahon lang ang kinailangan niya upang mawala ang damdamin niya para rito.
"Uugatin ka na dito sa Pilipinas, wala ka pa ring ipon, Khrysthine."
"May konti naman po akong ipon."
"Ay sos!" Sarkastiko itong nagbuga ng hangin. "Nakita ko ang libreta mo, aanim na libo ang laman. Magbe-beinte otso ka na, sasais mil lang ang pera mo sa bangko? Hindi ka namin pinag-aral ng college para lang makaipon ng ganoon kaliit sa ilang taon mong pagtatrabaho! Sooos!"
"Mag-aasawa ako ng mayaman, 'Nay," pamimilosopo niya. Ang pera sa kamay niya ay parang tubig na sinalok ng kamay. Kasusuweldo pa lang niya, kamukat-mukat niya'y ubos na ang pera, wala naman siyang matinong nabili.
"Ay sooos! Makakatipo na rin lang, gusto pa iyong bakla." Hindi naman naging lihim dito ang pagkakagusto niya sa best friend niya. Ilang gabi siya nitong kinatok sa ingay ng pag-iyak niya. Noong una lang ito labis na nag-alala, kalaunan ay na-bad trip na sa kanya. Sana man lang daw ay sa lalaki niya sinasayang ang luha niya, hindi sa bading. Gayunman, aliw na aliw ito kay Leandro. Paborito nito ang bading.
"Tapos na po 'yon, 'Nay. Kayo naman, eh, hindi na nakalimot!"
Inignora nito iyon. "Pati pang-load, minsan sa akin pa humihingi."
"Kayo rin naman ang umuubos ng load ko, eh, kung sinu-sino ang pinapa-text n'yo sa 'kin. Hindi na lang kayo bumili ng sarili n'yong cellphone."
Inabot nito ang throw pillow at ihinampas sa kanya. Karaniwang eksena na ang ganoon sa kanila. Masunurin naman silang magkapatid dito, kahit pareho silang pilosopo at madalas mapalo. Sa edad nila ng kapatid niya ay napapalo pa sila. Hindi na nga lang sa puwit, kundi sa lahat ng bahagi ng katawan. Hindi na sinturon, kundi kamay, diyaryo, unan, o kahit na anong hindi masyado nakakasakit na bagay na mahagip ng kamay ng nanay nila.
Kahit naman madakdak ito at kahit mahilig mamalo, napakabait nitong ina. Dati itong empleyado ng Mercury Drug at retirado na. Nakakakuha ito ng benepisyo mula sa kompanya at SSS nito at ng kanyang ama, at sa insurance benefit ng ama niya. Mas malaki pa sa suweldo niya nang ilang ulit ang natatanggap nito buwan-buwan pero ang dami nitong tinutulungang kamag-anak. Isa pa, ito pa rin ang nagbabayad ng lahat ng bills. Bihira siyang mag-abot dito dahil kadalasan ay kulang pa sa kanya ang suweldo niya.
Nagtatrabaho siya sa isang factory ng ball pen at lighter, isang bayan malapit sa kanila. Nasa HRD department siya doon. Umuunlad naman siya kahit paano dahil mula sa pagiging clerk, ngayon ay hiring officer na siya. Pero ang suweldo niya, barya pa rin. Tama sa maraming pagkakataon ang kanyang ina.
Mas maraming newly grads ang mas malaki sa kanya ng ilang libo ang sahod. Iyon nga ang dahilan kung bakit plano na niyang mag-resign. Parang walang pupuntahan ang career niya. Akala lang naman ng nanay niya na wala siyang ambisyon, mayroon naman. Nagkataon lang na dalawang ulit na magkasunod siyang nasawi sa pag-ibig kaya inuna niyang pagtuunan ang sarili niyang damdamin kaysa career.
Una ay na-in love siya sa anak ng mayor nila. Naging nobyo niya ito noong konsehal pa lang ang ama nito ng bayan. Bago sumapit ang eleksiyon, nakabuntis ito ng iba at nagpakasal doon. Bulyaw at sapak ng nakuha nito sa kanya. Luhaan siya sa loob ng dalawang taon. Ilang panahon pagkatapos noon, si Leandro naman ang kinabaliwan ng puso niyang eengot-engot.
Plano niyang makaipon para makapagtayo ng sarili niyang negosyo. Sawa na siyang mangamuhan. Hindi pa niya alam kung anong negosyo ang itatayo niya. Baka ukayan, tutal ay suki siya noon. Balak din niyang lumipat sa call center. Mas malaki ang kita doon, ayon na rin kay Leandro na sa isang call center sa Alabang nagtatrabaho. Puwede naman siyang mag-uwian dahil isang oras lang naman ang biyahe mula sa kanila hanggang sa Alabang.
"O, sa 'yo ito." Inabot sa kanya ng ina ang isang blusa.
"Ay, ang chaka, ayoko."
"Chakahin ko ang mukha mo diyan! Ikaw na ang binibigyan, ikaw pa ang ayaw."
"Eh, iisa nga lang po ang gusto ko---wonder bra! Aray naman, 'Nay!" Nakasimangot na nahimas niya ang parte ng ulong hinigitan nito ng buhok. "Ang mahal-mahal ng wonder bra sa SM, tumingin ako. Sabihin n'yo na sa Tiya Guada na padalhan na lang ako."
"May trabaho ka, bumili ka."
"Iyon na nga po ang gusto kong sabihin sa inyo. Magre-resign na po sana ako sa susunod na linggo."
"At bakit? Tatambay ka lang dito?" Sinabi naman niya rito ang plano niya. Madamdamin nitong inilapat ang palad sa dibdib saka tumingala sa kisame. "Salamat, David, at narinig mo na rin ang bulong ko! Nagkaroon din ng ambisyon ang bunso mo!"
Umusli ang nguso niya nang humalakhak ang ate niya at ina.
---
Follow, vote, leave a comment, share.
Like my FB page: vanessachubby
Thanks.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro