Kabanata 5
SUMAPIT ANG GABI ay naging tahimik lamang ako. Umalis si Tita habang naiwan naman si Tito upang libangin kami ni Evonne. Ilang oras ang lumipas ay hindi pa rin ako umimik. Alam kong ramdam iyon nitong katabi ko na siyang kanina pa nangungulit sa akin.
"Gusto mong umuwi?" Tanong ni Evo sa akin.
Lumingon ako sa kanya at umiling. "Hindi, dito lang tayo."
"Okay ka lang ba? Pasensya ka na kay mama kanina—"
"Okay lang ako. Naintindihan ko naman si Tita kung galit siya sa akin. Hindi ko naman siya masisisi, Evonne. Naging parte si Rienna sa buhay mo, sa buhay niyong lahat. Tapos bigla akong sumulpot nang mawala ang kaibigan ko." Pagputol ko sa kanyang sasabihin.
"Sarang naman..."
"Alam ko naman na mahirap siyang palitan. Tanggap ko naman iyon, Evonne. Kahit ipamukha niyo sa akin ang kamalian ko, sa simula palang, alam kong mali 'yong ginawa ko." Mahina kong sabi bago yumuko.
"Sarang, it's not like that—"
"What is not like that? Na hindi galit sa akin si Tita? Na hindi mahirap palitan si Rienna sa buhay niyo? O baka naman sa buhay mo, Evonne?"
"Ito na naman ba ang pag-aawayan nating dalawa? Si Rienna na naman ba? Siya na lang palagi ang laman ng away natin, a."
Hindi ako sumagot sa tanong niya. Alam ni Evo kung bakit si Rienna ang palaging pinag-aawayan naming dalawa.
Alam niya, pero wala siyang ibang ginawa kung hindi ang ipamukha sa akin ang katotohanan. Ang nag-iisang katotohanan na matagal kong tinanggap. Nanatili ako sa buhay niya, umaasa na sa huli ay ako naman ang lingunin niya—na ako naman ang mahalin niya.
Pero pinapaasa ko lang ang sarili ko sa wala.
Kahit anong gawin ko ay si Rienna pa rin ang mahal niya, ang mamahalin niya hanggang sa huli.
"Kung sabagay, hindi mo naman ako mahal, 'di ba? Hindi mo rin ako kayang mahalin. Sino ba naman ako? Hindi naman ako si Rienna upang mamahalin mo at kahit kailan ay hindi ako magiging siya."
"Sarang!"
Umiling ako saka tumayo sa aking kinauupuan. "Mabuti pa siguro na itigil na natin ang kahibangan na ito, 'no? Ako lang din naman ang masasaktan sa huli, e."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Tumayo si Evonne at hahawakan sana ang aking kamay nang humakbang ako paatras. Lumayo ako sa kanya kasabay ang pagtulo ng mga taksil kong luha.
Gusto ko siyang yakapin at bawiin ang mga sinabi ko. Pero alam kong ito ang mas makabubuti para sa aming dalawa.
"Sarang, let's talk this out, okay? Galit ka lang."
Sa ikalawang pagkakataon ay umiling ako. Pinahiran ang mga luhang walang tigil na dumaloy sa aking pisngi.
"Galit? Hindi ako galit, Evonne. Buo na ang desisyon kong makipaghiwalay sa 'yo. Hirap na hirap na akong itaguyod ang isang relasyon na walang patutunguhan. Alam mo bang mahirap igapang itong relasyon natin sa umpisa palang?"
"Huwag naman ganito, Sarang. Sinusubukan ko naman, 'di ba? Aminin kong mahal ko pa si Rienna. Tangina. Oo, mahal ko pa siya hanggang ngayon. Pero huwag mo naman akong iwanan. Gagawin ko lahat, please lang, huwag mo akong iwan."
"Sinubukan?" Hindi makapaniwalang tanong ko kay Evo. "Tangina mo, Evonne! Tatlong taon na ang lumipas. Ano'ng nangyari? Anong napala ko? Wala, 'di ba? Dahil si Rienna pa rin ang laman ng puso't isipan mo, Evonne."
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi. Pinipigilan ang bawat hikbi na lumalabas sa aking bibig. Tiningnan ko sa huling pagkakataon si Evonne at nginitian siya.
Minsan darating din ang oras kung saan napapagod ka na lang bigla. Sana pala ay hindi na ako nagmahal kung ang magiging kapalit lang naman nito ay sobra-sobrang sakit. Sana pala ay pinigilan ko ang aking sarili na mahalin ang isang taong hindi pa tapos magmahal ng iba.
Happy ending? Mga bata lang siguro ang naniniwala niyan.
Palabas ako ng bahay nang makasalubong ko si Tita. Mabilis akong nagpaalam sa kanya bago tuluyang umalis—umalis sa buhay ni Evonne.
---
"ANG SUWERTE MO," sabi ko.
Sinindihan ko ang kandila bago ito inilagay sa tabi ng mga preskong bulaklak. Malakas ang hampas ng hangin sa aking mukha, na para bang sinasampal ako sa masakit na katotohanan. Nakaupo lang naman ako sa harap ng puntod ni Rienna at kinakausap siya.
Inilagay ko sa aking dibdib ang isa kong kamay at bumuntong hininga. Masakit? Tanga lang siguro ang hindi makaramdam ng sakit. Pero habang tumatagal ay para bang may humahaplos sa aking dibdib at gumaan ang aking pakiramdam.
Malayo sa katotohanan na masaya ako sa nangyari sa amin ni Evonne, pero nakahinga naman ako ng maluwag.
"Alam mo bang marami pa rin ang nagmamahal sa 'yo kahit wala ka na?" Kumuha ako ng isang rosas at isa-isang tinanggal ang mga talulot nito. "Pasesnya ka na kung hindi ako dumalo noong ikatlong anibersaryo ng pagkamatay mo, naging abala lang ako sa ibang mga bagay."
More like, iniwasan ko ang mga magulang mo at mga magulang ni Evonne.
Kinuha ko ang aking cellphone sa bag. Nakailang tawag na sa akin si Evonne na kanina ko pa binalewala at ilang mga mensahe na hindi ko binasa.
Sa pagkakataon na ito, gusto ko munang hanapin ang aking sarili.
May mga bagay talaga na mahirap bitawan, ngunit maluwag sa pakiramdam sa oras na ginawa mo 'to. It was not the nicest decision, but it was for the best. Kung ipagpatuloy ko ang aming relasyon, hindi lang naman kami ang masasaktan kung hindi pati na ang mga tao sa aming paligid.
"Kumusta ka na? Galit ka siguro sa akin, 'no? Kung hindi dahil sa akin, buhay ka pa sana ngayon," Hinaplos ko ang kanyang lapida at ngumiti. "Hindi mo na lang sana nalaman ang totoo kong naramdaman para kay Evonne, Rienna."
Bumuga ako ng hangin sabay tayo. Tiningnan ko ang kabuuan ng sementeryo. Tahimik ang buong paligid, maganda, walang isturbo sa aking pagmumuni-muni.
Sana pala nandito si Aldrid at damayan niya ako sa paghihinagpis ko.
"Huwag na pala, mas lalo lang akong kamuhian ng lalaking iyon." Bulong ko sa aking sarili.
Naglalakad ako palabas ng sementeryo na wala sa katinuan. Iniisip kung ano ang mangyayari sa akin pagkatapos ng araw na 'to. Kay Evonne lang naman umiikot ang aking buhay at isipin ko palang na aalis ako ng kompanya, mukhang walang pag-asa ang buhay ko.
Hiwalay na kami.
Ano'ng kasunod na hakbang?
Move on?
Loko. Hindi ako mabubuhay kung iiyak ako hanggang sa mawala ang sakit sa puso ko. Mananatili ang lahat, kahit anong mangyari at kahit anong gawin ko.
"Going somewhere?"
Tumigil ako sa paglalakad at tiningnan ang taong nagsalita. Sa labas ng bakod ay may isang lalaking nakasandal sa isang itim na lamborghini veneno. May hawak siyang rosas sa kanyang kaliwanag kamay at kandila naman sa kabila.
Seryeoso ang kanyang mukha at ilang segundo lang ay nakita ko siyang ngumiti. Gusto kong tumakbo at yakapin siya ng sobrang higpit at umiyak sa kanyang mga bisig katulad noon. Siya lang ang naging sandalan ko simula noong mga bata pa kami.
Siya lang ang naging takbuhan ko.
"Aldrid..." bulong ko sa kanyang pangalan.
"May gusto ka bang puntahan?" Tanong niya sa akin. Sa tono ng kanyang pananalita ay alam kong alam niya ang nangyari.
May mga pakpak ang balita. Kaya hindi nakapagtataka kung alam ni Aldrid ang nangyari sa amin ni Evonne.
Hindi ako nagdalawang isip na tumakbo at yumakap sa kanya. Ibinuhos ko lahat-lahat ng sakit sa aking puso. Kahit alam kong naririndi sa aking mga kuwento si Aldrid ay nanatili siya sa aking tabi, nakikinig, hanggang sa sumapit ang gabi.
Nakaupo kaming dalawa sa loob ng sasakyan ni Aldrid. Bukas ang bubong habang nakikinig kaming dalawa ng musika.
"Hindi ko akalain na makikita kita rito," sabi ni Aldrid sa gitna ng katahimikan.
"Ibinalita ko lang kay Rienna ang nangyari. Hindi ko naman inakalang ipapadala ka pala niya para sa akin." Biro ko.
"Alam mong hindi ako galit sa 'yo, 'di ba?"
Nilingon ko si Aldrid na may pagtataka sa aking mukha. "Sa simula palang ay alam kong galit na ang mga tao sa akin. Kaya hindi nakapagtataka kung galit ka rin sa akin dahil sa nangyari."
Inilapit ni Aldrid ang kanyang mukha sa akin. Nagkatitigan kaming dalawa hanggang sa umiwas ako. Kung alam niya ang sikreto ko, alam ko rin ang sikreto niya.
"Kahit kailan ay hindi ko magawang magalit sa 'yo, Sarang."
Tumango ako sa sinabi niya. "Alam ko—alam ko, Aldrid."
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro