✾.special chapter.✾
.five years ago.
INAYOS NI NOX ang kuwelyo ng suot niyang blazer. Binalak niyang magsuot ng hoodie pero alam niyang maiinis si Remi kahit pa semi-formal naman ang tema ng debut nito.
Napailing siya bago itulak nang marahan ang glass door papasok sa venue. Habang lumalakad papunta sa bar, inayos niya ang buhok. Medyo naiirita na rin siya sa wax, madikit sa kamay.
Katulad ng inaasahan, hindi pumayag si Remi na magkaroon ng isang formal party na may kung anu-anong seremonya.
Magkahalong amoy ng alak, pawis, at sigarilyo ang bumungad sa kanya. Dahil open bar at libre ang lahat ng inumin, lasing na ang karamihan.
Napakunot ang noo niya nang makitang halos gumapang na ang isang babae, makalapit lang sa bar counter.
"Orion Nox is in the house!" narinig niyang sigaw ni Remi mula sa kung saan. Kaagad itong lumapit at kumapit sa braso niya. "What took you so long?"
"You're drunk, Rem," pinisil niya ang kaliwang pisngi nito, "Nasaan ba si Fritz?" Nagpalinga-linga siya sa paligid. Halos wala siyang makita dahil sa malilikot na ilaw.
"Sabi niya, magpakasaya raw ako, e," nakanguso nitong sagot sa kanya, "May tiwala naman daw siyang hindi mo 'ko pababayaan."
Lalong kumunot ang noo niya. "Nasa'n ba siya?"
Bumuntonghininga siya nang mapansing basa ang suot nitong itim na bestida. Mukha ring matapang ang alak na ininom nito.
"Nand'yan lang 'yon sa tabi-tabi. Ay, oo nga pala!" ngumisi ito sa kanya, "May ipapakilala ako sa'yo!"
"Rem, I'm with Liv," natawa siya nang mahina, "Nakalimutan mo na ba?"
"Gago ka, a! Hindi ako gano'ng kaibigan," kumapit ito sa balikat niya nang muntik itong matumba, "Ipapakilala lang kita."
"Ipapakilala mo 'ko dahil?"
"Ayoko kay Olivia, okay? She's a bitch," umismid ito, "No offense, 'ha? But, yeah. . . she's a bitch. Hindi mo lang pansin kas―"
"Okay, I have to stop you right there," napailing siya, "I love her, okay?"
"I'm not asking you to leave her! Saka, I do not tolerate cheaters!" pumadyak pa ito na parang batang nagmamaktol, "Ipapakilala nga lang kita."
Suminghap siya bago akayin si Remi papunta sa bar counter. Tinulungan niya itong makaupo sa isa sa mga pulang stools.
Umupo siya katabi nito. Sa kaliwa niya si Remi at isang hindi pamilyar na babae ang natutulog sa bandang kanan niya.
"Dito ka lang, 'ha? Hahanapin ko lang sandali si Fritz para maihatid ka na." Mahina niyang sinampal ang pisngi nito, baka sakaling mawala 'yong epekto ng alak.
Muntik siyang mapatalon sa gulat nang may kumapit sa kanang braso niya. Mapungay ang mga mata ng babaeng iyon. Mukhang galing sa pag-iyak. "'Wag mo 'kong iwan," bulong nito sa kanang tainga niya. Tinanggal nito ang suot na salamin sa mata.
Tumunghay si Remi. "Lulu!" tinulak siya nito at yumakap sa babaeng kumapit sa kanya, "Akala ko, nawala ka na naman, e!"
Suminghot ang babae, parang pinipigil ang iyak. "Hindi ako mawawala!" pilit nitong nilakasan ang boses, "Sino ba 'to?" Mahina nitong hinampas ang kanang balikat niya.
Hinatak siya ni Remi palapit do'n sa babae. "Luna, this is Orion Nox. Orion Nox, this is Luna," bigla itong tumawa nang malakas, "Okay, tinatawag na 'ko nila Annie! Nox, ikaw na bahala sa kanya, 'ha? I will be right back." Parang bula itong nagpatianod sa mga tao at tuluyang nawala sa paningin nila.
Tumikhim siya. Pasimple niyang tiningnan ang katabing si Luna. Minamasahe nito ang sentido ng ulo. Mukhang hindi na nito kaya ang magkahalong ingay, amoy ng alak, at nakahihilong mga ilaw.
"Are you okay?" naiilang niyang tanong. "Kung gusto mong umuwi na, ihahatid na kita."
"Ayoko nga!" natawa ito, "Minsan lang mag-debut si Remi!"
"Anong minsan? Isang beses lang 'to. Pagkatapos, trabaho na ang aatupagin niyan." Matipid siyang ngumiti.
Pinaningkitan siya nito ng mata. "Ang sentimental mo naman! Soft boy ka, 'no?" Muli nitong pinisil ang kanang balikat niya. Paulit-ulit nitong ginawa iyon. Ipinikit niya ang mga mata.
Great. Now, I'm stuck with a drunk stranger.
Huminga siya nang malalim. "Luna, right?"
Tumango lang ito at kinusot ang mga mata. Pagkatapos ay isinuot nito ang salamin sa mata. Lalong kumalat ang itim nitong mascara.
"Anong gusto mong gawin?" Wala naman kasi siyang magagawa kundi sumunod sa gusto nito. Lasing ang babae at hindi magandang makipagtalo sa lasing. Wala iyong patutunguhan.
Malapad itong ngumiti bago hawakan ang kanang kamay niya. "Sayaw tayo!" Hinatak siya nito papunta sa gitna. Mas maraming tao roon. May mga naghahalikan. Mayro'n ding mga sumasayaw lang.
Sumunod at nakisakay na lang siya rito.
Mabilis at malakas ang kanta. Ni wala ngang lyrics iyon. Puro beats na malalakas lang, 'yong tipong nakalilindol na ang sahig.
Pero iba yata ang pagsayaw na gusto ni Luna. Ilang beses itong umikot habang hawak ang kanang kamay niya. Papalapit at papalayo ang ikot nito mula sa kanya. Ngumiti lang ito habang nakakunot ang noo niya.
Unti-unti siyang nakaramdam ng pagkahilo. Kararating lang niya at ni isang patak ng alak ay wala pa siyang naiinom.
Hindi ako 'yong umiikot pero bakit ako nahihilo?
Puwedeng nahihilo siya dahil sa atmosphere sa venue. Puwede ring dahil kay Luna.
Naramdaman na lang niya ang sariling nakatitig sa nakangiting mukha ni Luna. Nanatili itong nakahawak sa kamay niya habang sumasayaw nang hindi nakaayon sa kanta ang bawat hakbang.
"Gusto ko nang umuwi," naluluha nitong sabi, "Ihahatid mo naman ako, 'di ba?" Ngumuso pa ito.
Ilang beses siyang kumurap. Para siyang nagising mula sa isang magandang panaginip. "Syempre. Iniwan ka sa'kin ni Remi, e."
"Yay!" Para itong batang nagtatalon sa tuwa.
Sinabit niya ang isang braso nito sa leeg niya, inaalalayan itong tumayo. Inakay niya ito palabas ng venue. Hirap niyang itinulak ang glass door palabas.
Halos hindi na makalakad si Luna. Namungay pang lalo ang mga mata nito. Inaantok na yata.
Ilang saglit pa at naramdaman niyang tumigil na ito sa paghakbang.
Tulog na siguro.
Napapikit siya sa inis. Pinaupo niya si Luna sa gilid. Marahan niyang tinapik ang pisngi nito. "Luna, wake up."
Umungot lang ito. Nag-unat pa ito ng mga binti.
Ikinawit niya ang kaliwang braso nito sa batok niya. Malakas siyang suminghap bago ito buhatin.
Mabuti na lang at nasa first floor lang ang venue. Ilang hakbang lang iyon mula sa kotse niya.
Nagmamadali niyang binuksan ang pinto ng sasakyan. Inalalayan niya si Luna para makaupo ito nang maayos sa passenger seat. Ikinabit na rin niya ang seat belt nito.
Saka lang niya ito napagmasdan nang malapitan pagkatapos niyang umupo sa driver seat. Isang dilaw na summer dress ang suot nito, spaghetti straps. Medyo mataas din ang takong ng suot nitong sandals.
May bitbit din itong handwoven na bag.
Bumuntonghininga siya. Muli niyang tinapik ang pisngi ni Luna. Medyo malakas na kumpara sa nauna. "Luna."
"Hm?" sumiksik ito sa bintana, "Bakit?" Nanatiling nakapikit ang mga mata nito.
"Sa'n kita ihahatid?" Napakamot siya sa batok.
"Alam mo ba. . . you're all the same." Mahina pa itong tumawa.
Naningkit ang mga mata niya. "Ano?"
"Pare-pareho kayong lahat!" sigaw nito kasabay ng pagmulat ng mga mata.
Huminga siya nang malalim, nagtitimpi. Nanalangin na rin siya para sa mas mahabang pasensya. Dinukot niya mula sa bulsa ng blazer niya ang isang kaha ng sigarilyo. Kumuha siya ng isang stick at sinindihan iyon.
"Nakikinig ka ba sa'kin?" pagmamaktol nito, "Lahat naman kayo, hindi nakikinig, e!" Mabilis nitong inagaw mula sa kanya ang stick ng sigarilyo.
"Luna naman," reklamo niya, "Akin 'yan, e."
Humithit ito mula sa sigarilyo. "May isang kaha ka kaya d'yan!" pangangatwiran nito habang nakanguso sa blazer niya.
"Babae ka," umismid siya, "Akin na sabi, e."
"Putangina naman! 'Wag ka ngang sexist!" Muli itong humithit mula sa sigarilyo. Nagmamadali nitong binuksan ang bintana para doon ibuga ang usok.
Tinitigan niya lang nang mabuti si Luna. Medyo mapula na ang magkabila nitong pisngi. Epekto siguro iyon ng alak. Napansin din niya ang pagkunot ng noo nito sa tuwing humihithit ito mula sa sigarilyo.
Ipinipikit din nito ang mga mata sa tuwing magbubuga ng usok palabas ng bintana. Medyo natatakpan kasi ng usok ang salamin nito sa mata. "Putangina. Don't stare at me." Umirap ito sa kanya. Matalim, parang nagbabanta.
Natawa siya nang mahina. "Ang dumi ng bibig mo."
Pinaningkitan lang siya nito ng mga mata. "'Tangina niyong lahat," umismid ito, "Pati ikaw, Eros! 'Tangina mo!"
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. "Sinong Eros? Ex mo?" pang-uusisa niya.
"Seryoso ka bang 'di mo siya kilala?" maluwang itong napangiti, "Siya 'yong God of Love na asawa ni Psyche at anak ni Aphrodite."
Matipid siyang ngumiti kay Luna. "Bakit mo siya minumura?"
"I hate him. I hate love and his antics. Laging mali, e."
"Baka 'yong tao ang mali."
Kumunot ang noo nito sa sinabi niya. "E, siya 'yong pumapana."
"Oo pero siguro, pagkatapos niyang panain, tapos na 'yong trabaho niya. Kumbaga, tao na ang dapat na gumawa ng paraan."
"You're good," nangingiti nitong sabi, "May girlfriend ka na ba?"
"Mayro'n. Her name's Olivia," nangingiti niyang sabi.
Bumuntonghininga ito. "I guess you're happy with her."
"Ha?"
"I mean, the way you defend love. . . parang masaya ka," mahina itong natawa, "Halata sa'yo na masaya ka."
"That's actually nice to hear from a stranger," tumikhim siya, "Sa'n ka nga pala nakatira? Ihahatid na kita."
Muling naningkit ang mga mata nito sa kanya. "Hindi ba magagalit girlfriend mo?"
"No, I don't think so. Responsibilidad kita. Like I said earlier, sa'kin ka iniwan ni Remi," ngumiti siya, nagbigay ng assurance, "Ihahatid lang naman kita. No funny business."
Kinagat nito ang pang-ibabang labi, parang nag-iisip. Maya-maya pa ay kinalkal nito ang bag. "Ayan," may inabot ito sa kanyang card, "Kahit 'wag mo na 'kong ihatid sa mismong unit ko."
Tinanggap niya ang binigay nitong card. "Alam ko 'to. Nagpahatid na sa'kin dati si Remi papunta dito, e."
"That's good to hear," inilahad nito ang kaliwang kamay, "Aurora Luna Vera Francisco. Middle name ko 'yong 'Vera'. Puwede mo 'kong i-add sa Facebook."
Napangiti siya. "Orion Nox Alonzo," tinanggap niya ang kamay nito, "Pleased to meet you."
"Same with you," matipid itong ngumiti, "Okay lang ba kung matulog muna 'ko?"
"Yep." Tumango siya.
"Sure ka, 'ha?"
Muli siyang tumango. "Gigisingin kita kapag nando'n na tayo."
"Thanks." May sindi pa rin ang hawak nitong sigarilyo pero itinapon nito iyon sa labas ng bintana.
Napailing na lang siya sa ginawa ni Luna. Muli nitong sinarado ang bintana ng sasakyan at doon sumandal samantalang binuhay niya ang makina.
Nagsimula siyang magmaneho. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ang tulog na si Luna. Baka kasi hindi na ito kumportable lalo pa't mukhang masakit sa leeg ang pagkakahilig ng ulo nito sa bintana.
Why should I care?
Mariin siyang kumurap. Ilang beses niyang inulit iyon. Baka nahahawa na siya sa kalasingan nito. . . pero hindi naman iyon nakahahawa, hindi ba?
Pansamantalang natigil ang kanyang pag-iisip nang mag-vibrate ang phone niya sa bulsa ng blazer. Kaagad niyang sinagot ang tawag doon. "Hello?"
"Where the hell are you?" pambungad ng girlfriend niyang si Olivia sa kabilang linya, "Ang sabi mo, sasaglit ka lang d'yan."
"I'm driving, Liv. Pauwi na 'ko. Ihahatid ko lang 'tong si. . ." sumulyap siya kay Luna, "Remi. Lasing na lasing kasi, e."
"Sige, ingat ka, 'ha?" bakas ang pag-aalala sa tono nito, "Tell Remi I said 'happy birthday'. Love you."
Bumuntonghininga siya. "I will. Love you, too."
Paulit-ulit lang ang nangyari pagkatapos niyang ibaba ang tawag na iyon.
Okasyunal ang pagsulyap niya kay Luna, parang may schedule at time intervals. Sa tuwing may baku-bako sa daan, susulyapan niya ito. Hindi lang kasi talaga siya mapanatag sa posisyon nito. Para kasing hindi ito kumportable.
Again, why should I care?
Halos hatinggabi na nang makarating sila sa condominium building nito. Pinatay niya ang makina ng sasakyan. Huminga siya nang malalim bago tumingin kay Luna.
Hindi niya alam kung bakit gano'n ang reaksyon niya. Para siyang bumubuwelo na ewan.
Bahala na.
Marahan niyang tinapik ang pisngi ng babae. Nang umungot lang ito ay pinisil niya ang kaliwa nitong pisngi. Mapula pa rin iyon dahil sa alak. "Luna."
Kinusot nito ang mga mata. "Shit," umayos ito ng upo bago alisin ang seat belt, "Thanks for not taking advantage of me." Matipid itong ngumiti.
Tumikhim siya. "Sure?" patanong ang tono niya, hindi sigurado kung ano bang pinahihiwatig ng babae, "Hindi na kita ihahatid sa taas, 'ha?"
"Oo naman. Kahit 'wag na," isinabit nito ang strap ng bag sa kanang balikat bago buksan ang pinto ng kotse, "Well, this has been fun."
"Puwede nang tawaging masaya," natatawa niyang sagot, "Sigurado ka bang kaya mo nang maglakad nang 'di natutumba?"
Bumaba ito ng sasakyan. "Syempre naman. Strong kaya ako." Tumatawa pa ito habang itinataas ang dalawang braso, katulad ng sa TV advertisement ng Muscle Man.
"Sana kapag nagkita tayo ulit, hindi mo na minumura si Eros," natawa siya nang mahina, "I hope you find love, Luna."
Napangiti ito. "Sana nga," tumikhim ito, "Sige, bye. Drive safely, 'ha?" Naiilang nitong isinara ang pinto ng kotse.
Tango lang ang naisagot niya. Itinaas niya ang kanang kamay ― bilang paalam ― nang lumingon ito sa kanya.
Napabuntonghininga siya nang makitang tuluyan itong pumasok sa loob ng gusali. Binuksan niya ang phone niya. Tinitigan niya ang sampung magkakasunod na mensahe ― lahat galing kay Olivia.
Binuksan niya ang stereo sa kotse. Isang pamilyar na kanta ang pumailanlang.
"She's got you high and you don't even know yet. . ."
Ipinikit niya nang mariin ang mga mata. Pilit niyang pinakalma ang sarili.
"Have you lost your mind or has she taken all of yours, too?"
Muli niyang binuhay ang makina. Nagsimula siyang magmaneho palayo sa gusali.###
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro