Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

05 || five

MUNTIK NIYANG hindi makilala si Nox sa suot at hitsura nito. Puting polo ― nakatupi hanggang siko nito ang manggas ― na pinaresan ng itim na slacks at itim na sapatos. Maayos ding nakasuklay ang buhok nito.

Bigla tuloy siyang napaisip kung totoong tao ba 'yong nakasama niya sa date.

Tumikhim si Nox. "Saan tayo?"

Pinigilan niya ang sariling ilagay ang palad sa noo nito. "Kanina ka pa umuubo. May flu ka, 'no? Kinuha na mo dapat sa'kin 'yong hoodie mo."

"Hindi," umiling ito, "Wala akong sakit. Hindi ako mamamatay. Kinukuha ko lang atensyon mo."

Napangiti siya. "Ang advance, 'ha?" Siniko niya ito.

Nakasuot ito ng neck tie. Naka-wax nang maayos ang buhok. Mataman niya itong tinitigan.

Natatawa nitong pinitik ang noo niya, "'Wag mo 'kong tingnan nang gan'yan. Kagabi pa 'ko natutunaw."

Pinamulahan siya ng mukha. "Sira."

"Seryoso ako, Luna. Ayokong matuluyan." Bumuntonghininga ito bago lumingon at ngumiti sa kanya. Mabilis nitong ibinalik ang atensyon sa elevator, hinihintay iyong magbukas.

Itinuon niya ang atensyon sa pinto ng elevator. "So, anong tinatawanan niyo ni Fritz kanina?"

"May kinuwento lang siyang nangyari no'ng debut ni Rem," bahagya itong natigilan bago sumulyap sa kanya, "Luna. . ."

Sinulyapan niya ito. "Bakit?"

Tumitig lang ito sa kanya, mukhang nagtataka. Mukhang may sasabihin pa ito nang tumunog ang elevator at bumukas sa harap nila. Pumasok sila roon. Pinindot ni Nox ang mga letrang "GF". Pumasok sila roon.

Huminga ito nang malalim. "Mamaya na lang siguro."

"Sige. Sabi mo, e." Umayos siya ng tayo. Ilang segundo pa at sumandal siya sa bakal na nakakabit sa gilid.

Umatras siya. Kinuha niya ang pagkakataong iyon para sulyapan ang nakatalikod na si Nox.

Ang linis niyang tingnan.

"Nakatitig ka na naman," sabi nito habang nakatalikod pa rin sa kanya.

Napangiti siya. "Pa'no mo alam?"

Gumanti ito ng isang maluwang na ngiti bago humarap sa kanya. "Naramdaman ko lang."

"Saan?" Humakbang siya palapit dito. "D'yan?" tanong niya habang nakaturo sa kaliwang dibdib ng lalaki.

Unti-unti itong napangiti. Agad itong tumalikod. Halata sa pagtaas-baba ng balikat nito ang pilit na pagpigil ng tawa. Bigla sigurong tinamaan ng hiya. "Gaya-gaya ka, a."

Natawa siya nang mahina. "Bawal ba?"

Nakangiti itong sumulyap sa kanya. "Hindi naman." Muli itong tumalikod at nagpamulsa.

"Kung bigla kong maisipang magsulat ng fictional novel, ayos lang ba kung gamitin ko 'yong linyang 'yon?" muli siyang natawa, "Ayan, 'ha? Nanghingi na 'ko ng permission."

Nilingon siya nito. "Bakit?" Nakakunot ang noo nito habang nakangiti nang maluwang.

Kahit siya, hindi alam kung paano naging posible iyon.

"Wala. Benta sa'kin, e. Benta rin sa'yo."

"Benta?" lalong lumawak ang ngiti nito, "Ibig sabihin, kinilig ka?"

Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa sinabi nito. "Medyo." Nagsisi siyang bigla sa pagsandal niya sa gilid. Hindi niya tuloy maitago ang pamumula ng mga tainga niya.

"Medyo means yes, Luna," natatawa nitong sabi.

Humihinto ang elevator sa bawat palapag pero walang sumasakay. Para tuloy naka-reserve iyon para sa kanilang dalawa.

Ngumuso siya. "You do that a lot."

Ngumisi ito. "Ang alin?"

"You use my words against me. Ang hilig mo sa gano'n." Umayos siya ng tayo. Malapit na silang lumabas ng elevator, isang palapag na lang.

"Ikaw din naman. Mahilig ka sa gano'n," napailing ito, "Oo nga pala. May nabanggit ba sa'yo si Remi?"

"Wala masyado," naningkit ang mga mata niya, "Sa pagkakaalam ko, para ngang ikaw pa ang maraming nabanggit sa kanya, e."

Umiwas ito ng tingin at muling tumalikod. "Wala akong sinabi do'n." Napakamot ito sa batok.

Pumalatak siya. "Ang pula kaya ng tainga mo."

Bago pa ito magpaka-defensive, tumunog ang elevator at bumukas. Nagmamadali silang naglakad ni Nox palabas ng gusali.

Muli siya nitong hinawakan sa pulsuhan. Bumitaw lang ito sa kanya nang pagbuksan siya nito ng pinto ng kotse.

Sumakay siya roon at hindi na siya umangal o nagtanong.

"Sa'n tayo?" tanong niya rito nang umupo ito sa driver seat.

"Ewan ko," tumikhim ito, "Sa condo, okay lang ba?"

"Bakit? Itatanan mo na ba ako?" ngumiti siya nang nakaloloko.

"Ang assuming mo na naman," bumuntonghininga ito, "Judgment day."

"Anong judgment day?"

Ngumuso ito. "Alam mo naman na. 'Wag mo nang tanungin."

"Fine." Itinaas niya ang mga kamay, tanda ng pagsuko.

"On second thought, 'wag na pala do'n. Let's just go out for a drive," lumambot ang tingin nito sa kanya, "Ayos lang ba?"

Hindi niya napigilang matawa sa hitsura nito. "I'm sorry," natatawa niyang sabi, "You just looked so soft."

Bumusangot ito. "Luna naman," pinaningkitan siya nito ng mata, "Seryoso kasi."

"Sige," pinigilan niya ang pagtawa, "Mukha ka kasing concerned na ewan."

Nagbuga ito ng hangin bago buhayin ang makina ng kotse. Sumusulyap ito sa kanya habang minamaneobra ang kotse.

Humilig siya sa bintana. Mukhang nainis ito sa kanya kaya hindi na siya umimik pa pagkatapos niyon.

Pinanood na lang niya ang pagdaan ng mga ilaw sa gilid kasabay ng pagpigil sa antok. Okasyunal siyang sumusulyap kay Nox na nakatutok pa rin sa pagmamaneho.

Gusto niya sanang magtanong kung saan sila pupunta pero hindi rin naman iyon sasagutin ni Nox. Isa pa, gusto niyang masorpresa.

Tumunghay siya rito. "Gisingin mo 'ko 'pag malapit na tayo, 'ha?"

"Sige lang," tumingin ito sa kanya at ngumiti, "Kanina pa namumungay mata mo. Natulog ka ba agad pag-alis ko?"

Humikab siya. "Hindi. I tried, okay?"

Bumuntonghininga ito at umiling. "Mga excuse mo talaga. Anong oras ka pala natulog?"

"Mga. . . ano." Nag-iwas siya nang tingin nang sumulyap ito sa kanya.

"Mga ano?"

Ngumuso siya. "Mga six."

Pumalatak ito. "Six ng umaga?"

"Hindi, Nox, mga six ng gabi," pinaikot niya ang mga mata, "Malamang umaga. Anong oras mo ba 'ko hinatid?"

"Mga four ata? Quarter to four, mga gano'n," nakangisi nitong sagot. "Don't blame me. Parang ayaw mo pa ngang umuwi, e."

Umirap siya rito. "Sa pagkakaalala ko, ikaw 'yong ayaw bumitaw sa kamay ko."

"Hala," natawa ito nang mahina, "Saan mo naman nakuha 'yan?"

Muli niyang pinaikot ang mga mata. "Bahala ka nga. Sabi ko matutulog ako, e."

"Wala naman akong sinabing 'wag kang matulog, a? Ikaw 'tong biglang lumandi d'yan, e." Pinanatili nito ang mga mata sa kalsada at ang mga kamay sa manibela.

"Wow," natawa siya, "Landi na pala para sa'yo 'yon. I was just talking to you." Tiningnan niya ito nang mataman.

"Don't stare too much," sabi nito sa kanya, mababa ang boses, "Ayokong magsawa ka agad, e, hindi pa naman tayo."

"Sino namang nagsabing magsasawa ako?"

Narinig niya itong suminghap. Natawa siya nang mahina. Sinubukan niyang pigilan ang pagtawa nang makitang nakasimangot si Nox.

Tinusok niya ang kanang balikat nito gamit ang hintuturo niya. "Ang sensitive mo."

"Luna, I'm driving." Umismid pa ito sa kanya.

"Kinilig ka lang, e," ngumuso siya, "Ang sungit."

"Para kang bata. Alam mo 'yon?"

"Malamang. Kakasabi mo lang kaya."

"Ang sungit," bulong ni Nox.

Akmang sasagot siya nang biglang huminto ang kotse. Namatay ang makina. Nanatiling nakatingin si Nox sa kalsada. Hindi na sila umaandar at mukhang hindi pa iyon napagtatanto ng kasama niya.

"Nox, why did we stop?" Nakakunot ang noo niya habang naniningkit ang titig niya sa lalaki.

Malakas itong suminghap. "'Wag naman sana ngayon." Mabilis nitong binuksan ang pinto at lumabas ng sasakyan.

"Orion Nox!" Agad niyang inalis ang seatbelt at sumunod dito.

Muli itong suminghap nang malakas. "Shit!" Inis nitong pinalo ang hood ng sasakyan.

"Oh, my God." Hinawakan niya ang palapulsuhan nito. Nang lumingon ito sa kanya ay malakas niyang pinitik ang noo nito.

"Masakit na, a," mahina nitong reklamo.

Ngumiti siya ng pang-asar. "Malakas din 'yong mura mo, e."

Tiningnan niya ang paligid. Nasiraan sila pero sa kabutihang palad, nasa gilid naman sila ng kalsada. Damuhan na ang katabi niyon. Matatanaw sa malayo ang mga ilaw ng gusali.

Bumuntonghininga ito at umupo sa kongkreto. "I'm sorry." Mababa at mahina ang boses nito.

"Para saan?" umupo siya sa tabi nito, "Para ba do'n sa 'shit'? No worries. Malakas naman 'yong pagkakapitik ko, e." Matipid siyang ngumiti.

"Hindi 'yon," nag-unat ito ng binti, "I was planning on taking you to some place nice." Lumambot ang tingin nito sa kanya.

"Sira. Ayos lang," siniko niya ito, "I like spontaneous. I like. . . this."

Huminga ito nang malalim. "Luna, naaalala mo ba 'yong debut ni Remi?"

"Syempre," natawa siya nang mahina, "Ang epic kaya no'n."

Ilang segundo ang lumipas. Suminghap ito. "Oo nga. Ang epic ng gabing 'yon." Nakangiti nitong sabi, nakatitig sa mga mata niya.

"What?" nakagat niya ang pang-ibabang labi, "Nando'n ka ba?"

Natawa si Nox nang mahina. "Minsan, ang bagal mo," bumuntonghininga ito, "Oo, nando'n ako."

"Kung nando'n ka, bakit ngayon lang kita nakilala?"

Hindi nito napigilang matawa. "Five years ago, Aurora Luna Vera Francisco. You told me your whole name. Ang sabi mo pa nga, i-add kita sa Facebook."

Lalong kumunot ang noo niya. "You mean. . . nagkita na tayo dati?"

Natatawa nitong pinitik ang noo niya, "Lasing ka no'n. Sobrang lasing."

"What do you mean by that?"

"Muntik mo pa nga akong sukahan, e," pagpapatuloy nito, malayo ang tingin. "Tinatanong kita kung sa'n ka nakatira tapos bigla kang umiyak. Hindi lang iyak, humagulhol ka pa nga, e." Muli itong tumawa.

"Teka. . . kayo na ba ni Olivia no'n?"

"Yep," tumango ito, "Three months pa lang ata kami no'n. Nag-away pa kami kasi hindi ko nasagot mga text niya."

Napayuko siya sa hiya. "My, God. I'm sorry."

"Don't be. Sinabi ko na lang sa kanya na hinatid ko si Remi pauwi."

"Pero ako talaga 'yong hinatid mo pauwi?"

Bumuntonghininga ito at ngumiti nang maluwang. "Oo. I tried to look for your ID. Medyo hindi kita makausap nang matino no'n, e."

"So. . ." lumunok siya, "Kilala na kita noon pa." Kumurap siya.

"Yes. Parang gano'n na nga."

"And you remembered me," hindi makapaniwala niyang sabi.

"I found you intriguing. May sinabi ka no'n, e."

"Oh, my God. Nakakahiya." Tinakpan niya ang mukha gamit ang mga kamay. Namumula na ang mga pisngi niya.

Ipinikit niya nang mariin ang mga mata. Baka sakaling may maalala siya kahit malabo; kahit snippets lang.

Narinig niya itong suminghap. Ilang segundo pa at naramdaman niyang hinawakan nito ang mga kamay niyang nakatakip sa mukha niya. "Tingnan mo 'ko nang diretso," inalis nito ang nakatakip niyang mga kamay, "Ang sabi mo sa'kin no'n. . . galit ka sa pag-ibig. Minura mo pa si Cupid."

"Seryoso ba?" Parang bigla niyang gustong magpumiglas at tumakbo dahil sa hiya. Alam niya kasi kung paano siya malasing at. . . hindi iyon maganda.

"The question is: hanggang ngayon ba?" nangingiti nitong tanong. "Sana hindi na kahit pa ang gago ng ginawa sa'yo ni Wes."

Parang bigla siyang hindi makahinga. Hindi niya alam kung dahil iyon sa hiya o sa excitement sa kung anong puwedeng mangyari kapag sinagot niya ang tanong ng lalaki.

"Hindi ko alam, Nox." Huminga siya nang malalim. Pumikit siya nang mariin. Ilang beses siyang kumurap. Nandoon pa rin ang halo-halong emosyon.

Wala nang epekto ang routine niya kapag may nararamdamang hindi maipaliwanag ng utak.

"Luna, magdi-date tayo. 'Di pa kita inaalok na maging girlfriend ko," natawa ito nang mahina, "'Wag ka ngang assuming."

Malakas siyang suminghap. "Gago ka, a." Ngumuso siya.

Agad nitong pinitik ang noo niya. Parang reflex na nakahanda na. Para bang inasahan na nito ang sasabihin niya. "Isa pang mura, hindi lang pitik sa noo ang aabutin mo sa'kin."

"Are you threatening me?" natatawa niyang tanong.

"'Wag mo 'kong iligaw," muli nitong pinitik ang noo niya, "Sagot ang kailangan ko ngayon. Mamaya na 'yong landi."

Tuluyan siyang natawa sa sinabi nito. "Sige. . . game." Sinalubong niya ang mga mata nito at ngumiti nang matamis.

"Wow," kumunot ang noo nito, "No offense meant, but that was easy. Remi told me about your trust issues kaya. . . hindi ko in-expect."

"Ayaw mo ba?" nangingiti niyang tanong.

Mahina itong tumawa bago tumayo. Naglahad ito ng kamay na agad naman niyang tinanggap. Hinila siya nito patayo. Nagkadikit na naman sila. Nagwala na naman ang puso at isipan niya.

Hindi nito binitiwan ang kanan niyang kamay. Hinigit siya nito. Lalo silang nagkalapit. Ngumiti ito nang tipid bago tinaptap ang ulo niya. "Syempre, gusto ko."

Pinakawalan niya ang hiningang pinigil.

Muling tumawa si Nox. "Luna," nangingiti nitong sabi habang nakatitig sa mga mata niya, "Akala mo ba, hahalikan kita?"

Agad siyang pinamulahan ng mukha. "Hindi, a!"

Lumayo siya nang kaunti mula kay Nox. Sinubukan niyang magpumiglas para bumalik sa loob ng kotse pero. . . hindi siya pinakawalan ng lalaki. "Puwede naman kitang halikan kung gusto mo," bumaba ang tingin nito sa mga labi niya, "You just have to ask." Nakaloloko itong ngumiti.

"Ang landi mo," ngumiti siya nang pang-asar, "Asa ka naman." Bago pa siya malapitan ni Nox ay patakbo siyang pumasok sa kotse.

Maya-maya pa ay sumakay na rin ito sa sasakyan. Kinuha nito ang susi mula sa bulsa at binuhay ang makina.

Nagtataka siyang tumingin dito.

"Hindi tayo nasiraan," natawa ito nang mahina, "Malay ko bang wala ka talagang alam sa mga kotse."

Nangunot ang noo niya. "So, umaarte ka lang kanina? Pati 'yong pagsigaw mo ng 'shit' na malakas, arte lang 'yon?"

Nangingiti itong tumango. "I like surprising you. . . saka, wala akong maisip na puntahan kaya ayon."

Naiinis niyang kinurot ang balikat nito. Bago pa niya ito kurutin nang mas madiin, nahawakan na nito ang kamay niya. Pumalatak ito. "Mapanakit ka ngayon, a. 'Pag ikaw sinaktan ko pabalik. . . nako."

Pinaikot niya ang mga mata. "Ano namang gagawin mo?" Umismid siya.

Huminga ito nang malalim. Kumukuha ng lakas mula sa kung saan, bumubuwelo. "Ito," mabilis itong lumapit at pumasok sa personal space niya para nakawan siya ng halik sa pisngi, "'Wag kang mamamatay sa kilig, Luna. Please don't die on me."

Huli na nang mapagtanto niya ang ginawa ng lalaki. Paulit-ulit niyang nakikita ang nakaloloko nitong ngiti. Paulit-ulit din niyang nararamdaman ang pagdampi ng mga labi nito sa balat niya.

Akmang may sasabihin siya pero hindi niya itinuloy. Pinigilan niya ang sarili. Nawala na naman siya.

Hindi niya alam kung saan napunta ang utak niya. Nag-malfunction pati ang puso niya. Sa loob ng tiyan niya, may biglang nabuhay na zoo.

Lumayo na ito mula sa kanya. Umayos na rin siya ng upo at sinuot ang seatbelt.

Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Nox. Tiningnan niya lang ito nang masama. Gumanti ito nang isang maluwang na ngiti.

Bumuntonghininga ang lalaki. Tumunghay siya rito nang kinuha nito ang kamay niya. Pinagsalikop nito ang mga daliri nila, muling pinupunan ang bawat patlang.

Tumingin at ngumiti ito sa kanya bago halikan ang kamay niya. Suminghap siya nang muling maramdaman ang mga labi nito sa balat niya.

"Nox. . ."

"Masanay ka na, Luna," nangingiti nitong sabi, "Hindi naman ako aalis."

Ngiti lang ang naisagot niya. Wala na siyang dapat sabihin. Ang kailangan lang niya ay makaramdam. Hindi niya kailangan ng maraming tanong.

Kailangan lang niyang magtiwala. At gusto niyang subukan iyon ― ang magtiwala ulit. Iyong buong-buo at walang halong ni katiting ng pag-aalinlangan.

"Sige. . . susubukan ko."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro