Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

05 || five

"SO, SAAN na tayo ngayon?" Tinitigan niyang maigi ang mukha ng lalaki.

Magaling siya sa pagpansin ng mga maliit na detalye. Pero medyo hirap siya sa pagkalimot ng mga bagay-bagay, lalo na 'yong mga mukhang importante.

"Nakatitig ka na naman," lumingon sa kanya si Nox, "Alam kong guwapo ako pero kasi, Luna . . ." Hindi nito tinapos ang gustong sabihin. Nanatili lamang itong nakatitig sa kanya. At nakipag-usap gamit ang mga mata.

Pumikit siya nang mariin. Kasabay ng pagmulat niya ay nagpakawala siya ng buntonghininga. "Ang kapal mo."

"Medyo bawasan mo nga 'yang pagtitig mo sa'kin kasi ayoko pang mamatay," nakangiti nitong sabi. "Oo, ilang beses ko nang hiniling 'yon pero . . . pagkatapos ng ilang araw, may nangyayaring maganda. 'Tapos, ayon, matutuwa akong buhay pa 'ko."

"Wow. Saan mo hinugot 'yan?" Natawa siya nang mahina.

Naningkit ang mga mata nito. "Masama ka."

Nailing siya nang bahagya. "That's life. We say things we don't really mean. Kaya siguro hindi pa tayo kinukuha kasi sinungaling tayo."

"Oo nga." Kumuha ito ng isang stick ng sigarilyo mula sa kaha. Saglit itong tumigil sa pagsindi upang tingnan ang reaksyon niya.

Umirap lang siya rito. "Nasindihan mo na, e."

"Na-stress nga ako. Saka, hindi ko naman ibubuga 'yong usok sa mukha mo," pagdadahilan nito sa kanya.

"Bakit ba nagdadahilan ka pa? Sinindihan mo na kaya."

Ngumiti ito nang nakaloloko. "E, bakit ba naiinis ka?" Itinaas baba pa nito ang mga kilay.

"Teka," nag-unat siya ng binti at saka tumayo, "Niligaw mo lang ako, e. Saan ba kasi tayo pupunta?"

Ngumisi ito. "Sikret."

Nailing siya. "Hindi na sa langit?" nangingiti niyang tanong.

"Hindi na. Ikaw na mismong nagsabi na 'di tayo puwede do'n," tumayo ito at tumabi sa kanya, "Ewan ko."

"Anong ewan mo?" magkahalong pagtataka at pagkatuwa niyang tanong, "Balik na muna tayo sa kotse. Nagmumukha tayong tangang nakatayo dito."

"Ikaw lang 'yon," bulong nito, "'Wag mo 'kong idamay." Kinagat nito ang kanina pang hawak na stick ng sigarilyo.

Umismid siya sa sinabi ng lalaki bago umiling. Kahit pa medyo makapal ang tela ng suot niyang hoodie, tila tumatagos ang lamig ng hangin doon.

Nauna siyang tumawid habang nakayakap sa sarili. Nilingon niya si Nox pero hindi na niya ito hinintay pang sumunod sa kanya. Pumunta siya sa kotse.

Kinuha niya ang phone at earphones mula sa purse niya bago umupo sa hood ng sasakyan.

Pinanood niya ang tumatawid na si Nox. Mabagal ang paghakbang nito, parang namamasyal lang sa ibabaw ng buwan. May mangilan-ngilang motor na dumaan sa harap nito pero hindi man lang ito natinag.

Nasa gitna ito ng kalsada nang may dumaang pulang kotse. Muntik nang mahagip niyon ang kamay nito. Tumigil ito sa paglakad at tumayo lamang sa gitna. Ngumiti pa ito sa kanya.

Tinaasan niya ito ng kilay. "Magpapakamatay ka ba?" sigaw niya rito.

Dahil sa mga poste ng ilaw ay nakita niya ang pagkunot ng noo nito. "Ginagaya ko 'yong album cover ng The Beatles," nakangiti nitong sigaw, "Kuhanan mo 'ko ng picture dali!"

Napangiti siya. Ginawa niya ang sinabi nito. "Okay na. Umalis ka na d'yan."

Patakbo nitong tinawid ang kalsada. Medyo hinihingal pa itong lumapit at umupo sa tabi niya. "Patingin nga ako." Ngumuso ito sa hawak niyang phone.

Binigay niya ang phone niya. "Mukha kang tanga. Ngayon pa lang ata umeepekto 'yong champagne."

"Sungit mo," binalik nito ang phone, "Kanina lang, ang landi mo, e."

"Nagdadalawang isip na 'ko pagdating sa'yo, e." Ngumiti siya nang tipid. Isinuot niya sa kanyang mga tainga ang earphones.

"Seryoso ba 'yan?"

Hindi niya pinansin ang tanong ng lalaki. Nagkunwari siyang walang naririnig kahit pa wala namang kantang tumutugtog sa earphones niya. Hindi naman kasi niya iyon sinaksak sa phone.

"Luna," tinanggal ni Nox ang isang earphone mula sa tainga niya, "seryoso ba 'yon?"

"Medyo." Ngumuso siya. Pinitik nito ang noo niya dahilan para matingnan niya ito sa mata. "Masakit 'yon, a."

"Mas masakit kaya 'yong sinabi mo." Nag-iwas ito ng tingin bago humithit mula sa sigarilyo. Humarap ito sa gilid at saka ibinuga ang usok.

"O? Anong masakit sa sinabi ko?" natatawa niyang tanong. "Hindi kita inaano d'yan, a."

"Ayon na nga, e. Hindi mo 'ko inaano pero nakakasakit ka na," muli itong humithit mula sa sigarilyo at mabilis na pinakawalan ang usok, "Heartbreaker. Nakalimutan sigurong sabihin ni Remi 'yon . . . o baka sinadya niyang 'wag sabihin sa'kin."

Mabilis niyang inagaw ang nakaipit na stick ng sigarilyo sa pagitan ng mga daliri nito. "Ang drama mo."

Akmang kakagatin na niya ang sigarilyo nang agawin ito ni Nox. "Akin 'to, e. Nanakit ka na nga, aagawan mo pa 'ko ng stress reliever."

"Hala," nangingiti niyang sabi, "Anong nanakit? Hindi ako mapanakit, a. Marami na 'kong pinatay sa isip ko pero hindi ako mahilig manakit."

"Ako biktima dito. 'Wag mo 'kong agawan ng spotlight," kinagat nitong muli ang stick ng sigarilyo, "Ikaw dahilan ng stress ko kaya 'wag mo 'kong sisitahin."

Napangiti siya. "Ang cute mo."

Matalim itong tumingin sa kanya. "Alam ko."

"Para kang batang nagtatampo," nailing siya, "Nakalimutan ding sabihin sa'kin ni Remi 'yan.

"Ako pa tinawag mong bata," nanatili itong nakatitig sa kanya, "E, ikaw 'tong―"

"Nagdadalawang isip ako kasi ewan ko."

"Anong ewan mo? Ang gulo, a." Pinitik nito ang noo niya. Mas malakas.

Mabilis niyang pinalo ang kamay nito. "Masakit nga sabi, e!" Matalim niya itong tiningnan.

"Bakit ka nagdadalawang isip sa'kin?" Nakakunot ang noo ng lalaki habang tinatanong iyon sa kanya.

Paano ba niya ipaliliwanag ang sarili kung siya mismo ay hindi maintindihan ang iniisip ng sariling utak?

"Ewan ko nga," bumuntonghininga siya, "Hindi ko alam." Pumikit siya nang mariin. Umayos siya ng upo, iniunat niya ang mga binti, at humiga sa malamig na hood ng sasakyan.

Bakit ba 'ko puro utak? O kaya puro puso?

"Bumangon ka nga d'yan," paninita ni Nox, "Alam mong malamig, e."

"Sanay naman na 'ko," pagtanggi niya. Panay ang paghila niya ng laylayan ng damit. Umabot na sa tuhod niya ang haba niyon.

"Bakit? Kasi sanay ka nang masaktan?" natatawang tanong nito, "Gasgas na 'yon."

"Hindi," nakangiti niyang sagot.

"E, bakit?" Huminga ito nang malalim bago mag-unat ng mga binti. Humiga rin ito.

"Mas malamig 'to, e," natatawa niyang sinabi iyon habang nakaturo sa kinalalagyan ng puso. "Kaya sanay na sanay na 'ko."

Tinitigan siya nito nang matagal. Kinagat nito ang pang-ibabang labi bago umiling. "Ang drama mo." Ngumiti ito pagkatapos.

"If it makes you feel better, hindi lang naman ako sa'yo nagdadalawang isip," huminga siya nang malalim, "Nagdadalawang isip ako sa lahat."

"Halata nga." Umismid ito sa kanya at tumingala.

Tumagilid siya at humarap sa lalaki. "Paanong halata?"

"I mean, halata na masyado kang nag-iisip. 'Pag matagal kang nakatitig, ayon, nag-iisip ka na naman. 'Wag kang mag-overthink."

"Paano ba hindi mag-overthink?" Nagpakawala siya ng isang malalim na buntonghininga.

"Sa'n mo hinugot 'yon? Bakit ang lalim?" naiiling nitong tanong. "Ang lalim kaya lagi. Pa'no ba magiging mababaw 'yan, 'ha?"

"Ha? Ayokong maging mababaw." Nagpatihaya at tumingala siya.

Pumalatak ito. "I was talking about your sighs. Laging malalim."

"Alam ko," humarap siya rito, "Gusto ko lang i-test kung ipapaliwanag mo pa sa'kin." Ngumiti siya ― maliit lang ― bago muling tumingala.

Wala naman silang pinapanood sa langit. Walang mga bituin. Hindi rin kita ang buwan. Baka natakpan iyon ng makakapal na mga ulap o baka bago ang buwan.

Pati buwan nagbabago.

Pumikit siya.

Narinig niya ang malalim nitong paghinga. "Masama 'yang mga experiment mo, a." Pumalatak ito.

"Ang random natin, 'no?" nagmulat siya ng mga mata at humarap sa lalaki, "Kung saan-saan tayo napupunta, e. Literal at figurative 'yon. Pa'no mo 'ko nasasabayan?"

Bumuntonghininga si Nox. Malalim. "Trust issues mo . . . kumakawala na naman."

"Masisisi mo ba 'ko?" Nangunot ang noo niya sa sariling tanong.

Para kasing sinisisi niya si Nox sa tono ng pananalita niya. Ang mahirap pa, sa mga pagkakataong ganito ay hindi niya napipigilan ang sarili sa pagtatanong ng mga tanong na wala namang saysay.

Alam niyang walang patutunguhan. Lagi namang wala.

Tumikhim ito at bumangon. "Hindi naman sa sinasabi kong itago mo," umayos ito ng upo, "Maganda nga 'yan kasi honest ka pero Luna, 'wag mong pangunahan lahat."

Tiningnan niya ito sa mata. Hindi niya namalayang nakakunot na ang noo niya.

"Ayan," pabiro nitong tinusok ang noo niya upang maalis ang pagkalukot niyon, "Nag-iisip ka na naman. Tigilan mo na nga. Kaya ka nalulungkot, e."

Ginaya niya ito. Umupo rin siya. "Hindi ako nalulungkot."

Tinitigan siya nito. Iyong tinging hindi naniniwala. "Kakasabi mo lang kaya kanina," mahina itong natawa sa ekspresyon ng mukha niya, "Alam kong hindi natin dapat sinisisi ang mga sarili natin sa nangyayari pero minsan, may kasalanan din tayo."

"Oo nga," napangisi siya sa sinabi nito, "Kasi inaalala natin 'yong mga dapat kinakalimutan. May point pero oras lang naman kasi ang makakapagsabi, 'di ba?"

Tumango lamang ito. Pero nasilip niya ang maliit na ngiti nito sa labi.

"Shit naman," natawa siya pagkasabi niyon, "Orion Nox." Bumaba siya mula sa hood ng kotse. Nanatili lang siyang nakatayo hanggang sa bumaba na rin ang lalaki.

"Bakit mo 'ko minumura?" natatawa nitong tanong sa kanya.

"Hindi kita minumura." Nangunot muli ang noo niya.

Lumapit si Nox sa kanya. "Luna."

Ilang segundo silang nakatayo at magkaharap. Mukhang may sasabihin ito sa kanya. O baka wala naman at siya lang ang nag-iisip na mayro'n.

"May kasunod pa ba 'yon o wala na?" nakangiti niyang tanong. Hindi na niya alintana ang lamig ng hangin.

"Ano," hinawakan siya nito sa magkabilang balikat dahilan para mas lalo silang magkalapit, "Luna . . ."

Tinaasan niya ito ng kilay. "Ano?"

Huminga ito nang malalim. "Puwede bang," tatlong beses itong napalunok na parang kinakabahan, "Shit."

Inalis niya ang kanang kamay nito sa kaliwang balikat niya. "Ang weird mo," natatawa niyang sabi. Binuksan niya ang pinto ng kotse, sa passenger seat. Pahakbang na siya papasok sa loob nang marinig niya ang pagbuga ni Nox ng hangin.

Parang ilang segundong hindi huminga, e.

Natigilan siya. Doon lang niya naintindihan ang gustong sabihin at itanong ng kasama.

Ipinasok niya ang mga kamao sa loob ng mga bulsa ng hoodie. Napangiti siya. Mabilis ang lakad niya. Magaan ang bawat hakbang. Baka magbago pa ang isip niya, e.

Nangunot ang noo ni Nox.

Huminga siya nang malalim at tumingkayad. Dahan-dahan niyang idinampi ang mga labi sa pisngi ng lalaki.

Lalong lumawak ang ngiti niya nang makita ang reaksyon nito. Nagkibitbalikat siya. "Ang bagal mo, e." Nagmamadali siyang bumalik sa loob ng kotse.

Nang ilang segundo na ang lumipas at hindi pa rin pumapasok si Nox, binuksan niya ang pinto.

Agad itong tumalikod nang makita siyang nakatingin. Kitang-kita niya ang pamumula ng mga tainga nito mula sa likod. Ilang beses din itong napahawak sa batok.

Weirdo talaga.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro