04 || four
KUNG PAANO niya iniwan ang unit ay gano'n pa rin ang hitsura niyon. May mga tee-shirt at bestidang nakakalat sa sahig. Hindi rin nakatupi ang mga iyon. Kahit ang mga hikaw niya ay nakakalat lang sa ibabaw ng coffee table niya.
Dumiretso siya sa kama. Hindi na siya nagbihis o naghilamos man lang. Saka lang niya naramdaman ang pagod nang lumapat ang likod niya sa kama.
Ilang oras siya sa ganoong posisyon ― nakahilata at nakatitig sa kisame. Halos ala-sais na ng umaga nang makaramdam siya ng antok.
Wala pa yatang tatlong oras ang tulog niya nang tumunog ang phone niya sa bandang paanan ng kama. Iminulat niya ang mga mata at bumangon para kunin iyon. Tumatawag si Remi.
Agad niya iyong sinagot. "What?"
"Nakauwi ka na ba?" pambungad ni Remi sa kanya sa kabilang linya. "Safely?"
"Kanina pa. I was actually sleeping," humikab siya, "Goodmorning, by the way."
Bumuntonghininga ito. "Thank God. Akala ko kasi, do'n ka natulog sa unit ni Nox."
"What? Pa'no mo nalamang pumunt―"
"He told me. 'Di raw niya kayang magsinungaling sa'kin," humalakhak ito, "By the way, wala kayong ginawang ano, 'ha?" nakaloloko nitong sabi.
Naningkit ang mga mata niya. "Gago. Wala, a."
"Ang aga-aga, 'yang bibig mo. . . bumangon ka na tapos maligo ka na."
"Why?" Sinuklay niya ang magulo niyang buhok.
"Samahan mo 'ko mamayang mga 6 PM. Pupuntahan ko lang si Fritz o kaya kahit doon na lang tayo magkita."
"Why? Magkasama na nga kayo sa bahay tapos pupuntahan mo pa sa office? Hindi ba magsasawa 'yon sa'yo?" Nag-unat siya ng mga binti.
"Imposibleng magsawa 'yon," natawa ito sa kabilang linya, "Just please get up already, Lulu!"
"Oo, sige na," bumuntonghininga siya, "Puwede ko na bang ibaba 'to?"
"Ang grumpy mo. I'm pouting right now. Nakakatampo ka, e. Nag-enjoy ka lang kagabi, gan'yan ka na."
"Remi, ibababa ko na 'to, okay? Magkikita pa naman tayo mamaya." Hinilot niya ang sentido ng ulo. Saka lang niya naalalang nakailang baso siya ng champagne. Uminom rin pala siya ng beer.
"Fine, grumpy cat. I'll see you later." Mabilis nitong ibinaba ang tawag.
Bumuntonghininga siya. Muli niyang hinilot ang ulo niya. Medyo kumikirot iyon pero mukhang hindi naman malala. Hangover lang.
Nagprito siya ng itlog bilang almusal niya. Naligo na rin siya pagkatapos kumain. Sa halip na magsuot ng pambahay na damit, nagsuot siya ng isang puting tee-shirt at isang pares ng asul na pantalon.
Para hindi na 'ko magmadali mamaya.
Pagkatapos magbihis, bumalik at humiga siya sa kama. Nag-set muna siya ng alarm sa phone bago niya ipinikit ang mga mata.
Tatlumpung minuto bago mag-alas-sais nang magising siya. Nagmamadali niyang sinuklay ang buhok bago damputin ang wallet, phone, at keycard niya. Nilagay niya ang mga iyon sa isang pouch bago lumabas ng unit.
Sa kabutihang palad ay agad siyang nakasakay sa taxi paglabas niya ng gusali.
Pagtingin niya sa phone ay sandamakmak na text messages na ang natanggap niya mula kay Remi. Hindi na niya sinagot ang mga iyon. Mukhang malapit na rin naman siya sa building nila Fritz.
Pagkaabot ng bayad ay dali-dali siyang bumaba ng taxi. Kung tutuusin ay hindi rin niya alam kung bakit siya nagmamadali. Kadalasan naman ay wala siyang pakialam kung ma-late siya.
Dumiretso siya sa clerk. "Good afternoon, Miss Francisco. Si Miss Remi po, nasa taas na." Magalang itong ngumiti sa kanya.
"Salamat." Gumanti siya ng isang maliit na ngiti.
Pumasok siya sa elevator. Kapipindot lang niya sa numerong "20" nang malakas na tumunog ang phone niya. Tumatawag si Remi.
"What?" inis niyang tanong dito.
"Ano? Hindi ka na talaga marunong mag-'hello'?" tumawa ito nang malakas sa kabilang linya, "Dalian mo na. I mean it. Bye." Agad nitong ibinaba ang tawag.
Minsan talaga, hindi niya alam kung walang magawa sa buhay si Remi at siya ang pinag-aaksayahan nito ng oras.
Isa siya sa mga nakipagsiksikan nang huminto ang elevator sa ikadalawampung palapag. Lumiko siya sa kanan.
Sa unang pinto ay may plakang nakadikit: "Office of the Chief Operating Officer (COO)". Ni hindi siya kumatok. Binuksan niya ang (medyo) tinted na sliding door.
"Hi!" pagbati niya kina Remi at Fritz. "Sorry, I'm late."
Nakaupo si Fritz sa isang swivel chair habang prenteng nakasandal si Remi sa mesa nito. Muntik siyang mapatalon sa gulat nang may tumikhim.
Napalingon siya sa gilid ng kuwarto.
Nakita na naman niya ang pamilyar nitong ngisi. "Hi," nagpamulsa ito at ngumiti, "Hindi ka na dapat nag-sorry. Inuulit mo rin naman, e." Pumalatak pa ito habang nakatitig sa kanya.
Naningkit ang mga mata niya. Tumingin siya kina Remi at Fritz. Nagkibitbalikat lang si Fritz habang nakangiti nang maluwang si Remi.
Mukhang pinagkaisahan siya. Hindi na nakagugulat 'yon, lalo pa't sinusunod ni Fritz ang karamihan sa mga hiling ni Remi.
Ngumiti siya nang tipid. "Hi."
Iyon ata ang unang beses niyang matuwa sa kalokohan ni Remi.
Narinig niyang tumikhim si Remi. "Tara na sa baba o dito ka na lang para makipagtitigan d'yan?" Ngumuso ito sa kanya.
Nilingon niya si Nox, parang nagpapaalam. "Sabi ko nga, tara na, e." Umismid siya.
Tango lang ang isinagot ni Nox. Naningkit ang mga mata ni Remi sa kanya bago ito kumapit sa braso niya.
Nasa harapan na sila ng sliding door nang huminto ito sa paglalakad. "Saglit lang," patakbo itong lumapit kay Fritz, "Ikaw lang, Hulyan. 'Wag kang paranoid." Pabiro itong kumindat sa lalaki bago ito hinalikan nang mabilis sa pisngi.
Pinaikot niya ang mga mata sa ginawa ng kaibigan. "Ang landi mo," nakapameywang niyang sabi.
Nakangising sumulyap si Remi kay Nox. "Wow, 'ha? Ang dami kayang muntik na mangyari sa 'yo kagabi. You should thank me."
"What?" Kumunot ang noo niya. Nagtataka siyang tumingin kay Nox.
"Hindi magsasalita 'yan. His lips are sealed. Tara na." Hinila siya ni Remi at dire-diretso silang naglakad palabas ng opisina ni Fritz, papunta sa elevator.
Ilang minuto niyang tinitigan si Remi. Prente naman itong nakatayo at naghihintay na bumukas ang elevator. "Anong muntik?"
"Mamaya natin pag-usapan sa baba." Ngumiti ito nang nakaloloko. Nang bumukas ang elevator ay muli itong kumapit sa braso niya. Hinila siya nito papasok niyon.
"Are you on drugs, Rem?" natatawa niyang tanong dito, "Ang hyper mo na ewan."
Nag-make face lang ito sa sinabi niya. "Ang dami ko kasing kuwento, okay?" Pinindot nito ang mga letrang "GF".
Pagdating sa ground floor, pumunta sila sa pantry. "Blueberry cheesecake tapos mocha frappucino sa'kin," bulong niya kay Remi bago siya umalis para maghanap ng mauupuan.
Pumunta siya sa bakanteng mesa, sa bandang gilid. Wala gaanong tao ― kung mayro'n man ay nagkakape. Ilang minuto lang ang lumipas bago siya lapitan ni Remi. May dala itong dalawang slice ng cake.
Sumubo ito ng kapiraso ng cake. "Nox likes you."
"Alam ko," sumimsim siya ng kape mula sa baso, "Sinabi naman niya."
"Hindi lang pagkagusto, Lulu, e," ngumiti ito nang tipid, "The way he talked about you. . . ramdam kong hindi lang hanggang pagkagusto. Baka humigit pa."
"Rem, I don't know. Gusto ko rin siya pero hindi pa 'ko handa." Sumubo siya ng cake.
"I know. I'm not asking you to be in a relationship with him. Just give him a chance."
"What about Olivia?" Muli siyang sumubo ng cake.
"What about Olivia? Hindi ka ire-rebound no'n. Naka-move on na 'yon kay Liv," huminga ito nang malalim, "Saka, hindi ka naman niya gagawing girlfriend. . . agad." Nakalolokong nitong itinaas-baba ang mga kilay.
"Teka nga. Pinatanong niya ba sa 'yo?"
"Nope. Ginagawa ko lang ang trabaho ko bilang matchmaker niyong dalawa."
"Akala ko pinatanong niya sa 'yo. Sinabi ko naman sa kanya, e."
"Lulu. . ." Tumingin ito nang mataman sa kanya.
Sumimsim siya mula sa baso. Pagkababa niya niyon ay sinalubong niya ang mga mata ni Remi. "Ano?"
"Wala. I think it's best if he tells you." Kumindat ito sa kanya.
"Ng alin?" sumubo siya ng cake, "Curious na ako. Ikaw na'ng magsabi."
"Si Nox na nga. By the way, finish that quickly. Baka nami-miss na 'ko ni Hulyan." Inubos nito ang natitirang cake.
Bumuntonghininga siya. "I like him, Rem. I just don't know what to do with it. I mean, so what kung gusto ko siya?"
Natawa ito nang mahina. "First things first, tell him how you feel."
"I already did." Sumimsim siya mula sa baso.
Bahagya itong umiling. "Do it properly. Give him a second date, Lulu."
"What if I end up wanting a third date?"
Muli itong natawa. "Why are you talking as if that's a problem? Kahit ilang date pa 'yan basta gusto niyo pa rin ang isa't isa, walang magiging problema," ngumiti ito, "Galaw ka muna bago ka mag-isip. Uso rin 'yon."
Sumubo siya ng cake. "What happened to 'think before you click'?"
"That's for cyberbullying." Pabiro nitong kinurot ang kaliwang pisngi niya.
Agad niyang tinampal ang kamay nito. "Masakit na."
"'Pag ako gumagawa, masakit pero kapag si Nox, okay lang?" Pinaikot nito ang mga mata.
Nangingiti siyang umiling. "Ang daldal niya, 'ha?"
"May nangyari daw no'ng pumunta kayo do'n sa movie house. Dapat daw manonood kayo kaso sarado na."
"A, oo. Pero ayos lang, tumambay lang kami do'n."
"Hindi, e," umiling ito, "May nangyari daw. Ngumiti lang siya no'ng kinulit ko siya."
Thank God. He kept his lips sealed about that kiss.
"Akyat na tayo?" pag-aya niya sa kaibigan. Tumayo siya.
Tumayo na rin ito at sumunod sa kanya. "Kausapin mo na 'yon ngayon, 'ha? Ako kinukulit, e." Itinaas nito ang hawak na phone. Puro messages iyon ni Nox.
Natawa siya nang mahina. "Ang cute talaga ni Gago."
"Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis dahil sa choice of words mo," naiiling nitong sabi.
"Blah-blah." Pinaikot niya ang mga mata.
Dumiretso sila sa elevator. Paakyat silang muli sa opisina ni Fritz. Pagbukas ni Remi ng pinto ay natigil ang pagtatawanan nina Nox at Fritz.
Patakbong lumapit si Remi kay Fritz at yumakap. "Na-miss mo 'ko, 'no?" nakangiting tanong nito.
"Nope. Hindi masyado," nang-aasar na sabi ni Fritz.
Natatawang lumapit si Nox sa kanya. "Hi ulit. Baligtad talaga tayo, 'no?"
Kumunot ang noo. "Bakit?"
Tipid itong ngumiti. "Ngayon lang natin naisipang mag-'hi'."
Natatawa silang nilapitan ni Remi. "Pag-usapan niyo, kids. 'Wag kayo dito," hinawakan nito ang balikat niya, "Doon kayo sa pantry."
"Ba't mo sila tinataboy, Rem?" kunot ang noong tanong ni Fritz. "Akala ko ba, manonood ka?"
"Hindi puwede. Baka kung anong gawin nito kay Lu," mataman itong tumingin kay Nox, "Kawawa inosente kong eyes."
"Inosente my ass," mabilis niyang pinalo ang kamay ni Remi sa balikat niya, "Ang pabebe mo."
Ngumiti lang si Remi habang itinutulak silang dalawa ni Nox, palabas ng opisina ni Fritz. "They grow up so fast," maarte pa nitong sabi kay Fritz bago isara ang sliding door.
Huminga siya nang malalim. Tumingin siya kay Nox. Ngumiti ito sa kanya. Matipid lang, mukhang itinatago ang kaba.
Judgment day, e.
Lumakad sila papunta sa elevator.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro