04 || four
PATULOY ANG pag-obserba ni Luna sa mga nadaraanang kalsada at nakakasalubong na mga sasakyan. Halos wala nang makikitang taong naglalakad. Napakatahimik. Tanging ang mahinang ugong ng aircon ang maririnig.
Tumitig siya kay Nox na abala sa pagmamaneho. Nakakunot ang noo nito. Halos magkadikit na ang magkabilang kilay, parang may inaaninag sa hindi kalayuan.
"Kapag ako natunaw, kawawa ka. Pa'no ka na lang uuwi?" nakangisi nitong sabi. Panandaliang umaliwalas ang mukha nito.
Nanatili siyang tahimik. Ibinalik niya ang tingin sa bintana ng sasakyan.
"Sungit. Parang kanina lang, nanghihinayang kang 'di kita hinalikan," pabulong nitong sabi (na narinig naman niya).
"Hindi ako nanghinayang," umirap siya, "Napadasal pa nga ako ng pasasalamat ko, e." Kahit pa nakatingin siya sa bintana, ramdam niya ang pagpigil ng tawa ng kasama.
"Ang cute mo talaga, 'no?" Tuluyan itong tumawa.
Ilang segundo ring ganoon ang narinig niya ― ang pagtawa ni Nox na may halong pang-aasar at ang pagngiti nito sa kanya.
Hindi naman kasi naririnig ang ngiti. Nararamdaman lang at nakikita.
Siguro nga, gut feel. Hindi pa niya gaanong kilala si Nox pero nararamdaman na niya (agad) ang pagngiti nito. At dahil doon, hindi na mabawas-bawasan ang nerbyos niya.
Mukhang nadagdagan pa lalo.
"Luna?"
Saglit siyang pumikit para pakalmahin ang sarili. Tiningnan niya ito sa mata. "Bakit?"
"Ang tahimik mo, e. Mag-ingay ka nga." Nakatutok nang muli ang mga mata nito sa kalsada. "Sige na, medyo malapit naman na tayo, e."
Umayos siya ng upo. "Sa'n ba tayo pupunta?" Iniunat niya ang mga binti.
"Sa langit." Mabilis itong lumingon sa kanya at kumindat nang nakaloloko.
"Ha? Hindi ka makakapasok do'n," natatawa niyang sabi, "Baka papunta pa lang tayo do'n, lusaw na 'yang katawan at kaluluwa mo."
"Bakit? Kasi titig ka nang titig sa'kin?" natatawa nitong tanong sa kanya.
"Pinagsasabi mo?" Umiwas siya ng tingin.
"Kanina ka pa kaya. Titingnan mo 'ko tapos 'pag nahuli kitang nakatingin, lilingon ka sa bintana. Para kang may gustong sabihin na ewan."
Tinitigan niya ito nang mataman. "Madaldal ka pala, 'no? Ang awkward mo tapos bigla kang makakahagilap ng lakas ng loob sa kung saan," nagbuga siya ng hangin, "Weirdo."
"Ako pa tuloy? Ako 'tong halos lusawin mo sa titig," natawa ito nang mahina, "Ano ba kasing sasabihin mo?"
"Wala nga." Tipid siyang ngumiti. Para siguro bigyan ng assurance ang kasama na wala nga siyang gustong sabihin.
Huminto ang kotse. Lalong tumahimik. Parang medyo bumigat at naging seryoso na rin.
"E, anong iniisip mo?" pangungulit nito. "Sigurado akong may iniisip ka."
"Ba't tumigil? Namulubi ka na ba sa gas?" natatawa niyang tanong kay Nox.
Pinatay muna nito ang makina ng kotse bago humarap sa kanya. "'Wag mo nga akong iligaw. Ano ngang iniisip mo?" Kaswal lang ang paglipat ng mga mata nito mula sa manibela papunta sa kanya.
Iyon 'yong tipo ng titig na ipinakikita sa isang kaibigang matagal nang kakilala at nakasasama. May pinaghalong expectations, tiwala, at tuwa.
"Ikaw." Pinigilan niyang umiling at sabay na ipakita ang tuwa at nerbyos sa tono ng boses niya.
"Malamang," pumalatak ito, "Sa'kin ka nakatingin, e. Ano nga kasing iniisip mo? Na-realize mo na ba kung ga'no ako kaguwapo?"
"Hindi," bumuntonghininga siya, "Iba na-realize ko, e. Mas malalim pa d'yan."
"Ano nga? Hindi naman ako manghuhula," nangingiti nitong sabi.
Ibinaling niya ang tingin sa harapan ng kotse. "Na-realize kong ang lungkot natin pareho." Mabilis niyang binuksan ang pintuan at saka siya bumaba ng sasakyan.
Ramdam niya ang titig ng lalaki kahit pa nasa labas na siya ng kotse nito. Ilang segundo pa ay bumaba na rin ito at tumabi sa kanya. "Saan mo naman nakuha 'yan, Luna?"
"Napansin ko lang." Sumandal siya sa hood ng sasakyan.
Gumaya ito sa kanya. "No," natawa ito nang mahina, "Assumption 'yan."
Humarap siya rito. "What's your deal?" Nangingiti niya itong tinitigan nang mataman.
"What do you mean? Gusto mo bang umalis na ako?" Nagpamulsa ito bago ngumiti sa kanya nang alanganin.
"Hindi sa gano'n. Gusto ko lang malaman. What's in it for you?" Hindi pa rin siya sumuko. Hindi rin naman kasi niya alam kung ano bang gusto niyang marinig mula rito.
"Wala," unti-unting nangunot ang noo nito, "I told you already. I find you intriguing."
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Pilit siyang nag-isip ng mga gusto niyang malaman mula kay Nox. Parang gusto rin niyang sumagot ng ilang mga katanungan nito. . . kahit pa tungkol kay Wes.
Umalis ito at naglakad palayo sa kanya. Tumawid at pumunta ito sa katapat nilang gusali. Kumaway ito sa kanya at bahagyang ngumiti.
Sumunod siya rito. Pagtawid niya papunta sa gusali ay nakaupo na sa sementadong sahig si Nox. Gumaya siya at umupo sa tabi nito. "Ano bang pinuntahan natin dito?"
Sumulyap lang ito sa kanya at may kinuha sa bulsa. Naglabas ito ng isang kaha ng sigarilyo. Tumikhim ito bago magsindi ng isang stick.
"Pumunta tayo rito para makapagsigarilyo ka?" kunot noo niyang tanong. Bakas na ang inis sa boses niya.
Muli itong sumulyap at saka nag-iwas ng tingin. "Hindi naman," humithit ito ng sigarilyo at saka nagbuga ng usok, "Manonood sana tayo kaso sarado na pala." Tinuro nito ang signboard sa bandang likuran niya.
Ipinagsawalang bahala niya ang sinabi nito. "Anong ginagawa mo? Ano 'yan?"
"Tissue roll na may pulbos," sarkastiko nitong sagot.
Inismiran niya ito. "Bakit ka nagsisigarilyo?"
"Kasi gusto ko." Naubo ito pagkatapos sabihin iyon. Nalunok ata nito 'yong usok.
"Ine-exhale kasi 'yan, 'di ba? Hindi nilulunok. Smoker pero tatanga-tanga. Akin na nga." Sinubukan niyang agawin mula kay Nox ang sigarilyo.
"Akin 'to," muli nitong kinagat ang stick, "Bawal sa'yo 'to."
"E, bakit ikaw puwede?" Otomatikong tumaas ang isang kilay niya.
"Kasi lalaki ako. Ikaw, babae ka." Umiling-iling pa ito pagkatapos, parang disappointed sa kanya.
"Ano naman? 'Tangina, sexist ka?" Lumayo siya mula rito nang kaunti.
Natatawa nitong pinitik ang noo niya. "Bunganga mo. Kanina lang, ako pa sinabihan mong rated PG lang tayo tapos ngayon, kababaeng tao . . ."
"Kababaeng tao, ano? Nagmumura?" Pumalatak siya. "Putangina, gago, puta, bullshi―"
"Ang cute mo." At saka ito tumawa nang tumawa.
"Abnormal," bulong niya.
"'Di ako sexist. Ano ka ba? Pinagtitripan lang kita," ngumiti ito nang tipid, "Ang cute mo, e."
"Pero seryoso, akin na 'yan." Mabilis niyang inagaw mula rito ang stick ng sigarilyo. Akmang kukuha ito ng isa pang stick nang agawin niya ang buong kaha. "Masama 'to sa baga. Mapababae man o lalaki."
"Concerned ka na ba, Luna?"
"Medyo pa lang naman," ngumiti siya rito, "Bakit ka ba nagsigarilyo?"
"Nakaka-stress ka, e." Tumawa ito sa naging reaksyon niya. Iyon na naman 'yong mababa at masarap sa tainga nitong tawa.
Nag-unat siya ng mga binti. "Bakit?"
"Interesado ako sa'yo. And the fact that you're still here, unharmed. . . hindi pa ba sapat 'yon, Luna?"
"Hindi ko alam. Malay ko ba kung may pen knife ka d'yan tapo―"
"Hindi ako murderer. Baka ikaw," ngumisi ito, "Mukhang ikaw ang ikamamatay ko, e."
"Cheesy." Ngumiwi siya at umiling nang bahagya.
"Seryoso 'yon. Nakaka-stress ka nga kasi."
"Bakit nga?" pag-uulit niya.
Nagpamulsa itong muli. "Hindi lahat ng tao, may hidden agenda. 'Yong iba, interesado lang talaga at walang masamang intensyon sa'yo."
Nailing siya at unti-unting natawa nang mahina. "Katulad nino?"
"Katulad ko. Sino pa ba?" Pinaikot nito ang mga mata, parang babae.
Nagkibitbalikat siya. "Malay ko ba kung may iba ka pang tinutukoy."
"Wala na. Baka may iba ka lang na iniisip."
"Wala, a," bumuntonghininga siya, "Teka nga." Bigla siyang may naalala. "Tama ba ako do'n sa part na sinabi kong malungkot ka?"
"Correction: ang sabi mo, malungkot tayo. Tayo 'yon," pabiro nitong tinusok ang noo niya gamit ang hintuturo, "At hindi lang ako."
Siniko niya ito. "So, tama nga ako?"
Medyo matagal itong tumingin sa kanya. "Puwede na."
"Anong puwede na? Oo o hindi lang, Orion Nox."
"E. . . alam mo na 'yon," pabulong nito sagot.
"'Ha?" Medyo malakas siyang tumawa pero hindi 'yong tipo ng malakas na walang laman at pakiramdam. "Para kang bata. Anong alam ko na 'yon? Itatanong ko ba kung alam ko na?"
"Oo, itatanong mo pa rin kasi gusto mong nahihiya ako para mamula 'yong tainga ko. Masama ka, e." Pumalatak ito. Tatlong beses.
Muli siyang tumawa. "Ang galing mo, a. Congrats, medyo kilala mo na ako."
Nangingiti itong umiling. "Alam mo. . ."
"Hindi pa," nahikab siya, "Ang tahimik sobra. Wala bang papatay sa'tin dito?"
"Pasandal ako." Hindi na nito hinintay pa ang sagot niya. Naramdaman na lang niya ang kiliting dulot ng buhok nito sa ilalim ng kanang tainga niya.
Bumuntonghininga siya.
"Ang ganda ng gabi, 'no?" may himig na ng antok sa boses nito.
"Sobra," ang tanging sagot niya habang nanonood sa mangilan-ngilang dumaraang sasakyan.
"Pero mas maganda ka, Luna."
Hindi niya napigilang matawa sa sinabi nito. "Are you sure you want to go with that one?"
Naramdaman niya ang mahina nitong paghikab. "No. Masagwa, e."
"Buti alam mo," nangingiti niyang sabi.
"I like you a lot," lumayo ito nang kaunti mula sa kanya, "Puwede na ba 'yon?" Ngumiti ito sa kanya nang nakaloloko.
"Oh, my God," natatawa niyang sabi rito, "Ang cute mo."
Umismid lang ang lalaki habang tuluyang kumawala ang pinipigilan niyang tawa.
Tahimik pa rin naman ang gabi.
Pero dahil sa tawa ni Luna, dumoble ang ganda ng mga kumikislap na ilaw ng mga mataas na gusali at mga dumaraang sasakyan. Mararamdaman mula sa tono niyon ang saya. Magaan lang at mukhang masarap pakinggan nang maraming beses.
Nakadagdag pang lalo ang palihim na pagngiti ni Nox habang okasyunal siyang sinusulyapan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro