03 || three
ILANG BESES na siyang kumukurap, pumipikit nang mariin, at bumubuntonghininga. Masyado nang nagiging kumportable si Nox na nakahiga sa kanan niyang balikat.
Bukod sa balikat niya, pati siya, nagiging kumportable na posisyon nilang dalawa.
"Nox, gising ka pa ba?" hinawakan niya ang buhok nito, "'Wag mo 'kong tutulugan, 'ha? 'Di ko alam pauwi."
Umayos ito ng upo. "Gusto mo na bang umuwi?"
"Maya-maya siguro. Umaga na rin naman, e."
"Naks. Bad girl. Walang pakialam sa curfew." Tumungga ito mula sa bote, lumunok nang sunod-sunod.
Nangingiti siyang napailing. "Sira."
Inilapag nito ang hawak na bote sa kongkretong sahig. "'Wag ka munang uuwi." Tumayo ito at may kung anong kinuha mula sa bulsa.
Nilingon niya ito. "Bakit? Mami-miss mo ba 'ko agad?"
"Medyo gano'n." Inilahad nito ang kaliwang kamay.
Tumungga rin siya mula sa bote bago iyon inilapag. "Medyo means yes." Inabot niya ang kamay nito gamit ang kanan niya.
Katulad ng ginawa nito sa convenience store, hinatak nito ang kamay niya, dahilan upang mas magkadikit silang dalawa.
Ang pagkakaiba nga lang: sumubsob siya sa dibdib ng lalaki at sa halip na makaramdam ng nerbyos at mabilis na lumayo, nanatili siya sa ganoong posisyon.
"Tsansing 'yan, a," bulong nito sa kanan niyang tainga.
Hindi niya alam kung bakit pero hindi na siya nagulat nang maramdaman niyang unti-unti siyang niyakap ni Nox. "Tsansing ka rin, e," bulong niya.
Narinig niya ang pagtawa nito nang mahina bago hawakan ang mga kamay niya. "'Wag kang tatakbo, 'ha?" nangingiti nitong tanong habang nakatingin nang diretso sa mga mata niya.
"Bakit? Ito na ba 'yong part na aamin kang serial killer ka?"
"Ewan ko sa'yo, Luna," ipinatong ni Nox ang mga kamay niya sa magkabilang balikat nito, "Kinikilig ka na."
"Hindi, a." Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito para maitago ang pamumula ng magkabila niyang pisngi.
"I wasn't asking you. Sigurado akong kinikilig ka." Matamis itong ngumiti nang may halong pang-aalaska.
Bumuntonghininga siya.
Masyado kasing perfect ang lugar, ang oras. . . lahat. Pakiramdam niya ay buong mundo ang nanunuod sa kanila sa mga oras na iyon. At ang mas nakapagtataka? Hindi man lang siya nakaramdam ng nerbyos.
Payapa ang paligid. Payapa silang dalawa.
Mukhang masasaktan ako 'pag nawala ang isang 'to.
Muli siyang bumuntonghininga.
Maya-maya pa ay nakarinig siya ng kanta. Nakita niyang may hawak na phone si Nox. Tumingala siya para salubungin ang mga mata nito. Kumunot ang noo niya. "Anong trip mo?"
"I've never seen you looking so lovely as you did tonight. I've never seen you shine so bright."
Hinawakan siya nito sa baywang bago ngumiti nang tipid. "Wala naman."
"I've never seen so many men ask you if you wanted to dance."
Natawa siya nang mahina. "Oh, my God. Ang cheesy mo."
"They're looking for a little romance, given half a chance."
Kumunot ang noo nito. "I'm really not. Saka, kinikilig ka nga, e."
Nagsimula silang humakbang at sumabay sa ritmo ng kanta.
"And I have never seen that dress you're wearing. . ."
Naiiling siyang ngumiti. "Hindi ako kinikilig."
"Or the highlights in your hair that catch your eyes."
"E, ano? Kanina ka pa kaya ngumingiti d'yan. Wala pa 'kong ginagawa, nakangiti ka na," nang-aasar nitong sabi.
"I have been blind."
"I'm comfortable with you. For some reason," huminga siya nang malalim, "Parang kilala na kita buong buhay ko. And for me, mas okay ang kumportable kaysa sa kilig."
Ngumiti ito nang maluwang. "Now, that is cheesy."
Tila kusang umikot ang mga mata dahil sa sinabi nito. "Lakas namang maka-'Paper Towns' nitong kanta mo." Natawa siya nang mahina.
Hinapit nito ang baywang niya. Lalo silang nagkalapit. Muli siyang sumubsob sa dibdib nito.
"Luna. . ." bulong nito sa sa kanan niyang tainga.
"The lady in red is dancing with me. . . cheek to cheek."
"Pa'no 'yan, e, hindi ako nakapula?"
Ngumisi ito nang nakaloloko. "E, 'di, 'yong cheek to cheek na lang gawin natin."
"There's nobody here. It's just you and me."
"Gago," nakangiti niyang sabi rito. "Ang landi mo."
Ngumuso ito. "Gusto mo naman, e."
"It's where I want to be."
Ngiti lang ang naisagot niya. Bahagya siyang nailing sa naging reaksyon niya. "Nox, may tanong ako."
"Shoot."
"But I hardly know this beauty by my side."
Lumayo siya nang kaunti mula rito. Nakangiti niya itong tiningnan nang diretso. "Sunrise or sunsets?"
"I'll never forget the way you look tonight."
"Saan naman galing 'yan? 'Di ako handa. Sunrise kasi. . . teka, ito na 'yong part na magiging malalim ako," tumikhim ito para pigilan ang pagtawa sa reaksyon niya, "Parang new year's resolution na nadadaya ko 'yong sarili ko na puwede ko pang ayusin. Magulo ba?"
Pabiro niyang pinitik ang noo nito. "Tipsy ka na, 'no?" nangingiti niyang tanong.
"Hindi, ano, clean slate. Para sa'kin, ang sunrise. . . clean slate," pagsubok nitong ipaliwanag nang mas maayos ang naging sagot.
"A. . . clean slate," tipid siyang ngumiti, "Ibig sabihin ba niyan, kapag sumikat na 'yong araw mamaya, kasama ako sa mabubura?"
"I've never seen you looking so gorgeous as you did tonight."
Nakangiti itong umiling. "Hindi, a."
"I've never seen you shine so bright. . . you were amazing."
"Talaga ba?" Nakalolokong nagtaas-baba ang mga kilay niya.
Muli itong umiling. "Hindi nga. Somehow, you left a mark."
"I've never seen so many people want to be there by your side."
"Really?" natawa siya nang mahina, "The whole night, I was bluffing. Iniisip ko ngang baka ma-bore ka sa'kin, e."
"I told you. You left a mark," tinuro nito ang kaliwang dibdib, "Dito, o. Mukhang malalim 'yong marka. Para ngang hindi na matatanggal, e."
Naitulak niya ito nang mahina habang tumatawa. "Putangina. Ang cheesy mo." Hindi niya napigilan ang tawa.
"The lady in red. . ."
Natatawa nitong pinitik ang noo niya. "Kanina mo pa 'ko minumura. Masama ka talaga, 'no?"
"I never will forget the way you look tonight."
Patuloy lang niya itong tinawanan.
Pagkatapos niyon, pagod silang napaupo sa may tarangkahan. Natapos na ang kanta kasabay ng pagsayaw nilang dalawa. Medyo nawawala na rin ang mga ilaw sa ibaba. Mag-uumaga na.
Nag-unat siya ng mga binti. "Tara na," tumayo siya, "Ihahatid mo 'ko, a."
"Syempre. Yari ako kay Remi 'pag pinabayaan kitang mag-isa. Tanga ka raw mag-commute, e." Pang-asar pa itong tumawa nang malakas bago tumayo.
Tahimik na silang dalawa pagkatapos no'n. Mula sa pagsakay sa elevator hanggang sa kotse, nanatili silang tahimik.
Patapos na. Patapos na at mukhang hindi pa rin sila sigurado sa gusto nilang mangyari.
Pinagbuksan lang siya ni Nox ng pinto ng kotse. Wala pa ring nagsalita. Hindi naman sa ayaw nilang magpaalam. Hindi lang nila alam kung paano iyon gawin at kung paano na (sila) pagkatapos.
Dahil pati sa salitang "pagkatapos", hindi sila sigurado.
Pagdating sa condominium building niya, muli siya nitong pinagbuksan ng pinto. "Hatid na kita sa taas."
"Hindi ka ba maha-hassle?" Hinubad niya ang ipinahiram na hoodie ng lalaki.
"Hindi naman. Mayaman nga 'ko, ano ka ba?" tumawa ito nang mahina, "Kahit anong oras akong pumasok mamaya, okay lang."
"Yabang." Lumabas siya sa kotse.
Pagpasok sa gusali ay dumiretso sila sa elevator. Nang huminto ang elevator sa ikalabingpitong palapag, hinawakan ni Nox ang palapulsuhan niya.
Lumabas sila roon. Nagtataka lang niya itong tiningnan. Nanatili itong nakahawak sa kanya. Lumakad sila sa corridor at huminto sa pinakadulong pinto.
Humarap siya sa lalaki. "So. . . goodmorning, I guess." Ngumiti siya nang tipid.
"Yep," ngumiti rin ito, "Goodmorning."
Inabot niya ang ipinahiram nitong hoodie. "Salamat."
"You're welcome," nangingiti nitong sabi pero hindi nito tinanggap ang hoodie.
Hinanap niya ang keycard sa purse niya. Nang makita iyon ay muli siyang tumingin kay Nox.
Akmang may sasabihin siya nang bigla siya nitong pinaikot ― hawak pa rin siya sa palapulsuhan ― na para bang sumasayaw sila. Pagkatapos niyon ay hinila siya nito papalapit. Mukha tuloy itong nakayakap sa kanya gamit ang isang kamay.
Tuloy, mukhang hahalikan siya nito.
"What?" Nakakunot na ang noo niya.
Natatawa itong napailing. "Hay, Aurora Luna Vera Francisco."
"Ano? Paano mo nalam―"
Ngumiti ito nang matamis. "'Wag mo 'kong isusumbong kay Remi, 'ha?"
"Ano?" lalong kumunot ang noo niya, "Bakit?"
Kumalma siya nang maramdaman ang mga labi nitong dumampi sa tuktok ng ulo niya. Ilang beses siyang kumurap. Nawala 'yong pagkalukot ng noo niya kasabay ng paglaho ng mga tanong niya.
"Goodmorning ulit, Luna." Isinampay ng lalaki sa balikat ang hawak na hoodie bago tumalikod sa kanya.
Pasimple niyang hinawakan ang parte ng ulo niyang hinalikan ni Nox habang pinanunuod itong naglalakad palayo sa kanya.
Hindi na siya nag-isip na pigilan ito para magtanong. Hindi naman siya sigurado kung saan dapat magsimula. Ni wala siyang ideya kung anong dapat itanong.
Mas minabuti niyang magpahinga. Puwede naman niyang itanong kay Remi.
Naiiling siyang pumasok sa loob ng unit.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro