02 || two
"DALIAN MO ngang kumain," natatawang sabi sa kanya ni Nox.
Umirap siya. "Ewan ko sa'yo. Anong tinatawa-tawa mo?"
Tinitigan lang niya ang malamig nang cup noodles. Ilang beses siyang kumurap. Parang nakalimutan niya kung paano ngumuya at lumunok. Sa totoo lang, tila nawalan siya ng lakas na gumawa ng kahit ano.
Kailan ba 'ko naging weak shit?
Narinig niyang tumawa nang mahina ang katabi. "Puwede ka namang kiligin."
Muli siyang umirap, mas matalim kaysa sa nauna. Hinawakan niya ng plastic na spork at sumubo ng noodles. Mabilis niyang naubos ang noodles. Tanging sabaw na lang ang natira sa loob ng hawak niyang plastic cup.
Akmang hihigupin na niya iyon nang agawin ni Nox ang baso mula sa kamay niya. Ininom nito ang sabaw, tuloy-tuloy na parang hindi nito alintana ang alat niyon.
Nakangiti nitong nilapag sa harap niya ang basong wala nang laman.
Proud pa ang gago.
Napapikit siya sa naisip. Ilang beses siyang nagmura sa isip at sa salita nang dahil kay Nox. Dahil sa mga ginagawa nito at sa mga pinararamdam nito sa kanyang hindi naman niya (yata) dapat na maramdaman.
Nagpamulsa siya. Kahit suot niya ang ipinahiram na hoodie ng kasama, hindi niya maiwasang makaramdam ng lamig.
Lamigin siya, e. Externally and internally. Figuratively at literally.
"Alis na tayo?" Nang hindi siya umimik ay ibinaba ni Nox ang hood, dahilan para matakpan ang noo at mga tainga niya. "Tara na. Nilalamig ka na, e."
Tumayo ang lalaki. Inilahad nito ang kaliwang kamay. Ilang segundo iyong nakalahad, naghihintay na abutin niya.
Bumuntonghininga siya bago abutin ang kamay nito. Kasabay niyon ay ang pagtayo niya.
Hinatak siya ni Nox patayo dahilan upang magkadikit sila. Tila narinig niya ang pagngisi nito bago siya akbayan.
Napailing siya. Mabilis niyang dinampot at ibinulsa ang purse na nasa ibabaw ng mesa.
Palabas na sila nang biglang huminto sa paglalakad si Nox.
"Ano na naman?" Nagtataka niya itong tiningnan.
Sinenyasan lang siya nito bago siya akayin pabalik. Paatras silang naglakad ― nakayakap pa rin ang kaliwang braso nito sa kanya ― papunta sa alcoholic beverages' section ng convenience store.
"Don't judge me," bulong nito sa kanya habang kumukuha ng tatlong bote ng beer gamit ang kabilang kamay, "Hindi naman kita lalasingin."
"I'm not judging you," natawa siya nang mahina, "I'm actually amazed."
Lumayo ito nang kaunti mula sa kanya. "Bakit?" nakangiti nitong tanong.
"Ang galing mong lumandi habang kumukuha ng beer." Ngumiti siya nang nakaloloko bago talikuran ang nangingiting si Nox.
Bago pa siya tuluyang makalayo ay muli niyang naramdamang nakahawak ang kamay nito sa pulsuhan niya. Ngumiti ito nang matamis bago siya hatakin sa ikalawang pagkakataon.
Kalahating yakap at kalahating akbay tuloy ang nangyari.
Natawa siya nang mahina.
"Kinikilig ka na, 'no?" tumawa rin ito, "Parang hindi na natin kailangan ng alak."
"Gago," natatawa niyang sabi.
Ramdam niyang medyo nag-iinit na ang mga pisngi niya. Hindi lang niya alam kung epekto pa ba 'yon ng ininom nilang champagne sa Alejandro's o baka tumatalab na si Nox sa kanya.
Dumiretso sila sa cashier para bayaran ang kinuhang mga bote ng beer. Nangingiti silang tinitigan ng lalaking nakabantay roon.
Maingat na nilapag ni Nox ang mga bote sa ibabaw ng counter. Nilabas nito ang wallet at binayaran ang biniling beer.
Habang tahimik na naghihintay ang kasama niya, hindi niya maiwasang mapansin ang lalaking nasa cashier.
Pasimple itong sumusulyap sa kanila ni Nox habang inilalagay sa loob ng plastic bag ang pinamili nilang beer. Nangingiti ito habang paminsan-minsang umiiling.
"Kuya, bakit po?" tanong niya sa lalaking kaharap nila.
Tumingin sa kanya si Nox, bahagyang nakakunot ang noo.
"Hala, wala po, ma'am," naiilang itong ngumiti, "May itatanong lang po sana ako sa inyo."
Nagkibitbalikat lang ang katabi niya nang nagtataka niya itong tiningnan.
"Gusto niyo po bang bumili ng condom?" tanong sa kanila ng lalaki habang nakanguso sa isang malapit na shelf.
Sabay silang suminghap ni Nox.
"Putangina naman," malakas niyang sabi. Mabilis siyang lumayo mula sa katabi. Muntik pa niya itong matulak palayo.
Humagalpak naman sa tawa si Nox bago siya nito pitikin sa noo. "Dumi ng bibig mo."
"Sorry po, ma'am." Nahihiyang napakamot sa batok ang lalaki.
Inirapan niya ang katabing nagpipigil ng tawa. Pagkakuha nito ng plastic bag ay dire-diretso siyang lumabas ng convenience store. Muling humagalpak sa tawa si Nox. Tiningnan lang niya ito nang matalim.
Nauna siyang maglakad papunta sa kotse habang natatawa itong sumunod sa kanya.
"Come on, Luna. It's not so bad," pinigilan nito ang pagtawa, "Ako naman 'to, e."
Inis siyang nagbuga ng hangin. "Did we look like horny teenagers back there?" Hindi niya napigilan ang pagkunot ng noo niya.
"Ikaw siguro, mukhang teenager," ngumisi ito, "I'm actually surprised he didn't ask for your ID."
Humakbang siya papalapit dito. "Kung ako 'yong mukhang teenager," nagpameywang siya, "E, 'di ikaw 'yong mukhang horny? Gano'n ba 'yon?" Muntik siyang matawa sa reaksyon nito. Napangisi siya.
Naiiling nitong pinitik ang noo niya bago siya pagbuksan ng pinto ng kotse. "Pasok na. May pupuntahan pa tayo." Magaan itong ngumiti.
Pumasok siya sa kotse. Inabot nito sa kanya ang plastic bag na kanyang inilapag sa bandang paanan niya.
"Hay," bulong ni Nox pagkatapos umupo sa driver seat.
"Saan na naman tayo?" Ikinabit niya ang seat belt.
"Basta," binuhay nito ang makina bago lumingon sa kanya, "May tiwala ka naman sa'kin, 'di ba?"
"Medyo." Ngumiti siya.
Ngumiti rin ito pabalik sa kanya. "Medyo means yes."
Tahimik lang sila buong biyahe. Ang okasyunal na pag-ugong ng makina ang tanging maririnig kasabay ng maingay na pagtama ng mga bote sa loob ng plastic bag.
Siguro, sa pagkakataong iyon ay pareho nilang naramdaman na patapos na ang gabi nilang dalawa.
Pero hindi iyon 'yong klase ng tahimik na nakatatakot. Nakagagaan iyon sa pakiramdam. Iyon ang klase ng tahimik na hindi niya inaasahan mula kay Orion Nox, isang estrangherong nakilala lang niya pitong oras pa lang ang lumilipas.
Ni hindi nga niya naramdamang lumipas ang mahigit pitong oras na iyon.
Namungay ang mga mata niya. Unti-unti na rin siyang nagsawa sa panonood sa mga ilaw mula sa mga poste, gusali, at mga kotse. Malapit nang bumagsak ang talukap ng mga mata niya.
Narinig niya ang pagpatay ng makina. "Luna, nandito na tayo." Tinusok ni Nox ang pisngi niya.
Ang bilis naman.
Umayos siya ng upo at sumilip sa bintana. Huminto sila sa tapat ng isang medyo mataas na gusali. "Where are we?"
"Basta." Kinuha nito ang plastic bag bago bumaba.
Nakita niya itong naglakad papasok sa gusali. Agad naman siyang bumaba ng kotse at sumunod.
Pagdating sa lobby ay saglit na kinausap ni Nox ang babaeng nasa kabila ng counter bago ito sumenyas sa kanya. Nang hindi siya gumalaw ay ito na ang lumapit sa kanya.
Hinatak nito ang dulo ng sleeve ng suot niyang hoodie. "Tara."
Pumasok sila sa elevator. Pinindot nito ang numerong "8".
Hindi niya mapigilang makaramdam ng pagkailang lalo na't puro ngiti at "basta" lang ang sagot sa kanya ni Nox sa tuwing magtatanong siya kung saan sila pupunta.
Nang huminto ang elevator sa ikawalong palapag, nagmamadaling lumabas si Nox ― nakahawak pa rin ito sa sleeve niya ― at binuksan ang unang pinto sa kaliwa nila.
Dahan-dahang kumunot ang noo niya nang mapagtanto kung nasaan silang dalawa.
Oh, my God.
Malakas nitong pinitik ang noo niya. "It's not what you think," naiilang itong ngumiti, "Welcome to my humble abode."
Bahagya siyang nakahinga nang maluwag. "Bakit tayo nandito sa condo mo?" Nagpamulsa siya. Pilit niyang itinago ang nerbyos na muling kumakawala.
Tumikhim si Nox. "Again, it's not what you think," bumuntonghininga ito, "Gusto mo bang pumasok o. . ."
Otomatikong kumunot ang noo niya.
Muling tumikhim ang lalaki. "Actually, never mind," ilang beses itong napalunok, "Hintayin mo na lang ako dito. Saglit lang 'to, pramis." Nagmamadali nitong sinara ang pinto bago pa siya makasagot.
Sumandal siya sa pader katabi ng pinto. Parang biglang nanghina ang mga tuhod niya. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung bakit siya nakaramdam ng tuwa. Biglaan lang.
Napalingon siya sa pinto nang marinig ang pagbukas niyon.
Ini-lock muna ni Nox ang pinto bago humarap sa kanya, yakap ang dalawang nakatuping kumot. "Akyat tayo," tipid itong ngumiti, "Saglit. Nangangawit na 'ko." Inabot nito sa kanya ang hawak na plastic bag.
Kinuha niya iyon bago sila muling pumasok sa elevator. Pinindot ng kasama ang "20". Umakyat pa sila ng hagdan pagkatapos niyon.
"Worth it naman 'yong pagod sa pag-akyat sa hagdan, 'di ba?" nakangiting tanong sa kanya ni Nox nang makarating sila sa rooftop.
Masyadong malamig. Nagpamulsa siya. Sila lang ang tao roon pero buhay na buhay ang paligid dahil sa mga ilaw na hindi niya sigurado kung saan galing.
"Hindi ko alam." Nauna siyang lumakad kay Nox. Niyakap niya ang sarili at lumapit siya sa railings. Maingat niyang ibinaba ang hawak na plastic bag.
Pagkatapos ay umupo siya sa sementadong sahig.
"Hindi mo alam ang alin?" Narinig niya itong lumapit. Umupo ito sa tabi niya.
Napalingon siya sa katabi nang marinig ang pagbukas ng bote ng beer. Inabot nito ang isa sa kanya, nang-aalok.
Agad niyang tinanggap ang bote. Tumikhim siya bago tumungga. "Ba't tayo nandito?"
Binuksan nito ang isa pang bote ng beer. "Wala lang," nag-unat ito ng binti, "Baka sakaling trip mo."
Ngumiti siya nang tipid. "Trip ko nga."
Itinaas nito ang hawak na bote, parang nanghihingi ng toast. Nangingiti siyang umiling bago muling ibaling ang atensyon sa tanawing nasa harapan nila.
"'Wag kang loser," idinikit nito ang bote sa hawak niya, "Ayan. Cheers tayo."
Ilang segundong katahimikan ang pinalipas niya bago siya tumikhim. "Kamusta ka ngayong araw?"
"Sakto lang na hindi. Ikaw ba namang mapagkamalang horny," natawa ito nang mahina, "E, wholesome kaya ako."
Hindi niya napigilang mapangiti. "Oo nga. Sobrang wholesome." Napayuko siya.
"Luna," ilang beses itong lumunok, "what happens―"
"Ayoko munang alamin," bumuntonghininga siya, "Let's sleep on it, okay?"
Tumungga ito mula sa bote. "Okay." Parang may nahimigan siyang lungkot sa tono nito.
Tumungga rin siya mula sa bote. Lumunok siya nang sunod-sunod. Baka sakaling madaya niya ang sariling utak.
Pilit niyang ipinokus ang mga mata sa mga ilaw. Tinitigan niyang maigi ang mga iyon. Baka kasi gumalaw o sumayaw ang mga iyon at panandaliang maligaw ang utak niya.
Natigilan siya nang akbayan siya ni Nox. Kasabay ng pag-akbay nito ay ang pagpatong nito ng kumot sa mga balikat niya.
Nawalan na naman ng saysay ang lahat sa paligid niya. Paano ba iyon nagagawa ng lalaki?
"Ano?" Pinigilan niyang tingnan ito nang diretso sa mga mata.
Narinig niya itong tumawa nang mahina bago itaas ang kumot para takpan ang mga mata niya. "Nag-iisip ka na naman. Itigil mo nga sabi."
Sa pagkakataong iyon ay tuluyan siyang nakahinga nang maluwag.
Naramdaman niyang sumandal sa kanan niyang balikat ang lalaki.
Niyakap niya ang sarili. "Paano mo nagagawa 'to?"
"Ang alin?" bulong nito sa kanya.
"How do you make me feel?" Ilang beses siyang kumurap bago tumungga sa hawak na bote.
Natawa ito nang mahina. "Wala akong ginagawa sa'yo, a."
"Meron kaya," pagpupumilit niya.
"I'm a fair fighter, so I'm returning the favor," ngumiti ito nang maluwang, "Pero hindi ibig sabihin no'n, napipilitan ako sa mga ginagawa at sinasabi ko. To clarif―"
Hindi niya napigilang matawa sa pagiging defensive ni Nox. "Gets ko. Ano ka ba?"
Tumungga ito mula sa bote. "Malay ko ba kung ano na namang iniisip mo." Ngumuso ito.
Ngiti lang ang isinagot niya. Pinakiramdaman niya ang sarili. Wala na ang nerbyos. Hindi na rin niya gaanong nararamdaman ang lamig.
Salamat sa kumot na nakapatong sa balikat niya. Salamat kay Nox na nakahiga sa balikat niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro