02 || two
NAIILANG SIYA AT okay, medyo magaling naman siya sa pagtatago niyon. Hangga't may mesa sa pagitan nilang dalawa, hindi makikita ni Nox ang nanginginig niyang mga kamay.
Sa totoo lang, bigla na lang siyang nakaramdam ng nerbyos sa titig nito. Hindi naman siya gano'n no'ng una nilang pagkikita ni Wes. Ito na ba 'yong tinatawag na sixth sense?
"Ma'am, sir, this is our famous roasted fig salad," naglapag si Ivan ng dalawang pinggan sa mesa, "Can I get you anything else?"
"No, thank you." Nakangiwi niyang tinitigan ang inilapag na mga pagkain.
Puro gulay . . . kadiri.
Imposibleng nakalimutan ni Remi na hindi siya kumakain ng gulay (maliban sa mga patatas). Mukhang sinadya nitong mag-order ng salad para wala na siyang choice kundi kumain ng gulay.
Akala ba ni Remi, kakain siya ng gulay para hindi mapahiya kay Nox?
Pero no choice.
Tinusok-tusok niya ang spinach gamit ang tinidor. Nakikita pa lang niya ang kulay nito, parang masusuka na siya.
"Are you going to eat that?" Nanliliit ang mga mata nitong nakatingin sa kanya.
"Ha?"
"Ang sabi ko, kakainin mo ba 'yang spinach? Kasi mukhang ayaw mo naman talaga." Ibinaba nito ang hawak na kutsara't tinidor, mukhang balak pa nitong panoorin siyang maging miserable sa pagkain ng gulay.
Napapikit siya sa inis. Hindi na niya talaga ito mabasa. Kanina lang, para itong naiilang sa kanya tapos bigla itong nawili sa pag-oobserba sa bawat kibot niya. Para itong batang nakahanap ng bagong laruan. Delikado yata siya sa mapanuri nitong mga mata.
Parang puwede siyang mangisay sa kaba anumang oras.
"Kakainin ko 'to. 'Wag kang ano d'yan." Tinusok niya ang kapirasong spinach na halos mapunit na.
"Ano ba 'yan? Ang tagal naman," narinig niyang bulong nito.
"Ito na, ito na. Buwisit."
Akmang isusubo na niya ang dahong 'yon nang biglang agawin ni Nox ang tinidor mula sa kanya. Diretso nitong sinubo ang spinach. Nakatitig lang ito sa kanya habang nginunguya ang dahon.
'Langya. Nang-aasar ba 'to o ano?
Lalong kumunot ang noo niya sa sunod nitong ginawa. Kinuha nito ang lahat ng gulay sa plato niya—ang mga spinach at cherry tomatoes.
"Kumakain ka ba nito?" tinuro nito ang cherry tomatoes gamit ang tinidor niyang inagaw nito, "Prutas ang kamatis, 'di ba?"
Pulang-pula siguro ang mukha niya. Kasingpula siguro no'ng mga kamatis. Nahihiya siya rito (kahit hindi halata). Mabuti na lang, nakayuko si Nox.
Alam niyang hindi siya head turner pero gano'n ba siya kapangit at mukhang mas interesado pa si Nox sa mga kamatis?
"Oo yata. 'Di ko alam. 'Di ako kumakain niyan."
"O-okay," uminom ito ng tubig mula sa basong katabi lang ng champagne glass, "Kumain ka na. Matamis 'yang beets." Tinuro nito ang dilaw sa plato niya. Mukhang kamote.
"Bakit mo kinain?" Kailangan niyang magkunwaring naiinis kahit pa natuwa siya sa ginawa nito. Pride niya ang nakataya. Hindi puwedeng maging marupok kahit pa . . . tsk.
Kumunot ang noo nito. "Hindi mo naman kayang kainin. Saka, nakakahiya 'pag bigla kang sumuka d'yan," nilapag nito ang isa pang tinidor sa ibabaw ng plato niya, "Akin 'yan. 'Di ko pa 'yan nagagamit."
Kumain siya no'ng dilaw na tinawag nitong beets. Matamis nga.
Okay, mukhang mapagkakatiwalaan naman siya kahit papa'no.
Tinikman din niya 'yong fig dressing.
"What do you do for a living?"
Nasamid siya sa bigla nitong pagsasalita. Agad nitong inabot sa kanya 'yong isa pang baso ng tubig.
Nice. Maalaga, concerned . . .
Bakit nga ba siya naglilista ng qualities nito sa utak niya?
Uminom siya ng tubig. "A . . . writer ako. Column writer, actually. Minsan, nagko-cover din ako ng photoshoots tapos, ako mismo minsan 'yong photographer."
"That's nice. Ang dami mong ginagawa. Do you work for a magazine?"
"Yes. Ikaw ba?" Sumubo siya ng isa pang piraso ng fig.
"Interesado ka ba talaga sa ginagawa ko sa buhay o tinanong mo lang ako pabalik kasi . . . common courtesy 'yon?"
Natigilan siya sa pagnguya. Lumunok siya bago nagsalita, "Grabe 'yang trust issues mo."
Tumawa ito. Mahina lang tapos mababa, parang nahihiya. "E . . . malay ko ba."
"Of course, I'm interested. Wala naman ako dito kung hindi ako interesado, 'di ba?"
Muling kumunot ang noo nito. "So, inaamin mong interesado ka sa'kin?"
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Dali-dali siyang uminom ng tubig kahit hindi naman siya nabubulunan. Bumuntonghininga siya. "Oo . . ? Medyo lang naman, 'ha?"
"Bakit patanong? Kakasabi mo lang, e. Wala nang bawian," nangingiti nitong sabi.
"E, ikaw rin naman. Last week pa dapat 'to, 'di ba? Pero hindi natuloy kasi, 'di ba, pina-cancel ko? Hindi ka naman maghihintay ng halos isang linggo kung hindi ka rin interesado sa'kin. Akala ko nga, magagalit ka sa'kin, e."
"Hay." Umiling ito, sukong-suko na yata sa kakulitan niya.
"Umamin ka na. Wala namang mawawala sa'yo," sumimsim siya ng champagne, "Mababawasan lang siguro nang kaunti 'yang pride mo."
"Oo na, oo na." Tuluyang kumawala ang pinipigilan nitong ngiti.
Shit, may dimples ang loko.
Napangiti siya nang malawak. "See? Hindi naman gano'n kahirap."
"Ang old school kasi ng pangalan mo. Akala ko nga manang kang manamit kaya medyo nagulat ako no'ng dumating ka."
"Naks. Na-flatter ako do'n kahit inakala mong manang ako. Pero pa'no mo nalamang ako 'yon? Wala naman akong nameplate or something na may pangalan ko." Humagikhik siya sa sarili niyang joke habang walang reaksyon ang lalaki.
"Gut feel? Ewan ko. Saka, lumingon ka no'ng tinawag kita. I think that's enough proof that you're the Luna I was supposed to meet last week." Sumubo ito ng beets, halos sunod-sunod. Mukhang nagutom kahihintay sa kanya.
"The Luna? Remi must have spoken so highly of me," nailing siya, "'Di naman ako gano'n ka—"
"Gano'n ka . . ?" nakapalumbaba nitong tanong. Mukhang interesado sa sunod niyang sasabihin.
"Hindi mo ako papatapusin tapos magtatanong ka kung anong kasunod. Ang labo mo." Inubos niya ang natirang mga fig sa plato niya.
"Ano nga kasi?" pangungulit pa nito.
Lumunok siya. "Sabihin na lang nating hindi ako 'yong ine-expect mo."
Itinaas nito ang kanang kamay, pinatigil siya sa pagsasalita. Kinain nito ang lahat ng cherry tomatoes sa plato bago ubusin ang tubig sa baso. "But I'm not expecting anything from you. Well, at least, not yet."
"Okay. At least, ngayon pa lang, nagkakalinawan na tayo. Maganda 'yan."
"Take this from someone you just met: maganda ka. Don't think so low of yourself," ngumiti ito sa kanya.
Lord . . . thank you.
"Ang gulo mo. Ang sungit mo tapos bigla kang babait. Pati tuloy ako, naguguluhan."
"Just take that as a compliment. Puwede ka namang kiligin kahit 'di mo pa 'ko masyadong kilala."
"Okay na sana kaso nawala kasi bumanat ka bigla, e. Bakit kailangan mong sirain?" natatawa niyang tanong.
Namula na naman ang mga pisngi niya. Huminga siya nang malalim. Para maikalma ang nagwawalang mga hayop sa tiyan niya. Hindi lang mga paru-paro e, parang buong zoo na.
"Puwede naman akong manghingi ng second date kahit kailan ko gusto, 'di ba?"
Nabitawan niya 'yong tinidor. "Ha?"
"Nagbibingi-bingihan pa, narinig naman."
"What?"
"Wala, wala. Ang sabi ko, dalian mo na kasi may main course at dessert pa."
"Okay," nakayuko niyang sagot.
Narinig naman niya. Hindi lang niya alam kung anong isasagot. Mas mabuti nang umiwas kaysa magmadali at magkamali, 'di ba? Masyado pa kasing maaga.
Isa pa lang ang sigurado niya: lalalim pa ang gabi at marami pa siyang gustong malaman.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro