Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

01 || one

"ANO BA talagang trabaho mo?" tanong niya sa nagmamanehong si Nox.

"Mahirap ipaliwanag," nangingiti nitong sagot. "Ano bang mayro'n? Bigla kang naging curious, e."

Nag-iwas siya ng tingin. Ibinaling niya ang atensyon sa labas ng bintana. "Wala naman."

"Ano nga?"

"'Tong kotse mo kasi," pinagmasdan niya ito, "Mukhang bago. Don't tell me . . . bumili ka pa ng kotse para la―"

"Hindi, a. Last week pa 'to. Masyado kang ano."

Nangunot ang noo niya. "Masyado akong ano?"

Umubo ito. "Assuming." Isa pa ulit.

"Narinig ko naman."

"Malamang. Sinadya kong marinig mo, e."

Inirapan niya ito. Matalim. "Ewan ko sa'yo, Orion Nox."

"Pagod ka nang makipagtalo, 'no?" nakangiti na naman nitong tanong, "Wow, unang beses mo 'kong tinawag na Orion."

"Medyo pagod na nga 'ko. Saka, anong unang beses? Makasabi ka ng unang beses, parang ang tagal na nating magkakilala, a?"

Pumalatak ito. Parang hindi nagustuhan ang dating ng sinabi niya. "Gusto mo na bang umuwi?"

"Ayoko pa. Bakit? Anong oras na ba?"

Akmang kukunin na niya ang cellphone mula sa purse niya nang mgsalita ito. "It's almost ten. Maaga pa pero kung gusto mo nang umuw―"

"Ayoko nga. Ang kulit mo," muli niya itong inirapan, "Malayo pa ba?"

"Nandito na tayo."

Hindi niya namalayang patay na ang makina ng kotse. Nakaparada na rin pala. Sumilip siya sa bintana bago tuluyang bumaba. Pares.

Nilingon niya si Nox.

"Bakit? 'Di ka naman maarte, 'di ba?" tanong nito sa kanya habang tinatanggal ang seatbelt.

"Hindi nga. Tara na, gutom na ako." Binuksan niya ang pinto at bumaba ng kotse.

Tahimik lang na nakasunod sa kanya ang lalaki. Agad siyang umupo. Walang masyadong tao, e. Mukha tuloy naka-reserve para sa kanila 'yong lugar.

Umupo ito sa harap niya. "Anong kakainin mo?" tanong nito sa kanya.

"Gusto ko ng bulalo. Saka, tapsi."

"Takaw talaga," kumento nito.

"Halos ikaw lang kumain no'ng pagkain ko kanina, e. Hindi ko kasalanan kung gutom ako ngayon."

"Sus. Magpasalamat ka na lang," tumayo ito, "'Di ikakababa ng pride mo 'yan."

"Bumili ka na. Ang dami mo pang sinasabi, e." Gutom na siya. At nahahalata naman ata 'yon ni Nox.

Mabilis nitong hinubad ang suot na hoodie at inabot sa kanya. "Isuot mo."

Tinanggap niya iyon. "Naks. Ang sweet."

Umirap ito sa kanya. Mas matalim nang kaunti kaysa sa kanya. Matatakot sana siya pero napansin niyang namumula ang mga tainga nito.

Ibang klase. Marunong palang umirap ang isang 'to.

Naiiling itong umalis para um-order ng pagkain.

Dilaw 'yong mga mesa, pati mga upuan. Ang sahig? Maroon ang tiles at hindi makalat. Kaunti lang ang tao. Mabibilang sa daliri (sa kamay).

Hindi masyadong maingay, hindi rin gaanong tahimik. Saktuhan lang.

Kinuha niya ang phone sa purse niya. Nakailang missed calls pala si Remi. Mabuti na lang at naka-silent iyon. Binalik niya iyon sa purse niya.

Humiga siya sa mesa. Tiningnan niya si Nox. Nakatalikod, nakapila.

What's his deal?

Kumunot ang noo niya. Naningkit din ang mga mata.

Bigla itong lumingon sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata.

Malayo ito. Literally and metaphorically.

Ang daming mesa at upuan sa pagitan nila pero . . . hmm. Walang nag-iwas ng tingin. Pareho silang may gustong malaman.

Mata raw kasi ang nakapagsasabi ng mga hindi kayang sabihin ng labi.

Ipinikit niya ang mga mata. May tinatago kasi siya. Hindi nga lang niya alam kung ano at bakit niya tinatago.

Oo, magulo talaga. Ganoon siya kalabo.

Besides, someone must pull away.

Pagdilat niya, ito na ang nasa unahan ng pila. Hindi na ito nakatitig sa kanya. Medyo nagsisi siya sa ginawang pagpikit.

Gustong-gusto niyang nag-oobserba pero ayaw niyang inoobserbahan siya.

"'Wag kang matutulog," inilapag nito ang tray ng pagkain sa harap niya, "Magkukuwento ka pa. Bawal kang matulog."

Umayos siya ng upo. "Magtanong ka nga."

"Bakit pa? E, hindi mo naman sinasagot." Inabot nito sa kanya ang isang plato ng tapsilog.

"I told you, didn't I? Taboo 'yong tinatanong mo, e."

Pumalatak ito bago umupo sa harapan niya. "Sinabi ko na rin sa'yo, 'di ba? Hindi tabooed topic ang feelings."

"Bahala ka nga." Inirapan niya ito.

"May naisip ako," deklara nito habang ngumunguya ng tapa.

"Ano? Lunukin mo muna 'yan bago ka magsalita," nangiti siya, "Ang baboy mo, e."

"Anong baboy do'n?" uminom ito ng tubig, "Laro tayo."

Uminom din siya ng tubig. "Anong laro?"

Lumipat ito sa tabi niya. "Basta."

Lumayo siya nang kaunti mula rito. Sumiksik siya pakanan. "Anong laro?"

Itinaas nito ang sariling phone. "Magpi-play ako ng kanta," kumuha ito ng earphones at isinaksak iyon sa phone, "Naka-shuffle 'to."

"Paano naging laro 'yan?" taas-kilay niyang tanong dito.

"Magsabi ka ng kahit anong naaalala mo sa kanta. Kahit 'wag mo nang sabihin kung anong linya basta magsabi ka ng naaalala mo. Pati kung bakit mo 'yon naalala, sasabihin mo. Salitan tayo."

"Okay, game ako. Pero ikaw muna para alam ko kung pa'no." Sumubo siya ng tapa.

Sinuot ni Nox ang kaliwang earphone. "Okay, game."

Inabot nito sa kanya ang kanang earphone. Isinuot niya iyon sa kaliwang tainga.

Nilapag nito ang phone sa mesa para makita niyang naka-shuffle iyon.

"Hanggang dito na lamang ang 'yong mga luha. Tahan na, tahan na."

Naramdaman niyang nakatitig sa kanya ang lalaki. Natigilan siya sa pagnguya. "Ano?"

"Ikaw," seryoso nitong sagot.

Tumikhim siya. Kunwari, hindi niya naiintindihan ang sinabi nito. "Anong title?"

Muli itong uminom ng tubig. "Tahanan ng Munimuni."

"A . . . bakit ako?" lakas loob niyang tanong.

"Nandito lang ako, umaakay sa'yo. Nandito lang ako, naghihintay sa'yo."

"Kasi ikaw," simple nitong sagot.

Parang ang dali lang pero bakit siya, nahihirapan? Sumubo siya ng kaning may kasamang tapa. Ngumuya, lumunok. Uminom siya ng tubig. "Bakit ako?"

"Wala." Sumubo ito ng kanin.

"Anong wala? 'Di ba, sabi mo, dapat kasama 'yong dahilan?"

"Kasi fragile ka."

"I'm not fragile. Hindi ko kailangan ng karamay kung 'yan ang iniisip mo." Tinuloy niya ang pagkain.

"Hindi mo nga kailangan pero gusto mo."

Bull's eye. Na naman.

Natigilan siya. "I'm too tired to argue," pagpapalusot niya nang makitang natuwa ang katabi sa reaksyon niya.

"You're too tired to argue o tama ako?" ngumiti ito sa kanya, "Come on, Luna. Umamin ka na lang."

"Fine, tama ka na," pagsuko niya. Wala nang point kung magde-deny pa siya. Caught off-guard siya, e. Natameme. Wala siyang smartass comeback.

Tipid itong ngumiti sa kanya. "Okay, next song." Pinindot nito ang puting arrow sa lock screen ng phone.

He didn't ask why. Why didn't he pry?

"Kailangan ko ng karamay . . ."

Natawa nang mahina si Nox. Umirap siya. "Nananadya 'yan, a."

"Hindi. Naka-shuffle nga, 'di ba?" nakangiti nitong sabi.

"Ulitin, pilitin mong sabihin sa akin na ayaw mo rin pag-usapan. At 'wag mo na sanang ipaalala. Bukas, itong sakit ay wala na."

"Bakit gan'yan 'yong lyrics?" Inis siyang sumubo ng kanin.

Lalong natawa ang katabi sa reaksyon niya. "Anong naaalala mo?"

"Ako." Ngumuso siya.

"Para kang bata," kumento nito. "Bakit mo naaalala sarili mo d'yan? Ang narcissistic, a."

"Kasi ano," tumikhim siya, "kanina pa ako iwas nang iwas sa tanong mo."

"Buti alam mo. Okay, next song." Pinindot nito ang phone. Tinusok-tusok nito ang tapa gamit ang tinidor.

"I swore to the heavens, I swore to the sea, I swore that I'd make you stay with me."

Natahimik itong bigla. Yumuko.

Tiningnan niya nang maigi ang lalaki. Inobserbahan niya. Ilang segundo rin. Wala pa rin siyang mabasa.

Nagpatuloy ang kanta, "I swore to the mountains, I swore to the trees, I swore that I'd set you, set you free."

"Buhay ka pa ba?" tanong niya rito.

"Oo naman. Gusto mo ba 'kong patayin?" natatawa nitong tanong. May nag-iba, e. Pilit na 'yong tono.

"Hindi mo 'ko maliligaw. Anong mayro'n at natahimik ka bigla?" pang-uusisa niya. "Anong naalala mo? Ay, hindi pala. Sinong naalala mo?"

"You're getting good at this," naiiling nitong sabi. "Ganito kasi 'yan, Luna."

Kumunot ang noo niya. "Ano?"

"Sa umpisa ng bawat relationship, willing akong gawin kahit ano para hindi mawala 'yong tao."

"Pero ano?" Nakataas ang dalawang kilay niya sa anticipation sa sunod nitong sasabihin. Para kasing mabigat, e.

"Pa'no mo nalamang may pero?" nakangiti nitong tanong. Medyo totoo, hindi na gaanong pilit.

"Lagi namang may kasunod na pero." Gumanti siya ng ngiti.

Mabilis nitong sinuklay ang buhok gamit ang daliri. Nag-iwas ito ng tingin at suminghap. Pagkatapos, tumingin ito sa kanya at ngumiti. "Pero sa dulo, wala namang kuwenta 'yong pagiging willing ko. Lalo na kung ayaw na no'ng tao."

Ngumiti siya . . . ulit. Magaan lang. "Who broke you?"

Tumitig lang ito sa kanya. "Next song na?" nakangiti nitong tanong. Hindi peke pero pilit na.

"Okay, sabi mo, e," nag-aalangan niyang sabi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro