Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

01 || one

"SHIT." BUMALIKWAS SI Luna ng bangon. Agad niyang pinatay 'yong alarm clock na halos isang oras na (siguro) siyang pinipilit na gisingin.

Wala na. Kahit anong pagmamadali pa ang gawin niya, late na siya.

Halos buong araw siyang tulog. Matagal nang magulo ang body clock niya pero hindi niya inakalang puwede pa palang iyong masira . . . kasabay ng buhay niya.

Patakbo siyang pumasok sa banyo pagkatapos niyang mamili ng damit na isusuot. Itim na bestida. May straps iyon sa magkabilang balikat at hanggang tuhod ang haba.

Hindi na rin niya inayos ang buhok. Tamang suklay lang at pulbos sa mukha pagkatapos maligo. Kung makikita ni Remi ang ayos niya, baka talian pa siya nito, malagyan lang siya ng pulang lipstick sa labi. Mabuti na lang at tinamad itong sunduin siya.

E, hindi naman kasi siya mahilig sa makeup. Sakaling hindi siya magustuhan no'ng kikitain niya dahil lang sa hindi maganda ang ayos niya, ayos lang. Malamang, hindi worth it 'yong lalaki kung gano'n ang mindset nito.

Hindi ko kawalan.

Pagkatapos niyang maglagay ng pulbos sa mukha, nagsuot siya ng hikaw. Simple lang ang disenyo pero may palawit na mga puting (parang) bulak sa dulo.

Hawak na niya ang susi ng kotse niya nang maalala niyang binilinan siya ni Remi na 'wag nang magdala ng kotse kasi may dala 'yong lalaki.

Kumuha siya ng itim na pouch. Nilagay niya roon ang cellphone, wallet, keycard, at ang susi ng kotse niya. Lumabas siya ng unit at dumiretso sa elevator.

Wala namang mangyayari kahit pa mabilis siyang nakasakay. Late pa rin siya. At wala nang bago roon.

Ilang minuto pa at nakarating na siya sa Alejandro's. Agad niyang tinawagan si Remi. "Nandito na ako pero hindi pa 'ko bumababa ng taxi. Can I just call you back?" Sinenyasan niya ang driver ng sinasakyang taxi. Mukhang iritable na ito sa tagal niyang bumaba.

"Aurora Luna, it's just a date! Kumalma ka. Hindi ka naman kakainin niyan . . . well, unless magpakain ka."

"Shut up. Kadiri ka talaga kahit kailan." Pinaikot niya ang mga mata.

"Besides, I know him very well. Kaklase ko si Nox sa ilang subjects dati. He's a really great guy tapos matalino din."

"I think you're overselling him, Rem. Saka, Nox? Ang tamad naman ng magulang niya para bigyan siya ng gano'ng pangalan." Sumulyap siya sa bintana ng taxi.

"Whatever, Lu. Basta, balitaan mo ako, 'ha?" bakas ang pag-aalala sa boses ni Remi, "Kapag may ginawa siyang ano sa'yo, text mo 'ko agad."

"No need because I'll probably kick his balls but yeah, sure." Bumuntonghininga siya bago tuluyang ibaba ang tawag. Mabilis niyang sinuklay ng daliri ang kulot niyang buhok. Pinunasan din niya ang suot na salamin.

Pilit siyang pinasusuot ng contact lenses ni Remi pero hindi siya nagpatinag. Wala namang mali sa pagsusuot ng salamin, 'di ba? Minsan talaga, hindi niya maalala kung paano sila naging magkaibigan ni Remi. Babaeng babae kasi ito kumilos habang siya . . . hmm.

"Kuya, ito po 'yong bayad." Hinintay niya ang sukli bago tuluyang bumaba ng taxi.

Hindi naman siya nag-aalala kung magugustuhan ba siya no'ng Nox kasi . . . well, lovable naman siya. Isa pa, mukhang siya ang dapat mag-alala do'n sa ugali ng kikitain niya. May pagka-intimidating kasi siya at mukhang laging malungkot.

E, malungkot naman kasi talaga.

Natawa siya sa naisip. Pagpasok niya sa Alejandro's, kaagad na may lalaking nag-assist sa kanya. "Ma'am, do you have a reservation?"

Dumiretso siya nang tayo. "Yes, I do. It's under t—"

"Luna?"

Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses. Nangunot ang noo niya. "Are you . . . Nox?"

"Yeah, that's me. Tara na?" Lumapit ito sa kanya. Pasimple nitong kinuha ang kanan niyang kamay at ikinawit sa kaliwa nitong braso.

Ilang beses siyang kumurap. "Wait, are you really . . ."

"Oo nga. Ang kulit mo," naiiling na sagot ng lalaki.

Kahit hindi pa niya naiproseso ang nangyayari, wala na siyang nagawa kundi sumunod sa lalaking walang habas na nagsuot ng isang gray na hoodie at isang pares ng itim na slacks sa isang fine dining restaurant.

Hindi naman siya judgmental, sakto lang. Inaasahan kasi niyang nakasuot ito ng isang three-piece suit pero hindi.

Iginiya siya ng lalaki papunta sa isang mesang pangdalawahan. Hinila nito ang upuan sa likod niya at hinintay siyang umupo. "Thanks."

Umupo ito sa kaharap niyang upuan. "Nagpa-reserve na si Rem, last week pa. Mahirap daw kasing magpa-reserve ng table dito." Inayos nito ang pagkakatupi ng manggas ng suot na hoodie.

"Are you really Nox?" naguguluhan pa rin niyang tanong sa lalaki.

Saglit na kumunot ang noo nito. Naglahad ito ng kamay. "Para hindi tayo paulit-ulit dito, hi, I'm Orion Nox Alonzo."

"I just didn't imagine you wearing that," tinanggap niya ang kamay ng lalaki, "Aurora Luna. It's a pleasure to meet you."

"Halos isang oras kang late," pabulong na sabi ni Nox.

"Alam ko. Pinilit lang naman kasi ako ni Remi." Ni hindi niya pinagsisihan ang sinabi niyang iyon.

Ayaw niyang umasa si Nox na masusundan pa ang pagkikita nila. Hindi niya kailangan ng boyfriend. Hindi rin niya alam kung bakit biglang nagbago ang isip niya at pumayag siya sa kalokohan ng kaibigan.

Tumikhim ito. "A . . . halata nga."

"So, paano ka napapayag ni Remi?"

"Free food," direkta nitong sagot. Walang paligoy-ligoy. Parang siya.

Napayukom siya ng kamao. "Ano? Pareho lang naman pala tayong napilitan, e. Bakit pa tayo nandito?"

Tiningnan siya nito sa mga mata sa unang pagkakataon. "Hindi kita puwedeng hayaang umalis. Binilin 'yon sa'kin ni Rem pero kung gusto mo talaga, ihahatid na kita."

Bakit parang ang bilis nitong sumuko sa kanya? Hindi niya matantya kung nagbibiro lang ito o kung totoong ihahatid siya nito pauwi sakaling magpumilit nga siya. Sa pagkakataong 'yon, maski sarili niya, hindi niya matantya. "Ano?"

Tumayo si Nox. "Tara na, ihahatid na kita."

"Bakit?" naguguluhan niyang tanong.

"Ang gulo mo, a. 'Kala ko ba, napilitan ka lang?" Biglang nawala ang calm, cool, and relaxed nitong aura. Maamo pa rin ang mukha nito pero masungit na ang tono ng boses.

Napayuko siya. "Sayang 'tong pina-reserve ni Rem. Baka magalit pa sa'kin 'yon."

"Pabebe," pabulong nitong sabi.

Tuluyang uminit ang dugo niya sa narinig. "Ano? What did you just call me? Hindi ako pabebe."

"Narinig mo naman pala, e . . . Aurora Luna, kung ayaw mo, e 'di ayaw mo. Kung gusto mo, gusto mo. 'Yon lang ang pagpipilian mo kaya 'wag mo 'kong idamay sa kalabuan ng isip mo. Hindi mo lang oras ang nasasayang dito."

Umirap siya rito. "Hindi ka pa ba mag-oorder?"

Ngumiti lang ito sa kanya. Half smirk, half amused. Hindi siya sigurado kung mao-offend ba siya sa reaksyon nito.

Sinenyasan nito ang isang server.

"Welcome to Alejandro's. My name is Ivan and I will be your server tonight. Would you like some champagne?" Tumango lang si Nox. Pagkatapos ay nilagyan na ni Ivan ng champagne ang kaninang walang lamang mga baso sa harapan nila.

"No need. Three-course meal ang binigay sa'tin ni Remi," sagot sa kanya ni Nox pag-alis ni Ivan.

Pilit niyang pinakalma ang nanginginig niyang mga kamay sa ilalim ng mesa. Bakit ba siya kinakabahan? Unang beses niyang nerbyosin at makaramdam ng gano'n sa presensya ng isang lalaki. "Ibang klase talaga si Remi. Palibhasa kasi, hindi naman niya pera."

"Gan'yan ka ba talaga kasungit?" tanong nito bago sumimsim ng champagne mula sa baso.

Nawalang parang bula ang nerbyos niya. Napalitan iyon ng pagkamangha sa pagiging direkta nito. Pagkatapos, bigla na lang siyang naging kumportable. "Ako pa talaga? Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo? Mukhang mas may alam ka sa pagsusungit kaysa sa'kin, e."

Nagkibitbalikat lang ito. "Nagtatanong lang ako. Puwede mo namang hindi sagutin, e. Ang dami mo pang sinabi."

"You're impossible. Gan'yan ka ba ka-dense?"

"Naiinis ka kasi tinanong kita kung gan'yan ka kasungit tapos ibabalik mo sa'kin 'yong tanong? Hindi kita gets, Luna."

"Well, the feeling is mutual, Nox. Hindi rin kita ma-gets."

Sinungaling.

Masyado silang magkatulad ng timpla. Nakakatakot. Sanay na siyang humindi sa mga nirereto ni Remi pero mukhang maiiba ang ngayon. Bumuntonghininga siya at itinaas ang baso.

"Okay then, let's toast to that," nangingiting sabi ni Nox.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro