00 || zero
FAMILIARITY. Maraming puwedeng dahilan kung bakit at paano naging pamilyar ang isang tao. Baka may kapareho ng kilos, facial features, mannerisms, yada, yada, etc. Iba sa kaso ni Aurora Luna Francisco.
Para sa kanya, kapag pamilyar ang tao, may mali. Para sa kanya, nagiging pamilyar lang naman kapag tapos na. Hindi naman magiging déjà vu ang déjà vu kung hindi pa tapos, 'di ba?
Nagiging pamilyar lang naman kapag wala na. Puwede ring maging pamilyar kung nakalimutan o kinalimutan. Ang pagkakaiba ng dalawa? Sinadya at aksidente.
Kinusot niya ang mga mata bago magsuot ng salamin. Inalis niya ang pagkakatupi ng kulay pink niyang pyjamas. Pumalatak siya ng higa.
Umayos siya ng upo. Tinanggal niya mula sa pagkaka-charge ang cellphone niyang wala pa sa kalahati ang battery. Nag-unat siya ng binti bago sinimulang basahin ang kabibili lang niyang Looking for Alaska ng paborito niyang si John Green.
Hindi pa siya natatapos sa pag-amoy ng bagong biling libro nang may maalala siya.
Isinara niya ang libro bago kunin ang laptop sa bandang paanan ng kama. Binuksan niya iyon at tumipa: Twitter. Nang makita niya sa search results ang isang pamilyar na pangalan (kabisado na niya, pati gitnang pangalan), ki-nlick niya iyon.
Halos maibato niya ang laptop sa nakita pero hindi, nanatiling kalmado ang mukha niya. Parang ayaw tuloy makiayon ng mga mata niya sa gusto niya. Baka pagod na rin sa kanya. Hah.
Ayaw niya ng pamilyar. Kapag pamilyar, wala na. Tapos na. Hindi na puwedeng balikan. Hanggang pag-alala na lang ang puwede . . . na may halong panghihinayang, inis, pati lungkot.
Tinawagan niya si Remi. Wala na siyang pakialam kung magising niya pati ang fiancé nitong si Julian. "Rem!"
"Alam mo ba kung anong oras na? 'Wag mo nga 'kong dinadamay sa pagiging single mo at 24," iritable nitong sabi sa kanya.
"May bago na si Gago." Hindi niya pinansin ang sinabi ng kaibigan.
"What? Sino?" Alam naman nito kung sino ang tinutukoy niya. Gusto lang siguro nitong banggitin niya ang pangalan ni "Gago".
"By the way, hindi ko naman kasalanan kung engaged ka na at 25 years old. Not to mention na halos mag-asawa na kayo at kasal na lang ang kulang kasi nagsasama kayo sa iisang bahay. Kailan ba kayo magpapakasal ni Juls?"
"Teka nga! May bago na agad si Wes? Sino? Maganda ba? Sure ka ba? E, 'di ba, para ngang napipilitan pa siya no'n?"
"Remi, ano ba?" bumuntonghininga siya, "Hinay-hinay lang. Oo, may picture silang magkaakbay. 'Di ko kilala, e. Nakakatamad hanapin 'yong pangalan. Hindi naman kasi maganda. Hindi 'yon ang tinawag ko sa'yo, by the way."
"E, ano pala? At four in the morning talaga, Lu? 'Yong totoo, natutulog ka pa ba?"
"Ayos lang ako. Umiinom na ako ng meds. Hindi na ako hihimatayin like last time." Tumayo siya para kumuha ng tubig.
"Ano nga? Bakit ka tumawag? Dalian mo, iniirapan na ako ni Julian Fritz."
"Ay, gising pa siya?" sumisim siya ng tubig mula sa baso, "Kayo 'ha . . . anong ginagawa niyo at four in the morning?"
"Utak mo. Nahahawa ka na sa'kin. Nagising kasi ang ingay ko raw. Ba't ka nga kasi tumawag?"
"Puwede pa ba 'yong kakilala mo?" halos pabulong niyang tanong. Nahihiya kasi siya. Todo tanggi siya noon sa mga nirereto ni Remi pagkatapos ngayon . . . siya na mismo ang nagpapareto.
"Nahiya ka pa. Oo, puwede pa 'yon. Maraming free time ang isang 'yon pero mayaman. Kayang-kaya ka nang buhayin."
Naglakad siya pabalik sa sofa bed at umupo. "Kailan ba siya puwede?"
"Marami ngang free time 'yon! Ikaw lang ang may problema sa schedule."
"Teka." Hinanap niya ang planner. Wala namang naka-schedule na pupuntahan . . . wala naman talaga siyang isinulat doon. Napailing siya. "Puwede ako mamaya. Anong oras ba?"
"Seryoso ka ba? Wala ka pang tulog, a? Puwede pa naman 'yon bukas. 'Wag ka ngang magmadali," pananaway nito.
"Kaya ko naman. So, anong oras siya puwede?" Muli siyang humiga sa kama.
"Hmm . . . mga 7 siguro. Mag-dinner date na lang kayo."
"Sige. Thanks, Rem."
Pagbaba niya ng tawag, mariin siyang pumikit. Bumuntonghininga na naman siya. Ayos lang naman siya, e. Ayos lang naman ang lahat.
Kaya pa naman niya.
Ang mahalaga ngayon ay ang matulog siya kaagad para hindi siya ma-late sa pinag-usapang oras.
Familiarity. Natatakot na siya doon sa hindi malamang kadahilanan. Imposible namang maging pamilyar ang isang estranghero, 'di ba?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro