Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14

MATAGAL na hindi nakahuma si Lauri dahil sa sinabing iyon ni Isaak. Nakagat niya ang loob ng pisngi. Parang may kung anong nagsasayaw sa katawan niya at nabubunggo niyon ang mga happy cells niya. Kaya naman hindi niya napigilan ang ngiti na pilit kumakawala sa kanyang bibig.

Hanggang sa mga oras na iyon, hindi siya masanay-sanay na ganoon ang nagiging reaksyon niya kay Isaak. Oo nga't naging kwestiyonable ang nararamdaman niya para sa binata. Para bang biglang nagkaroon ng tag-init sa bansang puro lamig. Biglaan at hindi niya inaasahan. Pero siya ang tipo ng tao na kapag naramdaman niyang gusto niya talaga, yayakapin niya nang buong puso.

"Magpapaalam lang ako sa mga kaibigan ko."

"Okay, Lauri."

Nang maibaba ang tawag ay bumalik siya sa loob ng Greenhouse. Napakamot siya sa batok nang makita ang mga pagkain sa lamesang inoukupa nila. Kung bakit kasi inuna pa nila ang pagku-kwentuhan kanina bago um-order. Sumabay pa tuloy iyon ngayon sa pag-alis niya.

"Baka hindi ko na kayo masabayan," aniya nang makalapit sa lamesa.

"Ha? Bakit? Paano 'tong in-order mo?" si Hera.


Kinuha niya sa upuan ang bag niya. "Kaya mo na 'yan. Waffles lang naman 'yan."

"Nakatanggap ka lang ng tawag, aalis ka na bigla? May date ka, 'no?" nakangising tanong ni Paulene.

Inirapan niya ito. "Wala akong date. Mauna na ako."

Tatalikod na sana siya nang matigilan siya sa kapit sa braso niya. Si Hera iyon.

"Tandaan mo 'yong sinabi ko kanina, ha? 'Wag mong pigilan ang nararamdaman mo, Lauri. Kapag pinigilan mo, lalo lang kakawala."

Walang ganang tumango na lamang siya. Saka lang nito pinakawalan ang braso niya habang malapad ang ngiti.

"Enjoy, Lauri!" ani Alicia na may nanunukso pang ngiti.

"Balitaan mo kami, ha?" sabi ni Paulene. Hagikgikan ng mga ito ang sumunod.

Napabuga siya ng hangin nang makalampas sa mga kaibigan. Naglakad siya patungo sa university. Mabuti na lang at mababa na ang araw. Hindi sila nagdadala ng sasakyan kapag kakain sa Greenhouse dahil wala namang malawak na parking lot doon. Kasya lang doon ang isang kotse. Minsan pa'y okupado dahil sa mga nakaparadang motor.

Hinihingal nang makarating siya sa parking lot sa loob ng university. Agad niyang binuhay ang kotse para sa aircon. Nagawa niya pang silipin ang mukha sa salamin at nagretouch ng makeup bagay na hindi na niya ginagawa kapag uuwi naman.

Bago umalis doon ay ti-ne-xt niya muna si Isaak kung saan sila magdi-dinner. Sa halip na magreply at tumawag pa ito. 

"Ako na ang magde-decide kung saan?"

"Oo. At kung ano 'yong gusto mo." 

Pansin niya na may alam ang binata tungkol sa mga gusto niyang pagkain. Dinala siya nito sa Inari's na paborito niyang restaurant. At noong um-order ito sa Cooleats na hilig niya ring dayuhin, ang in-order din nito roon ay mga hilig niya ring kainin doon. At hindi lang sa pagkain. Naalala niya rin noong kaarawan ng kanyang ninong. Niyakag din siya nito na umalis dahil alam nitong hindi maganda ang mood niya, ipag-da-drive pa nga siya nito kahit kasalukuyang may party sa mga ito. Hindi iyon nagkataon lang. At aalamin niya mamaya kung paano nito nalaman ang mga gusto at ginagawa niya. Hindi pwedeng mangangapa lang siya palagi sa mga kilos nito. 

"Sure kang ako ang magde-desisyon?"

"Oo nga!"

Pinaandar niya ang sasakyan at inilabas na iyon ng university. Nang madaanan niya si Isaak ay nakatutok ang tingin nito sa bintana kaya nagtama ang paningin nila. Nang malampasan niya ito at nang tingnan niya sa side mirror ay nakasunod na agad ito sa kanya.

"So, saan nga tayo kakain?"

"Treats Street."

Treats Street? Saan naman kaya 'yon? "Okay. Lead the way."

Ilang saglit ay nakita na niya ang pag-overtake ng binata. Hindi traffic sa lane nilang iyon kaya hindi lumampas ng kinse minuto ay pumapasok na sila sa isang pamilyar na daan pero hindi niya gaanong napupuntahan. Sa Complex. 

"Naka-flat shoes ka naman, 'di ba?"

Napaatras ang ulo niya nang marinig ang boses ni Isaak. Napatitig siya sa maliwanag na screen ng cell phone niya. Doon niya napagtanto na hindi na pala nila napatay ang tawag.

Nagtataka man sa tanong nito ay sumagot na lang siya, "Oo, naka-flats ako. Bakit?"

Wala na siyang narinig na sagot dito. Ilang minuto lang ay pumapasok na sila sa isang public parking lot. Nangunot nag noo niya nang may madaan na parking space pero dumiretso pa rin ang binata. Agad na nakuha niya ang gusto nito nang makakita ng dalawang magkatabing parking space ay saka ito nagpark. Agad niyang pinarke ang kotse niya sa tabi nito. Ingay ng mga sasakyan sa kalsada at init na singaw ng paligid ang sumalubong sa kanya nang makalabas siya ng kotse.


"Saan tayo?"

Itinuro nito ang daan patungo sa kalsada. Inilahad ng binata ang braso habang nakatayo ito sa unahan ng kotse nito. Naglakad siya palapit dito. Nang makalapit ay naramdaman niya ang paglapat ng mainit na kamay nito sa likuran niya kaya naman napaliyad siya. Nagkatingin sila.

"Sorry..." mababa ang boses na hinging paumanhin nito at nawala ang kamay sa likod niya.

"I-It's okay."

Tumikhim siya at tumingin sa unahan.

"Dito tayo, Lauri."

Napatingin siya sa kaliwang braso niya nang hawakan iyon ng binata. Inalalayan siya nito roon habang naglalakad.

"Mauna ka," ani Isaak.

Pumasok sila sa isang makipot na daan; kasya lang ang isang tao. Napapagitnaan iyon ng mga tent na may mga tindang apparels. Humawak muli sa kanya si Isaak nang makalabas sila doon. Kahit noong tumawid sila ng kalsada ay nakaalalay sa kanya ang binata. Gusto niyang matawa. Akala yata ni Isaak ay mawawala siya kung hindi siya nito hahawakan doon.

Muli siya nitong pinauna nang may pinasukan muli silang makipot na daan na mayroon ulit na mga tent sa magkabilang gilid. Marami na roon at dikit-dikit. Maya't maya ring may nag-aalok sa kanila na bumili na nginingitian niya lang o tataasan ng kamay bilang pagtanggi.

"Ow!"

"Lauri!"

Ramdam niya ang mga kamay ni Isaak sa kanyang mga braso at ang katawan nito sa kanyang likuran nang muntik na siyang matumba dahil sa biglang paglabas ng tumatakbong bata. Nag sorry naman iyon habang patuloy na tumatakbo.

"Are you okay?" puno ng pag-aalalang tanong ni Isaak.

Mahina siyang natawa. Akala mo naman ay sasakyan ang muntik ng makabangga sa kanya. "Okay lang."

"Careful," sabi pa nito.

Nakalabas muli sila sa makipot na daan. Abalang kalsada muli ang sumalubong sa kanila. Ingay ng mga sasakyan at ng mga barker ng mga iyon ang mas pumuno sa pandinig niya. Kabilaan pa rin ang mga tent sa mga gilid ng kalsada na may tinda katulad ng dinaanan nila kanina. May mga food stalls din at maliliit na establisyemento sa paligid.

Masyadong abala ang kalsada dahil sa dami ng tao na naglalakad kaya kailangan ay maingat rin ang kung sino mang maglalakad doon, kung 'di ay makakabunggo ka o baka ikaw ang mabunggo.

"Malayo pa?"

Nilingon siya ni Isaak. "Pagod ka na?" balik tanong nito.

"Hindi naman," pagsisinungaling niya.

"Malapit na. Doon lang sa main road."

Tanaw na nga niya ang main road na tinutukoy nito. Para siyang nakahinga nang maluwag. Nag ja-jogging naman siya pero parang mas pinagod siya ng paglalakad nilang iyon. Pakiramdam niya kasi nakakapagod makipagsabayan sa abalang kalsada. Naisip niya tuloy ang mga taong nakakasalubong. Araw-araw na tinatahak ng mga iyon ang kalsadang iyon. Parang ang paglalakad pa lang doon ay pakikipagsapalaran na.

"Bakit hindi pa tayo nagdala ng sasakyan?"

"Walang malawak na parking lot doon, Lauri.

Kaya pala. Kanina niya pa kasi iniisip kung bakit kailangan pa nilang maglakad gayong pwede naman silang dumiretso na lang doon sakay ng kotse at hindi na sana pumasok ng complex. Iyon naman pala ay dahil doon. At mas naintindihan niya lang iyon nang makarating sila sa pupuntahan. Tabing kalsada nga lang iyon.

"We're here."

Parang nabuhay ang dugo niya sa narinig. Marahas na napabuga siya ng hangin. Narinig iyon ng binata kaya natatawa siya nitong nilingon.

"Napagod ka?"

Nakangiwing tumango siya. "Kaunti."

Muli itong natawa. "Bakit sinabi mo kanina na hindi?"

"Sasabihin ko pa ba naman 'yon?" nakangusong aniya. "Teka, saan tayo kakain?"

"Dito. Halika."

Muli niyang naramdaman ang kamay ni Isaak sa braso niya. Malawak na parking lot ang nilakad nila pero may mga nakaparada roon na mga motor.  At hindi niya napigilang mapanganga sa pagkamangha nang makita ang pinasukan nila. Para 'yong isang malaking garage na nilagyan ng mga lamesa at mga upuan sa gitna. Sa kaliwa't kanang gilid ay nakahanay ay ang iba't ibang food stalls. Maraming customers. At hindi lang pagkain ang nakahain sa lamesa ng mga iyon, mayroon ding mga alak. At mas natuwa pa siya nang makita ang videoke sa bandang likuran. Kasalukuyang may kumakanta roon.

Pum'westo sila ni Isaak sa pangatlong lamesa mula sa dulo. Napangiti siya. Totoong namamangha siya sa kinaroroonan nila. Kung bakit hindi nila nadidiskubre iyon ng mga kaibigan niya ay nakahihinayang.

Napansin niya ang pasimpleng paglinga ng mga mata ni Isaak nang makaupo ito sa harapan niya.

"Ano'ng ginagawa mo?"

"I'm just looking for something… suspicious," mahina nitong ani. Halos ibulong nito iyon.

Agad na nilukob siya ng kaba.

"Sa palagay mo magagawa akong puntahan ng taong iyon dito at saktan?" Matalas ang tono niya. Nakaramdam siya ng inis. Dapat ay nag-e-enjoy siya at hindi ganoong kinakabahan.

Mukhang napansin ng binata ang pagiging tuliro niya. "Gusto ko lang makasiguro, Lauri. I'm sorry!"

Nakaramdam ng hiya. Kapakanan niya ang iniisip ng binata pero nakukuha niya pang mainis dito.

"I-It's okay. Kinabahan lang kasi ako."

Ngumiti ito at tumango. "It's okay, Lauri."

"Did you notice anything unusual?" tanong niya pagkadaka. Muli pa siyang luminga.

Nakangiti itong umiling. "Nothing, Lauri. You can relax now." Humawak pa ito sa kamay niya at marahang humaplos doon. Mabilis na nawala ang kaba niya. "What do you want to eat? May sea foods, chicken, porks, barbeques..." pagbabago nito ng usapan.

Tiningnan niya naman isa-isa ang mga food stalls. "Ano 'yon?" Turo niya sa may nag-iihaw malapit sa pinakadulo. Hindi naman mukhang barbeque. Malaki iyon at nababalutan ng aluminum foil.

"Inihaw na bangus."

Namilog ang bibig niya. "Iyon ang gusto ko!"

Matunog na napangisi si Isaak. "Okay. Anything else?"

"Beer!" parang batang aniya kaya natawa ito.

"Isa lang dahil magda-drive." Tumango siya. "Ano pa?"

"'Yong gusto mo naman."

"Wala ka ng idadagdag sa inihaw na bangus?"

Umiling siya. Tumango ito saka tumayo. Tatalikod na sana pero natigil nang tumayo rin siya. Taka siya nitong tiningnan nang kumunyapit siya sa braso nito.

"Sasama ako."

⊱╼╼╾╾⊰

GANADO silang kumain ni Isaak. Inihaw na bangus, barbeques, bulalo at rice ang nakahain sa lamesa. Sinunod din nito ang request niyang beer. Nag extra rice pa ito. Nang maubos naman ang isang kanin niya ay namapak lang siya ng ulam. Masarap ang inihaw na bangus. Busog na busog sa palaman na kamatis at sibuyas. Samantalang abot hanggang sa buto ng karneng baka ang lasa ng bulalo. Ang mais doon ang huli niyang nilantakan.

Inilibot niya ang paningin. Nag-iinuman na ang ibang nasa lamesa. "Ang ganda rito. Yayayain ko rito minsan sila Hera. Siguradong magugustuhan nila rito."

"Kasama ang Daniel na iyon?"

Nilingon niya ito. "Of course!"

Umasim ang mukha nito pero saglit lang iyon. Tuloy ay hindi niya napigilan ang mapangiti.

"He likes you."

"I know."

Umangat ang kilay nito. Tapos na rin itong kumain at kasalukuyang nagpupunas ng tissue sa bibig na saglit na itinigil. "You know?"

"Oo naman. Ilang beses na niya 'yong nasabi sa akin."

Nagsalubong ang kilay nito pero mabilis na nawala iyon. "Umamin na pala."

Nilaro niya ng fork ang stick ng barbeque na nasa lamesa. Malalim siyang napahinga. Bumigat ang dibdib niya nang maalala ang huling pag-uusap nila ng kaibigan. "He has always been honest about his feelings." At gusto na niyang agad siyang makalimutan nito.

"Do you like him?"

Umaangat ang tingin niya rito at pinaikutan ng mga mata. "Kung gusto ko siya, sana siya ang kasama kong nagdi-dinner ngayon.

Tumango ito. Kinuha nito ang baso ng beer na wala pang bawas. "Do you like someone else?" tanong nito bago dinala ang beer sa bibig. Habang umiinom ito ay nasa kanya ang tingin.

Hindi siya nakaimik. Napainom din tuloy siya ng alak. Paano naman niya ito sasagutin? "Oo, at ikaw iyon." Ganoon ba? Baka bigla na lamang itong magyakag pauwi sa sobrang gulat. Sa huli ay wala siyang naisagot sa tanong nito.

"Enough about me, Isaak. Lagi ka ba rito?"

"Minsan lang, Lauri."

"Sino namang kasama mo kapag nagpupunta ka rito?"

"College friends. Sa kanila ko rin nalaman ang lugar na ito."

Tumango-tango siya. "Mga lalaki?"

Tumango ito. "At may mga babae rin minsan."


Umangat ang kilay niya. "Nag-iinom kayo?"

Nagkibit ito ng balikat. "Oo. Hindi naman maiiwasan 'yon. Lalo pa't minsan lang din magkita-kita."

"Kasama ang mga babaeng 'yon?" Hindi niya napigilan ang samahan ng pagtataray ang pagtatanong. Tumikhim siya nang makita ang bahagyang panlalaki ng mga mata nito saka sumilay ng ngiti sa labi nito. "Curious lang ako."

Totoo naman. Curious lang siya kung madalas ba roon ang binata at kung sino ang kasama nito sa pagpunta roon. Pero hindi niya inaasahan na may kasamang mga babae. Wala naman kasi siyang nababalitaan na may kaibigan itong babae noon. Wala rin siyang nakikitang kasama nito noon.

At pagkatapos ng pag-iinom ay ano?

Nakaramdam siya ng inis dahil kung anu-anong senaryo ang nabubuo sa isip niya. At hindi niya nagugustuhan iyon.

"Nagagawa mo na ang maging curious tungkol sa akin, Lauri?" napapantastikuhang tanong nito. Hindi nawawala ang ngiti sa labi. "That's new."

Inirapan niya ito. Doon niya naalala ang binalak kanina na itatanong dito.

"Eh, ikaw nga maraming alam tungkol sa akin. Inari's, cooleats, my comfort foods, and even my way of finding my inner peace."

Nawala ang ngiti nito pero nanatili ang tingin sa kanya.

"Akala mo hindi ko mapapansin?" Ipinatong niya ang mga braso sa lamesa at pinaningkitan ito ng mga mata. "Now, I'm curious. How did you even know all of that, Isaak?"

Hindi pa rin ito sumagot. Muling dinampot nito ang baso ng beer pero bago pa ito makainom doon ay narinig niya ang buntong-hininga nito.

"Iyon ba ang mga nalaman mo mula pagmamanman mo sa akin noon?" pagpapatuloy niya.

Tumitig ito sa kanya. Nilabanan niya iyon. Hindi lang siya kuryoso. Gusto niyang malaman ang totoo.

Bumuntong-hininga ito saka tumango. "Yes, Lauri. Nalaman ko ang mga iyon habang sinusubaybayan kita."


⊱╼╼╾╾⊰

TAHIMIK siya habang papunta sila ni Isaak sa parking lot kung nasaan ang kanilang sasakyan. Pagkatapos ng sinabi nito kanina ay agad na nagyakag siya rito pauwi.

Alam niyang napansin nito ang kanina pang pananahimik niya dahil kanina pa nito kinukuha ang atensyon niya pero hindi niya ito pinapansin. Dumiretso lang siya sa sasakyan.

"Hey... Lauri!"

Hindi niya pinansin ang tawag ng binata. Maski noong maramdaman niya ang hawak nito sa braso niya. Inaalis niya lang iyon nang hindi ito tinatapunan ng tingin. Nakarating sila sa parking lot. May kadiliman na roon. May kalayuan pa ay pinatunog na niya ang kotse niya. Patuloy siyang tinatawag ni Isaak. Bubuksan na sana niya ang pinto ng kotse nang humarang doon ang binata.

"May problema ba? Please, kausapin mo ako, Lauri. Why are you being like this?"

Sa gilid siya tumingin para hindi niya ito makita. "Please, gusto ko ng umuwi."

Hinawakan nito ang pisngi niya at pilit siya nitong inihaharap dito. Pero nagmamatigas siya. Inalis niya ang mga kamay nito roon.

"What's wrong, ha?"

Napapikit siya nang marinig ang malungkot at nag-aalala nitong boses.

"Is it because of what I said earlier?

Kumuyom ang mga kamao niya.

Noon pa man alam na niya. Nakabantay si Isaak sa kanya. Pero umaasa siya kanina na hindi iyon ang sasabihin nito. Pero dito na niya mismo narinig. Sinusubaybayan siya nito. Kung gano'n, tama ang hinala niyang pinababantayan siya rito ng mommy niya?

Nasasaktan siya. Kahit noon, kaya nga galit na galit siya rito. Pero mas doble ngayon. Nalulungkot siya at nasasaktan. Dahil pakiramdam niya trabaho lang ang lahat para rito. Baka nga kahit ang pagbabantay at pag-aalaga nito sa kanya simula noong may nangyari sa kanya ay trabaho lang dito.

Sana nga nag bodyguard ka na lang at hindi na nag pulis!

"Magpapaliwanag ako, Lauri."

Nag-angat siya ng tingin dito. Matalim niya itong tinitigan. Kita niya ang bahagyang pagbukas ng bibig nito at mahinang pagbuga nito ng hangin kahit ang lungkot sa mga mata nito. Marahil ay nakikita nito sa kanya ang lungkot na nararamdaman.

"Bakit mo ako isinumbong kay mommy?"

Naguguluhan ang tingin nito sa kanya. "What do you mean, Lauri?"

"Noong nahuli mo akong naninigarilyo noon. Bakit mo sinabi kay mommy? Hindi ba't nangako ka na hindi mo sasabihin sa kanila ang tungkol doon!"

Nangunot ang noo nito at parang hindi ito makasunod sa sinasabi niya kaya lalong lumalago ang galit niya. Matagal siya nitong tinitigan hanggang sa makita niya ang bahagyang panlalaki ng mga mata nito.

"Hindi ko kailanman ginawa 'yon, Lauri."

"Ano!"

"Hindi ko alam kung bakit naiisip mong ako ang nagsabi niyon kina Tita Barbara. But I never did that, Lauri."

"Oh, come on, Isaak. Sino pa bang magsasasabi niyon kung hindi ikaw! Hindi ba't ikaw lang naman ang nakakita sa akin noon? At nasa bahay ka na noong umuwi ako! Pinagsisihan ko na 'yon at hinding hindi ko na gagawin pero binigo mo ako! Nangako ka pero sinira mo 'yon!"

Hinihingal siya nang matapos sa pagsigaw. Nakanganga si Isaak at gulat na nakatitig sa kanya.

"Iniisip mo ba talagang ginawa ko 'yon? Hindi ko kailanman sinira ang pangako ko sa 'yo, Lauri." Nahimigan niya ang hinanakit sa boses nito.

Itinulak niya ito sa dibdib. "Kung hindi ikaw, sino? Huwag ka ng magsinungaling, Isaak."

Napahilamos ito sa mukha at marahas na bumuntong-hininga. "Iyan ba ang dahilan kung bakit galit na galit ka sa akin, ha? Dahil lang diyan?"

Mabilis na nag-init ang mga mata niya dahil sa huli nitong sinabi. "Lang? Dahil lang doon? Dahil lang doon, Isaak, naranasan ko ang mapagbuhatan ng kamay ni mommy. Oo, alam kong kasalanan ko iyon at dapat lang na parusahan. Pero binigo ako ng taong pinagkatiwalaan ko at iyon ang masakit! Unang beses, Isaak. Nilunok ko ang takot at hinarap kita. Pero unang beses... Unang beses na nagtiwala ako sa 'yo, binigo mo na agad ako. You betrayed my trust!"

Unti-unting lumambot ang ekspresyon nito. "I'm sorry, Lauri..." Tumungo ito kasabay ng malakas na pagbuga ng hangin.

Mabilis niyang pinunasan ang pumatak na luha sa mga mata niya. Bumalik ang pakiramdam na ilang taon niyang dala sa puso. Sakit at galit. Nasaktan siya nang lubos dahil sa ginawa nito at nagagalit. Siguro dahil ibinigay niya ang buong tiwala rito noon. Ito ang unang tao na labis niyang pinagkatiwalaan pero ito rin ang unang bumigo sa kanya.

"Pero hindi ko ginawa iyon, Lauri."

Napasinghal siya. Tinabig niya ito pagilid. Hindi niya alam kung sinadya nitong magpadala sa tulak niya o talaga lang lumakas siya dahil sa galit na nararamdaman.

Bubuksan na sana niya ang pinto ng kotse nang maramdaman ang yakap nito mula sa kanyang likuran. Nanigas siya at para bang nakalimutan niyang bigla ang galit na nararamdaman kanina lang. Wala siyang ibang naisip kung 'di ang mainit na katawan nito sa kanyang likuran, ang mahigpit ngunit magaang mga braso nito na nakapulupot sa kanyang bewang. At ang mainit na hininga nito na tumatama sa likod ng kanyang ulo. Niyon niya napagtanto kung gaano kalakas ang epekto ng binata sa kanya.

"Hindi ko kailanman ginawa 'yon, Lauri. Hindi ko kailanman sinira ang pangako ko sa 'yo. Maniwala ka sa akin. Dahil hindi ko makakayanan ang nakikitang nasasaktan ka."

Mariin siyang napapikit. Pilit niyang nilabanan ang naramdaman. Nagpumiglas siya sa yakap nito. At nang mawala ito sa likuran niya at hinarap niya ito.

"Ipagpapatuloy mo pa ba ang pagsisinungaling, ha, Isaak?" puno ng hinanakit na tanong niya.

Mariin itong pumikit at malalim na bumuntong-hininga. Ilang segundo siya nitong tinitigan at saka muling nagpakawala ng hangin. "Ayoko sana na sa akin magmumula ito. But I have to tell you this."

"Tell me what, Isaak?"

Tinitigan siya nito sa mga mata. "It's Eman, Lauri. Si Eman ang nagsabi sa mga magulang mo ng tungkol doon. Dahil noon pa man, bantay mo na siya."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro