
Chapter 13
"HINDI mo sisindihan?"
Napalingon si Lauri sa kanang gilid niya kung saan nakatayo si Daniel. Naroon sila sa gilid ng Greenhouse. Katatapos lamang nilang maglunch. Lumabas silang dalawa para manigarilyo, habang ang tatlong kaibigang babae ay nasa loob pa.
Tiningnan niya ang nakataas na kamay nito. May hawak itong gold na automatic lighter. Kinuha niya 'yon dito, saka inilagay sa bibig ang sigarilyo na kanina niya pa hawak. Sisindihan niya na sana iyon pero hindi niya tuluyang nailapit ang lighter doon nang makita sa kanyang isipan ang nakabusangot na mukha ni Isaak, kung paano ang mukha nito kapag nakikita siya nitong naninigarilyo.
Naibaba niya ang lighter, naka-ipit pa sa bibig ang sigarilyo nang matunog at hindi makapaniwalang napangiti siya saka ilang ulit na napailing.
"What's wrong, Lauri?"
Hindi niya nagawang sagutin si Daniel. Ibinalik niya rito ang lighter na hindi ito nililingon. Kinuha niya sa bibig ang sigarilyo at tinitigan iyon. Pero ang isip niya ay gumagala na. Naroon na kay Isaak.
Hindi na siya galit sa binata. Sigurado siya roon. Kung paanong nabura ang galit niya rito nang ganoong kabilis ay hindi niya alam. Pero hindi niya lubusang akalain na nakukuha nito ang atensyon niya nang ganoon ding kabilis.
Ayaw niya pang aminin sa sarili na ang taong labis na kinaiinisan niya noon ay nagagawa na niyang pasadahan ng tingin nang hindi na nag-iinit ang ulo at nakukuha niya pa ngang hangaan. Sarili niya lang ang lolokohin niya kung sasabihin niyang hindi totoo ang lahat ng ginagawa at nararamdaman niya.
Pero hindi ko naman siya gusto, hindi ba? Natural lang na hangaan ko ang ka-gwapuhan niya dahil gwapo naman talaga siya. Pero hindi naman ibig sabihin niyon na gusto ko siya.
Napatango siya sa sariling naisip.
Ngunit kahit ano'ng pagkukumbinsi niya sa sarili ay sariling damdamin rin naman niya ang paulit-ulit na nagpapaalala sa kanya.
Paano niya pa nga ba itatanggi iyon gayong palagi na nga itong laman ng isip niya? Paulit-ulit pa nga na bumabalik sa isipan niya kung paano siya nito tinitigan sa parking lot na puno ng paghanga. Tatlong araw na ang nakararaan pero iba pa rin ang epekto ng pangyayaring iyon sa kanya. At kung bakit tuwa ang naramdaman niya dahil doon ay hindi niya alam.
Does that mean I really like him?
Lumipad ang mga kamay niya sa kanyang bibig at naitakip iyon doon habang namimilog ang mga mata.
"Oh, my God!"
Malakas na dumagundong ang dibdib niya nang makita sa isip ang nakangiting mukha ni Isaak habang nakatitig sa kanya.
Mula sa kanyang bibig ay bumaba ang mga kamay niya sa kaliwang dibdib niya. Ramdam niya roon ang dumobleng bilis ng tibok niyon. Kakaiba. "I like him?"
"You like him?"
Mabilis na napalingon siya kay Daniel. Mas bakas pa ang gulat sa boses nito kaysa sa kanya na nakadiskubre sa nararamdaman niya. Kulang na lang ay maging isa ang mga kilay nito pero nakapinta sa mukha nito ang pagkabigo.
Malalim siyang napabuntong-hininga. Masyado siyang nalunod sa mga naiisip at nakalimutan na niyang nasa tabi niya pa ang kaibigan. At hindi siya makapaniwalang nagagawa niyang isipin ang tungkol sa kung ano mang nararamdaman niya para kay Isaak gayong may tao pang inilalagay sa kapahamakan ang buhay niya.
"M-May nagugustuhan ka, Lauri?" Hindi pa rin makapaniwalang tanong ng kaibigan na para bang natalo ito sa lotto kahit hindi tumataya. "Sino, Lauri?" dagdag nitong tanong.
Tumayo siya at hindi ito sinagot. Kung noon ay dahil wala lang siya sa mood na magsalita, ngayon ay dahil hindi niya alam ang isasagot dito.
Pero bago pa man siya makapasok sa Greenhouse ay pinigilan na siya nito sa braso. Marahan ang hawak nito sa braso niya; ramdam niya ang pag-iingat.
"Pwede ko bang malaman kung sino?"
"Bakit ba gusto mo pang malaman?"
Saglit itong natulala sa kanya. "K-Kung gano'n totoong may nagugustuhan ka? Sino, Lauri?"
Kung sa ibang pagkakataon ay baka sinungitan niya na si Daniel at sinaway sa kakulitan nito. Pero hindi niya iyon magawa ngayon dahil alam niya ang nararamdaman nito para sa kanya at dahil sa kabiguan na patuloy niyang natatanaw sa mga mata nito. Oo nga't palagi niya itong nasusungitan dahil masyado itong makulit, but she's not that heartless. Hindi niya maatim na batuhin pa ng galit ang taong nasasaktan dahil sa kanya. Lalo pa't ang kaibigan niya iyon.
"Wala lang iyon, Daniel," aniya pagkatapos ng malalim na buntong-hininga. Tatalikuran na sana niya ito pero natigilan siya sa muling pagsasalita nito.
"Sino, Lauri? Mas matanda ba sa akin? O magkasing-edad lang kayo? Mas matured ba sa akin?"
Napanganga siya sa mga naging tanong ng kaibigan lalo pa nang makita niya ang namumula na nitong mga mata.
"D-Daniel…" Hindi niya malaman kung ano ba ang dapat sabihin dito. Nang mga sandaling iyon niya naisip kung gaano ba siya ka-harsh dito para ganoon ang maging tanong nito. Naiinis siya sa sarili pero hindi niya alam kung paano pagagaanin ang kalooban ng kaibigan.
"I like you, Lauri! I like you so much!" Napalunok ito at ilang ulit na napakurap na parang sa ganoong paraan pinipigilan ang pagpatak ng luha. "But I won't force myself on you. It's enough for me to just be your friend. D-Dahil alam ko namang wala akong pag-asa at baka kapag ipinilit ko pa ang sarili ko, iyon pa ang maging dahilan ng pagkawala mo sa tabi ko." Ngumiti ito pero nauwi iyon sa pagiging pilit. "Kung sino man ang taong iyon, sana ay mas kilalanin mo pa siya. Dahil ayaw kong masasaktan ka, Lauri." Humakbang na ito pero tumigil muli. Nagsalita itong muli nang hindi siya nililingon. "I might be a jerk for the next few days. Pero babalik ako... biglang kaibigan mo."
Sinundan niya ng tingin ang kaibigan nang lampasan siya nito. Hindi ito pumasok sa Greenhouse kung nasaan ang iba pa nilang kaibigan, sa halip ay diretso ang lakad nito sa kalsada patungo sa unibersidad.
Malalim siyang napabuntong-hininga habang pinapanood itong naglalakad palayo, pero sumilay ang ngiti sa labi niya. She didn't expect him to be mature enough to accept that she likes someone else. Mabuting kaibigan naman talaga si Daniel kahit nga minsan ay saksakan iyon ng kakulitan. Palagi siya nitong ipinag-da-drive sa tuwing wala siya sa mood magmaneho o kung nakainom siya. Palagi itong nauunang tumigil sa pag-iinom para ipagdrive sila. Sinasamahan siya nitong tumambay sa kung saan kapag alam nitong hindi maganda ang mood o pakiramdam niya, and he's always been a one call away friend. Kahit sa iba nilang kaibigan ay ganoon ang binata. Napakalaki ng respeto nito sa kanila bilang babae bagay na hinahangaan niya rito.
Hindi dahil sa apat na taong agwat ng edad kaya hindi niya magawang suklian ang nararamdaman ng kaibigan. Alam niya sa sarili na kung may nararamdaman siya para rito, kahit pa kalhati ng edad niya ang agwat nila sa isa't isa ay hindi magiging hadlang iyon. Hindi niya lang talaga maramdaman dito ang kakaibang pintig ng puso niya na hindi niya mapaniwalaang nararamdaman niya ngayon para kay Isaak.
⊱╼╼╾╾⊰
"WHAT'S wrong with him?"
Habang nagsasara ng laptop ay nilingon niya si Hera. Nakapamewang ito at nakabusangot ang mukha. Sinundan niya ang tinitingnan nito. Si Daniel na naroon na sa tapat ng pinto ng classroom at nakikipagsiksikan sa mga lumalabas.
"Nag-away ba kayo?" masungit na baling sa kanya ng kaibigan. Nakapamewang pa rin ito at nakatirik ang isang kilay. Para itong isang istriktang ina at siya ang anak na nang-away ng kapatid.
"Hindi kami nag-away."
"Eh, bakit gano'n ang isang 'yon?"
Napabuntong-hininga siya.
Ilang araw ng pinagtatakhan ng mga kaibigan niya ang pagkawala ni Daniel sa Greenhouse. Kahit na ang hindi nito pagtabi sa kanila habang nasa mga klase. Pero hindi niya magawang sabihin sa mga ito ang dahilan ng inaasal ng binata.
"Kapag tinatanong ko, okay lang naman daw siya at huwag daw siyang intindihin." Nag-aalala ang boses ni Alicia.
"Nagsimula lang magkaganyan 'yan sa greenhouse, eh. Binasted mo na naman ba, Lauri Jade?"
Nakataas ang isang kilay nang tingnan niya si Paulene nasa sa kaliwang gilid niya. Nakaupo ito sa lamesa habang nakapatong ang mga paa sa upuan nito. Kanina pa ngumunguya ng bubble gum.
Naiiling na tumayo siya. Isinilid niya ang laptop sa kanyang tote backpack at saka nagtungo sa pinto.
"Binasted mo na naman, 'no?" nakangiwing ulit ni Paulene. Naka-krus ang mga braso nito habang naglalakad. Bahagya pang nakatagilid at sa kanya nakaharap. "Sabi na nga ba, eh!" anito na parang naging sagot na ang katahimikan niya.
"Baka naman pinagsalitaan mo pa ng kung anu-ano?"
Natigil siya sa paglalakad na umiikot ang mga mata at bumuga ng hangin. Hinarap niya ang tatlo at humalukipkip. Natigilan din ang mga ito sa paglalakad.
"Ano naman sa palagay mo ang sasabihin ko?" masungit na tanong niya kay Hera.
Nakalabing nagkibit ito ng balikat. "Kilala na kita, Lauri. Minsan may pagka-harsh kang magsalita."
"Anong minsan? Lagi kamo!"
Matalim niyang tiningnan niya si Paulene. Tiim naman ang labi nito sa pagpipigil ng tawa na umiwas ng tingin.
"But, seriously, Lau, ano bang problema? Ito ang unang beses na umiwas ang isang iyon. At alam kong hindi lang 'yon dahil sa pambabasted mo," ani Hera.
Malalim siyang napabuga ng hangin. Hindi niya alam kung paano ba ipapaliwanag sa mga ito ang tungkol doon nang hindi nababanggit si Isaak. O ang tungkol sa nararamdaman niyang malabo pa rin para sa kanya. Pero tiyak na hindi siya titigilan ng mga ito.
"Lauri!" untag sa kanya ni Hera.
Malalim muling buntong-hininga ang pinakawalan niya at napairap. "Okay, fine! Sasabihin ko."
⊱╼╼╾╾⊰
NAKANGANGA at tulala sa kanya ang mga kaibigan pagkatapos niyang sabihin sa mga ito ang nangyari sa pagitan nila ni Daniel kanina. At lalo pa nang mabanggit niya si Isaak kasunod ng nararamdaman niya. Hindi niya alam kung ganoon bang nakakagulat ang sinabi niya para maging ganoon ang reaksyon ng mga ito. Buong akala pa naman niya, ang unang reaksyon na matatanggap niya sa mga ito ay ang pagtatawanan siya ng mga ito.
"Oh, my God..." At iyon ang unang binanggit ni Hera makalapas ang ilang minutong nakatanga lang ito sa kanya. Napabuga ito ng hangin. "Gusto mo si Isaak? As in Sir Isaak? Si Sir Isaak na number one enemy mo?" Palaki nang palaki ang mga mata nito sa bawat pagpapalit ng tanong.
Napangiwi siya. "Hindi ko sinabing gusto ko—"
Gusto niya pa sanang itanggi kahit pa nga ramdam na niya ang ibang epekto sa puso niya isipin pa lang ang binata, pero pinutol na siya ni Hera.
"Ganoon na rin 'yon—" sabi nito kasabay ng malakas na paghampas sa kahoy na lamesa ng Greenhouse. "Ouch!" Napangiwi ito at sinapo ng isang kamay ang kamay na ipinanghampas sa lamesa.
Napailing siya rito.
"Pero ano nga? Totoong gusto mo nga si Sir?"
"Hindi ko nga sinabing gusto ko—"
"Ganoon na nga rin 'yon, Lauri!" si Paulene naman. "The fact that you're confused, that you're thinking about him, there's a strange beat in your heart..." Madramang tinapik pa nito ang kaliwang dibdib bago nagpatuloy sa pagsasalita, "Sign na iyon, Lauri. Kumbaga sintomas na ang mga iyon. In denial la lang."
"Sintomas... pfft!" Pigil ang tawa ni Hera. Mahina ring natawa si Paulene.
"But I didn't expect that, ha. Paano nangyari 'yon, eh, puro away nga kayong dalawa?" ani Alicia na titig na titig sa kanya habang nakapangalumbaba. Nakalabi ito at parang malalim na pinag-iisipan kung ano'ng himala ang nagdala sa kanya sa nararamdaman niya.
"Alam ninyo naman kung gaano kakulit ang isang iyon." Iyon na lamang ang nasabi niya. Ayaw na niyang sabihin na nagkakalapit sila ng binata dahil sa mga nangyayari sa kanya. Dahil tiyak na pati iyon ay mauungkat pa.
"Nadala ka sa kakulitan?" magkahalong gulat at pagkamanghang ani Hera. Pagkadaka ay napahagalpak ito ng tawa. "I can't believe it, Lauri! Ikaw, nadala sa kakulutan ni Sir Isaak? Eh, halos pumutok nga lagi ang litid mo kapag nakikita mo pa lang 'yon."
"Ikaw rin naman, nadala sa kakulitan ni Kino." Ngiwi ni Paulene.
"Pero iba ang dalawang ito. Lion at hyenas ang dalawang ito," mariing giit pa ni Hera. Nakatingin kay Paulene pero nakaduro sa kanya ang hintuturo.
"Sabagay nga! Maniniwala pa nga ako kapag nalaman kong ginayuma ka no'n ni sir."
"Baliw! Totoo ba 'yon?" natatawang ani Alicia.
"Oo, 'no! Ga-ga-ga-ga-gayuma-ah..." pagkanta pa ni Paulene na ikinatawa ng dalawa ni Alicia at Hera.
Nakagat niya ang labi sa pagpipigil ng tawa at napatungo. Napahinga siya nang malalim nang mag-angat muli ng ulo. Wala na yata talagang matinong pag-uusap kapag ang mga ito ang kaharap niya.
"Eh, ano'ng balak mo ngayon, Lau? Sasabihin mo ba kay sir ang nararamdaman mo?" tanong ni Alicia nang makahupa sa pagtawa.
Umasim ang mukha niya. "Bakit ko naman sasabihin?"
Humalukipkip si Hera sa pagkakaupo. "Bakit hindi?"
"Bakit ko nga sasabihin sa kanya? Para saan? Phase lang 'to."
"Phase? Ano 'yan, bad mood ka ngayon at kapag nakakain ng tsokolate, good mood ka na? Gusto mo si sir ngayon, kapag nakita mo ang poging mukha at nainis ka, ayaw mo na sa kanya?" Umirap sa kanya si Hera. "May nararamdaman ka. Aminin mo na, Lauri. At natural lang na ipagtapat mo 'yan."
Sa tono nito ay para bang sinasabi nito na iyon lang ang nararapat na gawin niya. Ang aminin sa sarili na gusto niya ang binata at pagkatapos ay umamin dito. Para namang ganoon lang kadali ang umamin ng nararamdaman sa isang tao.
"Kaysa sabihin sa kanya, mag-iisip na lang ako ng paraan para mawala 'to." Nangunot ang noo niya pagkasabi niyon.
"Naniniwala ka talagang mawawala 'yan?" nakangiwing ani Paulene.
"Hindi pa naman malalim kaya pwede pang mawala."
Nagugulumihanan siya sa sarili. Iyon ang sinasabi niya dahil iyon ang naiisip niyang nararapat niyang gawin pero bakit parang itinataboy din ng sarili niya ang mga iniisip niyang iyon?
"Oh, eh, 'di sige! Good luck! Sabihan mo kami, ha, kapag nawala at kung ano'ng ginawa mo para mawala. Baka kasi magagamit namin in the future."
Napairap siya sa pagiging sarkastiko ni Hera. Inikutan din siya nito ng mga mata. Umalis ito sa pagkakasandal, ang magkapulupot na mga braso nito ay ipinatong nito sa lamesa.
"Siguro ganyan ka dahil hindi mo matanggap na nahulog ka sa taong kinaiinisan mo, tama?"
Hindi siya nakaimik dahil natumbok nito ang bagay na iyon. Pero hindi siya naiinis sa nararamdaman. Nalilito pa nga siya kung bakit nangyari iyon. Minsan nga hindi na rin niya sigurado kung totoo ba ang galit na naramdaman niya noon para kay Isaak. Kinukwestyon na rin niya ang sarili. Na baka pinatira niya lang sa puso niya ang pakiramdam na iyon dahil gusto niyang sisihin ang binata sa mga sakit na nararamdaman niya. Kaya nga nang may mga nagawa itong mabuti sa kanya ay mabilis na nawala iyon, dahil umpisa pa lang naman ay wala na talaga iyon. Sa kabila niyon, hindi niya pa rin mahanap ang sagot kung paano lumalambot ang puso niya para rito. Kung paanong humahanga siya rito nang ganoong kabilis.
"Huwag mo ng pahirapan pa ang sarili mo, Lauri, at tanggapin mo na lang ang nararamdaman mo. Tell him how you feel and enjoy being in love!" Kibit-balikat pa nito habang may matamis na ngiti.
"In love—" Napasinghap siya at napairap. "Hindi ako in love!"
⊱╼╼╾╾⊰
PATULOY na kinumbinsi pa siya ng mga kaibigan na magtapat kay Isaak. Kung kanina ay bakas ang gulat sa mga ito, makalipas lang ang ilang sandali ay kilig na ang nakikita niya sa mga ito. Mga hindi mapakali at parang mga sinilihan ang puwet. Panay pa ang hagikgikan.
Wala naman sa plano niya ang magtapat kung talagang mararamdaman niyang gusto niya talaga si Isaak. Naisip niya, kung siya nga hindi makapaniwalang nagustuhan niya ito, ano pa kaya ang magiging reaksyon nito kung malalaman nito ang nararamdaman niya pagkatapos ng mga galit na ipinakita niya rito. Baka sa binata na niya makuha ang reaksyon na inaasahan niya kanina mula sa mga kaibigan.
"Ano kayang itsura ng dalawang 'to kapag nagligawan?" Kunot-noo si Paulene pero natatawa.
"Baka habang nagbibigayan ng bulaklak at biglang nainis si Lauri, ihahampas niya na lang 'yon kay sir." Iminwestra pa ni Hera ang paghampas.
Malakas na nagtawanan ang tatlo. Nakangisi siya sa kalokohan ng mga 'to pero napapahilot siya sa sentido kahit hindi naman 'yon nananakit. Puro kalokohan! isip-isip niya habang nakatingin sa tatlo.
Dinukot niya sa bulsa ng kanyang white flared jeans ang cell phone niya nang mag vibrate iyon. Nang makita niya kung sino ang tumatawag ay mas inilapit niya pa ang cellphone sa kanya at napalinga sa mga kaibigan na nagtatawanan pa.
"I'll just answer it."
Tumayo siya. Hindi na siya naghintay ng sagot sa mga kaibigan at iniwan na ang mga ito. Sa parteng may mga computer shop siya pumwesto. Wala namang tao roon kung 'di ang bantay roon na abala sa computer.
"Hello?"
"Hey! May klase ka pa?"
Tahimik sa kung saan man naroon si Isaak kaya naman klarong klaro sa pandinig niya ang sweet at melodious voice ng binata. Napasandal siya sa dingding ng Greenhouse. Hindi makapaniwala at natawa siya sa sarili nang makita sa balintataw ang nakangiting mukha nito.
Nahihibang ka na ngang talaga, Lauri!
"Lauri? Nakakaabala ba ako? Ibababa ko na muna—"
"Wala na akong klase," agad niya.
"Oh, really? Tamang tama narito na ako sa labas ng university."
Umangat ang kilay niya sa narinig. Lumabas pa siya ng kalsada sa tapat ng Greenhouse at tinanaw ang university. Agad niyang nakita ang kotse nito sa kabila ng abalang kalsada.
"Okay, hintayin mo na lang ako."
"Wait, Lauri."
"Oh?"
"Gusto mong mag dinner muna bago umuwi?"
Saglit siyang natigilan. Iyon na ang pangalawang beses na inalok siya nito na mag dinner. Hindi katulad noong unang beses, hindi na niya kailangang pag-isipan nang matagal kung sasama ba rito.
Ngumisi siya. "Bakit? May sapat na oras ka rin para sabayan akong kumain, sir?" tukso niya sa binata.
Natahimik ito. Muntik na niyang isipin na nawala ito sa kabilang linya pero narinig niya na ang matunog nitong ngiti.
"Oo, Lauri. At alam mo bang may sapat na oras din ako para alagaan ka?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro