20 | sa bawat pagpatak ng ulan
Una pa lang ay alam ko na
Alam kong lahat nang maidudulot ko ay pagdurusa
Wala, wala na akong maibubuga pa
Dahil una palang, ako'y salot na sa iba
Pero ikaw, sa akin ika'y naniwala
Lahat ng pagdurusa, tiniis at pinawalang-sala
Kahit anong landas, sabay nating tinatahak
Laging magkasama, lahat sinasabak
Kung saan-saan, ating inaatupag
Samut-saring paglalakbay, tayo'y sinisipag
Bawat siyudad na mapuntahan
Nagtatampisaw tayo sa bawat pagpatak ng ulan
Ang una'y isang lugar kung saan
Mga gusali'y matataas at naglalakihan
Binisita bawat museo't kainan
Hindi na lumingon sa nakalipas na nakaraan
Sunod naman ay isang lugar na kay haba
Gitna pa lamang ng lakbay, paa mo'y masakit na
Selfie dito, selfie doon, picture parin, kahit pagod
Tatawa kapag may nakitang photobomber sa likod
Kakaripad nang takbo matapos magbato ng kalat
Iniwan ang ala-ala't kinalimutan ang lahat
Sa sobrang saya'y hindi na naranasan
Ang nakaabang na trahedya sa bawat pagpatak ng ulan
Tayo'y nasa siyudad na iba ang turing
Isang monumentong matarik at dulo'y matalim
Ang puso nati'y handa na sa pag-ibig
Kaya tayo'y narito para magtapat ng damdamin
Pero nagbago ang lahat nang ika'y tumuba
Pinikit ang mga mata at hindi na huminga
Mundo ko'y umikot, ako'y nanlupaypay
Kung lahat nang ito'y panaginip, gumising nang matagumpay
Pigilan ang luha't harapin ang lahat nang sumablay
Tanggalin ang ilusyon at sa agos ay sumabay
At ako'y unti-unting nagigising sa katotohanan
Na simula ngayo'y mag-isa ako sa bawat pagpatak ng ulan
Ngunit iyon ay maraming taon na ang nagdaan
Ako'y iyong naiwan sa landas na pinagplanuhan
Ayoko nang bumalik pa sa ating mga lokohan
Na bawat siyudad na bisitahin ay mayroon tayong kasiyahan
Nanatili ako sa aking pinagmulan
Hindi na ulit lumabas kahit bumuhos pa ang ulan
Tinalikuran ko na ang sarili kong masayahin
Nang dahil sa nangyari'y hindi ko na kayang dalhin
Ang ating kasuklam-suklam na nakaraan
Kahit anong pilit ay hindi ako makapagpaalam
Kahit anong sabihin ng iba, ayokong mapakinggan
Dahil naririnig ko ang iyong tinig sa bawat pagpatak ng ulan
Isa din itong orihinal na katha para sa koleksyong ito. Naisulat ko ito noong 2017 na sana ay pamagat ng nauna kong koleksyon ng mga tula. Ngayon, nandito na siya sa koleksyong ito.
Anong masasabi mo sa tulang ito? Magcomment sa baba. :)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro