k a s a r i n l a n a n
𝗞𝗔𝗦𝗔𝗥𝗜𝗡𝗟𝗔𝗡𝗔𝗡
sa panulat ni zyronzester
▂▂▂▂▂▂▂
PAANO BA NAGIGING tama ang pag-ibig?
paanong sakto ang oras at pagkakataon? paanong perpekto ang hulma ng pagkatao? kailan nagiging ganap ang tiyempo ng pagsuway at sumulong sa pagbabago ng mundo? kailan tuluyang masasabing maaaring maging dakila ang pag-ibig sa kahit anong klase at anyo?
"hindi naman kailangang tama," paninigurado mo sabay haplos ng iyong hinlalaki sa maliliit na linya sa sulok ng mata ko. "kailangan lang maging tunay. . ."
totoo bang tama ang tunay?
malalim na ang gabi. pag-uwi mo mula sa trabaho, inaya mo ako sa tabi ng riles malapit sa pamantasan kung saan tayo unang nagkakilala. at tulad ng dati, nagkukwentuhan tayo habang kumakain ng halo-halo, panghimagas na parehas nating paborito dahil punong-puno ng kulay, katulad ng kung anong meron tayo. kahit hindi mo sabihin, kanina ko pa ramdam: gusto mo na ng mas malalim na pagtatagpo ng ating interes sa isa't isa—koneksyong hindi na basta puso sa puso lang kundi pati na rin sa bawat sulok ng katawan.
ipinangako ng iyong pag-ibig na mahahanap ko sa iyo ang kasagutan. o kung hindi agaran, gaano man katagal ay sasamahan mo akong masumpungan. kaya pumayag ako sa ninanais mo. dahil ang totoo, hindi na lang ako basta kuntento sa tunay; gusto ko rin ng tama, ng mabuting tutunguhin ng desisyon nating tumiwalag sa sinaunang nakasanayan. may tindig. may laban. hindi basta mabubuwag.
moral.
tuwid ang pagkampi.
baku-bako man ang daan.
pero paano ba nagiging tama ang tunay?
"sigurado ka na ba?"
tumango ako. "sa iyo. . .lagi."
baka sa ganitong paraan matutuklasan.
kumakabog na puso. umaalab na damdamin. labi sa labi. kapos na hiningang ibinulong ang mga salitang gaano man katamis ay hindi nagbigay ng linaw sa katanungang dumadaloy mula sa akin. mga kamay sa dibdib. . .sa bewang. . .sa pisngi. sa batok at buhok. kahit saan dumapo. may ningas ang apoy ngunit paandap-andap, inaabot ang rurok nang may marubdob na pagsusumikap. bagsak sa higaan. dahan-dahang pag-alis ng mga tapis. sumusubok ang hawak sa iba't ibang galaw—kahit sa tinatagong bahagi. naguguluhan. ano pang parte ang hindi nasuri? hinga, buga, hinga, buga. kailangan pang mas magdikit. magbungguan. pawiin ang natitirang pusok kahit walang kasiguraduhan kung kalauna'y mas lalawak ang sakop ng liwanag o tuluyang matutupok.
bunggo.
hinga.
mabagal—pabilis nang pabilis.
bunggo, hinga, bunggo. . .hinga!
mas naging atin ang isa't isa.
unti-unting muling kumagat ang dilim.
wala man lang natagpuang sagot sa saglit na liwanag. umaaligid pa rin sa hangin ang tahimik na ligalig ng isip. kailan nga tuluyang masasabing dakila ang pag-ibig sa kahit anong klase at kaanyuan? kung parehas ang kasarian ng dalawang taong nais lamang ay kasarinlan, paano ba nagiging tama ang pag-ibig na inisilid sa tatak ng kasalanan?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro