Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kakapit Pa Ba?

Ika-anim ng Mayo taong dalawang libo't dalawampu.

Pang-anim na buwan nating magkasintahan. Masaya ka, masaya ako, magkasama tayo.

Ngunit pakiramdam ko ay mali. Pakiramdam ko'y 'di dapat, hindi dapat tayo nagsasaya.

Kinalimutan ko ang nararamdamang iyon, dahil iyong naroon ka, sa tabi ko, ay sapat na. Wala na akong mahihiling pa.

Matapos tayong magsine ay isinabit mo ang iyong kaliwang braso sa aking mga balikat. Palabas na tayo ng mall noon patungong parking lot.

Inihiwalay mo ang iyong sarili noong nasa harap na tayo ng itim mong kotse.

Ngumiti ka at sinuklay ang tuwid at itim na itim kong buhok gamit ang iyong kamay. Saka mo iyon itinali at hinalikan ang aking noo. Hindi ko mapigilang mapangiti, napaka maingat ng iyong mga tingin. Mga tinging nakakalunod.

"Uwi na tayo," sambit mo at pinagbuksan ako ng pinto, saka ka umikot pagkatapos upang makasakay sa driver's seat.

Anim na buwan.

Matagal na rin pala tayo. Hindi ko mapigilang pagmasdan ang napakaamo mong mukha, ang nakakabaliw na kulay kape mong mga mata sa likod ng mga salaming iyon.

Napasandal na lang ako sa passenger seat at inalala ang mga pinagdaanan natin bago natin narating itong meron tayo ngayon.

Anim na taon. Anim na taon at mahal na mahal pa rin kita.

***

High school.

Habul-habul pa kita.

Babae ako ngunit ako ang nagmumukhang nanliligaw sa iyo. Wala akong pakialam sa uso noon. Basta't alam kong gusto kita, at gusto kong mapasaakin ka.

"Huy, Alex, kailan mo ba ako planong sagutin?" natatawa kong tanong sa iyo habang nakapila tayong pareho sa canteen. Nasa unahan kita kaya't likod mo lang ang natatanaw ko.

Mukha lang pabiro ang tono ko noon ngunit seryoso ako. Pinagtatakpan ko lang dahil baka mas lalo akong masaktan sa isasagot mo.

Dahil hindi kagaya ngayon, wala kang interes sa akin noon.

Hindi kagaya ngayon, balewala ako sa iyo noon.

Humarap ka sa akin at nilitik ang aking noo. "Aray!" reklamo ko't ipinatong ang aking kamay sa parte ng noo kong iyon.

Minsa'y napaka bayolente mo talaga sa akin. Ngunit alam ko namang biro mo lang din iyon.

Dahil bago ako nagkagusto sa iyo, bago ako nahulog sa malamig mong boses, bago ako nalunod sa patibong mo, magkaibigan tayo. At alam kong pinahahalagahan mo iyon.

"Tigilan mo na ako dahil wala ka namang mapapala sa akin," tugon mo't tinalikuran ako. Ngunit hindi ako nagpaawat at mas lalo lang dumikit sa iyo.

Muli kang lumingon sa akin at hinimas-himas ang noo kong namumula noon.

"Sorry," sambit mo, na siyang ikinalawak ng ngiti ko.

Ako si Kara, ang babaeng baliw na baliw sa iyo. Buntot mo kahit saan ka pumunta.

Ginawan ka ng kanta. Sinulatan ka ng tula. Sinasabayan ka pa sa pag-uwi.

Ganoon ako ka baliw sa iyo.

Ngunit ni minsan ay hindi mo binigyang pahalaga iyon.

Kahit noong nagcollege ako, maraming bagong mukha, ibang lalakeng pwedeng magustuhan. Ngunit naroon ako't baliw na baliw pa rin sa iyo.

Sa tuwing reunion, mga mata mo pa rin ang hanap ko.

Boses mo pa rin ang kinagigiliwan ko.

Hindi ko na nga alam saan pa ako pupulutin noon.

"Kumusta?" bati mo isang araw. Isa sa mga normal na araw sa tuwing may reunion ang ating batch. Sinambit mo iyon na parang wala lang, parang walang nangyaring pambabasted mo sa akin noong retreat. Na para bang hindi mo alam na may nararamdaman ako sa iyo.

Naglaro pa tayo noon ng Truth or Dare. Pumayag ka pa sa Dare na halikan ako kahit alam mong mahal pa rin kita. Kahit na papaasahin mo na naman ako.

Natapos ang reunion na iyon na bigo pa rin ako. Wala lang pala lahat sa iyo.

Buwan. Taon pa ulit ang lumipas.

Ewan dahil ikaw pa rin ang gusto ko.

Isa lang naman ang hiling ko noon. Iyon ay ang mahalin mo rin ako.

Tapos biglang nagkita ulit tayo. Sa birthday ng isang barkada. Biglang nagka-interes ka. Bigla hindi mo na maalis ang mga tinging iyon sa akin. Biglang hinawakan mo ang aking mga kamay.

Biglang isinandal mo ang iyong ulo sa aking balikat, sa ilalim ng mga bituin.

Biglang sinambit mo na mahal mo na rin pala ako.

Saka ko lang napagtantong lima't kalahating taon pala ang kailangan.

Lima't kalahating taon pa pala bago mo ako matutunang mahalin pabalik.

***

"Ano na naman iyang iniisip mo't nakangiti ka na namang mag-isa?" pag-agaw mo ng atensyon ko. Hindi ko man lang napansin na nakapark na pala tayo sa harap ng apartment na inuupahan ko.

"Wala, naalala ko lang iyong mga kalokohan ko sa iyo noon," natatawa kong sagot sa iyo.

Bakas sa iyong mukha ang pagka-aliw nang marinig iyon. Tila napakasarap para sa iyong pakiramdam ang malaman na iniisip kita.

Mula sa driver's seat ay tinanggal mo ang iyong seatbelt at inabot mo ang magkabila kong pisngi. Marahan mong inilapit ang iyong mukha sa akin. Damang-dama ko noon ang napakainit mong hininga. "Mahal kita," sambit mo at idinikit ang iyong noo sa akin.

Napakabilis ng tibok ng puso ko. Lagi naman, sa tuwing kasama kita. Anim na taon, anim na taon at wala pa ring nagbabago sa nararamdaman ko sa iyo.

"Mahal din kita," sagot ko sa 'yo. Pakiramdam ko'y ibinibigay ko ang puso ko sa iyo sa tuwing isinasambit ang mga salitang iyon. Pakiramdam ko'y wala akong tinitira sa sarili ko.

"Kapit ka lang, please. Huwag kang bibitiw," bulong mo nang buong pagmamakaawa.

Mapait akong napangiti at hinawakan ang iyong kamay na nakapatong sa aking mga pisngi.

Nagbigay ako ng tango bilang sagot sa iyo.

Hindi mo naman kailangang hilingin iyon, dahil gagawin ko. Para sa iyo.

Noong inilayo mo na ang iyong mukha sa akin ay pansin ko ang pagbabago ng iyong ekspresyon.

Ang kanina'y malamya mong mukha'y naging seryoso't nakakunot na ang pareho mong kilay.

"Bakit nakabukas ang ilaw ng apartment mo?" tanong mo sa akin habang tinutulungan ako sa pagtanggal ng seatbelt.

Humalik ako sa iyong pisngi bago sumagot, "Itinext ko si Denver kanina, nakalimutan ko kasing pakainin si Alexa," pagtukoy ko sa asong ipinangalan ko pa sa iyo.

Mas lalong nangunot ang iyong noo nang marinig ang pangalan ng lalakeng nasa loob ng apartment ko.

"Paano mo siya napagkakatiwalaan? Lalake pa rin iyon," pagrereklamo mo.

Hindi ko mapigilang mapangisi dahil sa iyong inakto. Pati ba naman si Denver ay iyong pinagseselosan.

"Correction, bisexual siya. At close na kami niyan sa college bago pa siya lumipat sa kabilang unit," paliwanag ko.

Muli'y pinagbuksan mo ako ng pinto ng kotse at saka inalalayan palabas. Inihangad ko na noon ang ulo ko nang makaharap kita dahil sa laki ng agwat natin kapag nakatayo. 5'4 ako ngunit hanggang balikat mo lang ako. Napakadaya ng mundo.

"Hindi ko pa rin siya gusto," pag-amin mo.

Pinisil ko na lang ang iyong pisngi bilang sagot. Alam ko namang hindi ka magpapatalo at hindi matatapos ang usapan nating iyon. Baka magtalo lang tayo.

"Sige na't baka gabihin ka," usad ko.

Agad mo rin namang sinunod iyon at humalik bilang paalam.

Nakaalis ka na, at kasabay noon ang pagkawala rin ng sayang kanina lang ay suot ng puso ko.

Ipinapaalala na naman sa akin ang mapait na katotohanan.

Kapit ka lang, please. Sabi mo. Gusto ko.

Ngunit masakit.

Pumasok na ako sa aking apartment at nadatnan doon si Denver na nanonood ng palabas sa sala.

Tahimik akong tumabi sa kanya't ipinatong ang aking ulo sa kanyang balikat.

"Den," pagtawag ko sa pangalan niya. Pagtawag ko na para bang humihingi ng tulong. Dahil hindi ko na alam ang gagawin ko.

Pakiramdam ko'y hindi ako makahinga.

"Iyak ka lang," aniya na siyang sinunod ko naman.

Mahal kita. Akin ka na. Ngunit bakit masakit pa rin?

Bakit Alex?

Sinubukan kong ibuhos ang lahat ng luha sa gabing iyon. Baka sakali'y maibsan ang nararamdaman ko. Baka sakali'y matutunan na kitang mahalin ng hindi nasasaktan.

"Kain ka na, ipinagluto kita ng hapunan," bulong sa akin ni Denver habang hinahaplos ang buhok ko.

Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala si Denver noon. Wala akong ibang matakbuhan at mapaglabasan ng sama ng loob. Wala akong ibang mapagkwentohan ng tungkol sa iyo.

Inilapag niya ang nilutong garlic chicken sa maliit kong mesa sa sala. Nakatali ang kanyang maiksing buhok na talaga namang kinagigiliwan ng mapababae o lalaki man iyan kahit noong college pa kami.

Asset niya iyon, lalo na sa kaniyang pagmomodelo.

"Balik na ako sa unit ko," paalam ni Denver at saka hinubad ang apron na suot.

Tumango ako sa kanya't nagpasalamat. Tumayo na siya mula sa sofa katabi ko at humalik sa aking noo.

Habang tinutungo ang pinto palabas ng apartment ay bigla itong napahinto. "Kara," pagtawag niya kaya't natigil ako noon sa pagnguya ng manok na kaniyang niluto.

Hinintay ko itong muling magsalita. Sumasalamin sa mga mata nito ang lungkot na kanina'y lumalamon sa akin.

"Tama na. Hiwalayan mo na siya, pakiusap," aniya at tuluyan nang umalis.

Napayuko ako at muling naluha.

Ayaw ko dahil mahal kita, Alex.

Anim na taon. Anim na taon kong ipinaglaban at inalagaan ang pagmamahal na iyon sa iyo. Saka pa ba ako susuko?

Kinabukasan, gumising ako na parang walang mali, na parang normal lang ang lahat sa pagitan nating dalawa.

Kagaya ng napag-usapan ay hinintay kita sa harap ng fountain, sa rooftop ng mall.

Napaaga ako ng dating kaya't naglibot muna ako sa loob.

At dahil sa ginawa kong iyon, nakita kita.

Kasama mo siya. Masaya kayo. Kaya't nagtago ako.

Paano. Paano ako kakapit sa iyo, Alex, kung ganito?

Kaya pala, kaya pala sinabi mong sa rooftop tayo magkita dahil baka maabutan ko kayo.

Baka maabutan ko kayo ng babaeng kasama mo.

Itinext kita na masakit ang pakiramdam ko kaya't hindi ako makakarating.

Oo, nagsinungaling ako. Dahil hindi ko kayang magpanggap nang hindi nasasaktan sa nakita ko. Sobrang sakit, kahit na hindi ito ang unang pagkakataon.

Mabilis akong nakauwi ng apartment at nag-chat sa kapitbahay kong si Denver. Linggo noon kaya't alam kong libre iyon.

Nakahiga lang ako noon sa sofa at nakatunganga sa kisame nang marinig kong nagbukas ang pinto.

Hindi na ako nag-abala pang tignan kung sino iyon dahil mga yapak pa lang nito ay kilala ko na.

"Nakita mo na naman sila ni Krissa?" hula niya sa mga nangyari. Naupo siya sa carpet at ipinatong ang kanyang pisngi sa aking braso.

Ipinikit ko ang aking mata at saka siya sinagot ng isang tango.

Nagpakawala ito ng mamalim na buntonghininga bago muling nagsalita, "Kara, ikakasal na sila. Tama na, please," maamo niyang paki-usap. Malamya itong magsalita ngunit hindi malambot kagaya ng inaasahan ng marami. Oo at bi siya ngunit napakalalim at maginoo ng boses nito. Aakalain mo sa una'y straight ito.

Hindi ko na siya nasagot pa at madiin ko na lang na ipinikit ang aking mga mata. Pinipigilan ang mga luhang nagbabadya noon.

"Kung sana'y sinagot mo na lang ako noong nanligaw ako sa 'yo, hindi ka sana nasasaktan ng ganito ngayon," pabiro niyang tugon at hinaplos ang madulas kong buhok.

Ngunit paano. Ang sabi mo'y kumapit lang ako.

Ang sabi mo'y mahal mo rin ako.

Hanggang kailan kita mamahalin kapalit ng pansarili kong kasiyahan, Alex?

Ilang araw at linggo kitang iniwasan. Kahit ang iyong mga tawag at text ay hindi ko pinansin.

Akala mo ba'y hindi ko magagawa iyon? Akala ko rin.

Ngunit mas pursigido pa sa akin si Denver kaya't nagawa ko ang mga iyon sa tulong niya.

Hanggang sa isang araw, habang kasama siya sa mall ay nakita ulit kita. Nakita ko ulit kayo, na kakalabas lang sa isang OB-Gyne clinic sa mall.

Mukhang magandang balita ang sumalubong sa inyo. Nakangiti ka at ang mapapangasawa mo. Mukhang masayang-masaya kayo habang hawak-hawak mo ang isang litrato sa iyong kamay.

Nahinto ang mundo ko sa napagtanto.

At doon ko napagdesisyunang tama na.

Ititigil ko na.

Kahit masakit. Ayaw ko na.

Kinuha ko ang kanang kamay ni Denver at naglakad patungo sa inyong direksyon. Kahit siya ay nagulat sa ginawa ko.

Ang kanina'y nakangiti mong mukha ay napalitan ng pamumutla noong nahinto kami sa inyong harapan. Hindi ka makapagsalita habang ang katabi mo nama'y nagtataka sa nangyayari.

Tinignan ko ang babae sa tabi mo at ang magiging supling ninyo. Napakaswerte nila. Ikaw ang mapapangasawa niya, ang magiging ama ng anak niya.

Muli kitang pinagmasdan at tinigum lahat ng natitirang kong lakas ng loob.

Tama na. Sobra na. Bulong ko sa sarili.

Saka kita sinuntok ng pagkalakas-lakas.

Iyon ang pamamaalam ko sa iyo.

Iyon ang huling kabanata para sa ating dalawa.

Dahil ang kwentong ito ay hindi tungkol sa pagkapit at sa hindi ko pagsuko sa iyo.

Ang kwentong ito ay hindi sa napakalalim kong pagmamahal sa iyo. Sa napakatagal at napakahabang pasensya ng pagmamahal ko sa iyo. Hindi ito tungkol sa mala-santo kong pag-ibig sa iyo.

Kung hindi sa kung paano ko natutunang pahalagahan ang sarili ko.

Kung paano ako natutung magtira sa sarili ko.

Kung paano ako bibitiw sa iyo.

Dahil kung alam mong mali na, hindi na tama, bumitiw ka na.

Bakit pa ako kakapit sa iyo, kung pwede naman akong tumayo sa sarili ko?

Natatawa kaming pareho ni Den habang tinutungo ang exit ng mall. Hawak-hawak niya ang kamay ko. Pakiramdam ko'y ayaw niya itong bitiwan.

At alam kong hindi niya iyon bibitiwan.

Napakagat-labi ako nang pagmasdan ang pawis na pawis na mukha ni Denver.

Namumula ang mga pisngi niya dahil sa init at nagugulo ang hanggang balikat niyang buhok.

"Tara?" Napakalaki ng kanyang mga ngiti.

Hindi ko alam kung saan, ngunit isa lang ang alam ko.

Gusto kong sumama sa kanya.

At kalimutan ka.

Nakangiti kong inabot ang kamay niya at saka isinambit ang hinihintay niyang sagot, "Tara!"

Malungkot, oo, ang subukang kalimutan ka.

Ngunit alam kong sa pagbitiw kong iyon, sasaya ako.

Sa pagbitiw kong iyon sa iyo, binigyan kong pahalaga ang sarili ko.

At hindi na lang sa iyo iikot ang mundo ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro