Kahit Na (A One-Shot Story)
Patamad kong binuksan ang pinto ng aking kwarto. Sunod kong isinasampay sa balikat ko ang aking twalya bago ako nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
Umaga na naman. Lunes sa bilang ng mga araw.
Agad na sumalubong sa akin ang masarap na amoy ng sinangag at tinapa, maging ang aroma ng bagong timplang kape. Binalot ng linamnam ang aking ilong at sikmura. Mabilis na naglakbay ang aking isipan sa isang malayong alaala ng kahapon. Isang alaalang kahit na anong pilit ko, hindi ko na siguro kailannman maaring kalimutan.
Disgusto. Iyon ang sunod kong naramdaman. Nalusaw agad ang saya at gutom na sandaling umalipin sa akin. Napalitan iyon ng inis, poot at marami pang ibang emosyon na hirap akong isa-isahin.
Nakaismid kong tinalunton ang ilang baitang ng hagdan pababa sa aking kwarto, patungo sa banyo na ilang hakbang lamang ang layo sa kusina. Pinilit kong huwag sulyapan ang hapag na sigurado akong puno ng masaganang pagkain. Pilitin ko mang hindi pansinin, kusang kumaway ang usok ng mainit na sinangag, ang masayang kulay nang nagayat na kamatis sa tabi ng tinapa, pati na rin ang mabangong aroma ng kape.
Bumuntong-hininga ako at kinumbinsi sarili ko na hindi ako kakain ng agahan sa bahay. Didiretso na sana ako sa banyo upang maligo nang bigla namang sumungaw mula sa kusina ang gulat na mukha ni Camilla. Awtomatiko ang pagngiti niya nang makita ako. Agad na nagsilabasan ang kulubot sa gilid ng mga mata niya maging ang ilan pang linya ng katandaan sa mukha nito.
"Kain na Clariz. Nakaluto na ako," aniya habang ibinababa sa mesa ang isang plato ng omelette. Mabilis siyang nagsandok ng sinangag at iniligay iyon sa plato na nasa tapat ng inuupoan ko. Sinamahan niya iyon ng tinapa at ilang gayat ng kamatis.
Kumirot ang puso ko ngunit mabilis ko iyong pinalis. Huli na para ro'n. Huling-huli na.
"Late na 'ko. Kailangan ko nang maligo," tanggi ko sa alok ni Camilla. Magsasalita pa sana siya kaso tumalikod na ako at pumasok sa banyo. Nang sumara ang pintuan sa aking likuran ay sandali akong napasandal sa dahon niyon.
Araw-araw na lang, naiinis kong bulong.
Kung pwede ko lang paalisin si Camilla, matagal ko nang ginawa. Tutol lang kasi si Lola Matilde, ang ina ni Papa. Isang buwan na halos nakatira sa bahay ko si Camilla. At di ko siya mapaalis kahit halos hangin ko siyang ituring sa loob ng bahay.
"Dito lang siya. Hindi mo siya pwedeng paalisin," sabi ni Lola Matilde noong nakaraang linggo sa akin nang puntahan ko siya sa bahay niya, isang kanto mula sa bahay ko. "Hindi mo siya pwedeng iwanan. Ipinagbabawal ko rin iyon," dugtong pa ni Lola.
Muli akong nagpakawala ng pagod na hininga at humarap sa salamin. "Parehas kayo ng mata. Hindi mo ba nakikita?" aniya noong huling dalaw ko.
Umiling ako. Imposible.
Si Papa kaya ang...
Si Papa. Napapikit ako nang maalala si Papa. Halos sampung taon na siyang wala, pero masakit pa rin. Totoo nga na kahit na ilang taon pa ang lumipas, ang kamatayan ng isang mahal sa buhay ay mananatiling isang sugat na hindi kailanman maghihilom. Tuwing nakakaalala ang isip, nasasaktan ang puso. At tuwing nangyayri iyon sa akin, lalo akong napupuno ng inis, ng galit, ng poot.
Mabilis akong nag-alis ng saplot at tumapat sa dutsa at naligo. Sinikap kong ituon ang aking pansin sa malamig na tubig. Ngunit may espesyal na abilidad ang sakit at pait na matagal nang umaalipin sa akin. Tuwing nanunumbalik sa isip ko ang mga alaalang dapat ay nakalimutan ko na, mas lalo akong nagagalit... kay Camilla.
Mariin akong pumikit at umiling. Wala akong oras para sa mga ganoong emosyon. Masyado akong maraming alalahanin sa opisina para mag-isip pa nsng ibang mga bagay na hindi naman importante-gaya ni Camilla.
Mabilis akong naligo at matapos niyon ay dire-diretso akong bumalik sa kwarto ko para magbihis. Ngunit kahit na anong bilis kong kumilos, ganoon din kabilis ang pagbaha ng alaala sa isip ko. Mga alaalang madalas akong bisitahin nitong mga nakaraang araw.
Lihim akong napamura dahil sa mga naiisip ko. Ngayon ako nagsisisi kung bakit hinayaan ko ang sarili kong magising nang late ngayong umaga. Malimit ay sinasadya kong maagang umalis ng bahay at kung possible ay late na rin akong umuwi sa gabi para lamang iwasan si Camilla.
Araw-araw, mula nang magbalik si Camilla sa bahay ko, siya na ang naging kalbaryo ko.
Mabilis akong nagbihis at halos takbuhin ko ang daan patungo sa garahe dahil ayoko nang makausap pa si Camilla. Ngunit para talaga itong nananadya.Nasa loob na ako ng kotse nang makulit siyang kumatok sa bintana ng driver's seat. Napilitan akong ibaba ang bintana.
May ilang segundong nakasilip lang si Camilla sa bintana ng kotse, tila ba sinisipat niya ako nang maiigi. Sa loob ng tatlumpong araw na magkasama kami sa bahay iyon ang unang pagkakataon na nagkalapit nang husto ang aming distansya. Sa ilalim ng makapal na designer shades ko ay lihim ko siyang pinagmasdan. Marami nang bakas ng katandaan sa mukha ni Camilla, pati ang dating ningning sa kanyang mata ay wala na rin.
Agad akong umiwas ng tingin nang maramdaman ko ang pagbabara sa lalamunan ko. Tahimik akong huminga ng malalim bago nagsalita.
"Late na 'ko," ani ko.
"Pasensya ka na," umpisa ni Camilla sa tinig na puno ng pag-aalinlangan. "Baka lang 'ka ko gusto mong magbaon ng pananghalian naghanda-"
"May luncheon meeting ako mamaya," mabilis kong putol sa sana'y sasabihin pa niya. Pinanatili ko ang tingin ko sa windshield.
"Gano'n ba?" aniya bago pasimpleng binawi ang lunch bag na inilusot niya sa bintana ng kotse ko. "Eh sa hapunan ano ang gusto mong kainin?" pilit niyang pinasiglang muli ang tinig niya.
Napabuntong-hininga na ako. Sa puntong iyon alam ko nagdadahilan nanaman siya para makausap ako. Agad kong naramdam na kaunti na lang hindi na maganda ang lalabas na mga salita sa bibig ko.
"Please step aside. I'm going," utos ko sa matigas na tinig.
Nang maramdaman ko ang paggilid ni Camilla ay agad kong minaniobra ang kotse palabas ng garahe. Malimit ay may mga sinasabi si Camilla sa umaga tuwing umaalis ako ngunit gaya ng nakaraang mga araw, hindi ko 'yon pinapansin. Bagkus ay tinapik ko ang stereo at nagpatugtog nang malakas sa kagustuhan kong lusawin ng tugtog ang anumang kamalasan ko ngayong umaga.
Ilang metro na ang layo ng kotse ko mula sa gate ng bahay ko ng maisipan kong sumulyap sa side mirror. Muli, gaya ng nakaraang mga araw, nakatanaw si Camilla sa unti-unti kong paglayo.
---
Umingit pabukas ang pinto ng opisina ko. Atubiling sumilip ang nag-aalalang mukha ng sekretarya kong si Emma mula roon.
"M-ma'am..." alanganing tawag niya sa akin.
"Yes," pormal kong tugon.
"M-may s-sasabihin po sana ako," anito.
Sandali akong nag-atubili bago ako maliit na tumango bilang pahintulot sa pagpasok niya sa opisina ko. Dalawang taon ko ng sekretarya si Emma sa construction company na pinapasukan ko bilang isang project manager. Hindi siya gaanong matalino pero mabilis naming turuan at matiyaga. Kaso may malalaking lapses din siya sa trabaho, gaya kanina.
"Nahanap mo na 'yong drawings ng project proposal ko? E, yung mga files sa laptop ko na apparently dahil sa kalampahan mo nabuhusan mo ng kape ko kanina, na-retrieve mo na? " dire-diretso kong tanong.
Nagyuko lang siya ng ulo bago suminghot. Alam ko sa puntong iyon kailangan ko nang ihanda ang sarili ko sa isang napahabang gabi ng pagtatrabaho.
Kaya kahit kanina naglitanya na ako, hindi ko na naman mapigilan ang maglitanya.
"That's very irresponsible of you, Emma! Hindi ko alam kung anong problema mo ngayon at para kang tuliro pero alam kong alam mo kung gaano kahalaga ang drawings ng bawat projects di ba? Lalo na 'to! 'Yong naiwala mong drawings, pwedeng silipin ng ibang mga project managers dito sa kumpanya na nakikipagkumpetensya sa 'kin!" inis na paliwanag ko sa nakatungo pa ring bulto ni Emma.
Lalong lumakas ang pagsinghot at paghikbi nito. Ayoko sana siya ulit pagalitan, pero galit pa rin ako talaga. Akala ko kasi matapos ang eksena namin ni Camilla sa bahay kanina, magiging maayos na ang araw ko kapag nasa trabaho na 'ko. Hindi pa rin pala. Mas lumala pa nga yata.
"M-ma'am magre-resign na lang po ako," ani 'to sa garalgal pa rin na tinig.
Napabuntong-hininga ako. Bakit ba ang mga tao kapag may problema, agad naiisip na umalis? Bakit, nasa distansya ba ang sagot sa mga problema?
"Kapag ba umalis ka, babalik ba 'yong drawings?" inis kong tanong. Isang singhot at hikbi lamang ang isinagot sa akin ni Emma. "Hindi tinatakasan ang problema, sinusolusyonan," dugtong ko pa. "You will stay until we settle this. Kapag nakahanap na tayo ng solusyon, wait for me to fire you!" pagbabanta ko.
Suminghap si Emma at nag-angat ng tingin. The fear in her eyes mirrored my own. Mas magaling lang akong magtago. I had always been efficient. I see to it that I deliver on time with no hassles. Kaya ako ang pinakabatang project manager sa RMM Builders. Excellence is the game I play. And I win every time, I never miss. At itong pagkakamaling ito, kung talagang hindi sadya ng mga kasamahan ko sa trabaho na hindi ko kasundo, hindi kalianman magiging katanggap-tanggap sa akin.
"Your tears won't solve anything Emma," saway ko sa kanya mayamaya. "What I want you to do now is to call the executive floor and get me an appointment with the big boss. Makikiusap ako na i-move kahit isang araw lang ang presentation. Para makagawa ako ng bagong presentation at plano!" Binigyan ko ng diin ang dalawang huling salita. Maisip ko palang kung paano ko gagawin ang mga sinabi ko ay nanghihina na ako. Mabuti na lang at malimit ay may back up files ako ng mga ginagawa kong projects sa bahay. But the presentation, I had to redo everything.
Itutuloy ko na sana ang pag-checheck ng emails ko nang mapansin kong hindi pa rin natitinag sa harapan ko si Emma. Kalmado na ito at hindi na humihikbi.
"Hindi mo ako narinig Emma? O baka gusto mong ulitin ko mula sa umpisa ang mga inutos ko sa 'yo?" ani ko.
Nagyuko lang siya ng ulo bago kinakabahang nilaro ang mga daliri niya. Emma had been acting strange since I arrived in the office. Sanay akong natataranta ito. Sa katunayan, lahat naman kami ngayon sa opisina ay natataranta dahil nga sa dream project na pinaghahandaan ng bawat isang project manager sa RMM. Pero iba nag taranta ni Emma ngayong umaga, parang wala ito sa sarili nito.
"May problema ka ba Emma?" 'di ko na napigilang itanong.
Nang mag-angat ito ng tingin sa akin ay nangingilid na ang luha nito. "Kailangan na pong operahan sa bato si nanay Ma'am," mangiyak-ngiyak na balita nito. Tuluyan na siyang humagulgol.
Si Emma ang breadwinner ng pamilya nito. Ulila na ito sa ama kaya ito ang bumubuhay sa lasenggera nitong ina at nagpapa-aral sa dalawa nitong nakababatang kapatid. Ilang beses ko na itong pinagsabihan na iwan na lang ang nanay nito at bumukod na silang magkakapatid. Total naman, mukhang wala nang pag-asa pang magbago ang nanay nito. Pero ayaw talaga ni Emma.
Lihim akong umiling. Minsan talaga ang mga magulang, pabigat din sa mga anak.
Tumayo ako mula sa swivel chair ko at nilapitan si Emma. Gusto ko siyang aluin at mag-sorry na rin dahil sa ikinilos ko kani-kanina lang pero naunahan niya akong magsalita.
"Pwede po ba akong mag-leave ngayon, Ma'am? Maghahanap po sana ako ng panggastos namin sa ospital para kay nanay," pakiusap nito.
Para kay Nanay.
Pinaglapat ko ang mga labi ko. Ayokong makapagsalita ulit ng masama at lalong masaktan si Emma. Naguguluhan ito. Alam ko, dahil minsan sa 'di kalayuang kahapon, naranasan ko rin ang naramdam ni Emma.
"You may go after you set me up an appointment with the big boss," malumanay na utos ko.
Mabilis itong nagpunas ng luha nito at nagpasalamat sa akin. Ngunit bago pa ito makalabas ng opisina ko ay muli ko siyang tinawag. Mabilis akong nagsulat sa check book ko at ibinigay iyon kay Emma.
"Kaunting halaga lang 'yan, pero sana makatulong,"sabi ko.
"S-salamat po Ma'am. Wala pong maliit o malaking bagay basta tulong po para kay nanay, tatanggapin ko po," sagot ni Emma habang nakatitig sa tseke na iniabot ko.
Emma is a hardworking woman. Hindi dapat ganito ang buhay niya. She should be enjoying life and not be burdened by it.
"Emma," muli kong tawag sa kanya nang palabas na siya sa opisina ko. "Hindi retirement fund ng mga magulang ang mga anak nila. Alagaan mo rin ang sarili mo. Hindi yang beinte-singko ka palang pero mukha ka nang kwarenta."
Ngumiti lang ito bago tuluyang lumabas ng opisina ko.
----
Pagod akong nahiga sa aking kama ng gabing iyon. Kararating ko lang galing opisina pero hindi pa natatapos doon ang trabaho ko. Paglalamayan ko pa ang presentation ko bukas dahil sa 'di inaasahang pagkakataon, ayaw i-move ni Mr. Mendoza ang presentation ng project proposals. Alam ko naman na sa uri ng trabaho ko bilang project manager, time is always of the essence.
Mabuti na lang talaga at nagtatabi ako ng personal copy ng mga projects ko sa bahay. It would really save me a lot of time.
Mabilis akong nagpalit ng damit at dumiretso sa workstation ko sa kabilang kwarto. Iyon ang master's bedroom noon pero ginawa kong workstation ko mula nang magtrabaho ako sa RMM. Hindi naman kasi iyon nagagamit at mag-isa lang ako sa bahay noon.
Noon. Mapait akong ngumiti. Naisip ko si Camilla. Hindi ko pa siya nakikita mula nang makauwi ako. Kunsabagay, mabuti na iyon. Pagod ako at wala akong panahon para sa paninita.
Pagbukas ko ng pinto sa workstation ko ay agad akong nakaramdam ng kakaiba sa silid. Huli kong binisita sa kwartong iyon ay noong isang araw lang at hindi ganoon ang itsura niyon noong huli ko 'yong ginamit. Una kong napansin ang napakalinis na drafting table ko. Maging ang mga reference books ko maayos na nakatayong lahat sa shelf. Bago rin ang kurtina ng kwarto maging ang sahig ay nangingintab. Napakunot noo ako.
Mula sa nakakubling sulok ng kwarto ay may narinig akong kaluskos. Agad ko iyong pinuntahan at nakita ko si Camilla na pakanta-kanta pa habang nagpupulot ng mga gamit at isa-isang inilalagay sa karton na sa tingin ko ay pawang mga basura.
Agad akong nag-panic!
"Anong ginagawa mo dito?" mataas ang tono kong tanong.
Umaliwalas ang mukha ni Camilla nang makita ako, tumuwid din ng tayo.
Ngumiti ito bago nagsalita. "Naglinis lang ako. Nakita ko kasi kanina, marami kang nakakalat na gamit. Alam ko naman na lagi kang pagod sa trabaho mo kaya ako na ang naglinis."
Kung inis o kaba ang una kong naramdaman, hindi na ako sigurado. Ang alam ko lang mabilis kong binuksan isa-isa ang mga drawers ng working table ko at hinanap ang USB ng back-up files ng mga projects ko. Nabuksan ko na lahat ng drawers, maging ang mga libro sa bookshelf nagulo na rin, pero wala ang hinahanap ko. Lalo akong kinabahan.
Mabilis akong humakbang patungo kay Camilla at inagaw ang hawak nitong karton ng mga basura. Agad ko iyong itinaob at muling itinapon ang laman sa malinis na sahig. Ngunit maliban sa mga luray-luray na newspaper clippings at old magazines, ay wala nang anupamang laman ang karton.
"Ano ba 'yong hinahanap mo?" usisa ni Camilla mayamaya.
Inis akong tuwid ng tayo. "Saan mo nilagay 'yung USB?"
"Anong USB?" inosenteng tanong nito.
Napapikit ako at nasapo ang aking ulo. Gusto kong kumalma at mag-isip ng dapat kong gawin. Ngunit kada hugot at buga ko ng aking hininga ay lalo akong binabalot ng tensyon. Lalong lumayo ang pag-asa kong makuha ang dream project ko dahil sa pakikialam ni Camila!
"Ano bang itsura ng USB na 'yan?" pukaw ni Camilla mayamaya na 'di ko napansing nasa drawers ko na naman at naghahalungkat.
"Stop touching my things!" singhal ko. Gulat ang mga matang nilingon ako ni Camilla. Umiwas ako ng tingin at muli kong inabala nag sarili ko sa paghahanap sa USB sa mga drawers. "Ikaw ang dahilan kung bakit ako naghahanap ngayon. Hindi ba sinabi ko sa 'yo noon na 'wag na 'wag mong pakikialaman ang gamit ko! Pero anong ginawa mo, nagpa-papel ka pa rin! Kunsabagay ganyan ka naman talaga, ginugulo mo ang mga bagay na maayos naman na sana!"
Nagpatuloy ako sa paghahanap ngunit wala talaga. Inis kong tinabig ang salansan ng mga libro sa shelf. Malakas ang ginagawa niyong ingay sa sahig.
Napasinghap si Camilla sa ginawa ko. Habang patuloy naman ang marahas na pagtahip ng aking dibdib dahil sa pinipigil kong galit. Ayoko sa presensya ni Camilla. Isa siyang alaala ng masasakit na kahapon-namin ni Papa. Sinubukan kong umalis ng silid ngunit napatigil ako ng magsalita si Camilla.
"Gusto ko lang..."
"Gusto mo lang?" putol ko sa sana'y sasabihin ni Camilla.
"Clariz, anak..."
"Gusto mo lang," pag-uulit ko na puno ng sarkasmo. Kusang kumuyom ang mga kamay ko, gusto kong magpigil ng emosyon, ngunit sumagad na ang pagtitimpi ko. "Gusto mo lang! Dahil diyan sa mga gusto mo kaya gumugulo ang mundo ko! Ginusto mong hanapin ang sarili mo kaya ka umalis noon. Ginusto mong saktan si Papa kaya ka hindi bumalik agad. Ginusto mong maranasan kung anong klaseng buhay ang pwedeng dumating sa 'yo kapag hindi mo kami kasama. Ginusto mong maging malaya. Ginusto mong magkaroon ng maraming pera. Ginusto mong hanapin ang kaligayahan mo kaya iniwan mo ako, kami ni Papa! Ginusto mong subukan ang lahat ng pwedeng ibigay sa iyo ng mundo kaya kinalimutan mo 'ko! Ipinagpalit mo 'ko sa mundo!"
"A-anak..." hirap na hirap na tawag niya sa akin. Sunod-sunod din ang pagpatak ng kanyang luha, pero wala akong pakialam. Dapat malaman niya na hindi niya dapat ginagawa ang mga bagay-bagay dahil gusto niya lang!
"Wala kang anak dito Camilla! Dahil ang ina, kahit kalian, hindi ipinagpapalit ang anak niya dahil sa mga gusto lang niya! Hindi ka ina Camilla! Hindi ka ina!" sigaw ko sa luhaan niyang bulto.
Sa puntong iyon tuluyan na siyang humagulgol. Habang ako naman ay pilit na pinapalis ang tuloy-tuloy na pagbagsak ng aking mga luha. Hindi ko plinanong manumbat lalo na ang umiyak sa harapan ni Camilla. Ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi ko na iiyakan ang pag-alis niya noong nasa morge ako at pinagmamasdan ang walang buhay na katawan ni Papa matapos siyang mamatay sa atake sa puso noong disi-otso pa lamang ako. Maliban sa pagtulong-tulong sa akin ni Lola Matilde at sa nakuha kong scholarships na may kasamang stipend, ang maaga kong pagbabanat ng buto bilang service crew sa isang fast food ang siyang nagpaaral sa akin.
Mula noon ay itinuring ko nang ulila ako. Walang sinumag maaring hingan ng tulong sa oras ng kagipitan. Nag-iisa ako at iyon na ang buhay ko sa nakalipas na siyam na taon hangaang sa pagtanda ko.
Akala ko.
Pero bumalik siya. Si Camilla na abut-abot ang pagsisisi noong una ko siyang makita matapos ang maraming taon. Si Camilla na malimit ay umiiyak tuwing pinagmamasdan niya ang litrato nila ni Papa na nakasabit sa dingding. Si Camilla na mahilig magsalita kahit na hindi ako tumutugon. Si Camilla na malimit sabihing gusto na niyang maging ina sa akin.
Binalak ko nang lumabas ng silid ngunit hinawakan niya ang kamay ko.
"A-anak..."
Ipiniksi ko ang kamay niyang may hawak sa akin at muli siyang hinarap. "Kung gusto mong umalis ulit, pwede kang umalis. Hindi ko na kailangan ng nanay." Iyon lang at tuluyan na akong lumabas ng silid.
Iyon ang isa sa mga pinakamabahang gabi ng buhay ko.
___
Makailang ulit akong huminga sa harap ng pinto ng conference room. Alam ko ako na lang ang hinihintay sa loob. Nakailang tawag na kasi si Dianne sa akin, ang sekretarya ni Mr. Mendoza. Inayos ko ang pagkakahawak ko sa laptop ko at prints ng project proposal ko. Minadali ko ang lahat ng mga iyon kagabi. It's not perfect like I initially wanted it but it would do. Mabuti na ang may mai-present ako ngayon kaysa wala.
Pipihitin ko na sana ang seradura ng pinto nang biglang may tumawag sa likuran ko. Agad akong lumingon. Kung hindi ako nagkakamali iyon ang isa sa mga babaeng receptionist ng building. Patakbo siyang lumapit sa akin bago iniabot ang isang rolyo ng drawing at USB.
"Ano 'to?" tanong ko.
"M-may nagbigay po kanina sa baba Ma'am. Babae, hindi gaanong maganda ang lakad puno rin ng gasgas," sagot ng receptionist, habol nito ang paghinga.
Inirolyo ko ang drawing at anong gulat ko nang matanto ko na iyon ang drawing nang naunang project proposal ko. Nabuhayan ako ng loob. Gusto ko pa sanang mag-usisa pero tumawag ulit si Dianne at pinagmamadali na ako.
"I'll talk to you later. Thank you," sabi ko sa receptionist bago ako tuluyang pumasok sa silid.
---
Mabibilis ang lakad kong tinungo ang Room 231 ng ospital.
Apparently, Camilla had an accident while she tried to give me the things I needed for my presentation this morning. Si Camilla ang babaeng paika-ika na pumunta sa opisina para ibigay ang mga kailangan ko. Nakikipag-usap ako kanina sa receptionist naming sa opisina nang makatanggap ako ng tawag mula kay Lola Matilde na nabunggo raw si Camilla at kasalukayang nandito sa ospital.
Nahinto ako sa paglalakad nang makita ko si Lola Matilde sa labas ng Room 231. Nakasilip lang ito sa maliit na bintana ng hospital door.
Hindi ako agad sumilip sa kwarto. Natatakot ako at kinakabahan.
"Noong walong taong gulang ka, nakadispalko ng malaking halag ang Papa mo sa bangkong pinapasukan niya," umpisa ni Lola nang tuluyan na akong makalapit. "Para makabayad agad sa mga pinagkakautangan, nagdesisyon ang Mama mong mag-abroad sa Canada. Noong una maayos naman ang padala niya ng pera. Unti-unting nabayaran ang mga pagkakautang ng Papa mo. Matapos ang limang taon, sabi niya malapit na siyang umuwi. Pero ang uwi ng Mama mo naghintay pa ng mahigit sampung taon dahil nakulong siya sa salang hindi naman niya ginawa."
Napasinghap ako nang lalong bumigat ang dibdib ko. Kusang tumigil ang tibok ng puso ko sa sinabi ng Lola.
"Napagbintangan siyang nagnakaw ng mga lahas sa amo niya. Humingi kami ng tulong sa kinauukulan. Pero sadyang ganoon ang hustisya, mailap. Hanggang sa tuluyan na siyang nakalimutan sa ibang bansa. Nahatulan ang mama mong makulong ng tatlong dekada, kaya ang sabi niya sa Papa mo noon, kalimutan na lang siya at sabihin din sa 'yo na 'di na siya babalik." Bumuntong hininga si Lola at ginagap ang kamay ko. "Nang mamatay ang dating amo ni Camilla naungkat muli ang kaso niya dahil sa hatian ng mana. Lumabas na isa sa mga anak ng dating amo niya ang kumuha sa mga alahas. Nagbayad sila ng malaking danyos sa Mama mo kaya siya nakauwi."
Sa puntong iyon ay napahagulgol na ako. Agad akong nilukob ng pagsisisi. Ngunit sadyang ganoon ang katotohanan, nananakit. At ang pagsisi, laging nahuhuli
"Hindi niya sinasadyang iwanan kayo ng Papa mo, Clariz. Sadya lang na ang buhay minsan ay mapagbiro. Itinutulak tayo sa mga pangyayaring wala sa ating mga plano. Mahal ka ng Mama mo, anak."
Wala sa sarili akong napayakap kay Lola Matilde. Nanghihina ako sa katotohanang narinig ko. Nanghihinayang ako sa mga pagkakataong dumaan lang nang hindi naitatama ang mga maling inisip ko. Masyado akong nilamon ng galit kaya ngayon narito ako lihim na humihiling ng kaunti pang pagkakataon para makasama si Camilla.
Nang gumabi ay nagpaalam si Lola na uuwi na. Nagprisinta akong ihatid siya pauwi ngunit tumanggi siya. Mas mabuti raw na ako ang mamulatan ni Camilla kapag nagkamalay na ito.
Muli ay nanatili ako sa labas ng hospital room. Sinisilip ko lamang siya mula window unit ng pinto. Natatakot ako na baka magising ko siya. Sa unang pagkakataon mula nang magbalik siya sa buhay ko, nahihiya akong humarap o lumapit sa kanya.
"Ma'am," pukaw sa akin ng pamilyar na tinig. Nang lumingon ako ay nakita ko si Emma. "Tumawag po ako sa opisina kanina. Nakibalita po ako sa reception." Nakangiti niyang iniabot sa akin ang hawak niyang to-go cup ng paborito kong kape. Malugod ko naman iyong tinanggap at inaya siya sa bench malapit sa nurses station.
"Kumusta na ang nanay mo?" malumanay kong tanong mayamaya.
"Nasa ward po kami, Ma'am. Bukas pa po ang operasyon niya," matipid nitong sagot.
Sumimsim ako ng kape.
" 'Yong drawings po pala Ma'am, naiuwi ko no'ng nakaraan hindi ko naalala. At saka pinaayos ko po 'yong laptop ninyo, kaya po na-retrieve ko 'yong presentation ninyo. Maaga po akong nagpunta sa bahay ninyo kanina, kaso sabi ng katulong niyo nakaalis na kayo. Ako po sana ang magdadala sa inyo no'ng drawings at USB kaso sabi po ng katulong niyo siya na lang daw po."
Sa puntong iyon, halos alam ko na ang nangyari kay Camilla kaninang umaga. Parang isang malaking jigsaw puzzle ang unti-unting nabuo sa isip ko. Biglang namigat ang dibdib ko.
"Yung... babae sa bahay...siya ang nanay ko," alanganin kong pahayag.
" Ay sorry po. S-sana po naihabol Ma'am-"
"They approved my design. Iyon ang isa-submit sa bidding this Friday," putol ko sa pangamba ni Emma bago ko siya nilingon. "Thank you."
Ngumiti lang siya at nagyuko ng ulo.
"Mahal na mahal mo ang nanay mo, 'no?" pukaw ko sa katahimikan mayamaya.
Tumango lang si Emma at nagyuko ng ulo.
"Kahit na hindi na siya nagpaka-nanay sa inyo ng mga kapatid mo mula nang mamatay ang tatay mo?"
Nag-angat ng tingin sa akin si Emma bago mapait na ngumiti. "Hindi naman po kasi napipili ang magiging magulang natin. Kaya kahit gano'n si Nanay, pinipilit ko po na maging mabuting anak para sa kanya. Hindi naman po natatakpan ng kasalanan ang pagmamahal di ba? Kapag mahal mo, mahal mo pa rin kahit na maraming kahit na. Kaya kahit na gano'n si nanay, mahal ko siya dahil nanay ko siya."
Sa maingay na lobby ng ospital tumigil at nanahimik ang aking mundo. Sa unang pagkakataon matapos ang napakaraming taon, hinayaan ko ang isip ko na buksan ang mga alaala ng kahapon. Alaala noong ako ay bata pa at puno ng pagmamahal ni Camilla at Papa. Mga alaalang... masaya.
Lihim kong narinig ang pag-iyak ng puso ko. Ang ilang beses niyong paghinigi ng tawad. Pati na rin ang mahinang bulong ng panalangin sa Diyos na minsan pa, kahit isang beses na lang, ay bigyan pa ako ng huling pagkakataon para makasama si Camilla.
Nang magpaalam si Emma ay naglakas loob akong pumasok sa silid ni Camilla. Mahimbing pa rin ang tulog niya, marahil dahil na rin sa gamot. May maliit na gasa sa kaliwang noo nito, malalaking gasgas sa magkabilang mga braso maging benda sa kanang paa nito.
She'd probably defy death just to give me what I needed. Just to reach me on time.
Muli akong napaluha. Kung pamantayan ng pagmamahal ang presensya, talong-talo si Camilla. Pero hindi naman nasusukat ang pagmamahal sa presensiya lang. Malimit ang sukatan ng pagmamahal ay sakripisyo. At mula noon hanggang ngayon iyon ang ginawa ni Camilla.
Tahimik akong naupo sa tabi ni Camilla. Ni hindi ko magawang hawakan ang mga kamay niya. Pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat.
Marahil, kailanman, hindi ako magiging karapat-dapat.
--
Masuyong paghaplos sa buhok ko ang nagpagising sa akin kinabukasan. Hindi ko namalayang nakatulugan ko ang pag-iyak kagabi sa tabi ni Camilla. Agad akong umayos ng pagkakaupo sa upuan. Agad na bumati sa akin ang nakangiting mukha ni Camilla, mas maaliwalas pa sa sinag ng araw na lumalagos mula sa bintana.
Bahagya siyang gumawa ng espasyo sa tabi niya. "Halika dito sa tabi ko. Hindi ka kumportableng natulog."
Isang simpleng iling lang ang aking naging sagot. Nanikip kasi bigla ang dibdib ko at nanakit ang aking lalamunan.
"Yong mga kailangan mo kahapon...naihabol ko ba?" tanong niya sa paos na tinig.
Agad na nag-init ang sulok ng aking mga mata. Muli, tango lang ang naisagot ko kasabay niyon ang tuluyang pagtulo ng luha ko. Gusto ko siyang yakapin o hawakan man lang, pero nahihiya ako. Nanliliit ako sa mga ginawa ko sa kanya.
At sa isang pambihirang pagkakataon, pilit inabot ni Camilla ang kamay ko at marahan iyong pinisil. Nangingilid ang mga luha niya kahit na malapad ang pagkakangiti ng mga labi niya. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon. Agad akong lumapit sa kanya at maingat siyang niyakap. Matapos ang maraming taon, nakauwi rin ako sa mga bisig ni Camilla-ang nanay ko.
Nang humiwalay ako ng yakap sa kanya ay pinilit kong magsalita.
"Ma...Alam ko na...S-sorry po," ani ko sa pagitan ng pagsigok.
Hindi siya agad sumagot bagkus ay masuyo niyang pinahid ang mga luha ko gamit ang kanyang mga kamay. Pinagmasdan niya ako ng maigi, sinapo ang aking pisngi at umiling.
"Anak, kahit hindi mo hilingin, kahit hindi mo gawin, napatawad na kita."
Muli ay humagulgol ako. Iniyakan ko ang mga panahong namuhi ako sa sarili kong ina. Mga panahong pinagmalaki ko na mas mabuti ako sa aking ina dahil ako ang iniwan at hindi ako ang umalis. Mga panahong natamasa ko ang karangyaan kapalit ang kalayaan ng aking ina.
Marami akong naging pagkakamali nitong nakaraang mga araw. Ngunit gaya ng panibagong umaga, may pagkakataon pa akong itama ang mga iyon.
---
Inabot ng dalawang linggo bago tuluyang gumaling si Mama. Nag-leave ako sa opisina para alagaan siya. Humiling ako ng isang pagkakataon para makasama siya kaya kailangan sinusulit ko iyon. Madalas na kaming magkwetuhan tuwing kumakain kami. Ang mga alaala ko noon at bago siya umalis, hindi na masakit tuwing inaalala ko. Napagtanto ko na hindi solusyon ang pagkakaroon ng matigas na puso upang maiwasang masaktan. Ang mabuhay nang walang pagtatawad sa puso, iyon ang mas nakakasakit.
"Ingat ka sa biyahe," ani Mama habang hinahatid niya ako sa garahe. "Dito lang ako. Hihintayin kita."
Ngumiti ako at niyakap si Mama. "Love you, Ma."
"Love you, 'nak!" masuyong sagot niya.
Magaan ang loob kong pumasok sa kotse. At habang papalayo ako sa panay ang kaway na bulto ni Mama sa likuran ko, naisip kong tama nga si Emma. Walang kasalanang 'di kayang lusawin ng pagmamahal. Dahil ang puso, patuloy na magmamahal sa kabila ng maraming kahit na.
###
4993words/6:04PM/8/29/18
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro