/8/ Two-faced
Kabanata 8: Two-faced
"ALAM niyo ba yung chismis? Tungkol diyan kay Sumiyaya, kung bakit siya nag-transfer dito sa block natin?" Nasa likuran ko lang sila at hindi ko alam kung sinasadya ba talaga nila na iparinig sa'kin na ako ang pinag-uusapan nila.
"Ah, may sakit daw kasi siya kaya gusto niyang mag-adjust." Sagot pa ng isang babae at kahit na hindi ako lumilingon sa kanila ay alam kong nakatingin sila sa kinaroroonan ko ngayon.
"Pero ang gulo naman no'n. Mas makakapag-adjust ba siya rito sa mga wala naman siyang gaanong kakilala?"
"Balita ko hindi naman 'ata siya gano'n ka-close sa mga ka-block niya sa section A dahil masyado siyang busy sa Pluma. Doon lang halos umiikot buong college life niya." Sabi ng isa sa mga tsismosa sa likuran.
Kung alam lang nila kung gaano ka-creepy ang kakambal ko dahil sa mga bagay na hindi nila alam ay alam ni Sari. Kung saan at paano niya nakuha ang mga impormasyon na 'yon, diyos na lang ang nakakaalam. Kaagad ko silang nakilala dahil nabasa ko na ang buong profile ng BFA Block B kahapon dahil wala akong pasok. Ang pasimuno na pagtsismisan ako ay nagngangalang Rita, at ang mga kasama niya ay sila Micah, at Hailey.
"Nandyan na si mam!" May sumigaw mula sa pintuan at nagkagulo na parang daga ang lahat, kanya-kanyang balik sa kanilang mga salumpuwit. Tiningnan ko yung registration form ko dahil doon nakalagay ang mga subject schedule.
Thursday ngayon at Psychology ang klase ko. Narito ang classroom namin sa Social Sciences Area ng College of Liberal Arts. Nakapag-take na ako ng Psychology noong nag-aaral pa ako dati kaya tingin ko, hindi naman ako mahihirapan kung ito ulit ang kukuhanin ko ngayon.
Bumukas ang kahoy na pinto at mula sa labas ay pumasok ang isang matangkad na babae, mahaba ang buhok nito na hanggang baywang, maputi, at mukhang nasa edad na twenty seven to thirty. Nakita ko na kanina sa bulletin board sa labas ang pangalan ng professor namin, si Ms. Corazon Selarmo, at alam kong hindi lang ako ang nagulat na hindi matandang dalaga ang prof namin ngayon.
Imbis na bumati ay kumuha ng chalk ang guro at pagkaguhit niya sa pisara ay matinis iyong tumunog kaya pare-parehas kaming nangilo ng mga classmates ko. Sinulat niya ang kanyang pangalan at humarap sa aming lahat. Mukha siyang masungit dahil hindi pa siya ngumingiti at nakasuot pa siya ng salamin sa mata.
"Good morning class, my name is Corazon Selarmo, I am your Psychology Professor this semester." Pagkaraa'y ngumiti na siya at bumati naman pabalik ang mga kaklase ko. "This is actually my second time of handling a BSA class from the College of Architecture and Fine Arts, so I'd like to know all of you very well since this is a Psychology class. So, why don't you introduce yourselves first? State your name, age and share something about you."
Kanya-kanyang reaksyon ang mga kaklase ko pero sa huli ay wala rin silang nagawa at isa-isa silang nagpakilala simula sa umpisa. At nang dumating ang pagkakataong ako na ang magpakilala, bigla silang natahimik nang mapagtanto na bagong salta lang ako sa block na 'to. Nakayuko akong tumayo habang tahimik sila na naghihintay, nag-angat ako ng tingin at sinalubong ang tingin ni prof.
"M-my name is..."
Saru huwag kang kabahan, kaya mo 'to, Saru, ikaw si Sari, ikaw si Sari,
"M-my name is Saru...Sarina Sumiyaya! Ahh... Writer ako sa PLUMA." Iyon lang ang nasabi ko at kaagad akong napaupo. Alam kong pulang-pula ang mukha ko sa kahihiyan dahil sa pagpapanic ko.
"Very well, Miss Sumiyaya. Nabasa ko minsan ang gawa mo sa literary folio ng Pluma, you're good." Medyo nagulat ako sa sinabi ni Ms. Selarmo. "Okay, next."
Natapos din ang 'Introduce Yourself' activity at pinaliwanag lang ng guro ang grading system at overview ng subject. Pagkatapos ay nag-dismiss na siya ng klase kahit hindi pa naman time, first meeting pa lang naman kasi. Pagkalabas ko ng classroom ay tumambay ako saglit sa gilid para tingnan ang nakalagay sa susunod na schedule ko.
"Mamaya pang one pm ang next class ko." Bulong ko sa sarili nang mapagtantong matagal-tagal pa ako nitong maghihintay. Alam ko na, pupuntahan ko na lang si Taisei.
"Sari!" Bigla akong napalingon sa tumawag at nakita ko ang isang maliit na babae na tumatakbo palapit sa akin. Kaagad na nagbalik sa aking alaala ang PTU Profile.
Sa Block A, nakita ko na ang profile niya. Si Eriko Abe, isang half-Japanese na classmate ni Sari, may height na 4'10, timbang na 45kg, singkit na singkit ang mga mata at naka-bun lagi ang mahabang buhok. Kasunod niya sa likuran ang boyfriend niya na kaklase rin nila na si Tobias Jimenez o mas kilala bilang Toby, tahimik lang daw at isa sa mga pinaka-artistic sa Block A.
"E-Eriko, ikaw pala." Nag-aalinlangan kong sabi. Ngiti, Saru, ngiti.
"Hays! Hindi pa rin kita napapatawad sa ginawa mong paglipat ha, Sari! Bakit ka ba lumipat ng block?!" Matinis ang boses ni Eriko at may pagka-childish ang datingan.
"S-sorry."
"Joke! Nagjo-joke lang ako! Matitiis ba kita?" Kinawit niya ang braso niya sa braso ko at naglakad siya dahilan para mahila ako kung saan. "Sabay ka na sa'ming mag-lunch ni Toby. Libre mo kami ha!" Napatingin naman ako sa kanya nang sabihin niya 'yon. "Joke lang ulit!"
According sa PTU Profile Block A, si Eriko ang unang una na naging kaibigan ni Sari sa block na 'yon. Nagkakilala sila sa unang araw mismo ng pasukan at simula noon ay naging magkasama na sila. Pero nang mapasok si Sari sa PLUMA noong first year second sem ay naging madalang ang pagsasama nila ni Eriko ngunit nanatili pa ring close sa isa't isa.
Natatandaan ko rin ang iba pang minor details sa profile ni Eriko, sobrang hilig nito sa chocolate, at sobrang bibo sa klase kaya marami ring mga kaibigan. Pero ang ipinagtataka ko lang, kung siya ang isa sa mga malalapit na kaibigan ni Sari... bakit tila hindi naman ganoon kahalaga ang turing ni Sari sa kanya?
Nagtataka lang ako dahil normal naman siguro kung ipapaalam mo sa "close" friend mo kung ano ang pinagdaraanan mo hindi ba? Kung totoo mang nagpakamatay si Sari, hindi ba dapat ibinabahagi niya 'yon sa kanya? Pero mukhang walang kamalay-malay si Eriko.
Sa cafeteria ng university kami nagtungo at doon ay naging third wheel ako sa kanilang dalawa. Nakalagay din ang detalye kung kailan naging mag-on si Eriko at Toby sa profile. First year second sem noon, parehong pagkakataon kung kailan napasok si Sari sa Pluma.
Habang kumakain ay hindi rin naman ako masyadong napapansin dahil abala sila sa isa't isa. Parang naging palamuti lang ako rito habang kasama sila.
Mabilis kong inubos ang pagkain ko at tumayo, sabay silang napatingin sa akin.
"Uhm, guys, kailangan kong dumaan sa HQ ng Pluma."
"Gano'n ba? Sige, let's catch up some time kapag vacant natin." Aalis na sana ako pero tinawag ulit ako ni Eriko. "Iyon pa rin naman ang number mo 'di ba?"
"Ah, oo." Sabay alis.
Paakyat ako ngayon ng second floor nang tumunog ang bell. Alas dose pa lang naman ng tanghali at may isang oras pa ako bago ang susunod kong klase.
Pagdating ko sa HQ ay naka-lock 'yon na kinakailangan ng password. Walang tao at higit sa lahat ay hindi ko naman alam ang password. Wala akong ibang choice kundi tumungo sa ibang lugar. At dahil baguhan pa lang ako rito ay napili kong puntahan ang University Library. Medyo kaunti lang ang tao dahil halos lahat ng estudyante ay nasa cafeteria. Bago ko i-deposit sa bag area ang bag ko, kumuha ako ng notebook at nadukot ko ang asul na journal ni Sari. Muntik ko nang makalimutan...
"Miss, i-dedeposit mo ba 'yang bag o ano?" Natauhan lang ako nang sungitan ako ng babae na naglalagay ng bag. Kaya kaagad kong ibinigay sa kanya ang bag ko at ipinakita ang number card na hawak ko. Pagkatapos ay humanap ako ng pwesto sa reading area kung saan wala masyadong tao na nakapaligid.
Hinatak ko ang upuan at umupo. Ngayon ay tila nagkaroon ng aura ng misteryo ang journal. Hindi ko pa kasi 'to nababasa dahil naging abala ko sa pagbabasa ng PTU Profile ni Sari, at ngayon ko pa lang mababasa nang mabuti kung ano ang mga "kahilingan" ni Sari sa loob ng journal.
"Alam mo ba talaga kung ano'ng pinasok mo, Saru?" Parang bumulong ang kunsensya ko.
Hindi ko alam kung ano'ng klaseng mga kahilingan ang mga nilagay ni Sari rito at lakas loob pa akong nagprisinta na tuparin 'yon alang-alang sa memorya niya. Pero hindi ba't isa lamang iyong pantakip sa tunay kong agenda kung bakit ako lumuwas ng Maynila?
Hindi naman talaga para kay Sari kung bakit ako nandito ngayon, kundi para sa sarili ko. Ano'ng saysay kung tutuparin ko ang bawat kahilingan na nasa loob ng kwaderno na 'to? Isang malaking walang saysay, dahil patay naman na si Sari pero bakit ko pa kailangang bigyang katuparan ang mga kahilingan niya?
Ang daming bumubulong sa isipan ko pero huminga ako nang malalim at lakas loob na binuksan ang kwaderno. Sa pinakaunang pahina tumambad sa'kin ang mga nakasulat na,
Kahimanawari
Hoping to happen
S̶a̶r̶i̶n̶a̶ S̶u̶m̶i̶y̶a̶y̶a̶
BFA Student
May ekis ang pangalan ni Sari.
Nilipat ko na agad sa sumunod na pahina at tumambad sa'kin ang tila pinakaunang kabanata.
CAPUT PRIMIUM
Mayroong pencil sketch ng isang babae at sa ilalim nito ay ang salitang 'Invidia'.
"Wala kang klase?" Halos mapatalon ako sa gulat nang may magsalita. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko si Taisei. "Bakit 'di ka pumunta ng HQ?" Umupo siya kaharap ko at kaagad kong sinara ang journal.
"Hindi ko alam ang password." Mabilis kong sagot.
"Ah." Iyon lang ang sinagot niya. "Ano 'yan?"
"Journal." Napahawak tuloy ako sa journal nang pansinin niya. "Anong ginagawa mo rito?"
"Nangangalap ng research material."
Bilib din ako sa kanya dahil kakaumpisa pa lang ng klase ay nagriresearch na siya.
"Since nakita kita rito, sabay na tayong pumunta ng HQ." Kaagad siyang tumayo at umalis. Hindi na ako nagreklamo dahil wala pang ten minutes ang tinagal ko rito.
*****
"MAY literary folio ba kayo rito?" Tanong ko pagkapasok namin sa loob ng HQ.
"Marami, bakit?" Sagot niya at nilapag ang bag niya sa mesa.
"Uhm, pwede ba 'kong makahiram?"
Tumingin sa'kin si Taisei, nagtataka.
"Para saan?"
"Babasahin ko." Sumimangot siya sa sagot ko. Gusto ko siyang tawanan dahil ano pa ba ang gagawin ko ro'n kundi basahin 'di ba? Sa totoo lang ay na-curious ako sa sinabi ng prof ko kanina, nagandahan si Ms. Selarmo sa mga akda ni Sari.
Pumunta si Taisei sa cabinet at mula sa loob nito ay kumuha siya ng tatlong iba't ibang kopya ng literary folio at hinagis sa mesa.
"Ayan."
"Thanks. Pwede ko naman siguro iuwi 'to, no?"
"Pwede basta ibabalik mo. Iyan na lang ang kopya para rito, napamigay na kasi halos lahat sa mga estudyante 'yang mga 'yan."
"O-okay." Umupo ako at magbabasa sana nang may maalala ako. "Taisei."
"Ano?" Walang kabuhay-buhay na sagot niya sa akin habang abala siya sa pag-aayos ng mga kinalkal niya sa cabinet.
"Hindi pa ba tayo magsisimula sa Suicide Virus Case?" Pagkasabi ko'y bigla siyang huminto sa ginagawa at lumingon sa akin.
"Sa Biyernes, may pupuntahan tayo." Iyon lang ang sinabi niya at nagpatuloy siya ulit sa ginagawa. Tumango na lang ako at nagsimulang basahin ang literary folio.
Hinanap ko lang ang mismong mga gawa ni Sari at iyon ang mga binasa ko. Tinatago niya ang pangalan niya sa pen name na "S.S." dahil wala naman akong nakita na "by Sarina Sumiyaya" at S.S. ang acronym ng pangalan niya.
Two-faced
by S.S.
Everything in this world has its duality
Beauty and destruction
Order and chaos
If we look just within
We'll see that even inside our vessels
there are two oppositions
of your own beliefs
a speck of angel
and an incarnation of the devil
Which way you will follow
You don't need to show
your real intentions
because of everyone in this foolish world
is just pretending
of who they think to be
Hinanap ko pa ang mga gawa ni 'S.S.' at mukhang tama nga si Ms. Selarmo dahil magaling magsulat ang kambal ko. Pero iisa lang ang napansin kong pagkakahawig ng mga tema ng sinusulat ni Sari.
Tungkol sa pagpapanggap.
H-hindi naman siguro...
Katulad ng ginagawa ko ngayon, noon pa man ay nagpapanggap na si Sari? Paano kung ang inaakala ni Taisei na nakikita niya sa panlabas na anyo ni Sari na confident, charismatic, at competitive, ay facade lang?
Paano kung ang katulad ni Sarina Sumiyaya ay nagpapanggap lang sa kung anong tingin ng lahat sa kanya?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro