/7/ Marami Pang Hindi Alam
Kabanata 7: Marami Pang Hindi Alam
HINDI ako maka-diyos pero bigla akong napa-simba sa Quiapo dahil sa tila himalang nangyari—nakakuha ako kaagad ng trabaho rito sa Maynila. Sa isang fastfood chain na isang sakay mula sa school at dito lang mismo sa area ng Quiapo.
Masasabi kong himala dahil una sa lahat ay wala akong kaalam-alam sa lugar na 'to pero tila mabait ang tadhana sa'kin dahil kusang lumilitaw ang mga solusyon sa bawat problema. Sa madaling salita—hindi ako nahirapan. Divine interverence? Siguro.
Ordinaryong araw naman ngayon kaya walang misa, pero marami-rami ang tao na nandito. May mga nakaluhod habang tinatahak ang mahabang aisle sa gitna papuntang altar habang bitbit ang kani-kanilang pansariling panalangin. Napaisip tuloy ako kung bakit marami pa rin ang naghihirap sa kabila ng lahat ng panata ng mga deboto.
Inalis ko ang mga bagay na kumukwestiyon sa isip ko, at naalala ko bigla ang text ko kay mama. Sinabi ko sa kanya na napuntahan ko na ang dorm ni Sari at naipalaam ko na sa school ang nangyari—kahit na hindi totoo. Nagsinungaling ako dahil sa pansarili kong interes. Pero ang kapalit naman nito ay ang pagtupad ko sa mga kahilingan ni Sari sa journal, isang dahilan na pinanghahawakan ko. Isang palusot sa isang kasalanan.
Naalala ko rin kung ano ang kalagayan ng ama ko sa bahay namin, kung ano ang mararamdaman niya sa bawat araw na hindi na niya masisilayan ang tanging anak niya na sumusuporta sa buong buhay niya.
Tawagin na akong makasarili pero ang bagay na 'to ang matagal ko nang hinahangad—ang kalayaan, ang mabuhay para sa sarili. Matagal ko nang gustong gawin ang ang mga bagay na hindi ko magawa-gawa noon. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti—mapangiti dahil sa wakas ay nakakawala na ako sa selda. Isang ngiting makasalanan dahil nakuha kong pagkakataon ang pagkamatay ng kakambal ko—ang kapatid kong ni hindi ko nakilala nang lubusan. Tawagin na rin akong masamang tao sapagkat hindi gaano kabigat ang damdamin ko sa pagkawala ni Sari sa mundo.
At ang tanging tanong lang na bumabagabag sa isip ko ay kung nagpakamatay ba si Sari o katulad na lang na pinaniniwalaan ni Taisei na kasama siya sa naging biktima ng "Suicide Virus".
Marami ka pang oras para malaman ang totoo, Saru. Tila binulong ng isang demonyo. Dahil hindi ka na babalik sa dati mong buhay, hindi ka na babalik, hindi ka na babalik.
*****
HUWAG kang papasok ng first day.
Iyan ang kabilin-bilinan sa'kin ni Taisei. Sa kolehiyo, mas madalas na hindi kaagad nagsisimula ang klase sa unang araw ng pasukan. Kaya heto, nasa harapan ako ngayon ng salamin at pinagmamasdan ko ang aking sarili. Imbis na pumasok sa unang araw ng eskwela ay sinabihan ako ni Taisei na aralin kong maigi kung paano maging si Sari gamit ang portfolio at ang student handbook.
May picture si Sari na naka-frame at iyon ang pagbabasehan ko sa itsura. Nakakatawa dahil magkamukhang magkamukha kami dahil kahit ayos ng buhok ay parehas kami. Totoo nga siguro ang sinasabi nila na kapag may kambal ka ay may hidden connection kayong dalawa kahit sobrang layo ninyo sa isa't isa. Parehas na mahaba, may bangs, at maitim ang buhok namin ni Sari. Nakalagay kasi sa student handbook ng PTU ay bawal magpakulay ng buhok ang mga estudyante.
Sinubukan kong ngumiti sa harapan ng salamin, yung ngiting kasing laki na mayroon si Sari sa portrait niya.
Masyadong pilit.
Huminga ako nang malalim at sinubukan kong ngumiti nang mas tipid.
Halatang peke.
Sinubukan kong tumayo nang tuwid, nagtaas noo, pumamaywang at bahagyang ngumiti.
Ito yung 'confident' look.
Ngayon naman ay humalukipkip ako, at medyo tinagilid ang ulo.
'Cunning' look.
Tumayo lang ako nang maayos at nilagay ang magkabilang kamay sa gilid, ngumiti ulit ako nang malapad.
"Hi!" Nagulat din ako dahil nagawa kong sabihin 'yon sa masiglang paraan.
Nakakapagod.
Nakakapagod pala magpanggap.
*****
NAGISING na lang ako nang sumunod na araw. Nakatulugan ko pala ang pagbabasa ng P.T.U. portfolio ni Sari. Hindi ko pa nga 'ata tapos lahat basahin dahil kada isang tao ay sobrang detalyado kung maglagay ng description ang kambal ko. 'She's collecting it for her character profile in her novels', iyon ang sinabi ni Taisei. Manunulat nga pala si Sari. Pati paboritong kulay na madalas suotin tuwing washday ng mga kaklase niya ay nilalagay din niya. Ibang klase.
Observant. Iyon siguro ang special trait ng kambal ko. Memoriation. Iyon naman ang masasabi kong akin. Dalawang kaugalian na pinagtugma.
At sa sobrang dami ay ni hindi ko pa rin nababasa ang mga nakasulat sa asul na journal niya, kung saan nakapaloob ang mga bagay na gusto niyang mangyari. Sa ngayon kasi ay mas mahalagang may background ako ng mga taong makakasalamuha ko. At dahil hindi pa naman ako magsisimula sa trabaho ay nagawa kong mag-practice kahapon buong araw, kung paano magsalita, maglakad, at ngumiti si Sari ayon sa mga binilin ni Taisei.
Ikalawang araw ng pasukan. Nandito ngayon ulit ako sa harapan ng main entrance habang nakatanaw sa mga estudyanteng pumapasok sa loob.
Hingang malalim, Sarumi. Nagtaas noo ako at ngumiti, sabay naglakad papasok sa loob ng campus. Pagkatapos tusukin ng guard ang laman ng bag ko at makapasok ako sa loob ay kaagad akong dinala ng mga paa ko sa tanging lugar na pamilyar ako—ang HQ ng Pluma.
Siguro nandito na sa loob si Taisei.
"Good morning, Ate Sari." Pero nagkamali ako nang makita ko si Reuben. Nakaupo siya at napahinto sa kung ano man ang sinusulat niya sa notebook. Nginitian ko naman siya pabalik at buti hindi ko pinahalatang nagulat ako.
"Si Taisei?" Tanong ko sa kanya at kunwari komportable akong umupo kaharap siya.
"Ah, hindi pa po dumarating, e." sagot naman niya. Ang galang naman nito.
Ngumiti lang ulit ako at kunwari ay may tiningnan ako sa cellphone ko. Numingiti ka lang Saru. Ngumingiti ka lang.
"Ano'ng oras ang klase mo, Ate Sari?"
"H-ha? Ano, ah." Nilabas ko mula sa bag ko ang envelope kung saan nakalagay ang registration form ko. "Kapag ganitong araw, Tuesday, mamaya pa namang nine ang pasok ko."
"Ang aga mo naman, seven thirty pa lang o." At inginuso niya ang orasan.
Naalala ko bigla ang profile niya sa PTU portfolio na binasa ko kagabi.
Name: Reuben Soriente
Age: 18
Gender: M
Birthday: June 5, 1998
Ayon sa description na nakalagay sa portfolio kay Reuben, BS Food Technology ang course niya sa College of Industrial Technology. Mahiyain daw ito pero active sa mga school organizations, sumasali sa basketball team ng college nila tuwing intramurals, at masarap daw magluto.
Has a secret crush on me.
Iyon 'ata ang pinakatumatak sa nabasa ko tungkol kay Reuben. May crush siya kay Sari—at dahil ako si Sari ngayon, sabihin na nating may crush siya sa'kin kaya siya ganito ka-friendly. Kung paano 'yon nalaman ni Sari, hindi ko alam.
"May usapan kasi kami ni Taisei." Hindi 'yon kasinungalingan dahil may usapan talaga kami na sa second day ng klase ay magkikita kami nang maaga rito.
At saktong bumukas ang pinto. Speaking of the devil, sa wakas ay dumating rin siya dahil parang hindi ako makahinga nang maluwag kasama si Reuben. Iba kasi siya tumingin, halata ngang may lihim na pagkagusto sa'kin—kay Sari pala.
"Aga mo?" Gulat na saad ni Taisei imbis na bumati ng 'Good morning'. Tumingin siya sa'kin at tila sinasabi ng mukha niya na 'Kaya mo pa ba?'. Umupo siya katabi ni Reuben at pahampas na nilapag sa mesa ang tatlong puting envelope.
"Ano 'yan, Kuya Taisei?" Curious na tanong ni Reuben. Mukhang hindi maganda ang mood ni Taisei.
"Resignation letters galing sa mga magagaling nating staff." Nakasimangot na saad niya.
"May nag-resign na naman?" Sabi ni Reuben na hindi makapaniwala. "Paano 'yan, Kuya? Pakaunti na lang tayo nang pakaunti."
Pabalik-balik ang tingin ko sa kanilang dalawa hanggang sa napansin ni Reuben na hindi ako makasabay sa pinag-uusapan nilang dalawa.
"Ah, hindi mo ba naalala, Ate Sari?" Nag-aalala niyang tanong sa'kin. Bilib din ako dahil siya ang unang-una na tao na napaniwala namin ni Taisei na may 'mild amnesia' ako. At totoo nga ang nakalagay sa portfolio ni Reuben.
Madaling maniwala sa lahat ng bagay, mababaw ang kaligayan. Naïve boy. Innocent looking. No girlfriend since birth.
"Nagkagulu-gulo kasi sa org natin kaya maraming nag-reresign since last year, kaya—"
"Reuben, naalala niya 'yon, sadyang tahimik lang siya ngayon." Buti ay biglang sumingit si Taisei. "'Di bale at babawi tayo kapag nag-open ng recruitment ng members."
"Oo nga, hehe." Pag-sang-ayon agad ni Reuben at bigla siyang napatingin sa relos niya. "Male-late na pala 'ko. Mauna na 'ko, bye ate, bye kuya." At mabilis itong umalis dahil malapit nang mag-alas otso. Nang masiguro kong nakaalis na siya ay hinarap ko si Taisei.
"So, kaya ba bibihira lang ang tao na pumupunta rito sa HQ dahil umaalis na ang mga staff ninyo?" Ngayong naiwan kaming dalawa ay bumalik ako sa natural kong kilos.
"Ganoon na nga." Sagot naman niya sa'kin. "Ayaw nilang madamay sa pagbagsak ng org na 'to kaya nagkakanya-kanya na sila ng alis."
At saka ko naalala na kaya niya nga pala gustung gusto maresolba ang Suicide Virus Case para iyon ang gawin niyang 'comeback' para sa organization na 'to. Ganoon pala siya ka-dedicated dito.
"Siya nga pala, Sarumi."
"Saru na lang."
"Dala mo ba yung fake medical certificate mo?"
"Oo, bakit?"
"Good, dahil ito na ang susunod mong gagawin."
"Ano?"
"Pumunta ka sa department ninyo at kausapin mo ang Department Head ninyo para magpalipat ka ng block."
"M-magpalipat ng block? Bakit? At anong kinalaman ng fake medical certificate doon?"
"Makinig kang mabuti." Dahan-dahan niyang sabi na akala mo ay bata ang kausap niya. "Magpapalipat ka ng block dahil gusto mong mag-adjust ng environment, at kapag tinanong ka kung bakit, ipakita mo yung certificate."
"Okay." Nakakunot pa rin ako dahil hindi ko pa rin maintindihan nang lubusan. "Para saan din ba ang paglilipat ng block? Teka, pwede naman akong lumipat ng block ng walang ganitong gimik."
Napa-face palm na naman si Taisei bago ulit ako kausapin.
"Hindi mo ba naiisip man lang? Kung gaano ka-safe ang lagay mo kapag lumayo ka sa mga kakilala ni Sari sa block na 'yon? At 'yang pekeng medical certificate na 'yan ang magsisilbing apoy na kusang kakalat kung bakit ka lumipat at voila! Hindi ka na nila tatanungin pa kung bakit ka lumipat at kung tanungin o kausapin ka man nila ay maaari kang magpanggap na wala kang matandaan o pwede kang maging mailap dahil sa sakit mo."
Hanep. Ang lumalabas dito ay pagmumukhain niyang may sayad si Sari—ako pala. Pero bilib din ako sa punto niya. Kung tutuusin, mas safe nga naman ako kung ilalagay ko ang sarili ko sa block kung saan walang kilala si Sari dahil hindi ko kinakailangang ipilit ang sarili ko na makipag-interact sa kanila. Mahusay. Pero ang layo pa rin sa realidad kung pakikinggan.
"Oo na." At hindi rin ako makapaniwala na susunod lang ako sa mga inuutos ng taong 'to. Wala naman akong ibang choice.
Tumayo ako para umalis na at para gawin ang bagay na inuutos niya. Nang malakas na bumukas ang pintuan ay parehas kaming napapitlag ni Taisei. Mula roon ay lumitaw ang isang babae, kasing tangkad ko lang din siya, hanggang baywang ang haba ng buhok, balingkinitan, at maganda ang itsura.
"Sari!" Kaagad siyang lumapit at namalayan ko na lang na nakayakap siya sa'kin nang mahigpit. "God, I'm so worried about you!" Napatingin ako kay Taisei at nakatingin din siya sa'ming dalawa, halatang hindi siya masaya. "Ano'ng nangyari sa'yo?! Last time na tinawagan kita, para kang mamamatay!"
H-huh?
Naalala ko kung sino siya, base rin sa nabasa ko sa portfolio.
Name: Rebecca De Jesus
Age: 20
Gender: F
Birthday: November 7, 1996
Sa pagkakatanda ko ay Sports Editor si Rebecca ng organization na 'to.
"She had an intimate relationship with Sari before." Iyon ang sinabi ni Taisei pero ang sinabi ni Sari...
Rebecca said she likes me but I don't really see her that way...
Marami pala talaga akong hindi alam.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro