/4/ Ang Usapan ay Usapan
Kabanata 4: Ang Usapan ay Usapan
"SORRY, mister—"
"Taisei ang pangalan ko."
"Okay, Taisei, hindi ako interesado sa mga teorya mo."
"Hindi ka interesado sa kung anong totoong nangyari sa kakambal mo?"
Nauubusan na ko ng pasensya sa taong 'to. "Wala kang alam! Wala kang karapatan na basta manghusga sa mga bagay na hindi mo naman talaga alam!"
Ngunit nanatili lamang siyang blangko, umupo at nakatingin lamang sa'kin.
"Tama ka, wala akong alam." Itinaas niya ang dalawang kamay na para bang sumusuko, ibinababa niya rin iyon. "Hindi ko man alam ang buong detalye kung anong nangyari sa kanya pero sigurado ako na hinding hindi siya magpapakamatay."
"Kung makapagsalita ka ay akala mo kilalang kilala mo ang kapatid ko. Ano ka ba niya?" Matapang kong sabi.
Natigilan siya saglit at bahagyang ngumiti.
"I'm her number one rival in this organization. It's normal to know thy enemy, you know." Malamig niyang sagot. "Tell me, Sarumi, bakit ka pumunta rito?"
Nag-aalinlangan akong sumagot.
"Sinabi ko na sa'yo, p-para ipaalam sa school na—"
"Huhulaan ko, pinaghiwalay kayo ni Sari nang matagal na panahon. Dahil kung hindi, dapat ay nababanggit ka niya o 'di kaya naman ay nai-popost niya sa Facebook, Instagram, o Twitter ang tungkol sa'yo. Pero hindi, ni isang larawan o post na patungkol sa'yo ay wala. Hindi ko man alam ang eksaktong dahilan kung bakit kayo naghiwalay sa loob ng mahabang panahon, sigurado ako na wala kang kaalam-alam tungkol kay Sari. Katulad nga ng sasabihin mo ay nandito ka para ipaalam mo sa university ang nangyari sa kanya, at tiyak kong isa lamang 'yong utos mula sa isang tao na hindi mo matatangghinan, perhaps your mother or your father." Halos mapanganga ako sa haba ng sinabi niya. Dinaig niya pa ang manghuhula—hindi, para siyang imbestigador na alam ang bawat tinatakbo ng utak ko.
"At hindi lang iyon ang dahilan kung bakit ka pumunta rito. Galing ka pang Isabela, hindi ba? Doon ang probinsya ni Sari at dahil deactivated ang Facebook niya at wala siyang ibang kamag-anak dito ay hindi pa nakararating sa Maynila ang balita. Pero pumunta ka rito hindi lang para ipaalam sa school ang nangyari, dahil kung tutuusin maaari niyo namang i-contact ang mga kaibigan ni Sari rito o tawagan na lang ang school. May iba ka pang agenda sa pagpunta ng Maynila, Sarumi Sumiyaya, tama ba ako?" Humalukipkip siya at tumaas ang isang kilay, kampanteng kampante na tama ang mga sinabi niya. Pero malapit nang mapatid ang pasensya ko sa lalaking 'to. Hindi ko alam kung bakit ako napipikon sa kanya, dahil ba hindi ko matanggap na tila nakikita niya ang nasa isip ko?
"Tama ka." Ngumisi siya sa sinabi ko. "Masaya ka na ba? Pwede na ba 'kong umalis?"
"Hindi ka aalis hangga't hindi mo ilalahad sa akin ang buong pangyayari ng pagpapakamatay-kuno ni Sari at pati na rin ang agenda mo rito sa Maynila." Tumayo siya at nagsukatan na naman kami ng tingin.
"Sasabihin ko sa'yo." Nakatingin ako nang direkta sa kanyang mga mata. "Sa isang kundisyon."
Tumaas ulit ang kilay niya at naningkit ang mga mata.
"Ano?"
"Kailangan kong puntahan ang kasalukuyang tinitirhan ni Sari. Hindi alam ni Mama kung saan siya lumipat, isa 'yon sa dahilan ng pagpunta ko rito. Tulungan mo akong alamin kung saan."
"Iyon lang?"
"Oo."
"Iyon lang ba talaga ang agenda mo rito?"
"Ang usapan ay usapan, Mr. Taisei Zhuang. Deal?"
Umismid muna siya bago tinanggap ang kamay na inabot ko.
*****
TININGNAN namin sa computer ng Pluma ang personal data ni Sari, ngunit ang nakalagay nitong address sa student profile ay ang address na pinuntahan ko kanina.
"Baka naman may mga kaibigan si Sari na nakakaalam kung saan siya nakatira?"
Tahimik lang si Taisei habang nag-iisip, hinihimas-himas ang baba, nakatingin sa kawalan.
"Hoy." Tawag ko sa kanya. Baka akala niya nandito ako para mag-ubos lang ng oras?
"Hindi alam ng parent niyo kung saan siya lumipat." Nagsalita siya, kausap ang sarili. "At hindi niya nilagay sa student profile niya ang latest niyang address."
"May naiisip ka bang paraan para malaman kung saan?"
"Narinig kita kanina. Ang bumabagabag sa'kin ngayon ay mga dahilan kung bakit."
"Mahalaga pa ba 'yon?" Naiinip kong tanong sa kanya.
Dahan-dahan siyang tumingin sa'kin. "Hindi ko alam kung sadyang bobo ka o wala ka lang talagang pake."
"H-hoy anong—"
"Maybe you're both." Nanggigigil na talaga ko sa lalaking 'to. Kinuha niya sa bulsa ang phone at may tinawagan. Patingin-tingin siya sa'kin habang hinihintay niyang may sumagot. "Hello? Becca?" Nagulat ako sa biglang pag-iiba ng tono ng pananalita niya, biglang napalitan ng nababalisa at natataranta. Teka... Umaarte ba siya? "Nasa Pampanga ka pa?"
At sino si Becca?
"M-may emergency kasi, si Sari..." Nanlaki ang mga mata ko. Sasabihin niya? "Tumawag siya sa'kin at kailangan niya ng tulong, sa dorm niya... Ang problema hindi ko alam kung saan yung address niya." Anong pinagsasasabi niya?
Nang matapos ang tawag ay muling bumalik sa normal ang itsura niya. Tumingin siya sa akin at ngumiti.
"Easy breezy." At ipinakita niya sa'kin ang isang text message na naglalaman ng isang address. "Let's go." Dali-dali siyang naglakad at wala naman akong ibang nagawa kundi habulin siya.
"Ipaliwanag mo sa'kin ang mga sinabi mo sa nakausap mo, Taisei!" Hinigit ko siya sa braso at nakita ko ang bored niyang pagmumukha.
"Hindi ka lang bobo, Sarumi, ignorante ka rin."
"Ha?!" Namumuro na to a!
"Becca, she's our sports editor and she had an intimate relationship with Sari before."
"A-ano?"
"See? Wala kang kaalam-alam. I just used her emotions to get what I want."
"Pero sinabi mo rin sa kanya na si Sari—"
"Just shut up. Gusto mo bang puntahan natin ang address na 'to o hindi?"
Gusto ko siyang kamuhian.
*****
LUMABAS kami ng university at tumawid sa kabilang kalsada. Nakasunod lang ako kay Taisei dahil sa totoo lang ay siya ang nakaaalam kung paano pumunta roon. Sumakay kami ng ordinary bus at wala pang kalahating oras ay bumaba kami.
Brgy. Beata ang nakalagay sa arko. Naglakad kami paloob at sumalubong ang tahimik na komunidad hindi kagaya noong unang napuntahan ko na halos usisain ka ng buong barangay. Walang mga tambay na tsismosa sa labas. Sa tapat ng isang maliit na bahay na gawa sa kahoy kami huminto, dalawang palapag iyon at may kulay berde na gate bago makapasok sa loob.
"May spare key sa likuran ng paso sa gilid ng pinto sabi ni Becca." Papasok ako sa loob pero humarang siya. "Ang usapan ay usapan, Sarumi."
"Oo. Maghintay ka rito sa labas." Tinabig ko siya at pumasok ako.
Katulad nga ng sinabi niya ay nasa likuran ng paso ang susi. Bakit naman siya magtatabi ng susi mismo rito? Dahil ba mayroon pang ibang tao na pumupunta rito?
Binuksan ko ang pinto at bumungad ang maluwag na sala. Hindi ko binuksan ang ilaw dahil maliwanag naman galing sa labas. Sinarado ko ang pinto at nasilip ko pa si Taisei sa labas, nakatingin sa'kin. May respeto pa rin naman pala siya dahil kung wala ay dapat kanina pa siya pumasok dito.
Malinis na malinis ang sala, pati ang maliit na kusin. 'Di hamak na mas malaki pa 'to kaysa sa bahay namin sa Cebu. May hagdan papuntang itaas kaya umakyat ako roon.
Isang silid ang bumungad sa ikalawang palapag at malinis din ang ayos. Maraming gamit si Sari at puno ang cabinet ng mga libro. Nakapatong sa ibabaw ng desk ang laptop, lampshade, at may isang kama na mukhang masarap higaan. Napaisip tuloy ako kung magkano kaya ang upa rito?
Napaupo ako sa gilid ng malambot na kama at pinagmasdan ko ang kabuuan ng kwarto. Napahinga ako nang malalim, ngayong alam ko na kung saan nakatira si Sari dapat ko nang i-text kay Mama. Pero may isang parte sa loob ko ang pumigil.
Umalingawngaw bigla ang mga sinabi ni Taisei kanina...
"Naniniwala ka ba talaga na nagpakamatay ang kakambal mo?"
"Wala kang alam."
Masakit mang aminin pero totoo ang mga sinabi niya. Wala akong kaalam-alam. Ni hindi ko na nga matandaan ang huli naming pag-uusap, sa text ba o sa tawag? Kahit kailan ay hindi ko siya sinubukang i-contact sa kahit anong social media; pero aaminin ko rin na guilty ako sa tuwing sinsulatan niya ako noon ay hindi ko siya sinasagot pabalik. At heto, sa kahuli-hulihan niyang hininga ay naaalala pa rin niya ako. Bigla ko tuloy naalala kung gaano kami kalapit sa isa't isa noong mga bata pa lang kami.
'Saru. Kahimanawari.'
Tila tinawag niya ang pangalan ko sa sulat na 'yon at ang mahiwagang salita na itinuro ko sa kanya. Dahil ba binibigyan pa rin niya ng halaga ang pinagsamahan namin noon? O dahil may iba pa siyang kailangan?
"Naniniwala ka ba talaga na nagpakamatay ang kakambal mo?"
Wala akong nakikitang dahilan para wakasan niya ang buhay niya nang gano'n lang. Para sa'kin, biniyayaan siya ng kumpletong materyal na bagay; mga bagay na kailanman ay hindi ko naranasan o nakuha.
Kahimanawaring maging akin ang buhay niya, minsan naisip ko noon.
Kahimanawari
Kahit man lang kung maaari ay maranasan ko ang mga bagay na gusto ko na nakuha niya.
Bumaba ako sa sala. Binuksan ko ang pinto at nakita kong nakasandal sa gate si Taisei, lumingon siya at sinensyasan ko siya na pumasok sa loob. Hindi ko pa rin binuhay ang ilaw ng sala pero binuksan ko ang switch ng ceiling fan. Umupo kami ni Taisei sa sofa.
"So, I'm listening." Sabi niya.
"Bago 'yon, may sasabihin muna 'ko."
"Ano 'yon?"
"Tutulungan kita sa gusto mo, pero tutulungan mo rin ako."
"What do you mean by that?" Nakita ko na naguguluhan siya subalit interesado.
"Sasabihin ko sa'yo ang lahat ng gusto mong malaman. Tutulungan kitang iresolba ang misteryo ng suicide virus." Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko at tila nakuha na agad kung anong ibig kong sabihin. "Pero tutulungan mo rin ako na maging si Sari."
Dahan-dahang sumilay sa labi niya ang ngisi. "I see."
"Mananatili ako rito bilang si Sari." Dahil hiling ko na maranasan ang naging buhay niya na ipinagkait sa akin at ang kapalit nito'y pagtupad sa mga kahilingan niya sa journal. "At kung totoo man na nagpakamatay siya o hindi, malalaman din natin sa oras na dumating ang tamang pagkakataon."
"Ang usapan ay usapan." Sabi niya at inabot ang kamay.
"Ang usapan ay usapan." Tinanggap ko ang kamay niya bilang patunay ng kasunduan naming dalawa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro