Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/3/ Ignorance

Kabanata 3: Ignorance


MAYNILA.

Tiyak kong mamamatay sa inggit yung mga naiwan kong katrabaho sa Cebu kapag nalaman nila na ang pinapangarap nilang puntahan na lugar ay inaapakan ko na ngayon. Nagtataka rin ako kung bakit karamihan ng mga kasama kong Bisaya ay gustong makarating dito. Di hamak na mas maganda ang lugar namin kaysa sa magulong siyudad na 'to.

Bago ko makalimutan kung anong ipinunta ko rito—ang maghanap ng trabaho. Oo. Iyon talaga ang dahilan, kinuha ko lang na pagkakataon ang ibinigay ng nanay ko sa'kin. Pero sa totoo lang... Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Walang kaalam-alam ang tatay ko na tinalikuran ko lahat ng responsibilidad na iniwan ko para lang magsimula rito. Ngunit para kanino? Para saan? Tila nawalan ako ng direksyon.

Kanina pa 'ko palisaw-lisaw at hindi ko alam kung saan tutungo. Hindi naman sa mangmang ako sa lugar na 'to pero hindi ko lang talaga alam kung paano ako magsisimula. Wala akong dala na kahit na ano bukod sa sarili ko, sa damit na suot ko, isang bag na may lamang bote ng tubig, payong, wallet, cellphone, suklay, pulbos at ang journal na asul ni Sari. Ipinangako ko kasi kay Mama na kaagad akong babalik kapag nagawa ko na ang pabor niya, ngunit hindi, hindi na ako babalik pa.

"Quiapo! Quiapo!"

Sumakay ako ng bus kahit hindi sigurado. At ngayon naman ay tila inuusig ako ng kunsensya nang makita ko ang perang binigay ni mama, pera bilang kapalit ng pabor na gagawin ko. Napahinga ako nang malalim habang nakatanaw sa labas ng bintana, nilalasap ang polusyon mula sa mga sasakyan at traffic.

Sige. Gagawin ko ang ilan sa pabor. Kinuha ko ang papel sa bag kung saan nakasulat ang address ng dating tinitirhan ni Sari.

Bumaba ako sa Quiapo, malapit sa simbahan. Tumambad ang mga deboto. Sumalubong ang hindi kaaya-ayang amoy. Maraming basura, maraming palaboy, mga nagtitinda, mga taong sa isang tingin pa lang ay hindi mo na pagkakatiwalaan. Nilagay ko sa unahan ang bag ko, at nagsimulang maglakad. Hindi ko man kabisado ang lugar, naglakas loob akong magtanong tanong tungkol sa lugar na pupuntahan ko. At sa awa ng diyos, natunton ko ang barangay.

Siksikan at maraming tao. Dikit-dikit ang mga bahay at halos pinagtitinginan ako ng mga tao, alam na isa akong dayo. Huminto ako sa harapan ng isang up and down na maliit na bahay.

"Tao po?"

"Anong kailangan mo ineng?" Mula sa likuran ay sumulpot ang isang uugud ugod na matanda.

"Hinahanap ko po ang land lady ng apartment na 'to."

"Ako iyon. Sorry ineng pero puno na kami ngayon, e."

"Ah, hindi po, may dati po kayong boarder, si Sarina Sumiyaya. Itatanong ko lang po sana kung alam niyo kung saan siya lumipat?"

"Sarina? Ahh teka... hindi ko na maalala kung sino iyon."

"Ganon po ba?" Mukang hindi niya na nga naalala. "Sige po, maraming salamat."

"Teka lang!" Napalingon ako nang may tumawag. Paglingon ko ay nakita ko ang isang ale. "Mygad! Kamukang kamuka mo siya! Kakambal ka ba ni Sari?" Lumapit siya sakin at gulat na gulat.

"O-opo. Sarumi po ang pangalan ko."

"Wow! Sa loob ng isang taon na pagtira ni Sari dito, never niyang nabanggit na mayroon siyang kambal. Bakit mo pala siya hinahanap?" Napalunok ako nang rumehistro sa isip ko ang burol ni Sari. Patay na siya.

"Galing po akong Cebu... Kung alam mo po sana kung saan siya nakatira."

"Ah, pasensya na, a. Hindi naman niya pinagsabi kung saan. Pero try mo kayang puntahan sa school niya, baka mahanap mo ro'n pag nagtanong ka." Oo nga no.

Nagpasalamat ako sa tsismosang ale at nilisan ko ang lugar na yon.

*****

ALAS dos ng hapon.

Nagtanghalian muna ko sa isang fast food sa SM Manila. Mula sa Quiapo ay sumakay ako ng jeep at bumaba sa Lawton. Mula Lawton nadaanan ko ang LRT station papuntang mall. Ayon din sa mga tindahan na napagtanungan ko ay malapit lang din dito ang eskwelahan ni Sari. Naka-locate lang daw sa likuran ng mall.

Philippine Technology University.

Sa wakas nandito na rin ako. Naglalakad sa labas ng gusali habang nadaraanan ang pader na punumpuno ng makukulay na mural. Ang daming mga estudyante na naglalakad sa labas. Huminto ako sa tapat ng main gate at nakita ang iba't ibang tarpaulin na nakasabit.

ENROLLMENT SCHEDULE

FIRST YEAR STUDENTS- October 24, 2016

SECOND YEAR STUDENTS - October 25, 2016

THIRD YEAR STUDENTS- October 26, 2016

FOURTH YEAR STUDENTS - October 27, 2016

5TH YEAR & IRREGULAR STUDENTS- October 28, 2016

Kung enrollment na sa linggong 'to, ibig sabihin last week pa nagsimula ang sembreak nila. Huminga ako nang malalim bago ako naglakad papuntang entrance.

"Miss I.D. mo?" Hinarang ako ng mamang guard, malaking bulas ito. "Tsaka bakit hindi ka naka-uniform? Nasa policy ng school na tuwing enrolment, kahit washday ay dapat naka-uniform."

"Kuya, hindi ho ako—"

"Tsaka do'n ka sa Pluma, 'di ba?"

"Anong Pluma—"

"Kung anu-anong isinusulat niyo laban sa eskwelahan pati na rin sa'ming mga guard, tapos papasok ka rito nang walang I.D.?" Patay. Mukang napagkamalan niya kong si Sari. At yung Pluma, base sa sinabi niya ay isa sigurong pahayagan o diyaryo ng school na 'to.

"I-rereport kita sa OSA." Banta ng guard. "Sumunod ka sa'kin." Hindi na maganda 'to.

"At bakit mo siya irereport sa OSA?" Natigilan kami parehas ni manong guard nang makita namin ang isang lalaki. "Anong offense ang ipapasa mo? Dahil lang sa tiga-Pluma siya?" Tumabi sa'kin yung matangkad na lalaki. Itinaas nito ang ID, mas malaki 'yon kumpara sa normal at kapansin-pansin ang malalaking letra na nakasulat dito "PRESS" at sa ilalim ng larawan nito ay nakalagay ang kanyang pangalan.

ZHUANG, TAISEI N.

Editor-in-Chief

Kung ganoon, tama nga ako na isang pahayagan ang Pluma. At ang lalaking 'to ang pinakapuno. Pero teka...

Nagbaliktaktakan ang guard at ang lalaking nagngangalang Taisei. Sa bandang huli ay nakumbinsi niya ang guard at pinapasok ako sa loob. Pero hindi iyon magandang bagay dahil napagkamalan nila akong si Sari.

"Ahm.. Thank you." Mabilis akong tumalikod ngunit huli na nang hawakan niya ako sa braso at hinila papunta sa kung saan. "S-saan tayo pupunta? T-teka nagkakamali ka." Pero hindi niya ako pinansin at mas malakas siya kaya hindi ako nakakawala.

Pinagtitinginan kami sa hallway ng ibang mga estudyante. Sa ikalawang palapag at pinakadulo ay pumasok kami sa loob ng silid. Halos ibalibag niya ako sa loob at mabilis niyang ni-lock ang pinto.

"Rapist!" Sigaw ko nang tangkain niyang lumapit.

"Ha?! Bobo ka ba?!" Maang niya at tumawa kasunod. "Alam mo bang dahil sa katangahan mo na hindi pagsusuot ng tamang uniporme at katanghan ulit na hindi mo pagdala ng ID ay nakabawas ng puntos sa magandang imahe ng Pluma?!"

Tsaka ko lang napansin kung ano'ng silid to. Sa itaas ng dingding ay may malaking karatula, at may pulang bandera na nakasabit sa gilid nito.

PLUMA: THE UNIVERSITY PUBLICATION

'TURNO EN CONTRA'

"At dahil niligtas kanina ay mayroon kang malaking utang na loob sa'kin. Humanda ka dahil dudurugin pa kita sa Competitive Exam. Sisiguraduhin kong hindi mo maaagaw sa'kin ang pagiging EIC, Sumiyaya." Mas naningkit pa ang singkit nitong mata at kulang na lang ay idukdok niya sa kukote ko ang duro niya.

Huminga ako nang malalim bago magsalita.

"Isa 'tong malaking pagkakamali. Makinig ka. Hindi ako si Sarina Sumiyaya."

"Ha?"

"Ako si Sarumi, kakambal ni Sari."

"Kambal?"

"Patay na siya. Patay na si Sari." Kinailangan ko siyang direktahin dahil lalala lang ang hindi pagkakaunawaang 'to. "Kaya kung pwede ba, nandito ako para ipaalam sa school kung ano'ng nangyari. Kailangan ko ring itanong sa school kung saan siya nagdo-dorm para—"

"Huwag mo nga kong niloloko."

"Hindi kita niloloko!" Sigaw ko sa kanya, nabigla rin ako kung kaya't napapikit ako saglit. "Hindi ko alam kung paano ko papatunayan sa'yo na hindi ako si Sari, hindi kita kilala, at wala akong alam sa lugar na 'to." At saka ko biglang naalala, ang mga larawan ni Sari sa cellphone niya, ang larawan na kinuhanan niya ng paglaslas ng sarili, sinend ko kasi ang files sa phone ko. Inilabas ko 'yon at ipinakita sa kanya. Matapos niyang makita ay para siyang nalanta.

"P-patay na si Sari?" Hinila niya ang isang monoblock chair at nanlulumong umupo roon. Bakas na bakas sa mukha niya ang pagkagulat at ang matinding kalungkutan ngunit kaagad ding napalitan ng pagtataka. "Paano?"

"N-nagpakamatay siya." Napayuko ako dahil parang sumama ang pakiramdam ko. "Excuse me, aalis na ko—"

"Hindi ka aalis." Tumayo siya at humarang sa pinto. "Sinabi mo na nagpakamatay siya?"

"Oo." Napahinto siya at biglang napahilamos ng mukha. "Pwede ba—"

"Naniniwala ka ba talaga na nagpakamatay ang kakambal mo?"

Napakunot ako. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

Imbis na sumagot ay hinila na naman niya ako, sa dulo ng malaking silid ay hinawi niya ang divider at tumambad sa'kin ang isang magulong mesa. May kinuha siyang kahon sa ilalim at ipinatong 'yon, pagkatapos ay inilabas niya ang sangkatutak na larawan, mga patay na tao, duguan, karumal-dumal.

"A-ano to?!" Naguguluhan ako sa ginagawa ng taong 'to.

"Mga estudyante na nagpakamatay." Napatingin ako sa kanya, seryosong-seryoso siya. "Mula pa last year ay sunud-sunod ang naging insidente, at kung isasama sa bilang ang kakambal mo, siya na ang ika-siyam."

"H-ha?"

"Matagal na naming pinagtatalunan ni Sari na imbestigahan ng Pluma ang insidente. Gusto kong ibulgar ang katotohanan na pilit na pinagtatakpan ng mga eskwelahan. Naniniwala ako na hindi lang basta nagpakamatay ang mga estudyanteng 'to." Sinulyapan ko ang mga larawan sa mesa na ikinalat niya kanina. "At ngayong si Sari na ang naging biktima, hindi ko na hahayaang palagpasin 'to."

"Pero paano mo nasabi na hindi siya basta nagpakamatay?"

Umismid siya bago magsalita. "Kilala ko si Sari Sumiyaya, that competitive bitch is not that type of person who's likely to commit suicide." Nagsukatan kami ng tingin. "Ikaw, kilala mo ba ang kapatid mo?"

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niya.

"I believe that this is not just an ordinary serial suicide. Someone out there is spreading a suicide virus."

"Suicide virus?" Hindi ako makapaniwala sa mga pinagsasabi ng lalaking 'to.

"Or... a staged homicide?" 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro