/10/ Gotcha
Kabanata 10: Gotcha
"TAO po?" Magkasama kami ngayon ni Taisei, nasa harapan kami ng isang malaking bahay sa may Paco. Ito ang unang beses na mag-iimbestiga kami tungkol sa Suicide Virus Case.
Naka-ilang pindot na si Taisei ng doorbell at napilitan na siyang tumawag.
"Baka walang tao?" Sabi ko sa kanya pagkatapos niyang magtawag.
"Huwag kang masyadong mainipin, may lalabas din diyan." Sabi niya sa'kin pero siya 'tong mukhang naiinis.
Para kaming detective sa ginagawa namin at napatingin tuloy ako sa folder na hawak ko na naglalaman ng isang profile. Ang ika-limang biktima ng Suicide Virus, si Hailey Espartero, nag-aaral sa St. Angelus University, ang kapitbahay na school ng PTU. Tinanong ko si Taisei kung bakit ito ang pupuntahan namin ngayon, hindi ba dapat mag-umpisa kami sa pinaka-unang biktima? Pero ang dahilan niya, ito raw kasi ang pinakamalapit dahil may klase siya mamayang hapon at hindi siya pwedeng ma-late sa major subject niya. Ako naman ay walang klase ngayong araw at mayroon lang akong trabaho mamayang gabi sa fast food.
"Sino sila?" Biglang bumukas ang gate at kaagad kaming nabuhayan ni Taisei dahil sa wakas, pagkatapos ng kalahating oras!
"Magandang tanghali ho." Bati ni Taisei sa matandang ale na nagbukas ng gate.
"Anong kailangan ninyo?" Napansin naman ng ale na mga estudyante kami.
Kaagad ipinakita ni Taisei ang ID niya na may 'PRESS'.
"Mga estudyante po kami galing Philippine Technology University, nagsusulat ho kami para sa pahayagan o dyaryo ng school namin. Pwede ho ba kaming tumuloy para mainterview namin kayo?"
Napakunot ang ale.
"Para saan naman? Survey ba 'yan?"
"Hindi ho, may gusto lang sana kaming itanong."
"Pasensya na wala akong oras sa ganyan." Isasara na ng ale ang pinto nang ipitin iyon ng paa ni Taisei kaya hindi nasara. Ako ang napangiwi dahil malakas ang impact nito.
"Please po, gusto lang po naming magtanong kay Hailey Espartero!" Sigaw ni Taisei marahil sa sakit.
"A-ano kamo?" Natigilan ang ale at binuksan muli nang mas maluwag ang gate.
'Di kaagad nakapagsalita si Taisei dahil sa sakit ng paa niya at ako na ang nagsalita.
"May gusto lang po sana kaming kumpirmahin tungkol sa nangyari sa kanya. Dahil naniniwala po kami na hindi lang basta nagpakamatay si Hailey." Nakita ko sa gilid ng paningin ko na nagulat si Taisei sa sinabi ko at para namang maiiyak ang ale.
"Sige tuloy kayo."
Bago pumasok sa loob ay bigla kong kinindatan si Taisei, pang-asar lang. At napa-tch lang siya.
*****
Hailey Espartero
19 years old
Accountancy student from St. Angelus Univerisity
Ang ika-limang biktima ng Suicide Virus Case.
Katulad ng nangyari kay Sari, natagpuan siyang may laslas sa pulso at namatay dahil sa multiple organ failure due to drug overdose.
May kaya ang pamilya nila Hailey, base sa ganda at laki ng bahay nila. Nasa sala nila kami habang iniinterview ni Taisei si Aling Helga, ang nanay ni Hailey. Tahimik lang akong nakikinig at hawak ang recorder, nagpaalam naman kami na irerecord ang panayam at pumayag naman ang ginang.
Maya-maya'y nagsimulang humikbi si Aling Helga dahil hindi niya matanggap ang sinapit ng kanyang anak. Hindi ko tuloy maiwasang maalala si Mama noong gabing pinagtapat niya sa akin ang pangyayari.
"Ni hindi ko sukat akalain na magdo-droga ang anak ko! Imposible!" Palahaw ni Aling Helga at nagkatinginan naman kami ni Taisei. Katulad namin ay hindi rin naniniwala si Aling Helga na ganoon lang ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak. Kaya nagsimula nang magtanong si Taisei.
"Bago siya matagpuang patay sa kwarto niya, mayroon ho ba siyang kinikilos na kakaiba?"
Nagpunas muna ng luha ang ginang bago sumagot.
"Normal na normal lang naman ang kilos niya pero nung gabi bago siya matagpuang walang buhay sa kanyang silid... Nagkulong lang siya sa kwarto buong araw." Nagkatinginan kami ni Taisei dahil kaparehas din ng ginawa noon ni Sari.
"Bukod ho sa natagpuang drugs at kutsilyo sa kwarto ni Hailey, mayroon pa ho bang naiwang kakaibang bagay na maaaring may kinalaman sa pagkamatay niya?" Ako naman ang nagtanong. "Kung suicide ho ang deklarasyon ng mga pulis... Mayroon ho ba siyang bagay na iniwan... Na parang note?"
Natigilan saglit si Aling Helga at nag-isip. Mga dalawang minuto rin bago siya sumagot.
"Malinis ang silid ng anak ko bago siya mamatay." Parang kay Sari.
"Kung pwede ho ba ay matignan namin ang kwarto ni Hailey?" Nagulat ako sa pagiging direkta ni Taisei, gagawin talaga ang lahat para makuha ang gusto niya. At ang himala? Pumayag si Aling Helga.
Habang nakasunod kami sa ginang papuntang ikalawang palapag kung nasaan ang kwarto ni Hailey ay bumulong ako sa kanya.
"Detective ba tayo?"
"Hindi ba obvious, Sumiyaya?" Sagot niya sa akin ngunit pabulong din.
Tumambad sa amin ang malinis na silid, kulay pink ang interior, may isang kama, study table, dalawang tokador.
Nagpaalam ako kay Aling Helga na tignan ang study table ni Hailey. Binuksan ko ang bawat drawer, naririnig kong muling nagkukwento si Aling Helga kay Taisei. Wala akong nakitang kakaiba at nang buksan ko ang pinaka-ibabang drawer ay nakita ko na wala iyong laman maliban sa isang note. Pamilyar ang kulay at texture ng papel kaya kaagad ko 'yong kinuha.
Napansin ni Taisei na natigilan ako kaya nagtanong siya.
"Okay ka lang?"
Napatango lang ako at nagpatuloy sila sa pag-uusap ni Aling Helga. Makalipas ang isang oras ay bumaba na kami. Inalok pa kaming mananghalian pero mariing tumanggi si Taisei. Napansin ko na ayaw na niyang magtagal dahil parang wala naman kaming napala. Hindi niya nakuha ang mga bagay na gusto niya dahil puro kwento ng hinagpis ang narinig niya mula sa ginang, isang ina na humihingi ng simpatya.
Naglalakad kami ngayon papuntang kanto para makasakay ng jeep pabalik ng PTU nang magsalita ako.
"Taisei," Tawag ko sa kanya. "May nakita ako sa drawer."
"Ano?" Bigla siyang nabuhayan at huminto kami sa paglalakad. Mula sa bulsa ko ay nilabas ko ang note na nakuha ko.
"Ano 'to?" Tanong niya habang nakatitig sa palel. Isang note na may isang maliit na letra sa gitna. Letrang 'A'.
"Malakas ang kutob ko na may kinalaman 'yan dahil ganyang klaseng papel ang pinagsulatan ni Sari sa note na binilin niya sa akin."
"Saru. Kahimanawari."
Hindi umimik si Taisei at ibinalik sa akin ang note. Sumakay kami ng jeep pabalik ng PTU.
*****
TINATANAW ko siya mula sa malayo. Nakuha na niya ang nilagay ko sa locker niya. Takang-taka siya habang hawak-hawak ang baraha. The Moon tarot.
This is my declaration of my redemption for my sister. Napapikit ako at muling dumilat, kinuha ko ang phone ko at idinial ang number niya. Kitang-kita ko rin na kaagad niyang sinagot ang tawag.
"Hello?"
"Eriko Abe." Gamit ang voice changer ay nagawa kong maikubli ang totoo kong boses. Napalitan 'yon ng mas malalim at tila pang-demonyong boses. "Be sure your sin will find out."
"S-sino 'to?!" Luminga-linga siya sa buong paligid at siniguro kong hindi niya 'ko makikita mula rito sa pinagtataguan ko. Kitang-kita ko ang matinding pagkabahala sa kanyang mukha at rinig na rinig ko ngayon ang takot sa kanyang boses.
"Eye for eye, tooth for tooth, burn for burn, wound for wound. You are a sinner and I will deliver the wrath of a dead soul."
"H-hindi ka nakakatawa alam mo ba 'yon?!"
"I'm watching you, Eriko Abe." At ibinaba ko ang tawag habang takot na takot pa rin siya. Gusto kong matawa dahil ang saya palang mantrip ng ganito. Pero hindi 'to basta-bastang pantitrip, para 'to kay Sari. Sa takot ni Eriko ay kaagad siyang umalis sa locker area, nakalimutan niya na 'ata na mayroon siyang hinihintay. Just exactly as I planned, perfect. Nang mawala siya sa eksena ay kaagad akong lumapit sa area na 'yon kung saan ay good timing na nakita kong pabalik si Toby.
Kunwari ay sa sahig ako nakatingin at sinalubong ko siya, sabay hinulog ko ang mga gamit na dala ko. Kaagad naman niya akong tinulungan sa mga dala ko.
"S-sorry, hindi kasi ako tumitingin sa dinadaanan ko!" Ngumiti ako sa kanya at ngumiti siya pabalik nang iabot niya sa'kin ang mga notebook ko.
"Ikaw pala 'yan, Sari."
"Oh, Toby, wala kang klase?" Pa-inosente kong tanong.
"Wala na, uwian na namin, ikaw?"
"Uhm... Day-off ko ngayon pero kailangan kong mag-self-study, nakalimutan ko na kasi 'yung mga lesson natin sa major, alam mo na dahil sa—"
"Sakit mo?"
"O-oo." Nginitian ko siya nang ubod ng tamis at hindi naman pumalya dahil nakangiti pa rin siya sa'kin. "Sinong kasama mo?"
"Pupuntahan ko si Eriko rito sa locker area." Sumilip siya at nakitang walang tao. "Pero..."
"Actually nakita ko si Erika kanina, dire-diretso siyang umalis kaya hindi ko na siya naabutan, nagmamadali."
"Ah... Ganon ba, sabi ko intayin niya ko, e." Kakamut-kamot na sabi ni Toby at akma niya pa lang kukuhanin ang cellphone nang hawakan ko siya sa braso.
"Since nandito ka na rin lang, pwede mo ba kong matulungan sa lessons?"
"Uhm... sure, saan tayo?" Bingo.
"Library. Sigurado ka na okay lang?"
"How can I say no? Kaibigan ka ni Eriko." Nginitian ko lang ulit siya at sabay kaming naglakad papuntang library.
Unang kalahating minuto akong nagpanggap na mangmang sa mga major subject na pinapaturo ko sa kanya. Hanggang sa ibaling ko ang atensyon niya sa iba.
"So ilang taon na nga ulit kayo?"
"Huh?"
"Ilang taon na kayong mag-on ni Eriko?"
"Three years."
At doon na nagsimula ang kwentuhan namin. Inalam ko kung ano ang status ng relasyon nilang dalawa at kung ano ang mga bagay na pinagkakasunduan nila at ang mga bagay na hindi nila pinagkakasunduan. Nakuha ko naman ang lahat ng gusto kong malaman pero mas napatagal pa ang usapan nang madako ang topic namin sa politika. Natatandaan ko sa PTU profile ni Sari na may pagka-aktibista si Toby at kaagad kong napukaw ang atensyon niya. Marami kaming napag-usapan mula sa bulok na sistema ng gobyerno hanggang sa kasaysayan ng Pilipinas.
Magko-closing na ang library nang maalala ko na may trabaho pala ako ng seven pm.
"Sorry, Toby, ang daldal ko, pero kailangan ko nang umalis."
"No worries, grabe, ngayon na lang ako nakipag-usap ng ganito sa iba. Na-miss ko ring pag-usapan ang mga ganong bagay." Kitang kita ko ang kakaibang fulfilment sa kanyang mga mata, malayo sa Toby na nakita ko noong isang araw na sobrang tahimik at tila walang pakialam sa mundo.
"Masaya akong nakipagkwentuhan sa'yo nang ganito. Salamat ha."
"No, thank you, Sari, you made me remember what I used to love."
"Ha?"
"I mean, I used to be a student activist, pero simula nang maging kami ni Eriko, hindi ko na nagagawa pa na makisali sa mga union." Napansin ko na medyo nalungkot siya.
"Bakit naman? Hindi ka ba sinusuportahan ni Eriko sa gusto mo?"
"Ayaw niya kasi ng mga gano'ng bagay, wala siyang pakialam sa issue ng bayan."
"Nalulungkot ako para sa'yo, pero hayaan mo, nandito naman ako, pwede mo akong kausapin tungkol sa kahit ano." Hinawakan ko siya sa balikat at tinapik-tapik ko siya.
"Salamat."
Sabay kaming lumabas ng library at sa second gate kung saan mas malapit ako sa sakayan papunta sa fast food na pinagtatrabahuan ko kami nagtungo.
"Sige, see you ulit." Paalam ko at akma akong aalis nang pigilan niya 'ko.
"Alam ko deactivated ang Facebook mo, Sari, pwede ba kitang ma-contact sa number mo?"
Lihim akong ngumisi bago ako tuluyang lumingon sa kanya.
"Sure." Nagpalitan kami ng numero at nagpaalam kami sa isa't isa.
Hindi ko sukat akalain na ganito lang kadali ang una kong 'misyon'. Nang makasakay ako sa jeep ay hindi matanggal ang ngisi ko sa labi, lalo na nang makatanggap ako ng text mula kay Toby.
'Ingat ka, Sari. Thanks for dis day. :)'
Gotcha.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro