Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/1/ She's Dead

Kabanata 1: She's Dead


"PATAY na si Sari."

Natigilan ako sa ginagawa ko nang marinig ko ang mga salitang 'yon, mga salitang binitiwan na akala mo'y wala lang, simple, direkta at kaswal. Kaagad akong nagtungo sa labas.

"Saru?"

Sa loob ng isang buwan, isang beses lang akong nakatatanggap ng tawag mula sa kanya. Minsan pa nga'y sa loob ng isang taon ay bilang lang sa daliri kung ilang pagkakataon kaming nag-usap sa telepeno. At pagkatapos ng halos dalawang buwan magmula ng huli ko siyang nakausap ay ito ang maririnig kong balita.

"Saru?"

"Ma?" halos pumiyok ako nang sabihin 'yon.

"Patay na ang kambal mo."

Ano'ng gusto mong gawin ko? gusto ko sanang isagot.

"Umuwi ka."

"Saan?" Gusto kong matawa sa sagot ko.

"Dito, dito sa Santiago, sa bahay natin."

Natin? Hindi ko alam kung dapat ba 'kong matuwa o malungkot sa sinabi ni Mama. Matuwa dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay niyaya niya akong umuwi sa kadahilanang patay na si Sari—patay na ang kapatid ko na matagal nang nawalay sa'kin.

"Alam na ba ni Papa?" tanong ko.

"H-hindi pa. Sa totoo lang, anak..." Anak... ang sarap pakinggan, "Hindi ko pa nasasabi sa papa mo."

Isang dekada na rin siguro ang lumipas noong huling mag-usap ang mga magulang ko. Mga bata pa kami noon at walang kamuwang-muwang kung bakit kinakailangan nilang maghiwalay.

"Sumama sa iba ang mama mo." Siyam na taong gulang ako noong una kong narinig ang mga salitang 'yon. Dahil sa kamusmosan ay hindi ko alam kung ano'ng ibig sabihin nang mga salitang 'yon. Simula noon ay naging lasenggero ang aking ama at nang lumaki ako'y doon ko napagtanto kung paano ang takbo ng mundo, kung ano ba talaga ang nangyari sa mga magulang ko. Dahil doon, hindi na ako naniwala sa pag-ibig.

"Sige, ako na lang ang magsasabi sa kanya." Hinihintay kong sabihin niya kung dapat ko bang isama si Papa papuntang Isabela pero nakarinig ako ng ingay sa kabilang linya.

"Sige, Saru, i-text mo na lang ako. Nandito na yung mga pulis."

"Pulis? Bakit?" Pero hindi niya na 'ata ko narinig at binaba na ni Mama ang tawag. Napahinga ako ng malalim.

"Saru! Kanina ka pa d'yan, bumalik ka na rito sa trabaho!" Kaagad kong tinago ang cellphone ko nang makita ko sa pintuan ang amo ko.

*****

KATULAD ng inaasahan, nang umuwi ako sa bahay, amoy serbesa na kailanma'y hindi na yata natanggal. Pagpasok ko sa sala ay nagtungo ako sa maliit na kusina, napasulyap ako sa orasan, at nakitang alas dos na ng madaling araw. Bukas ang tv, isang pelikula ang tumatakbo sa DVD player, nagkalat ang mga bote sa sahig, may chicharon at suka sa lamesita, at nakahiga si Papa sa mahabang papag.

"Ba't ngayon ka lang?" Ang buong akala ko ay tulog na siya. Lumingon ako kay Papa at nakitang nakahiga pa rin siya, nakapikit.

"Trabaho," hindi ko alam kung pang-ilang beses na niyang tinanong at kung ilang beses ko na rin siyang sinagot kung bakit ako madaling araw umuuwi. Siguro dahil tumatanda na siya at medyo nagiging makakalimutin na.

"Bakit? May trabaho bang inaabot ng dis-oras ng gabi?" Sinundan 'yon ng ubo.

Para buhayin ka, iyon ang palagi kong gustong isagot sa kanya sa tuwing maririnig ko ang tanong na 'yon. Saru, tatay mo pa rin siya. Nagkibitbalikat na lang ako at nanuyot ang lalamunan ko. Gusto ko tuloy uminom ng kape.

Hindi ko na tinuloy ang pag-aaral sa kolehiyo, simula nang grumaduate ako ng high school ay natutunan ko kung paano magbanat ng buto sa loob ng umaga't gabi.

"Pa," tawag ko sa kanya habang sinasalin ko sa mug ang mainit na tubig galing termos.

"Baka naman may pera ka r'yan." Heto na naman. Nakita ko siya na bumangon kahit na pupungas-pungas, halatang may hang-over sa dami ng ininom niya.

"May sasabihin ako."

"Sinisingil na ko sa tindahan ni Aling Tina—"

"Patay na si Sari."

Namayani ang katahimikan at nagtitigan kami saglit ni papa.

"Sinong Sari?"

Gusto kong matawa sa reaksyon niya dahil sa tinagal ng panahon, mukhang nakalimutan niya na mayroon pa siyang isang anak. Hinalo ko ang kape matapos kong ibuhos ang laman ng 3-in-1 na sachet.

"Si Sari, kambal ko." Pinatay niya ang TV at nakita ko siyang tumayo, papunta sa kwarto na halos katabi lang din ng sala.

"Pinapauwi ako ni Mama ng Isabela."

"Sige," iyon lang ang huli niyang sinabi bago ko marinig ang malakas na pagbagsak ng pinto.

*****

ANG buong akala ko'y hindi ako papayagan ng amo ko matapos kong sabihin sa kanya na magli-leave ako ng isang linggo. Valid naman ang dahilan ko at noong una pa nga'y parang ayaw pa nitong maniwala. Ang mga katrabaho ko naman sa isa kong part-time job ay tuwang-tuwa nang malaman na sasakay ako ng eroplano. Ang akala pa nila ay pupunta ako ng Maynila at kung ano-ano ang mga binibilin sa'kin na pasalubong. Sinabi ko na hindi naman ako aalis para lang mamasyal. Hindi naman ako malulungkot dahil alam kong wala akong ma-mimiss dito; wala naman akong kaibigan, kaya nga binansagan akong 'sociopath' noong unang taon ko sa college.

Hindi sasama si Papa sa'kin papuntang Isabela, siguro sa dahilang hanggang ngayon ay malaki pa rin ang kinikimkim niyang galit kay Mama at dumagdag pa ang dahilan ng pagkamatay ng kambal ko.

Gamit ang naipon kong sapat na pera ay nakabili ako ng plane ticket papuntang Isabela. Binilin ko muna sa tiyahin ko si Papa, at labag man sa kalooban nito na asikasuhin ang tatay kong lasenggo ay wala naman siyang magagawa. Kapatid niya, e.

Inaamin ko sa sarili ko na may konting tuwa akong naramdaman—tuwa sa dahilang kahit sa loob ng isang linggo ay matatakasan ko ang buhay dito. Sa wakas, sa loob ng maraming taon, ngayon lang ulit ako makakalabas sa tila selda na tahanan na 'to at matatakasan kong saglit ang tila kadena sa mga paa ko—ang responsibilidad.

Sa ngayon... Moadto na 'ko.

Ang daming bagay na tumatakbo sa isip ko. Hindi ako mapakali sa eroplano, para akong bata na manghang mangha, at hindi ko maiwasang mapangiti nang makita ko kung gaano kami kataas sa ere at kung gaano kaganda ang ulap. Kay gandang talan-awon.

Siguro dala ng matinding pagod ay hindi ko namalayan na nakatulog ako. Pag tingin ko sa relos ko ay mahigit tatlong oras na ang lumipas. Narinig ko ang pag-anunsyo na nandito na kami. Kailangan ko pang sumakay ng bus mula Cauayan papuntang Santiago, mabuti na lang at mayroong direksyon na binigay si Mama dahil wala akong idea kung paano pumunta rito. Nagtanung-tanong lang din ako sa mga mukhang mapagkakatiwalaan na tao.

Matapos kong liparin ang himpapawid at tawirin ang dagat, sa wakas, sampung taon na ang nakararaan simula nang huli kong masilayan ang arko ng barangay namin. Habang naglalakad ay naging pamilyar ako bigla sa daan dahil wala masyadong pinagbago ang paligid. Napahinto ako nang matanaw ko ang dati naming bahay at ang isang tarpaulin na nakapaskil sa labas.

Sarina Sumiyaya

March 29, 1996 - October 22, 2016

*****

PARANG tumigil ang oras nang pumasok ako sa loob ng terrace. Halos lahat ng tao ay napahinto nang makita ako. Kaagad na umugong ang bulungan. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko habang nakatitig sa kabaong 'di kalayuan, amoy na amoy ang bulaklak. Maging ang mga naglalaro ng sungka at Bingo ay napahinto.

"Saru?" hindi ko namalayan ang isang babae na naglalakad papunta sa kinaroroonan ko. Muntikan ko na siyang hindi makilala dahil sa nagbago niyang pigura; ang dating payat at may mahabang buhok ay ngayon na may siete na gupit na buhok at tila lobong katawan. Sampung taon na rin kasi ang lumipas at ngayon na nandito na siya sa harapan ko ay parang hindi ako makapaniwala.

"Hi, Ma," matamlay kong bati.

"Aba, Sally, siya na ba yung kambal?" may isang matandang babae ang lumapit sa amin.

"Oo, Tiyang." Hindi ko na matandaan kung siya ang kapatid ng lola naming. Mukhang hindi na gano'n kalinaw ang memorya ko

"Diyosmiyo, kamukhang-kamukha niya si Sari!" Alanganin akong ngumiti nang marinig ko 'yon.

Hinawakan niya ko sa braso at sinuri ang buo kong itsura. "Kung hindi ko siguro alam na patay na si Sari, matatakot ako dahil para kang multo!" Tiningnan niya 'kong muli mula ulo hanggang paa. "Kahit pala sobrang layo niyong dalawa sa isa't isa ay hindi ka nagbago, hija."

"Tiyang, pagod na si Saru." Bumaling sa'kin si Mama. "Halika na sa loob."

Inanyayaan ako ni Mama sa loob ngunit naiintriga ang lahat sa pagdating ko kung kaya't bawat makasalubong namin ay ipinakikilala ako ni Mama bilang kambal ni Sari. Nakita ko ang mga kapitbahay namin dati at ibang kamag-anak sa side ni Mama, at hindi ko masabi kung komportable ako sa kanilang mga titig at pagbati.

Wala pa ring pinagbago ang dati naming bahay, maliban na lang sa mga bagong larawan na nakasabit sa pader. Ang dati naming family picture ay napalitan na ng bagong pamilya ni Mama, mga larawan ng kanyang mga anak na kasama si Sari.

"Alam kong marami tayong dapat pag-usapan." Hinawakan ni Mama ang kamay ko, at kitang kita ko sa kanyang mga mata ang pagluluksa. "Pero alam kong pagod ka sa byahe. Gusto mo bang kumain?"

Umiling ako. Tama siya, pagod nga ako. "Gusto ko lang pong matulog muna."

"Sige, halika." Sumunod ako sa kanya at nagpunta kami sa itaas ng bahay. "Wala akong ibang kwarto na mapapatuloy sa'yo, anak, dito ka na lang muna." Binuksan ni Mama ang pinto at bumungad sa'min ang maayos na silid. Nakita ko kaagad ang larawan sa pader... ang larawan ni Sari.

"Sige, Ma, salamat," sabi ko at saka niya ako iniwan.

Nilapag ko sa sahig ang dala kong bag at hindi ko maiwasang ilibot sa paligid ang paningin ko. Ang alam ko, ito ang dating kwarto nina Mama at Papa, na lumiit na ngayon dahil sa isang plywood na nakahati sa gitna. Humiga ako sa kama at naamoy ang almirol, amoy luma, parang kakapalit lang ng mga punda. Muli akong bumangon, binuksan ko ang loob ng tokador at nakita roon ang kaunting damit ni Sari. Sa study table, may isang lamp shade at may mga kaunting libro.

Kung susuriin, maayos na maayos ang silid, parang hindi ginagamit o sadyang masinop si Sari, o 'di kaya'y nilinis na nila Mama ang silid. Bumalik ako sa kama at humiga.

"Pssst...Pssst."

May napakiramdaman ako, kahit na inaantok ay pinilit kong dumilat. At nakita ko ang isang nakakapangilabot na nilalang. "Raaaaaar!"

Napasigaw ako at napabangon. Kasunod ng malakas na tawanan, huli na para makita ko na maskara lang pala 'yon at kumaripas ng takbo sa labas ang isang bata.

"Tonton! Susumbong kita kay Mama!" isang sigaw ng babae mula sa labas.

Ang lakas pa rin ng kabog ng dibdib ko. Ang akala ko ay multo na o demonyo.

"Ikaw ba si Ate Saru?" Sumungaw sa bintana ang isang teenager na babae, siguro nasa kinse anyos, anak din 'ata ni Mama. "Sorry pala sa kapatid ko a."

"O-okay lang."

Medyo pumasok siya nang kaunti. "D'yan kasi nakitang patay si Ate Sari, e." At tinuro niya ang kama ko.

Nangilabot ang buo kong katawan sa narinig ko. Tumayo 'ata ang mga balahibo ko sa sinabi niya.

"A-anong nangyari?" Tinitigan muna niya ako, nagdadalawang-isip sumagot.

"Ang sabi ni Mama, nagpakamatay daw siya."

*****

ALA una ng madaling araw, marami pa ring tao sa lamay. Rinig na rinig ko rito sa kwarto yung ingay mula sa terrace. Nasa ibaba lang naman din kasi at halos puro kahoy ang dingding. Kahit anong pilit kong pikit ay hindi ako makatulog. So, sa kama mismo na 'to, sa kama na hinihigaan ko ngayon natagpuang walang buhay si Sari. Paulit-ulit kong pinipilit alisin sa isip ko ang bagay tungkol sa pagkamatay niya, kung bakit, paano, at kalian.

Naririnig ko ang malakas na usapan mula sa labas. Ang kaninang nag-iiyakan na mga classmate ni Sari noong high school ay mga nagtatawanan na ngayon kasabay ng kwentuhan ng mga alaala nila. Bumangon ako ulit at kinuha ko sa bag ko ang isang importanteng bagay na nagpapagaan sa kalooban ko. Pumunta ako sa study table, umupo at binuksan ang lamp shade.

Ibinaba ko ang kahon at nilabas mula roon ang mga baraha.

Tarot.

Ang tanging bagay na sinasandalan ko sa tuwing may bumabagabag sa aking isipan, ang tanging bagay na masasabi kong maipagmamalaki kong mayroon ako—isang lumang tarot deck na binigay sa'kin noon ng lola ko.

Hindi man naniniwala ang karamihan sa tinataglay na kapangyarihan nito ngunit matibay ang paniniwala ko na nasa mga kamay natin mismo ang ating mga kapalaran. Matapos kong ikalat ang baraha ay humugot ako ng tatlo. Three card spread. Wala akong itinanong.

THE HANGED MAN. THE TOWER. DEATH.

Nang makita ko ang huling baraha, tiyak kong may malaking pagbabago ang magaganap—sa buhay ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro