KAPAYAPAAN
Hinalungkat ko ang baul
At wala akong nakitang kapayapaan
Bagkus mga ala-alang malapit
Sa kulay ng gabi
Gabi na sana'y
Simo'y ng hangin ay
Malapit sa kanyang pangalan
Bagkus luha ang iniiwan ko
Kadalasan
At kasalanang walang katapusan
Ng marupok kong katawan
Ng marumi kong pag-iisip
Sa panahon ngayon
Sadyang mahirap
Maapuhap ang tunay
Na diwa ng kapayapaan
Wala ito sa kaliwa, wala ito sa kanan
O kaya'y sa hilaga man o sa may kanluran
Mahirap isulat ang bagay na tila
Malayong maganap sa katotohanan
Kaya unti-unti kong ibinalik ang lahat
Sa mahiwaga kong baul
Akala ko'y nakausap ko na noon
Ang pangalan ng kapayapaan
Ngunit hindi pa, hindi pa pala
Naibalik ko na lahat ang mga ala-alang
Inilagay ko sa mumunting lalagyan
At bigla akong napaisip nang aking makita
Hindi pa pala puno ang aking baul
At di ko pa lubos nagalugad
Ang kaibuturan ng aking puso
Di ko na yata kailangang
Lumayo pakanan o kaya'y pumakaliwa
Pumakanluran at pumahilaga
Alam ko ang salitang kapayapaa'y
Narito sa malapit
Narito lamang siya
At sa di nalalayong panahon
Magtatagpo rin kami
Di ko siya ilalagay sa baul
Bagkus yayakapin ko siya
Gagawing kaibigan
At ipapakilala sa lahat
April 19, 2017
Submitted to WritersforPeace
Mysterious_aries
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro