The Diary
Sa isang sikat na unibersidad sa bayan ng Sta. Elena ay may isang dalagang nagngangalang Carla ang nag-aaral roon. Palaging may bitbit na diary itong si Carla na kailanma'y hindi nawawala sa loob ng kanyang bag.
Lahat ng mga nangyayari sa kanya araw-araw ay hinding-hindi niya nakakaligtaang isulat sa kaniyang diary. Napakabuti niyang anak sa kanyang mga magulang at mabait na kaibigan sa lahat. Hindi rin maipagkakaila na isa rin siyang matalinong mag-aaral dahil palagi siyang nangunguna sa kanilang klase. Sa katunayan ay nasa dean's list pa nga siya ng kanilang departmento kaya gano'n na lamang ang kanyang pagpupursige para hindi ito mawala sa kanya.
May tatlong matalik na kaibigan itong si Carla. Ito ay sina Sancho, Farrah at Mikael. Naging kaibigan niya ang mga ito nang maging magkagrupo sila sa isang group project at nagtuluy-tuloy na nga ito dahil madalas na silang lumabas nang magkakasama kaya nang dahil doon ay mas lalo pa silang naging malapit.
Dumating ang araw ng Finals nila, at tiyempong hindi nakapag-aral ang tatlo niyang mga kaibigan dahil gumala lamang ang mga ito imbes na mag-review para sa kanilang exam.
Kaya humingi na lamang sila nang tulong kay Carla, kung puwede ba silang pakopyahin nito. Pero dahil mabait at malinis ang konsensya ni Carla ay hindi siya pumayag. Alam niyang magtatampo ang kanyang mga kaibigan dahil sa kanyang ginawa, pero ayaw naman niyang gawin ang mali dahil sila naman ang may kasalanan kung bakit wala silang maisagot sa kanilang exam.
Pagkatapos ng ilang araw ay lumabas na rin ang resulta ng kanilang pagsusulit. Kaya naman hindi na nagtaka ang dalaga nang malaman niyang bumagsak ang tatlo sa kanilang exam.
Simula nga ng insidenteng 'yon ay nakaramdam na ang tatlo nang matinding galit para sa kaibigan. Kaya para makaganti rito ay siniraan na lang nila si Carla sa buong university. Naging tampulan tuloy ng panunukso ang dalaga hanggang sa hindi na niya kinaya ang pang-aapi sa kanya at napag-desisyunan niyang puntahan at kausapin ng masinsinan ang tatlo sa kani-kanilang mga bahay.
Nauna niyang pinuntahan si Mikael pero napag-alaman niya mula sa nanay nito na pumunta ito sa dorm ni Farrah kasama si Sancho.
Agad naman siyang nagtungo sa dorm nila Farrah at pagkauwi nito ay mababakas agad sa kanyang mukha ang hindi mapantayang kasiyahan. Dali-dali siyang pumunta sa kaniyang kwarto at pagkuwa'y mabilis na naligo. Pagkatapos noo'y kinuha niya ang kaniyang diary at nagsimula na siyang magsulat.
---
Dear Diary,
Alam mo ba na bumisita ako sa tinutuluyang dorm ni Farrah kanina? Kaya nang makarating ako ay kinausap ko agad sila tungkol do'n sa ginawa nila sa 'kin.
Pero laking pagtataka ko kasi bigla na lamang silang nagtakbuhan palayo sa akin kaya naki-ride na rin ako. Ang akala ko nga ay naglalaro lang kami ng habulan at taguan eh. Pero hindi pala.
Sa kabilang banda lahat naman sila ay nahuli ko kasi ang babagal nilang tumakbo Diary eh. Una kong nahuli si Mikael tapos ay si Farrah at ang pinakahuli naman ay si Sancho.
Masaya ako dahil sa tuwing lumalapit ako sa kanila ay todo pakiusap pa sila sa akin habang humihingi ng tawad sa mga ginawa nila.
Alam mo ang weird talaga no'ng ginagawa nila? Nakikiusap habang umiiyak. Grabe, mahal talaga nila ako. Naku Diary, kung nando'n ka lang talaga habang nangyayari 'yon, baka masabi mong napakaheartily no'ng paghingi nila ng tawad sa akin. Pero ang daya lang, kasi 'di man lamang sila nagpaalam sa 'kin ng maayos.
Pagkaalis ko nga ay iniwan ko na lang sila ng basta kasi tinulugan lang nila ako. Pero masaya naman ako kasi nakita ko sila na mahimbing ng natutulog. O sige Diary, matutulog na ako ha. Maaga pa ko bukas eh, tsaka napagod talaga ako sa mga nangyari kanina. Good night.
Yours truly,
Carla
----
Kinabukasan ay maagang pumasok si Carla sa eskwelahan. Pagpasok pa lamang niya ng gate ay nagkakagulo na ang lahat.
Tumakbo siya papuntang locker room at doon ay nakasalubong niya ang iba pa niyang mga kaklase. Narinig pa niya ang sabi ng isa niyang kaklase.
"Pre, nabalitaan mo na ba? Natagpuan raw ang bangkay nila Mikael, Farrah at Sancho kagabi sa dorm mismo na tinutuluyan ni Farrah. Nakakapanlumo raw ang sinapit ng tatlo ayon pa sa mga kuwento ng mga kaklase natin."
"Oo nga raw eh. Sino kaya ang may gawa no'n? Hindi man lang siya naawa sa tatlo." Wika pa ng kasama nito kaya naman malakas na isinara ni Carla ang kaniyang locker, kasabay noo'y nginitian niya ang kanyang mga kaklase. Ilang saglit pa'y lumabas na rin siya sa silid na iyon nang hindi inaalis ang mga ngiti sa kanyang mga labi. Ngiting punung-puno ng ginhawa at tila walang mapaglagyang kasiyahan.
---
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro