Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

My Happy Pill

Gusto na sanang isumpa ni Lalie ang araw ng mga puso sa kadahilanang kung kelan papalapit na ito ay saka naman nakipaghiwalay ang kanyang boyfriend na si Kholie.. Papaano pa niya haharapin ang bukas na wala na ito sa kanya? Na mag-isa na lamang niyang sasalubungin ang araw na 'yon. Makakaya ba niya na wala ang kanyang happy pill?

My official entry for Love Match's Promt#2 Valentines or Valentimes
Para din ito sa long time best friend kong si Kholie with his real life girlfriend Lalie. Sana magustuhan niyo.

Date uploaded: 02/13/19

----




Kasalukuyan akong naglalakad dito sa loob ng isang mall nang magawi ang aking paningin sa mga posters at ilang palamuti na nakasabit sa pader ng mall.

Tss! Bakit ba puro na lang sila araw ng mga nagmamahalan? 'Di ba pwedeng araw na naman ng mga sawi sa pag-ibig ang i-celebrate nila? Wala ba talagang araw para sa kanila? Para sa kagaya kong sawi sa pag-ibig?

Napabuga na lamang ako ng hangin sa kawalan kasabay noo'y umupo ako sa isang bench na naroon.


Ilang saglit pa'y napatingin ako sa magkasintahan na nasa aking gilid. Sobrang sweet nila sa isa't-isa at kulang na lamang ay langgamin sila. Sana nga'y langgamin na lamang sila o 'di kaya nama'y ipisin na lang sila.


Napatingin na rin sa'kin 'yong babae kaya agad ko naman siyang sinimangutan pero inirapan lamang niya ako pagkuwa'y agad na hinila palayo ang kanyang kasintahan.


Tsk! Bakit ba kasi dito sila naglalampungan? Eh puwede naman nilang gawin 'yon sa pribadong lugar. Pero dito pa talaga nila napili kung sa lugar na 'to. 'Di na sila nahiya.


Bukas na pala ang Valentine's day pero heto ako, malungkot at nag-iisa. Ang pinakamalala pa, kung kelan parating na ang araw na 'yon ay saka naman naisipang makipaghiwalay sa'kin ng boyfriend kong si Kholie.


Noong nakaraang linggo ay balak ko sana siyang i-surprise para sa sa espesyal na araw na 'yon dahil ang sabi niya'y busy siya at walang oras para do'n. Marami raw kasi siyang pino-problema, kaya naman naisip kong sopresahin siya, since 4th anniversary din naman namin sa araw na 'yon.


Kaso, mukhang ako ata ang nasorpresa dahil nang araw na magkita kami ay bigla na lang siyang nakipaghiwalay sa'kin. Nakakaloka no? Tinanong ko siya kung bakit? Pero ang sagot lamang niya sa'kin ay gusto raw niyang hanapin ang kanyang sarili. Nakakatawa 'di ba? Gusto ko tuloy itanong kung naliligaw ba siya at bakit kailangan pa niyang hanapin ang kanyang sarili. Pero 'di ko rin nagawa dahil nang mga oras na 'yon, ang pakiramdam ko'y 'di nagpo-proseso ng maayos ang aking utak.


Gusto ko rin sanang sabihin sa kanya na magdala siya ng mapa o 'di kaya nama'y isama niya si Dora para hindi siya maligaw at mas mabilis niyang mahanap ang kanyang sarili. Pero walang kahit anumang salita ang lumabas sa aking bibig ng mga oras na 'yon, bagkus ay tanging luha lamang ang aking naitugon. Humingi siya ng tawad at kasabay noo'y tinalikuran na niya ako.

Napaupo ako sa gitna ng daan habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan ako ng mga taong nagdaraan dahil ang gusto ko lang ay umiyak ng umiyak.


Sino ba naman kasi ang matutuwa kapag nakipaghiwalay sa'yo ang taong mahal na mahal mo. Ang taong itinuturing mo nang happy pill mo. Tapos, malalaman mo lang na makikipaghiwalay siya dahil lamang sa walang kuwenta niyang dahilan. Nakakainis 'di ba? Ang sarap magwalwal.



Ilang beses ko siyang sinubukang kontakin pero bigo ako. Pinuntahan ko rin siya sa kanila pero maging ang pamilya niya ay hindi alam kung nasaan siya. Kahit ang mga social media accounts niya ay naka-deactivate rin. Kaya naman pagkatapos ng isang linggo ay sumuko na lamang ako at hinyaan na lamang siya sa kanyang naging desisyon.


Nagpasya akong umuwi sa aking tinutuluyang apartment pagkatapos ng ilang oras na pananatili sa mall dahil kailangan ko ring magpahinga. Kahit naman kasi espesyal ang araw bukas ay kinakailangan ko pa ring pumasok sa trabaho.



Pagdating ko ng bahay ay kaagad akong humiga sa aking kama. Ekasakto alas nuebe na pero hindi man lang ako tinatablan ng gutom at antok. Ang tangi ko lamang nararamdaman ay pagod at sakit. At muli napaiyak na naman ako. Isang linggo na ang nakakaraan pero pakiramdam ko'y kanina lamang nangyari 'yon.



Napatingin ako sa sticky note na nakapaskil sa aking wall of daily activities. Agad akong tumayo at kinuha ang papel na 'yon. Nilukot ko ito at kaagad na itinapon sa basurahan. Wala na ring saysay pa ang bagay na 'yon dahil 'di naman matutuloy ang sorpresa ko sa kanya. Nakakainis! Mabuti na lamang at 'di ko naituloy 'yong balak kong tatlong araw na pagliliban sa trabaho dahil kung hindi, nganga pala ako 'pag nagkataon. 'Yong plano kong 3 days vacation sa El Nido Palawan para sana sa'min ay nauwi lamang sa walang kwentang hiwalayan. Nakakabadtrip!




----





Kakalabas ko lang ng building kung saan ako nagta-trabaho, nang mapagpasyahan kong dumaan muna sa Savemore para makabili ng aking lulutuin para sa aking hapunan. Ilang gabi na ring puro instant noodles ang kinakain ko. Baka magkasakit na ako. Ayaw ko ring mag-alala ang mga magulang ko lalo na't malayo sila sa'kin at mag-isa akong namumuhay dito sa siyudad. Wala na rin akong karamay dahil ang tanging taong itinuring kong happy pill ay iniwan ako.



Pagkarating ko sa bahay ay kaagad na akong nagpalit ng damit at inihanda ang aking magiging hapunan.


Pagkatapos kong magluto ay nagpahinga muna ako. Ilang saglit pa'y narinig kong nagri-ring ang aking cellphone, kaya dali-dali ko itong kinuha sa pag-aakalang sila mama ang tumatawag pero napakunot na lamang ako ng noo nang makitang si Bryle ang tumatawag.



Ano naman kaya ang kailangan ng baklang 'to? Akala ko ba busy siya sa emergency room kapag ganitong oras.  Napabuntong hininga na lamang ako at kaagad na sinagot ang kanyang tawag.



"Oh anong kailangan mo?" Walang gana kong tanong sa kanya.



"Ay, highblood kana rin ba ngayon beshy?" Natatawang tanong niya kaya naparolyo na lamang ako ng mata.




"Seriously Bryle? Wala akong panahon para dito ah? Sabihin mo na kung bakit ka tumawag?" Naiinis ko ng tugon sa kanya pero narinig ko pa rin ang kanyang pagtawa mula sa kabilang linya kaya napabuga ulit ako ng hangin sa kawalan.



"Okay, relax lang beshy. Pwede ka bang pumunta sa park ngayon? May kikitain ka lang do'n, tapos may kukunin ka lang sa kanya na importanteng bagay. Don't cha worry, hindi siya masamang tao kaya safe ka 'don. Bye beshy! I love you and Happy Valentines!" Masaya pa nitong sabi kaya hindi na ako nakaangal pa kasabay noo'y napailing na lamang ako.


Kinuha ko naman ang hoodie jacket ko at mabilis na tinungo ang park. Naka-pajama at tsinelas lamang ako kasi hindi naman ito kalayuan sa apartment.




Tahimik akong naglalakad nang may mapansin akong pigura ng lalaki mula sa 'di kalayuan. Ngunit habang papalapit ako sa kanyang kinaroroonan ay 'di ko naman maiwasang hindi kabahan. Hindi dahil natatakot ako kundi dahil kilala ko siya.



Sa tindig at pangangatawan pa lang alam kong siya 'yon. Si Kholie. At hindi nga ako nagkamali nang humarap na siya sa'kin.



Shit! 'Yong puso ko parang lalabas na sa katawan ko dahil sa lakas ng kabog nito. Ano ba'ng ginagawa niya dito? Akala ko ba umalis siya para hanapin ang naliligaw niyang sarili? Eh bakit ngayon nandito siya sa harapan ko? Isang malalim na paghinga ang kanyang binitawan bago nagsalita.


"Kumusta kana Lalie?" Nakangiti pa niyang tanong habang nakatingin ng deretso sa'kin.


"Ano'ng ginagawa mo dito? Akala ko ba umalis kan----," hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil bigla na lamang niya akong kinabig atsaka niyakap ng mahigpit. Shit! Na-missed ko talaga ang yakap na 'to. Nakakainis! Dapat galit ako sa kanya ngayon pero nang dahil lang sa yakap niyang 'to nakalimutan ko na ang ginawa niya.


Ilang sandali pa'y bumitaw na ako sa kanyang pagkakayakap atsaka siya tiningnan ng masama.




"Akala ko ba hahanapin mo ang nawawala mong sarili. Eh bakit ngayon nandito ka? Nagkita na ba kayo ng sarili mo?" Nagtatampong tanong ko pero natawa lamang siya.




"Oo tama ka. Nahanap ko na ang aking sarili. Nahanap ko ito na hindi magiging masaya kung hindi tayo magkakasama. Nahanap ko ito na hindi magiging kompleto kung mawawala ka ng tuluyan sa'kin," may sinseridad nitong tugon kaya 'di ko namalayang unti-unti na palang nalalaglag ang aking mga luha dahil do'n. Nakakainis! Bakit ba ang galing magpaluha ng lalaking 'to? 'Di ba niya alam na tagos hanggang buto at mga kalamnan ang lahat ng mg sinasabi niya?



Pinahid naman niya ang mga ito kasabay noo'y ngumiti siya.



"Nakakainis ka, alam mo ba 'yon? Babalik-balik ka dito tapos sasabihin mo lang ang mga salitang 'yan. Bakit, ga'no ka ba kasigurado na tatanggapin kita uli," naiiyak ko pa ring tugon.




"Sigurado ako do'n no! Ako kaya ang happy pill mo 'di ba?" Mayabang pa nitong wika kaya napailing na lamang ako kasabay noo'y pinahid niya ang aking mga luha.



Mabilis naman niya akong hinagkan sa 'king noo atsaka tumingin ng deretso sa'king mga mga mata.



"Oo na Mr. Kholie Martinez! Ikaw nga ang happy pill ko. At hinding-hindi ako magiging masaya kapag nawala ka sa akin ng tuluyan," nakangiti kong wika rito kasabay noo'y napaluha na naman ako




"Sshhh! Tama na ang pag-iyak nandito na ako at hindi na kita iiwan. Baka magkasipon kana niyan eh," nakangiti rin niyang tugon. "Oo nga pala, pakisabi kay Bryle maraming salamat  huh? Para sa pagpayag niya na maging kasabwat ko. Hindi ito magiging successful kung hindi dahil sa tulong niya," dagdag pa nito.



"Hmpt! At talagang kinontsaba mo pa ang bestfriend ko huh? Buti na lang at hindi ka nahirapan na kumbinsihin siya," nakangisi kong sabi sa kanya.



"Oo naman, ako pa ba?" Confident pa nitong sabi kaya napailing na lamang ako.


"I'm sorry okay. I'm sorry for what I did. Sorry kung hindi ko naisip na masasaktan ka no'ng ginawa ko 'yon. Sorry kasi naging gago ako. I'm really sorry, Lalie. Mahal na mahal kita," seryoso pa niyang wika kaya napakagat labi na lamang ako para pigilan ang nagbabadya na namang luha. Akala ko ba ayaw niya akong magkasipon tapos ngayon papaiyakin na naman niya ako? Tsk!



"Hay naku! Magda-drama ba talaga tayo dito? Oo na, your forgiven. Mahal na mahal din kita. Kaya tara na sa apartment kasi baka lumamig na 'yong niluto ko do'n. Pagsaluhan na lang natin 'yon since 'di naman tayo makakapag-celebrate ng Valentine's at anniversary natin," masayang saad ko kasabay noo'y magka-akbay naming tinahak ang daan pabalik sa 'king apartment nang kapwa masaya at nakangiti.

~~~~

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro