Prologue
Marcus' POV
"Makoy, dali ka na. Nakaligo na kapatid mo," si Nanay yun. Dumungaw sa kuwarto naming magkapatid.
Mabilis kong isinulat ang pangalan ko doon sa berdey kard na ginawa ko. Kung kard ba ang tawag dito. Kokong band lang iyun tapos nag-drowing ako ng keyk na may pangalan nya tapos meron ding kandilang apat na piraso. Sa pagmamadali ko kanina, nabali ko pa yung krayola ko na ang tagal kong iningatan kasi ito ang unang krayola na nakuha ko sa lampas apat na taong pagiging tao ko sa mundo.
Mabilis ko iyung tinupi sa apat. Kakainis, di ko natupi ng pantay.
"Makoy, ano ba?!" tumaas na ang boses ni Nanay. "Nakakahiya kina Ma'm Andie kung mahuhuli tayo sa party ni Hope."
"Opo, andyan na!"
Hinablot ko na yung tuwalya na sampayan sa loob ng kuwarto namin, matapos ilagay sa damitan ko yung 'kard' para kay Hope.
Iaabot ko yun sa kanya mamaya, bago matapos yung berdey parti nya.
Matutuwa si Hope, sigurado ako. Sa ilang pagkakataon na nakikipaglaro kami sa kanya sa loob ng villa, sinabi nya na magaling daw ako mag-drowing. Minsan nga nagpapa-drowing sya sa akin o kaya magpapatulong magkulay nung koloring buks nya. Tapos lagi nya sinasabi na magkakaroon sya ng berdey parti. Unang parti nya daw. Tas gusto nya ng pink na keyk para sa berdey nya. Kaya yun ang kulay na pinili ko para sa drowing ko.
Nung una, nalungkot ako kasi alam ko na di kami makakarating. Wala naman kami pambili ng kostyum. Pero kaninang bago magtanghali, tuwang-tuwa ako na pumunta dito si Ma'm Andie, yung mommy ni Hope. May dalang mga kostyum naming magkapatid at yung dalawa kong pinsan. Tapos inimbitahan kami sa berdey ni Hope.
Parang ang ganda nung isusuot ko. Tsaka alam kong bago. Amoy bago eh.
Mabilisan lang yung ligo ko. Nagalit uli si Nanay paglabas ko ng banyo.
"Ano ba yan? May sabon ka pa sa tenga! Magbanlaw ka uli dun!"
Sinamahan pa ako ni Nanay para magbanlaw.
"Nay, teka po. Nalagyan ng tubig tenga ko," reklamo ko pa.
"Ewan ko sa yo. Sige, labas na. Magbihis ka na."
Nagtatalak na naman si Nanay nung nasa kuwarto na 'ko.
"Dios mio ka, Makoy! Bakit di ka man lang nagpunas ng maayos bago tumakbo sa kuwarto? Basang-basa sa sala!"
Napakamot ako sa ulo. Eksayted kasi ako. Yung kapatid kong bunso, si Lola ang nagbibihis.
Pang-prinsesa ang suot nito. Nakakatuwa kasi may katerno din yung sapatos kaya lang medyo malaki sa kanya kaya naghanap pa si Lola ng dyaryo para daw palaman sa loob.
Iniisip ko pa nga, ang alam ko sa palaman eh pang-tinapay. Yun pala, ilalagay sa loob ng sapatos para sumikip.
Binasa ko yung balutan ng kostyum ko.
"A-la... A-lad..." Ang hirap naman. Minsan lang kasi ako maturuan ni Lolo Delio at Nanay magbasa.
Di pa kasi ako pumapasok sa paaralan kahit yung ibang bata na kaedaran ko, nakikita ko, naka-yuniporm na pero parang baon lang ang laman nung maliliit nilang bag.
Sabi ni Nanay, kinder daw yun. May iba daw kasi na dalawa hanggang tatlong taon mag-kinder. Pero isa lang daw kami. Yun lang naman daw ang importante bago maka-grade one.
Sabi ni Tatay, na pasukan na lang daw. Malapit na yun. Pasukan na sa susunod na buwan. Parang berdey ko rin. Payb na ko nun. Sakto lang daw para sa kinder.
"Apo, magbihis ka na," untag ni Lola.
Tinanggal na nya sa plastic yung damit. Medyo napangiwi ako.
"'La, ganito po ba talaga ito?"
Akala ko maganda isusuot ko.
Maluwag na puting pantalon na parang bitin tapos may parang telang sinturon na pula tsaka may pula ring sombrero na parang kasing laki lang ng kap nudels.
Ang ikinadismaya ko, yung parang sando na kulay bayolet. Kasi di nasasara yung harap.
"Ay, oo. Vest ang tawag dyan. Naku, ang gwapo ng apo ko," natutuwang sabi ni Lola. "Bagay sa 'yo. Kamukha mo yung nasa balutan. Teka, sino ba ito?"
Inaninag pa ni Lola, "Ah, Alladin pala eh. Kamukha mo, apo. Sa kulay ng balat, sa buhok, sa mukha."
"Di po ba pangit suot ko, 'La? Labas tyan ko tsaka dibdib."
"Ganun talaga yan. Hala, isuot mo na yung sapatos."
Napangiti ako kasi kakaiba yung sapatos. Patulis yung dulo.
Tapos, kinuha ko yung drowing ko sa damitan ko.
"'La, tama po ba yung sulat ko?"
Kinuha nya yung drowing tapos inalis sa pagkakatupi. Napangiti pa si Lola.
"Ano, baligtad yung titik 'k' at 'y' ... pero ayos lang yan. Yung pangalan ni Hope, tama naman."
Ngumiti ako ng malapad. Tinandaan ko talaga ng husto kung paano isulat pangalan nya nung minsan andun kami sa malaking kuwarto sa itaas ng villa. Yung puno nang laruan tsaka pan-drowing at pansulat. Atik daw tawag dun. Minsan kasi tinuturuan kami nung Tita Madel ni Hope magsulat ng pangalan namin dun.
Sabay-sabay na kaming apat na magpipinsan kasama sina Nanay at Tiya Lota papunta sa villa.
Sina Lolo at Lola, susunod na lang daw. Wala sina Tatay at Tiyo Oyet. May trabaho sila sa resort na ginagawa sa harap ng villa.
May sariling susi kami sa likod ng bakuran. Si Tatay Delio ang may hawak nito. Binigay nya kay Nanay yung susi para makapasok kami.
Nakaramdam agad ako ng panliliit nung makita ko ang mga bisitang naroroon na.
Ang gaganda rin ng mga suot nila pero halatang mayayaman base pa lang sa kutis. Kaming magkapatid at mga pinsan ko, halatang nakaranas ng mabilad sa araw. May pailan-ilan pa nga kaming peklat sa binti at braso, dala ng kagat ng lamok o kaya sugat sa pagkakadapa.
Tas may mga yaya pa sila na parang pang-nars na pantalon ang suot. Tas yung mga nanay nila, ang daming alahas tsaka naka-meyk ap.
Pasimple akong tumingin kay Nanay. Nakaramdam ako ng awa sa kanya at kay Tiya Lota. Maayos naman ang suot nila at iyun na ang pinakabago pero kumpara sa suot ng mga nanay dito, nagmukhang pinaglumaan yung kina Nanay. Tas wala pa silang meyk ap. Pulbos lang.
Pero, sila pa rin ang pinakamagandang nanay at tiya sa buong mundo para sa 'ken! Kahit maingay sila lage kapag nagagalit. Haha!
Sa bandang likod at sulok na mesa kami naupo dun sa likod ng villa. Pupuwede daw mamaya maglangoy pero ayoko. Makikita yung peklat ko sa binti. Nahihiya ako. Kung kami lang magpipinsan at si Hope, ok lang. Kami naman magkakalaro dito sa villa.
Nakalangoy na naman kami dito isang beses. Pumayag yung mommy ni Hope na maglangoy uli kami nung magpaalam sya dati.
Hinihintay na lang namin lumabas sina Sir Reid, Ma'm Andie at Hope. May ilan pang bisitang dumadating.
Halos lahat ng mga bata dito, hindi nagta-Tagalog. Parang si Hope.
Napangiti ako nung maalala ko nung una kaming ipakilala sa kanya ni Nanay Lydia. Nalulungkot daw kasi sa malaking bahay kasi walang kalaro.
Nahirapan kaming magkapatid at magpinsan intindihin sya magsalita kasi iba sinasabi nya. Sabi ni Tita Madel, Inglis daw yun. Pero minsan may halong Tagalog ang salita ni Hope. Si Tita Madel ang nagsasabi sa amin sa Tagalog kapag may sinabi si Hope. Kaya medyo nakakaintindi na ako ngayon. Konting-konte nga lang.
"Wag kayo mag-alala. Nakakaintindi ng Tagalog si Hope. Hirap lang sya magsalita nang ganun kasi English sila mag-usap sa bahay," sabi ni Tita Madel.
Nakakaintindi pala, bakit di magsalita ng Tagalog? Naisip ko.
Naartehan ako. Tapos pati sa pagkain nya, pili ang kinakain. Mabuti na lang, di kami pinalaking ganun nina Nanay at Tatay. Kunsabagay, wala naman kaming pagpipilian. Kung ano ang meron, yun ang kakainin namin.
Medyo naguluhan lang ako na katulad namin, madalas na gulay at prutas ang binibigay nila kay Hope. Inaasahan ko kasi na sa mayamang katulad nila, madalas tsokoleyt at tsitsirya ang pagkain ng mga bata.
Nabura lahat ang pangit na iniisip ko kay Hope nung makalaro na namin ito. Mabait sya, tulad ng daddy at mommy nya. Mas nakakatakot pa nga yung Tita Dyosa nya kasi mukhang mataray, pero mabait din naman pala. Ganun lang talaga magsalita.
Nagkaroon ng maugong na bulungan.
"Hala, kawawa naman si Hope," sabi nung isang babae dun.
May bumundol na kaba sa batang puso ko.
"'Nay, ano pong nangyayari?" Tanong ko.
"Eh, hindi ko alam, Makoy. Teka at pupunta ako ke Nanay Lydia."
Hindi pa man nakakalayo sa mesa namin si Nanay, may nagpunta na doon sa harap at nagsalita.
Hindi ko naintindihan. Katulad ng salita nya yung salita ni Hope. Inglis, tapos ang bilis pa.
"Tiya Lota, ano daw po yun?"
Ako lang yata ang interesado sa mga bata dun. Kasi yung iba, naglalaro, tumatakbo, at kumakain ng maliliit na keyk at dyus.
Alam kong hindi maganda ang sinabi nung babaeng may kostyum na parang paru-paro, kasi parang maiiyak ito. Tapos halata din sa mukha ng mga nanay na nakikirinig.
Lalo akong kinabahan.
"H-hindi daw makakapunta si Hope," may pag-aalala sa mukha ni Tiya Lota.
"Hah? Bakit?!" Sobrang dismayado ako.
"Inatake daw sa puso. Wala daw malay nung itakbo sa ospital kani-kanina. Diyos ko, kawawa naman. Ke bata-bata pa para magkaroon ng ganung sakit!"
Sinaklot ng matinding takot ang batang puso ko. Alam ko yung sakit na iyun. Nakita ko na nangyari iyun dati kay Tatay. Akala nga namin mamamatay si Tatay kasi nangitim sya tas di humihinga. Iyak ng iyak si Nanay at Lola. Ilang araw syang naospital nun.
Iniisip ko pa lang na ganun ang dinadanas ni Hope, unti-unti ng lumabo ang mata ko. Yung maputi nyang balat at mapula nyang labi na mangingitim... hindi kayang tanggapin ng musmos na kalooban ko.
Napadukot ako sa bulsa ko kung saan ko nilagay yung drowing ko para sa kanya.
"Oh, Makoy, bakit ka umiiyak?" Eto na pala si Nanay.
"Nay...si Hope!"
Di ko napigilan, yumakap ako kay Nanay at isinubsob ang mukha ko sa tyan nya.
Hindi ko alam, pero umiyak ako ng umiyak kay Nanay habang himas-himas nya ako sa likod.
==========
Sa mga nakabasa ng HER EVER AFTER, alam nyo kung bakit nangyari yun kay Hope. (^_^)v
==========
Don't forget to comment and vote!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro