CHAPTER 5 - Jealous Heart
IBA talaga sa Fictional World. Pakiramdam ni Alice ay ang haba-haba ng buhok niya tapos ay pinag-aagawan pa siya ng dalawang lalaki.
Nakatayo si Alice sa pagitan nina Michael na nakangisi at Genesis na magkaslubong ang dalawang kilay at halos malukot na ang mukha—dagdag pa rito ang nakasimangot niyang labi.
Naisip tuloy ni Alice kung ano ba ang big deal kay Genesis kung magkasama sila ni Michael?
Nagsukatan ng tingin ang dalawang binata at kung nakamamamatay man ang titig ay baka matagal ng pinaglamayan si Michael. Siguro nga sa mga oras na ito baka nailibing na rin siya. Matalim kasi ang tingin ni Genesis sa kaniya, habang nagpapakawala ng malalim na paghinga.
"Ah, Genesis si Michael—" hindi na siya pintapos ni Genesis dahil bigla na lamang siyang nagsalita.
"Okay, enough. Pasok na sa loob." Nagulat si Alice nang hatakin siya sa loob ni Genesis at sinarhan sa labas ng gate si Michael.
Napagtanto niya na lamang na nakasubsob na pala siya sa matipunong dibdib ng binata dahil sa impact ng pagkakahatak sa kaniya. Biglang kumabog ng mabilis ang puso niya at hindi siya makaimik. Sa sobrang lakas ng pagkabog ng puso niya, at sa sobrang lapit nila sa isa't isa, pakiramdam ni Alice ay nararamdaman na ng binata ang tibok ng puso niya.
Napalunok si Alice dahil ramdam ng kaniyang pisnging nakasubsob sa dibdib ni Genesis ang pagkabog ng puso ng binata. Kung gano'n ay baka nararamdaman din ni Genesis ang tibok ng puso niya!
Inangat niya ang kaniyang niya at napatingin sa mukha ni Genesis. Nagkasalubong ang mga mata nilang dalawa. Nagkatitigan sila kaya mas nagkaroon si Alice ng pagkakataon para suriin ang mukha ng binata. Bilugan subalit maliit na mga mata, mapulang labi, saktong tangos ng ilong, at magandang jawline. Naka-brush up din ang kaniyang brownish na buhok.
"Ehem!" Napaghiwalay sila nang 'di oras nang napaubo si Trisha at naka-cross arms pa.
Si Michael naman sa labas ng gate ay naiwang walang kaalam-alam kung bakit gan'on ang nagiging pakikitungo sa kanya ng binatang sumulpot kanina sa likuran nina Trisha at Alice.
"Nagseselos ba siya sa akin?' Itinuro pa ni Michael ang kaniyang sarili at napailing-iling. Lumakad na lamang siya papalayo habang patuloy na itinatanong sa kaniyang sarili kung pinagseselosan ba siya.
Samantala, dali-daling pumasok si Alice kwarto niya at nagpalit ng damit. Hindi niya mapigilang mapangiti habang nagpapalit siya. Ano ba talaga ang big deal kay Genesis kung magkasama sila ni Michael? Iyon ang patuloy na itinatanong niya sa kaniyang sarili.
Humilata siya at pipikit na sana, kaso may kumatok sa pinto ng kaniyang kuwarto. Tamad na tamad siyang bumangon, at binuksan ang pinto, subalit laking gulat niya nang makita kung sino ang kumatok. Napakaguwapong nilalang at parang isang anghel na bumaba mula sa kalangitan.
"H-Hi?" kinakabahan na sabi ni Alice.
Napailing na lamang si Genesis sa inasal niya at pumasok sa loob ng kuwarto ni Alice nang wala man lang pasabi. Napalunok si Alice nang i-lock ni Genesis ang pinto.
"Tell me, sino 'yong lalaking iyon?" Tanong ni Genesis sa mababang tono.
"Si Michael, 'yong nirereto ni Trisha sa akin noon," sagot niya habang nag-iiwas ng tingin.
Hindi niya alam kung bakit siya nag-iiwas ng tingin. Para tuloy siyang nahuli ng kaniyang boyfriend na may kasamang ibang lalaki.
"Huwag na huwag ka ng dumidikit sa kung sinu-sino." Sa pagkakataong iyon ay napataas na ang boses ni Genesis. "Bakit, hindi ka ba nadadala sa Kenndrick na 'yon? Paano kung saktan ka rin ng lalaking iyon?"
Napabuntong hininga si Alice nang muli niyang marinig ang pangalan ni Kenndrick. Dahil doon ay nag-iba ang timpla ng kaniyang mood.
"Wala kang pake," sagot ni Alice kaya kita niya ang pagkunot ng noo ni Genesis.
Maging siya ay nagulat nang mapagtanto niya kung ano ang sinabi niya. Dapat kasi ay iniisip muna ang sasabihin bago ito bigkasin. Hindi na ito mababawi pa kahit ilang beses humingi ng pasensya.
"Fine! Pero kung magwawala ka muli katulad ng ginawa mo kahapon, doon ka magwala sa labas," pabalang na sagot ng binata at lumabas, saka padabog na isinara ang pinto.
Hindi niya alam ngunit parang nalungkot siya bigla dahil sa biglang pagbabago ng pakikitungo ni Genesis sa kaniya. Kahapon ay malumanay ang boses ng binate, tapos ngayon naman ay nakagugulat ang pagdagundong ng boses niya.
Napatingin siya sa katabing lamesa, at nandoon pala 'yong binigay sa kaniya ni Michael. Hindi niya na napansin na doon niya pala nailapag iyon dahil sa halo-halong emosyong naramdaman niya dahil sa inasta ni Genesis. Kinuha niya ito at napangiti nang makita kung ano ang laman nito. Ang paborito niyang empanada!
Napagpasiyahan niyang huwag munang kainin iyon at itinabi na lamang ulit.
Sunod na pumasok sa kwarto ni Alice si Trisha na ngiting-ngiti. Halos umabot na nga sa kaniyang tainga ang kaniyang ngiti. Agad siyang tinabihan ng kaibigan at inumpisahan siyang usisahin.
"Si Michael ba iyon? Paano siya napunta dito?" tanong ni Trisha.
Wala nang ibang nagawa pa si Alice kundi ikuwento sa kaniyang kaibigan ang ikinuwento sa kanya ni Michael.
"Siya nga pala, mukhang galit si Genesis, ah. Ano bang nangyari sa inyo?" pag-iiba ni Trisha sa usapan.
Pinagsisisihan niya tuloy kung bakit niya iyon sinabi sa binata. Hindi niya naisip na pwedeng magalit si Genesis sa sinabi niya. Concern lang naman si Genesis sa kaniya pero mali pa 'yong naisumbat niya. Madalas talaga nagiging padalos-dalos ang mga tao sa mga sinasabi at ginagawa nila. Hindi nila iniisip kung may masasaktan ba o magagalit.
"Wala, ewan sa kaniya," sagot niya na lamang at tumayo.
"Wala! Galit sa akin si Genesis, sayang crush ko pa naman siya," wika ni Alice sa kaniyang isip atsaka napatampal sa kaniyang noo.
Lumabas na silang dalawa nang kapwa kumalam ang kanilang tiyan. Umupo na si Alice at eksakto namang nakahanda na rin ang pagkain sa hapag kaya inumpisahan niya na ang pagkain. Tahimik lamang silang kumain at walang umimik ni isa man sa kanila. Wala ring imik na kumakain si Genesis na tila ba wala siyang pakialam sa mundo.
"Genesis, 'yong tungkol kanina, sorry na—" hindi niya naituloy ang sasabihin niya nang putulin iyon ni Genesis.
Kumalansing ang plato ni Genesis nang padabog niyang inilapag ang kaniyang kutsara doon. Halos masamid pa si Trisha sa gulat, samantalang si Alice ay napakagat sa kaniyang labi.
"I lost my appetite." Tumayo na si Genesis at saka lumakad papalayo. Ni hindi na nga siya uminom ng tubig.
Napatingin si Alice kay Trisha at sumimangot. Pinilit niya na lang na kumain, at pagkatapos n'on ay siya na ang naghugas ng mga pinagkainan nila. Wala tuloy ang kaniyang ngiti hanggang sa matapos siyang maghugas.
Pagkatapos n'on ay napadaan siya sa tapat ng kuwarto ni Genesis. Eksakto namang hindi gaanong nakasara ang pinto kaya sumilip na siya. Tumutugtog ng gitara ang binata habang nakatulala. Sigurado si Alice na gutom si Genesis o kaya ay nauuhaw dahil kaunti lamang ang nakain niya kanina tapos ay hindi pa siya uminom.
Umalis na si Alice doon at pumasok na sa kaniyang kuwarto. Full charge na rin ang cellphone niya kaya binuksan niya muna ang FriendlyBook account niya. Gumawa kasi siya ng account kanina noong hinihintay niya si Michael na nagpaayos ng motor. Nakita niyang may dalawang friend request. Si Michael lang pala at si Genesis. In-accept niya silang dalawa at matapos no'n ay nag-post ng status niya.
["Pagkakamali ay akin nang tatanggapin.
Nawa'y kapatawaran ko rin ang iyong tanggapin."]
Nagbabakasakali si Alice na mababasa iyon ni Genesis. Kahit papaano ay maiparatating niya ang nais niyang sabihin dahil hindi niya ito kayang sabihin ng harapan.
Napangiti siyang nang makita niya ang empanada na binigay ni Michael. Inayos niya ang pagkakabalot nito at kinuha ng ballpen at papel sa kaniyang bag. Pagkatapos ay isinulat niya ang mga sumusunod:
[Inaamin ko, nagkamali ako sa sinabi ko. Sana huwag ka nang magtampo sa akin. Hindi na mauulit, promise!]
Gamit ang tape, idinikit niya sa plastic ng empanada ang papel at inilagay sa maliit na paper bag na nakita niya sa ibabaw ng cabinet. Lumabas siya ng kuwarto niya at sumilip sa kuwarto ni Genesis. Nang makita niyang wala siya sa loob, dahan-dahan siyang pumasok doon at inilapag sa kama ang empanada.
Dali-dali siyang lumabas at umupo sa sofa. Napag-pasiyahan niyang umidlip muna saglit dahil wala naman si Trisha na duda niya ay gumala na hindi man lang nagpaalam.
HINDI alam ni Genesis kung bakit bigla siyang nagalit nang makita niyang may kasamang ibang lalaki si Alice. Mas lalo pang sumama ang loob niya dahil sa sinabi ni Alice sa kaniya. Ayaw niya lang naman na masaktan ulit ang dalaga. Nagmamalasakit lang naman siya ngunit siya pa ang lumabas na mali.
Sabagay, gaya nga ng sinabi ng dalaga sa kaniya, ano nga ba ang pake niya? Labag man sa puso niya ngunit iniwasan niya muna si Alice.
Nag-FriendlyBook muna siya at nakitang in-accept na ni Alice ang friend request niya. Nagulat siya nang makita niya ang post ng dalaga 10 seconds ago.
Pakiramdam ni Genesis ay siya ang pinapatamaan doon. Gusto niya ring ipaliwanag ang nais niyang sabihin kay Alice ngunit hindi niya alam kung paano siya kausapin nang harapan kaya naisipan niya ring mag-post ng status.
["Hindi ko nais na makita pang pumatak ang kaniyang mga luha.
Nawa'y maunawaan niya ang aking nagawa."]
Pagkatapos niyang i-post iyon ay naisipan niyang maligo muna para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya. Pagkalabas niya ng banyo ay may nakita siyang maliit na paper bag.
Binuksan niya ito at tininan kung ano ang nasa loob. Napangiti siya nang makita kung ano ang nasa loob. Empanada na tiyak niya ay galing kay Alice tapos mayroon pang note. Dahil doon ay unti-unting nawawala ang sama ng loob niya.
"Bakit ako ganito sa iyo, Alice?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro