Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 4 - Following You


Nagising si Alice na masakit ang kaniyang pisngi. Napatingin siya sa relo at alas sais pa lang ng umaga. Pilit niyang inaalala kung ano ang nangyari kahapon at kung bakit ang napahaba ang tulog niya.

"Alice, ano baa ng nangyari sa iyo?" bulong niya sa kaniyang sarili sabay napahikab pa.

"Hindi!!!" Napatampal siya sa kaniyang noo nang maalala niya kung ano ang nangyari sa kaniya kahapon.

"Nakakahiya kay Genesis! Ano na lang ang mukha na maihaharap ko ngayon?" Pinagsasabunutan pa niya ang sarili niyang buhok at hinampas ang mga unan. "Kumalma ka, Alice. Ayusin mo ang sarili mo!"

Napangiwi pa siya dahil tila nabugbog ang kaniyang pisngi. Bahagya itong kumikirot kapag idinadampi niya roon nang marahan ang kaniyang palad.

Huminga siya nang malalim saka ngumiti. Inayos niya ang kaniyang sarili dahil balak niyang pumunta sa D&C Corporations para mag-apply ng trabaho bilang interior designer. Mabuti na lamang ay nabasa niya sa internet kahapon na hiring sila bago mangyari ang nakakahiyang insedente sa kanila ni Genesis. Mas lalong natuwa si Alice dahil mas mabilis din ang internet connection sa Fictional World.

Hinalungkat niya ang bag niya at kung sinuswerte nga naman siya, dala niya pala lahat ng important files na kailangan pati 'yong resumé at letter of application niya. Para bang inihanda na siya ng tadhana dahil pati ang mga papeles niya para sa future ay nadala niya. Ang problema nga lang ay kung tatanggapin nila iyon dahil ibang mundo ang pinagmulan niya. Sa ibang mundo siya nag-aral at nakapagtapos.

"Mabuti gising ka na, Alice. Ilang oras ka bang natulog?" biglang sulpot ni Trish tapos nag-bilang sa kamay niya. "20 hours kang natulog! Akala ko nga magigising ka na after 15 minutes. Hanep, beshie!" humagalpak ng tawa ang kaniyang kaibigan kaya sinamaan niya ito ng tingin.

"Hehehe peace tayo, bes," sabi ni Trisha sa kaniya at nag-peace sign. Inirapan niya lang ito at inayos sa folder ang files niya at inilagay muli sa kaniyang bag.

Napansin din pala ni Alice na sa Fictional World, mas mabilis na lumilipas ang oras. Ang isang oras sa totoong mundo ay katumbas lamang ng kalahating oras sa Fictional World. Kaya naman kung sa oras sa Real World ang pagbabasehan, sampung oras lamang siyang nakatulog.

"Oo nga pala, dumating na 'yong mga gamit. 'Yong damit mo nasa cabinet mo na malapit sa cr ng kuwarto mo. Tapos may make up na rin diyan," wika sa kaniya ni Trisha ngunit hindi siya umimik.

Bukod sa wala siya sa mood dahil nahihiya siya sa ginawa niya kahapon, inaaalala niya kung tatanggapin ba sa pag-a-pplyan niya ang mga papales na dala niya. Kahit na nag-aalinlangan siya dahil hindi niya pa kabisado ang pasikot-sikot sa bagong mundong ginagalawan niya, kailangan niya nang maghanap ng trabaho para maka-survive. Hindi kasi puwedeng iasa niya na lang kay Genesis ang lahat.

"Oo nga pala, si Genesis tulog pa dahil napuyat sa'yo, binantayan ka kasi akala niya na-comatose ka na!" usal pa ni Trisha na may halong pang-aasar kaya napalingon siya. Mas lalo tuloy siyang nahiya kay Genesis dahil sa sinabi ng kaniyang kaibigan.

Naabala pa tuloy niya si Genesis. Pakiramdam niya ay bagong salta pa lang siya sa lugar na iyon pero naging pabigat kaagad siya. Nilagpasan niya lang si Trisha kaya napasimangot ang kaniyang kaibigan.

Naligo na siya tapos ay dumiretso sa cabinet para kumuha ng maisusuot. May sapat na bilang ng damit na nakalagay doon. May pang-bahay, pang-pormal na damit, at panggala ring damit.

Kinuha niya na ang blusang kulay rosas at black na skirt 'saka isinuot. Inayos niya na rin ang mukha niya at naglagay ng make up.

Napatigil naman siya nang kumalam na ang tiyan niya. Nakadama siya ng gutom dahil hindi pa siya kumakain simula noong mapadpad sila doon kahapon. Kaya pala kahit kagigising niya kanina ay tila pagod na pagod siya.

Lumabas kaagad siya at dumiretso ng kusina at binuksan ang ref. Hindi na siya nag-alinlangan pa sa pagkuha ng pagkain dahil miyembro na siya ng bahay na iyon. Feel at home na kumbaga.

Kumuha siya ng cereal at gatas. Mabilis lang siyang kumain dahil baka maabutan siya ni Genesis. Wala kasi siyang mukhang maihaharap sa binata. Pakiramdam niya, sa tingin ni Genesis ay isa siyang babaeng desperada na naghihinagpis para sa isang lalaki.

Pagkalabas niya ng bahay ay muli siyang napatingin sa kalangitan at napangiti. Nakamamangha talaga ang kulay ng kalangitan doon. Kahit na tirik na tirik ang araw ay kulay rose quartz pa rin ang ulap. Tuwing gabi naman ay mas maganda ang view dahil mas nagniningning ang mga bituin. May mga nebula ka pang makikita na katulad ng nasa kalawakan—dahil na rin siguro iyon sa mas mababang light pollution tuwing gabi.

Eksakto namang may dumaang taxi sa kaya agad nakasaya si Alice. Mabuti na lang ay may extra money pa siya kaya hindi niya na kailangan pang manghiram kay Trisha o kay Genesis. Iyon nga lang, hindi rin siya sigurado sa currency ng pera doon. Hindi niya alam kung tatanggapin ba roon ang Philippine peso.

"Saan ka baba, Miss?" tanong ng driver sa kaniya.

"Sa D&C Corporation po," sagot niya tapos ay sinalpak ang ang headset sa kaniyang tenga.

Naputol ang pinakikinggan niyang musika nang biglang namatay ang cellphone niya. Hindi niya nga pala ito nai-charge bago siya umalis.

Ibinulsa niya na lamang ang cellphone niya at inilabas ang kaniyang wallet. Huminto na ang taxi at tinignan ng nung driver kung magkano ang babayaran niya.

"300 lang, miss," sabi ng driver sa kaniya kaya napakamot siya sa ulo niya.

"What? Ang mahal naman! Ang lapit lang kaya ng biniyahe tapos 300 pesos?" wika ni Alice sa kaniyang isip at saka tumingin sa driver.

"Kuya, ang mahal naman po yata?" pagrereklamo niya kaya sinamaan siya ng tingin ng driver na kanina pa naiinip kahihintay ng bayad.

Binilang ni Alice ang pera niya sa kaniyang wallet. May isang buong 100, dalawang singkwenta, dalawang bente at dalawang limang piso.

250 lang ang perang dala niya. Itinaktak niya pa ang wallet niya sa kaniyang palad ngunit wala ng lumalabas na kahit piso. Sinilip niya pa ang pinakasulok ng wallet niya ngunit wala na talaga.

"Akin na ang bayad, Miss," sabi nung driver kaya inabot niya ang 250 pesos na nakuha niya sa kaniyang wallet.

"Eh, kulang naman ng singkuwenta!" sigaw ng driver sa kaniya kaya nagulat siya.

Gayunpaman, napangisi si Alice nang tanggapin ng driver ang pera at hindi nagtaka sa hitsura nito. Iisa lang ang ibig sabihin nito, gan'on din ang currency sa mundong iyon. Iniisip niya tuloy na baka parallel dimension ng Pilipinas ang bansa ng Fictional World na kinaroroonan niya.

"Bumaba ka na nga!" galit na sabi ng driver kaya dali-daling bumaba si Alice.

"Susme! Pati ba naman dito mahal ang singil sa taxi. Ano bang klaseng metro ang mayroon sila dito? Wala na tuloy akong pera," wika ni Alice habang nakasimangot na lumalakad.

Namangha nanaman siya sa taas ng gusali na nasa harap niya. Pumasok na siya sa entrance door ngunit may mga guard na humarang sa kaniya. Tinignan ng guwardia ang bag niya na tila tinitignan kung may dala siyang deadly weapon.

Sinalubong siya ng secetary pagkatapos ay pinaupo siya sa upuang magara.

"Mag aaply po kayo as interior designer?" tanong ng sekretarya habang binabasa ang letter of application ni Alice.

"Opo, Ma'am, pero may tanong po ako," tugon ni Alice at napakagat sa kaniyang pang-ibabang labi. "A-Ayos lang po ba k-kung hindi ako rito nag-aral?"

"What do you mean by that?" Napangiti ang secretary na tila gustong alisin ang kabang nararamdaman ni Alice.

"K-Kasi po—"

Hindi na pinatapos ng secretary ang sinasabi ni Alice. "Hindi ka galing sa mundong ito?"

Tumango naman si Alice.

"Ayos lamang iyon. Alam din naming ang kredibilidad ng mga eskuwelahan sa Real World. Maghintay ka na lang ng tawag nila for the interview," sabi nito sa kaniya. Napahinga naman nang maluwag si Alice at tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib.

Talagang aware na aware na ang mga Fictional characters tungkol sa Real World. Ang katanungan nga lang sa isip niya ay kung ninanais din bang pumunta ng mga fictional characters sa totoong mundo? Kung sakali mang oo, paano? Higit sa lahat, iniisip niya kung ano ang mangyayari kung napunta ang fictional character sa totoong mundo.

Pagkatapos no'n ay lumabas na siya ng opisina. Napakaluwang ng building kaya pakiramdaman niya ay mawawala siya doon.

"Ah, Miss, saan ang daan palabas?" tanong niya sa isang empleyado. Hindi niya nga rin alam sa sarili niya dahil nakapasok siya roon nang hindi nawawala, ngunit hindi niya na alam kung paano lumabas.

"Diretsuhin niyo pa 'yang hallway na iyan, then kumanan po kayo. May makikita po kayong elevator doon, pero huwag kayong papasok doon. May katabi yun na hallway ulit tapos kumaliwa kayo tapos diretsuhin niyo yun tapos exit na," sabi ng babaeng empleyado doon habang itinuturo pa 'yong mga daan. Mukhang mas maliligaw pa yata siya sa itinuro ng babae.

Buti na lang ay nakalabas pa siya ng hindi naliligaw ngunit tagaktak ang pawis niya dahil sa mahahabang pasilyo na dinaanan niya.

Pagkalabas niya ng exit ay muntik na siyang mapasama sa stampede dahil sobrang dami ng estudyante dahil katabi lang nito ay ang isa pang university. Kung hindi siya nagkakamali ay sa paaralang iyon naganap ang malagim na pagpatay sa mga estudyante noon. Kailangan niyang makaalis agad doon sa kumpol ng mga estudyante.

Sumiksik lang siya para makaalis na. Hanggang sa natatanaw niya na ang lugar kung saan walang siksikan. Buti na lang ay nakaalis na siya dahil naninikip na ang kaniyang dibdib—kinakapos na kasi siya ng hangin.

Napalinga si Alice sa paligid nang may mahagip ang dalawang mata niya. Hindi siya makapaniwala sa nakita niya. Ang lalaking inirereto sa kaniya ni Trisha noon sa school nila ay nandoon din sa Fictional World!

Pasimple siyang lumapit at sinisilip ang binata. Nakaupo lang siya sa gilid ng kalsada sa harap ng motor niya at tila nagmamasid sa paligid.

Sa katunayan, kahit na matangkad at guwapo ang binata ay hindi siya ang pinili ni Alice. Ang pinili niya pa rin ay si Kenndrick. Pero inaamin niya naman sa sarili niya na kakaasar sa kaniya ni Trisha sa lalaking iyon ay may naramadaman siyang katiting na pagtingin sa kaniya. Crush lang kumabaga.

Ang binatang iyon ay si Michael Alcantara. Magkaklase sila ni Kenndrick dahil engineer din ang kinukuha niya at magkaibigan din sila.

Ito ang nakakatuwa, ang dating bestfriend ni Alice na si Janine, na ipinagpalit ni Kenndrick sa kaniya ay naging kasintahan ni Michael noon.

Napatigil si Alice sa pagbabalik tanaw nang napatingin sa kaniya si Michael pagkatapos ay naglakad papalapit sa gawi niya.

"Ikaw pala, Alice! Sabi na nga ba dito kita matatagpuan! Saan ang punta mo?" tanong ni Michael sa kaniya at inakbayan pa siya.

"Ah, nag-apply ng trabaho diyan sa D&C," matipid niyang tugon at napaiwas ng tingin. Sa katunayan, hindi sila close ni Michael doon sa mundo nila.

"Doon din ako nag-apply kanina, ah!" sabi nito tapos ay ginulo ang buhok ni Alice kaya napasimangot siya dahil sa ginawa ng binata.

"Teka, bakit nandito ka sa Fictional World samantalang nakita pa kita no'ng graduation?" nagtatakang tanong ni Alice kay Michael kaya nginitian siya ng binata.

"Ipapaliwanang ko sa'yo mamaya. Teka, saan ka nakatira ngayon?" tanong din naman ng binata sa kaniya.

"Apartment ng pinasukan kong bar. 'Yong Make-Believe bar," sagot ni Alice at pagkatapos no'n ay itinuro ni Michael ang motor niya. Nagtataka naman si Alice kung bakit.

Sumakay na si Michael sa motor niya kaya mas napasimangot si Alice dahil wala na siyang perang pampamasahe pauwi tapos ay low battery pa ang cellphone niya.

"Sakay na sa likuran ko, ihahatid na kita," sabi naman ni Michael kaya umangkas na siya sa likuran ng binata, mabuti na lang ay hindi masyadong maiksi ang skirt niya.

"Kumapit ka na sa likod ko. Baka kasi malaglag ka pa baka hindi kita masalo," napaubo pa si Alice sa narinig niya. Para kasing doble ang ibig sabihin ni Michael sa kaniya.

Nilagay niya na ang dalawa niyang kamay sa ibabaw ng balikat ni Michael kaya inumpisahan na niyang magmaneho.

"Saglit lang, samahan mo muna ako sa paayusan ng motor. Flat na 'yong gulong eh," sabi ni Michael. Ayaw pa sanang sumama ni Alice ngunit napilitan siya dahil wala siyang masasakyan pauwi.

"O sige, sasamahan na lang kita," napipilitan niyang tugon at sumimangot.

"Teka nga lang, bakit ba basta-basta lang akong sumama sa kaniya samantalang sa pagkakaalam ko hindi naman kami close? Tapos itong motor baka dinekwat niya lang," nag-aalangang sabi ni Alice sa kaniyang isip ngunit napailing na lamang siya.

Nang makarating sila sa paayusan ng motor, bumaba na siya agad tapos ay hinintay na bumalik si Michael. Makalipas ang kinse minutos ay nandiyan na siya. Nakasimangot siyang bumalik sa kinauupuan ni Alice at hindi niya kasama ang motor niya.

"Oh 'asan ang motor mo?" tanong ni Alice sa kaniya at natatawa sa hitsura ni Michael. Para kasi siyang batang inagawan ng laruan.

"Wala 'yong nag-aayos dito, eh. Mamayang hapon ko na raw makukuha," tugon naman ng binata sa kaniya kaya napasimangot siya. Tinatamad kasi siyang maglakad dahil kumikirot ang paa niya.

"Kaninong motor ba iyon? Imposible naman kasi na madadala mo iyong motor mo dito sa Fictional World! Aminin mo nga, ninakaw mo iyon, ano?" sunud-sunod na tanong ni Alice at tinaasan pa ng kilay si Michael.

"Hindi ko iyan ninakaw! Ikukwento ko na lang sa iyo mamaya. Sasamahan muna kitang umuwi sa inyo. Hindi pa naman ganoon kainit, maglakad na lang kaya tayo papuntang apartment niyo?" suhestiyon ni Michael. Hindi naman nagustuhan ni Alice ang ideyang iyon dahil baka kung ano na lang ang sasabihin ni Genesis.

"Tayo? Ayoko nga! Atsaka, magpaliwanag ka nga muna kung bakit narito ka rin sa Fictional World," giit ni Alice at nag-cross arms 'saka taas kilay na naghihintay ng sagot.

"Kaya nga sasama na ako sa'yo sa paglalakad para habang nasa daan tayo nagkukwento ako," sagot ni Michael at ngumisi.

"Oh, sige na nga!" napipilitang tugon ni Alice kaya naglakad na sila. Medyo malayo pa naman ang apartment nila. Siguradong pagkarating nila doon ay mukha na siyang naligo ng pawis.

Ngunit naisip niya na hindi naman siguro gano'n ang mangyayari dahil tama lang ang temperatura sa Fictional World hind tulad sa totoong mundo. Hindi nag-e-exist ang global warming at climate change sa Fictional World. Malinis ang paligid, naka-segregate ang mga basura, at marunong mangalaga ng kalikasan ang mga Fictional Characters kaya walang problema.

"OMGEEE!!!" napatili si Alice nang may mahagip ulit ang mga mata niya. Napatingin sa kaniya si Michael habang nakaawang ang bibig dahil naguguluhan sa inaasal ng dalaga.

"Sa wakas, nakita ko na rin!" kinikilig na sabi ni Alice kaya bakas sa mukha ni Michael ang labis na pagtataka.

"Huh? Anong sinasabi mo?" tanong niya. Tatakbo na si Alice patungo sana sa tinatanaw niya, pero bago pa siya makatakbo ay pinigilan na niya ito.

"No! Dito ka lang," walang emosyong sabi ni Michael at hinigit ang braso ni Alice.

"Sige na, please! Michael, let me go!" pakiusap ni Alice tapos ay binawi ang kamay pero hinila siya ni Michael papalayo sa lugar na iyon kaya napasimangot na lamang siya.

Ngayon niya na nga lang makikita ang isa sa mga pinakasikat na mall sa Fictional World tapos pipigilan pa siya ni Michael.

Doon sa mall na iyon, matatagpuan ang mga ubod nang guwapong mga lalaki katulad ng nabasa niya sa libro. Tapos ay doon din natagpuan no'ng babaeng bida sa librong binasa ni Alice 'yong prince charming niya kaya gustong-gusto niyang makapunta doon.

"I won't let you go. Hindi ka aalis sa tabi ko!" giit ni Michael.

Napairap na lamang si Alice dahil sa inaakto ni Michael. Hindi naman kasi sila close kaya walang karapatan ang binata para hadlangan siya.

"Please let me go, nasasaktan na ako. Masakit na."

"Huh?" nagtatakang tanong ng binata.

"'Yong braso ko kasi bitawan mo na masakit na, eh," sabi ni Alice kaya agad binitawan ni Michael ang braso niya.

"Sige na kasi, Michael. Pupunta lang ako saglit diyan sa mall na iyan!" pagpupumilit niya at nagpa-cute pa.

"Sige na nga sasamahan na lang kita diyan sa higanteng mall na iyan!" sabi naman ni Michael kaya lumakad na sila papasok sa mall. Nasa entrance pa lang sila nang may makasalubong silang mga lalaki.

Walang duda! Guwapo nga sila katulad ng nabasa ni Alice sa libro. Matangkad, maskulado, maputi, at higit sa lahat ay kakaiba ang kulay ng mga mata nila. May dilaw, asul, berde, at iba pang mga nakamamahang kulay. Ngayon lang siya nakakita ng ganoong itsura ng mga tao. Kakaiba ang kanilang itsura at doon lang talaga matatagpuan ang gano'n sa mall na iyon.

"Michael! Picturan mo sila dali!" tuwang-tuwang sabi ni Alice at inutusan pa niya si Michael na ilabas ang cellphone niya na walang nagawa kundi sundin ang utos.

Lumapit si Alice sa isa sa mga empleyadong lalaki ng mall kaya nagtataka namang napatingin ang empleyado sa kaniya.

"Pwede po pa bang magpa-picture?" pakeme niyang tanong sa naka-poker face lang na lalaki. Tumango siya kaya agad lumapit si Alice at habang todo ngiti niya, ang empleyado naman ay naka-poker face lang tapos si Michael naman ay inip na inip na nagpi-picture.

"One... two... three!" pagbilang ni Michael habang nakaismid.

"Thank you!" masayang sabi ni Alice at niyakap ang lalaki. Pati ang ibang mga empleyado ay nagtataka kung bakit siya nagpa-picture at bigla na lang siyang nangyakap.

Dinig na dinig ni Michael ang bulung-bulungan sa buong paligid kaya siya na ang nahihiya para kay Alice.

"Thank you talaga!" wika ni Alice tapos ay mabilis niyang hinila papalayo si Michael dahil nahihiya na rin siya doon dahil sa eksenang iyon.

Habang papalayo naman sila ay ngisi nang ngisi si Alice at hindi mapakali dahil sa sobrang tuwa.

"Hoy! Kanina ka pa parang nangingisay!" Napabalik siya sa reyalidad nang marinig niya ang tinig ni ni Michael.

"Haist! Bilisan na lang natin!" sabi naman ni Alice at nagpatuloy sa paglalakad. Habang naglalakad sila, dikit nang dikit sa kaniya si Michael kaya naiilang siya.

"Paano ka nga pala nakarating dito?" tanong niya sa binata habang pinapanood ang ibang mga fictional characters na naglalakad.

"Noong araw na nag-break kayo ni Kenndrick, naroon ako," tugon ni Michael.

Napasimangot siya nang banggitin ni Michael si Kenndrick. Ayaw niya ng marinig ang pangalan ng lalaking iyon dahil gusto niya ng makalimot.

"Tapos sinundan ko kayo noong nalaglag kayo sa butas. Kaya na-curious ako, tumalon din ako," dagdag ni Michael kaya napahalakhak nang malakas si Alice.

Halos sumakit ang tiyan ni Alice kakatawa nang ikuwento ni Michael kung paano siya nakarating doon na parang isang inosente. Hindi man lang niya inalam kung ano ang pinasukan niya. Wala siyang kaalam-alam na nakarating na pala siya sa Fictional World.

"Hindi ka naman mahihilig sa mga novels! Hala, bawal ka dito!" saad ni Alice at lumayo nang kaunti kay Michael.

"Kaya nga secret lang natin! Huwag mong sasabihin kahit kanino, ah!" ani Michael kaya napatango siya.

"Saan ka naman naninirahan ngayon?" tanong ni Alice.

"May babaeng nasa edad singkuwenta ang nakakita sa akin. Gabi na iyon at wala na akong matutuluyan kaya humiga na lang ako sa bench ng park noong madaanan niya ako. Tinanong niya ako kung bakit doon ako nakahiga kaya sinabi ko na wala akong matutuluyan. Ayun, sinabi niya na siya na ang kukupkop sa akin. 'Yong motor, pagmamay-ari iyon ng anak niyang namatay noong nakaraang buwan," pagkukwento pa niya kaya napatango si Alice.

Si Alice naman ang sunod na nagkwento sa kaniya, mula sa panloloko ni Kenndrick hanggang sa kung paano sila nakarating sa Fictional World at kung paano sila nakahanap ng matutuluyan. Napatigil siya sa pagkukwento nang mapansin niya na hindi nakikinig sa kaniya si Michael.

"Anong naman ang problema mo?" tanong ni Alice.

Napatigil sila ni Michael sa paglalakad nang may ibigay sa kaniya na naka-plastick na hula niya ay pagkain. Iyon ang kanina pang hawak ni Michael.

"Sayo na iyan, swerte mo at binigyan kita. 'Yong mga taong mahalaga lang sa akin ang binibigyan ko," wika ng binata kaya hindi nakaimik si Alice. Pakiramdam niya tuloy ay gusto siya ng binata.

Nagpatuloy sila sa paglalakad at nagulat na lamang si Alice sa sunod na ginawa ni Michael. Hinawakan ni Michael ang isa niyang kamay kaya habang naglalakad sila ay magkahawak ang kanilang mga kamay.

Akmang hihilain niya ang kaniyang kamay pero bigla itong hinigpitan ng binata. Tila may kung anong kuryente na dumaloy sa kamay niya.

"Ah eh... ano... ah ano..." nabubulol pa siya at hindi niya masabi ang gusto kong sabihin kay Michael. Ano ba ang nangyayari sa kaniya?

"Ano?"

"Anong position na kukunin mo sa D&C?" tanong na lamang niya para mawala ang kakaibang nararamdaman niya.

"Engineer," matipid na tugon ni Michael.

"Sus, baka guguho lang ang gagawin mong building, eh!" panunutil naman ni Alice at sinundot ang tagiliran ni Michael.

"Grabe ka naman sa akin! Eh, ikaw ba?" tanong rin ng binata sa kaniya.

"Interior designer—"

"Naku, baka kalat-kalat ang design mo!" pang-aasar rin ni Michael kaya sinamaan siya ng tingin ni Alice kaya napatigil siya.

"Diyan na pala 'yong apartment, oh." Tuluyan nang binawi ni Alice ang kamay niya at binuksan ang gate at eksakto namang bumungad sa kaniya si Trisha.

"Si Michael ba 'yan? Paano siya napunta dito?" gulat na tanong ni Trisha sa kaniya at pinaulanan siya ng napakaraming tanong kaya tinakpan niya na lamang ang bibig ng kaibigan.

"Si Genesis gising na ba?" tanong niya kay Trisha at bago pa siya makasagot ay may sumulpot sa likuran ng kaniyang kaibigan na nakakunot ang noo at magkasalubong ang dalawang kilay.

"Oo, gising na ako. Sino 'yang lalaking kasama mo?"

Si Genesis!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro