CHAPTER 22 - The Reunion
LUMIPAS pa ang tatlong buwan pero hindi pa rin magawang kalimutan ni Alice ang nararamdaman niya para kay Genesis. Sariwa pa rin ang sugat sa puso niya na dulot ng pagkalimot sa kaniya ni Genesis. Sinubukan niya ring magtanong kay Sir Henry kung ano ang gagawin niya, subalit maging siya ay wala ring ideya.
Napatingin si Alice sa kabuuan ng kwarto niya. Madilim ang buong silid dahil nakasara ang mga bintana kahit umaga pa lamang. Nakahiga lamang siya sa kama niya at wala nang gana sa lahat ng mga bagay.
Bumalik siya sa pagkukulong sa kuwarto gaya noong kababalik lang nila sa totoong mundo. Pagkatapos kasi noong huling pagkikita nila ni Genesis, hindi na siya ulit lumabas pa ng kanilang bahay. Madalang din siyang lumabas sa kaniyang kuwarto.
Ang pinagkaiba nga lang, ngayon ay hindi na siya umiiyak. Wala na siyang luhang mailuluha—tila naubos na lahat. Gano'n pa man, dama niya pa rin ang pagguhit ng kirot sa kaniyang puso. Naisip niya tuloy kung hanggang kalian ba siya magiging gano'n.
Sobra na talaga siyang nangungulila sa presensya at pagmamahal ni Genesis kahit pa ipinagtabuyan na siya ng binata. Sa loob ng maraming buwan na hindi niya siya nakakasama, para siyang unti-unti tinotorture.
Naramdaman ni Alice na parang may umupo sa tabi niya kaya napabalingkwas siya at bumangon. Saka niya napagtanto na si Trisha pala ang nariyan nang humagulgol ito at niyakap siya nang mahigpit.
"Alice, ako na ang nahihirapan sa'yo! Mamamatay ka na sa ginagawa mo, oh. Kalimutan mo na lang kasi siya!"
Akala pa naman din ni Alice kung ang iniiyakan ni Trisha ay si Carl. Siya pala iniiyakan ng kaniyang kaibigan.
"Huwag mo sana akong piliting kalimutan siya dahil mas masakit sa akin 'yon; hindi ko kaya..." kalmadong tugon niya.
Kumalas sa pagkakayakap si Trisha. "Alam kong mahirap, pero nandito naman ako, eh. Nandito pa ako na kaibigan mo—handang dumamay sa iyo at hindi ka iiwan."
Hindi nakaimik si Alice. Naramdaman niya ang paghawak ng kaniyang kaibigan sa kaniyang palad. "Please... sana ay ibalik mo na ang dating saya mo. Miss na miss na kasi kita, Alice. Kahit na sobrang lapit mo lang sa akin, hindi ko pa rin nararamdaman ang presensya mo." Halos lumuhod na si Trisha upang magmakaawa.
Parang bato namang tumama ang mga katagang iyon kay Alice. Napagtanto niyang nariyan pa ang kaibigan niya, subalit tanging sa lalaking iniibig niya lang nakatuon ang kaniyang atensyon. Na-realize niya pang tila iniwanan niya na si Trisha sa ere dahil sa ginagawa. Nariyan palagi ang kaniyang kaibigan para sa kaniya—dinadamayan siya sa pangungulila niya kay Genesis. Subalit, ni minsan ay hindi niya naisip na kailangan din ni Trisha ng karamay.
"I-I'm sorry, Trish... promise, susubukan ko nang bumalik sa dati," saad niya at sa pagkakataong iyon ay siya na ang yumakap sa kaniyang kaibigan.
KINABUKASAN, pagkatapos maligo ni Alice ay isinuot niya na ang kulay pula niyang off shoulder blouse at denim shirt. Pinaresan niya iyon ng pulang doll shoes. Nilagyan niya na rin ng kolorete ang kaniyang mukha upang maikubli ang pamumutla nito.
Nagmadali siyang lumabas ng bahay at pumara ng masasakyang taxi. Matapos ang ilang minutong biyahe ay nakarating na siya sa mall. Nakapagpaalam naman na siya kay Trisha kagabi na siyang ikinatuwa nito. Biniro pa nga siya nito na sa wakas ay makalalabas na siya sa lungga niya.
Dumiretso siya sa department store at humanap ng drawing pencils. Naisip niyang magsimula muli at ituloy ang kaniyang passion—iyon at si Trisha na lang kasi ang natitira sa kaniya. Pagkatapos niyang bumili ng mga lapis ay dadamputin niya na sana ang sketchpad na nasa harap niya ngunit may ibang kamay ang humila roon.
"Ooops! Ako ang nauna. Sorry ka na lang dahil akin na ito," usal ng babae at tuluyang kinuha ang sketchpad. Saglit na napaawang ang bibig ni Alice nang makita niya kung sino ang babaeng iyon.
Ang babaeng may mahabang buhok na umaabot hanggang baywang, at may bilugan, subalit maliliit, na mga mata. Bagamat may kapayatan ang mukha nito ay bakas ang pagiging matapang nito dahil sa mga kilay nitong tila nagtataray. Ang babaeng iyon—ang kaniyang dating matalik na kaibigan.
"Long time no see, ex-bestfriend," bati pa nito at ngumisi.
"Ikaw pala iyan, Janine." Gumanti rin ng ngisi si Alice at tinaasan ito ng kilay.
Walang duda, si Janine nga ang babaeng iyon. Ang ex-bestfriend niya na umagaw kay Kenndrick.
"Ang tagal mong nawala, ah. What happened to you?" tanong pa ni Janine na animo'y concern talaga kay Alice.
"Salamat sa concern, ex-bff, pero ayaw ko kasing makakita ngayon ng parasite na malandi," nakangiting tugon ni Alice pero sa isip niya ay halos ibaon niya na sa lupa si Janine.
"Hah! Bitter ka lang dahil kami na ng EX boyfriend mong si Kenndrick na iniwan ka. Kawawa naman ang dati kong bff!" Balak pa talaga siyang asarin nang asarin ni Janine pero hindi iyon umubra sa kaniya.
"Hindi ako bitter, Janine. Isa pa, iniwan ka nga rin ni Kenndrick na ipinagmamalaki mo," ganti niya rin at sinundan niya iyon ng halakhak.
Nagsalubong ang mga kilay ni Janine. "Ano'ng ibig mong sabihin?!"
Inilabas ni Alice ang cellphone niya at may ipinakitang picture kay Janine. "Let me tell you a story, Janine. Well, magkasama kami ni Kenndrick. Iyan ang picture, na kinunan no'ng date naming, na magsisilbing pruweba."
Bago pa makapag-react si Janine ay muli siyang nagpakita ng picture at sa pagkakataong iyon, ang ipinakita niya ay ang mga pictures nila ni Genesis.
"Actually, friendly date lang 'yong sa amin ni Kenndrick dahil may iba na akong minamahal na mas matino at mas mabait kaysa sa ex NATIN," wika niya, at ipinagdiinan niya talaga ang 'natin' dahil break na rin naman sina Janine at Kenndrick.
Pagkatapos ipakita ni Alice ang mga larawan ay itinago niya na ang cellphone niya kaya nakita niyang nakahinga nang maluwag si Janine.
"Akala ko kayo na ulit dahil kung hindi—"
"Kung hindi ay ano? Ipapapatay mo ako katulad sa binalak mo noon? Sus! Bakit ko pa aagawin sa'yo si Kenndrick kung may Genesis na ako. At isa pa, may anak na ako," entrada niya kaya halos malaglag ang panga ni Janine sa nalaman niya.
"What? May anak ka na?" sunod-sunod na tanong nito sa kanya habang nalalaki pa rin ang mga mata.
"Bingi ka ba? Sinabi ko na ngang may anak na ako tapos tatanungin mo pa ulit."
"Tsk, hindi ako bingi, Alice. Gusto ko lang masiguro kung nagsasabi ka ng totoo," inis na sumbat ni Janine at muling inilapag ang sketchpad na hawak niya.
"Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Hindi ko naman pinipilit ang parasite," pang-aasar naman ni Alice kaya inirapan siya ni Janine.
Walang pasabing kinuha ni Alice ang sketchpad at aalis na sana, ngunit hinila siya ni Janine at niyakap pa siya nito.
"I missed you, Aicee." Napakagat siya sa kaniyang labi nang tawagin siya ni Janine nang gan'on dahil iyon ang tawag sa kaniya nito noong mag-bestfriend pa sila.
"Ainee—este, Janine, ano ba'ng kalokohan na naman ito?"
"Sorry, kung pinagtaksilan kita noon. Kusa ko lang namang naramdaman ang pagmamahal kay Kenndrick, eh. Inaamin ko naman ang mga kasalanan ko at pinagsisisihan ko na iyon." Sa pagkakataong iyon ay naramdaman ni Alice ang sinseridad ni Janine.
"Subalit ang ending, hindi ko rin lang nakuha ang taong mahal ko tapos ay nawala't sinaktan ko pa ang bestfriend ko," dugtong pa nito.
Naramdaman ni Alice na may mainit na likidong tumulo sa kaniyang balikat. Alam niyang luha iyon ni Janine. Gusto niya sanang maniwala sa sinseridad nito, subalit natatakot siyang magtiwala ulit. Noong huli kasi siyang nagtiwala, paghihinagpis ang naranasan niya—no'ng nagtiwala siyang pinalaya nan gang tuluyan ni Angeline si Genesis.
"Janine, alam mo namang may trust issue ako sa'yo, 'di ba? Kaya hindi ko alam kung paano kita mapan-niwalaan," sagot ni Alice kaya naramdaman niya ang buntong hininga ni Janine at kumalas sa pagkakayakap.
"Hindi naman kita masisisi, eh. Pero gusto kong maibalik ang dati nating friendship, kaya sana bigyan mo ako ng chance." Pinunasan ni Janine ang mga luha niya, ngunit mas nagulat si Alice nang lumuhod pa ito.
"H-Hala! Ainee, Tumayo ka nga! Oo na, binibigyan na kita ng chance," nakangiti niyang sabi at inalalayan sa pagtayo si Janine. Pinagtitinginan na rin kasi sila ng mga tao.
Nangangamba man ay buo na ang loob niyang bigyan ng chance si Janine. Isa pa, magkaibang tao naman sila ni Angeline.
"A-Ainee na ang tawag mo sa akin?" Tila nagniningning ang mga mata ni Janine dahil sa nangingilid nitong mga luhang tinatamaan ng liwanag ng mga ilaw sa mall. "Feeling ko nasa alapaap ako dahil sa saya!" Pumalakpak pa siya kaya pinagtinginan na naman tuloy sila ng ibang mga tao.
"Para kang bata!" Bahagyang natawa si Alice. "Gusto mo bang sumama sa akin sa bahay para mas makapag-catch up tayo sa isa't isa?"
Tinanggap naman kaagad ni Janine ang alok niya, subalit sinabi nito na may pupuntahan lang siya saglit—hintayin na lang daw siya sa labas ng mall.
Habang naglalakad si Alice patungo sa cashier ay naisip niya na hindi naman siguro masama kung ibabalik niya ulit 'yong tiwala niya sa dati niyang kaibigan. Ramdam niya naman ang sinseridad ni Janine—hindi gaya ni Angeline noon.
Binayaran niya na ang mga pinamili niya sa cashier, at nagpunta na nga siya sa labas ng mall nang may kumalabit sa kaniya.
"ALICE?! Ikaw na ba iyan?"
Napatingin siya roon sa lalaking kumalabit sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya nang mapagtanto niya kung sino iyon. "Kenndrick?!"
Napahakbang siya paatras at tila nanuyo ang kaniyang lalamunan. Mabilis din ang pagtibok ng kaniyang puso dahil sa pagkabigla. Sinunggaban siya ni Kenndrick at niyakap siya nito nang mahigpit.
"Buhay ka na nga! Sobra kitang na-miss!" Halos pumiyok na ang binata dahil sa kagalakan. Yumakap pabalik si Alice, ngunit ilang saglit lang ay kumalas na si Kenndri/ck.
"Anong ginagawa mo rito? Don't tell me namatay ka roon? At saka, bakit naaalala mo ako?" sunod-sunod na tanong niya. Hindi naman nakasagot si Kenndrick. "Sagutin mo ang tanong ko, uy!"
"Tama ka, namatay rin ako sa mundong iyon dahil sa isang aksidente... dinamdam ko kasi 'yong pagkawala mo: ilang linggo akong nagpakalasing. Dahil sa kalasingan, isang gabi habang patawid ako sa kalsada ay nabundol ako ng truck," pagpapaliwanag ni Kenndrick.
Saglit na natahimik si Alice dahil sa tugon ni Kenndrick. Hindi niya lubos na akalaing pati siya ay magdadamdam nang gan'on, to the point na nalugmok siya't naaksidente. Nagi-guilty tuloy siya sa nangyari.
"I-I'm sorry, Kenndrick..."
"No, hindi mo kasalanan. At saka, maganda na rin namang nangyari iyon kasi wala nang point ang buhay ko roon kung wala ka naman na roon." Tinapik pa ni Kenndrick ang balikat niya at nginitian siya na tila sinasabing ayos lang sa kaniya lahat.
"Teka, bakit naaalala mo ako, samantalang si Genesis hindi niya na ako maalala?"
Ikinunot ni Kenndrick ang noo niya at sabay tanong, "Nandito siya? Paano nangyari iyon? 'Di bas a Fictional World naman siya talaga ipinanganak?"
"Oo, nandito na siya, pero hindi ko rin alam kung paano siya napunta rito," sagot ni Alice. Muli niyang naramdaman ang paglandas ng kirot sa kaniyand puso.
Hindi naman nagtagal ay nagpaalam na si Kenndrick dahil may iba pa raw siyang pupuntahan. Eksakto naman noong nakaalis siya ay paparating na si Janine.
"Aicee! Halika na!"
Napatingin si Alice sa hindi kalayuan, at nakita niya ang kaniyang kaibigiang kumakaway. Agad naman niya naman siyang sinalubong at pumara na ng taxi.
"Aicee, kinakabahan ako. Baka kasi awayin ako ni Trisha," wika ni Janine pagkapasok nila sa taxi.
"Ako ang bahala sa iyo!" Kinuha ni Alice ang kamay ni Janine upang kahit papaano ay maibsan ang kaba niya.
"Saan ka ba talaga nagpunta, Aicee?"
Nagdadalawang isip naman si Alice kung sasagutin niya ang tanong. Baka kasi ipagkalat ni Janine ang tungkol sa Fictional World. Isa pa, sigurado namang hindi maniniwala si Janine sa sasabihin niya.
"Curious lang kasi talaga ako, eh."
"Kung sasabihin ko sa'yo maniniwala ka?"
"Oo, maniniwala ako sa sasabihin mo."
"Pero ipangako mong hindi mo ito ipagsasabi kahit kanino," paninigurado pa ni Alice.
"Promise! Hindi ko ipagsasabi kahit kanino," sabi naman ni Janine at itinaas pa ang kanang kamay na parang nanunumpa.
Napabuntong-hininga muna si Alice bago niya ikuwento ang lahat. Ikinuwento niya kung paano sila napadpad nina Trisha roon. Lahat-lahat ng mga nangyari sa Fictional World ay ibinuod niya.
Matapos na magkuwento ni Alice ay ikinunot niya ang kaniyang noo dahil sa reaksyon ni Janine; nanatili kasi siyang nakangiti at tila hindi man lang nasurpresa sa mga nalaman niya.
"Wala ka man lang bang reaksyon?" Niyakap siya ni Janine bago sagutin ang kaniyang tanong.
"Alam ko ang lahat ng iyan, Aicee. I was there too," tugon niya kaya napakalas si Alice mula sa pagkakayakap.
"Ha? Paano nangyari iyon?"
"Sumunod ako kay Kenndrick sa Fictional World noong nakita ko siyang tumalon sa lagusan, pero hindi ako nagpakita sa inyo noong nakarating ako roon. Nakita ko rin kung paano ka ligawan nina Genesis, Kenndrick, at Michael. Sa totoo lang, sobra ang inggit ko sa'yo noong panahon na iyon kasi ang daming nagmamahal sa'yo. I felt guilty na sinaktan kita. Every time na nakikita kitang malungkot noon, unti-unting pinupunit ang puso ko. Na-realize ko na lang na napakasama ko talaga kaya hindi ko kinaya. I-I commi—"
Hindi na pinatapos ni Alice ang pagpapaliwanang ng kaniyang kaibigan. Kumalas siya sa pagkakayakap at marahang hinampas ang balikat ni Janine.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin agad kanina?" Kumurba pa pababa ang mga labi ni Alice, subalit unti-unti rin lang iyong napalitan ng mga ngiti.
"K-Kasi sinusubukan kita kung muli mo ba akong pagkakatiwalaan sa pamamagitan ng pagsabi mo ng sekreto mo tungkol sa Fictional World. At sobra akong nagi-guilty dahil sa kabila ng pagtataksil ko sa'yo, pinagkatiwalaan mo pa rin ako."
Hindi na nakaimik pa si Alice sa sinabi ni Janine dahil hindi niya na alam kung ano ang sasabihin niya. Hindi nga rin niya alam sa kaniyang sarili kung bakit ang bilis niya ulit na ibinigay ang kaniyang tiwala.
Makalipas ng ilang minuto ay nakarating na sila sa tapat ng gate ng bahay ni Alice. Pagkabukas niya roon sa gate ay nakita niya si Trisha sa may pinto na may kausap na lalaki. Si Janine naman ay nagpaiwan muna sa tabi ng kalsada.
Nakatalikod naman ang lalaking tumatawa pa. Kaya naman, agad na lumapit si Alice sa kinaroroonan nila. "Aba! Ang magling kong bestfriend, may kasama palang ibang lalaki. Sino siya?"
"Michael?" bulalas pa niya nang humarap ang binatang nakangiti pa. Napadako naman ang kaniyang tingin sa babaeng basa pa ang kamay at galing sa direksyon kung nasaan ang cr.
"Michaela? Nandito ka rin! Hala, na-miss kita!" Halos maluha-luha pa siyang lumapit kay Michaela at yayakapin sana siya, subalit tinignan lang siya nito gamit ang blangkong ekspresyon.
"Sino ka? Wala akong kilalang Alice," wika ni Michaela kaya binatukan siya ni Alice. "Aray! Grabe ka naman sa akin, Alice!" Nakuha pa nitong magbiro, samantalang halata namang nakikilala niya si Alice.
"Teka, paano kayo napunta rito? Paano mo kami naalala? Paano mo kami natunton dito?" sunud-sunod na tanong ni Alice. Sinuri pa niya ang likod ni Michaela, at hinimas-himas ang pisngi niya, upang siguraduhin na hindi multo ang kaharap niya.
"Nagpaalam kami kay Cif, pero ang kondisyon ay hindi na kami makababalik doon sa Fictional World. Noong nakalabas kami ni Michael sa lagusang ginawa ni Cif ay wala na akong naalala." Dumako naman ang tingin niya kay Michaela. "Maging siya ay hindi ko na naalala, kaya pilit niyang ipinaalala niya ang lahat sa akin. Noong una ay hindi ako naniniwala sa kaniya, pero ipinakita niya sa akin lahat ng mga pictures na magkasama kami. Ilang buwan din bago ko naalala lahat-lahat. Nagpasama naman ako kay Michael para matunton kayo rito dahil alam niya naman ang address ninyo."
Nagyakapan naman silang apat matapos magpaliwanag ni Michael kaya hindi maiwasang maluha ni Alice dahil kumpleto na sila. Sina Genesis at Carl na lang ang kulang. Sa wakas nga ay may tumulo nang luha niya. Matagal kasi siyang hindi nakaluha, bagamat patuloy pa rin siyang nasasaktan.
"Ehem! Baka gusto niyo akong isali."
Napatingin silang apat sa pinto at gayon na lamang ang pagkalukot ng mukha ni Trisha nang makita niya si Janine.
"Ang kapal ng mukha mong magpakita sa amin matapos mong pagtaksilan si Alice!" Dumagundong ang boses ni Trisha at hinablot ang buhok ni Janine na napadaing.
Agad namang umawat si Alice at hinila papalayo si Trisha na gusto talagang bugbugin si Janine.
"Ano ba, Alice? Huwag mong sabihing kakampihan mo siya? Dapat lang siyang masabunutan at masapak!" Kay Alice ibinaling ni Trisha ang kaniyang mataklm na pagkakatingin.
"Siya ba 'yong ex-bestfriend mo noon na taksi,l na ex din nitong si Michael, na boyfriend ko? Siya ba si Janine?" entrada naman ni Michaela at tinaasan ng kilay si Janine.
Napatingin naman si Michael kay Michaela at ngumisi. "So tinatatanggap mo na boyfriend mo na ako?" Batok naman ang natanggap niya mula kay Michaela.
Nang kumalma na silang lahat ay ipinaliwanag na ni Alice sa kanila ang lahat tungkol sa pagpapatawad niya kay Janine. Ikinuwento niya rin sa kanila ang isinalaysay kanina ni Janine sa taxi.
Noong una ay hindi pa rin sila makapaniwala na napunta rin doon si Janine pati narin ang totoo niyang motibo. Sa huli, nagkasundo rin silang lahat.
Ilang araw lang matapos ang kanilang unexpected reunion ay nagkasundo sila kaagad. Parati nga lang nagbabangayan sina Michaela at Janine kaya araw-araw ay maingay ang paligid ni Alice. Dahil doon, kahit papaano ay unti-unti nang naiibsan ang sakit na nararamdaman niya.
Nagkita na rin sina Kenndrick at Janine, pero hanggang ngayon ay hindi pinapansin ni Kenndrick si Janine dahil galit pa rin siya sa ginawa nito. Tingin ni Alice ay naisaayos na ang lahat—lalo na ang pagkakaibigang dati ay nasira at naudlot.
Naisaayos na ang lahat, maliban na lang ang relasyon nila ni Genesis. Kaya naman ay napagdesisyunan niyang tuluyan na lamang ibaon sa limot ang dating nag-aapoy na pag-ibig niya. Ang lahat ng mga alaala niya ay ikukubli niya na lamang sa kaniyang puso, at tuluyan nang ipagpapatuloy ang kaniyang buhay nang wala ang taong mahal niya...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro