CHAPTER 20 - Real World
Napamulat si Alice dahil sa matinding pananakit ng ulo niya. Bumungad sa kaniya ang kulay kahoy na kisame at isang bombilyang hindi nakailaw. Maagiw rin ang kisame. Parang pamilyar sa kaniya ang kwartong iyon!
"A-Alice, mabuti at nagising ka na." Napalingon si Alice sa gilid niya. Naroon pala si Trisha na nakaupo, subalit gayon na lamang ang panlulumo niya nang makitang nasa kwarto niya na siya sa totoong mundo.
"Trisha, nasaan si Genesis? Eh 'yong baby namin?" sunud-sunod na tanong niya at bumangon. Palinga-linga pa siya sa kaniyang paligid.
"Hindi mo ba natatandaan? Nabaril ka sa Fictional World at namatay ka roon kaya naibalik tayo rito," sagot ni Trisha.
Agad siyang napailing dahil ayaw niyang maniwala. Kanina lang ay kasama niya si Genesis at ang baby nila. Tatayo sana siya subalit hinawakan ni Trisha ang kaniyang braso upang pigilan siya.
Marahas niyang binawi ang kaniyang braso at itinulak ang kaibigan. "Huwag mo akong pigilan! Kailangan kong puntahan si Genesis! Pupunta ako sa Make-Believe Park!"
Hindi niya alam kung anong mararamdaman niya sa oras na iyon. Parang hirap niyang tanggapin ang mga nangyari dahil perpekto na sana ang buhay niya. Hindi niya kayang tanggapin na hindi niya na kapiling sila Genesis at Genesis Junior.
Nakaramdam siya ng matinding init, na sinasabayan ng kirot, ang kaniyang likod kung saan siya binaril ni Angeline. Dumako ang kaniyang tingin sa full-body mirror na nakatapat sa kaniya.
Bagamat nababalutan na ng makapal na alikabok ang salamin ay kitang-kita niya ang pagragasa ng kaniyang mga luha. Dahan-dahan niya ring itinapat ang kaniyang likod, subalit wala na siyang nakitang bakas ng dugo o tama ng baril doon. Gayunpaman, suot niya pa rin ang purple dress na suot niya kanina sa Fictional World.
Dahil doon ay nag-sink in na sa utak niya na nasa totoong mundo na siya. Wala na siya sa mundong pinangarap niyang mamuhay nang mahaba kasama ang lalaking kaniyang iniibig. Wala na siya sa mundong nagpamulat sa kaniya ng tunay na pagmamahal.
Naikuyom niya ang kamao niya at muling napahagulgol. Parang kahapon lang ay nasa Fictional World siya—namumuhay kasama si Genesis.
Pabagsak siyang umupo sa tabi ni Trisha. "Bakit kailangan pang ibalik ako rito kung kailan masaya na kami ni Genesis at may anak na kami? Ang lupit ng tadhana sa akin!"
"T-Tanggapin na lang natin ang katotohanan, hm?" pangungumbinsi sa kaniya ni Trisha subalit agad siyang umiling at pinahid ang kaniyang mga luha.
"A-Ah! Siguro nananaginip lang akong naibalik na ako rito! Kailangan ko nang gumising dahil baka nag-aalala na sa akin si Genesis." Tumayo pa ulit siya at ngumiti—tila masisiraan na siya ng bait.
Pilit niyang kinukumbinsi ang kaniyang sarili na pinaglalaruan lang siya ng kaniyang imahinasyon o kaya naman ay nananaginip lang siya. Ayaw niyang imulat ang kaniyang mga mata sa mapait na katotohanan.
Marahas siyang hinala paupo ni Trisha. Napadaing pa nga siya. "Tanggapin mo na lang kasi na wala ka na sa Fictional World! Hindi lang ikaw ang nahihirapan! Ako rin naman, ah! Kalimutan mo na lang na may isang Genesis kang nakilala!"
"Tanggapin? Tatanggapin ko na lang na hindi ko na siya makikita? Kalilimutan ko na lang ang lalaking nangakong sasamahan ako sa pagtanda? Gano'n lang ba kadali sa iyo ang paglimot sa isang taong naging parte ng buhay mo?" sumbat niya. Napayuko na lamang si Trisha at pinahid ang kaniyang luhang pumapatak na rin.
"Hindi mo lang alam ang pakiramdam ko dahil wala ka sa posisyon ko!" bulyaw pa niya, at sa pagkakataong iyon ay napaangat na ng tingin si Trisha. Magkasalubong na rin ang kaniyang mga kilay.
"Tingin mo rin ba hindi ako nasasaktan? Pareho lang tayo ng sitwasyon, Alice! Mahal na mahal ko rin naman si Carl, pero kailangan ko lang talagang tanggapin ang lahat. Mas lalo akong magdurusa kung ikukulong ko ang sarili ko sa nakaraang hindi na maibabalik!"
Hindi na umimik pa si Alice. Lumabas siya ng kuwarto niya, at inaasahan niya na sa paglabas niya ay may sasalubong sa kaniya at agad siyang yayakapin. Nanlumo siya nang walang ibang sumalubong sa kaniya kundi ang malamig na ihip ng hangin at tahimik na paligid. Walang Genesis. Walang iyak ng sanggol.
Naalala niya bigla ang cellphone niya—naroon lahat ng mga picture nila ni Genesis! Kung hindi iyon nabura, iyon na lamang ang natitira niyang alaala. Nagpunta siya sa gallery. Hindi niya napigilan ang pagtulo ng mga luha niya nang makita niya ang mga masasayang larawan nila.
Wala siyang nagawa kundi pagmasdan ang larawan nila. Hanggang sa larawan niya na lang makikita si Genesis at ang kaniyang anak...
ILANG araw na hindi lumabas si Alice sa kaniyang kuwarto. Ayaw niyang harapin ang mundong ginagalawan niya ngayon dahil alam niyang wala sa mundo niya ang taong mahal niya. Mas gusto niya na lamang na lamunin siya ng kadiliman sa loob ng kaniyang kuwarto.
Ni hindi niya nga nilinisan ang maalikabok at maagiw niyang kuwarto. Nanatiling nakalugay ang mga makakapal ng kurtinang tumatakip sa kaniyang bintana. Mabuti nga't matiyaga ang kaniyang kaibigang nagdadala ng kaniyang pagkain.
Bumukas ang pinto ng kaniyang kuwarto. Natanaw niya si Trisha na may dalang isang basong tubig at isang sandwich na nakalagay sa platito. Nag-iwas siya ng tingin nang ilapag ni Trisha ang mga hawak niya sa bedside table na maalikabok din.
"Wala ka ba talagang balak lumabas? O-O kaya maghanap ka ng ibang mapaglilibangan," suhestiyon sa kanya ni Trisha pagkabuhay nito ng ilaw.
Napakunot ang noo ni Alice. "Ang sakit sa mata..."
Bago lumabas si Trisha ay may binitawan siyang makahulugang mga pangungusap. "Huwag mong hayaang bulagin ka ng kadiliman. Minsan, nakasisilaw sa mata ang liwanag, pero imumulat ka nito sa reyalidad."
Tila bato namang tumama kay Alice ang mga iyon. Niyanig din ng mga pangungusap na iyon ang kaniyang pag-iisip. Kaya naman, humugot siya ng malalim na hininga at kinuha ang sandwich para kainin.
Matapos niyang ubusin lahat ng dinala ni Trish sa kaniya ay binuksan niya na ang dalawang magkatabing bintanang hugis parisukat at pinatay ang naka-switch na ilaw. Nakahanap naman siya ng rubber band sa sahig, at ginamit niya iyon na pantali sa kaniyang mahabang buhok.
Napadako ang tingin niya sa suot niyang gray t-shirt. Mas lalong lumuwang iyon sa kaniya dahil bumagsak din ang kaniyang timbang. Maluwag na nga rin sa kaniya ang kaniyang denim short.
Hindi niya na lang pinansin pa ang pangangayayat niya. Tinanggal niya ang kulay cream na makakapal na kurtina at dinala sa laundry area na nasa first floor ng kaniyang bahay—sa bahay ng mga magulang niya; sa bahay kung saan muntik niyang napatay ang kaniyang kakambal; at sa bahay na tinitirahan niya bago sila napadpad sa Fictional World.
Napagpasiyahan niyang linisin ang buong bahay—lalo na ang kuwarto niya. Tinulungan naman siya ni Trisha dahil doon na rin siya tumitira simula noong naibalik sila sa totoong mundo. Hindi na gan'on kaalikabok ang buong bahay dahil unti-unti na iyon nilinisan ni Trisha.
Sa katunayan nga, noong nakabalik sila ay wala nang kuryente at tubig ang buong bahay. Si Trisha rin ang nagtiyagang umasikaso sa lahat para maisaayos ang lahat. Inisip niya na iyon na lang ang kabayaran sa pagtira niya roon.
PAGSAPIT ng hapon ay namalayan niya na lamang ang sarili niyang naglalakad palabas ng bahay. Napatingin din siya sa kalangitan pagkalabas. Hindi na rose quartz ang kulay ng ulap gaya noong nasa Fictional World siya—isang palatandaang nasa totoong mundo na nga siya.
Iginala niya ang kaniyang paningin. Halos wala pa rin namang pinagbago sa lugar na kinatatayuan ng bahay nila. Mas dumami nga lang ang mga nagchi-tsimisan sa tabi ng lansangan—lalo na sa tapat ng sari-sari store na ilang metro ang layo sa bahay niya.
Natanaw naman siya ng kapitbahay nilang si Aling Metring na may hawak na sigarilyo. "Oh, mahigit isang taong kang nawala, ah! Saan ka ba nagpunta?"
Hindi naman kaagad nakaimik si Alice. Sigurado kasi siyang hindi rin lang siya paniniwalaan kung aaminin niyang napunta siya sa Fictional World. "Sumama po kasi ako kay Trisha sa probinsya nila after graduation."
"Ah, akala ko kung napano ka na. Bigla ka naman kasing nawala, tapos ngayon... nangangayayat ka," tugon ni Aling Metring. Si Aling Metring lang kasi ang kapitbahay niyang nakakausap niya paminsan-minsan noon. Palibhasa ay palakaibigan ang matanda.
Nagpatuloy na nga siya sa paglalakad. Mabuti na lamang ay nasa town proper ang place of residence niya, hindi niya na kailangan pang mag-commute para magkagala sa kung saan niya gusto.
Gaya noon, nagtataasang mga commercial buildings, company buildings, at mga establishments ang mga nadadaanan niya. Naroon pa rin 'yong mga milktea shops na pinupuntahanan nila ni Trisha noon, pati na rin 'yong cake shop na pinagbilihan niya ng cake para kay Kenndrick noon.
"Wala pa rin talagang pinagbago... may mga nagkalat pa ring mga basura..." bulong niya.
Mayamaya pa'y naagaw ng pansin niya ang katabi ng cake shop na pinuntahan nila noon. Bahagya siyang napatitig doon at binasa ang malaking karatula sa labas ng establishment na iyon.
"MB Bar..." basa niya roon.
Matagal niya nang nakikita ang bar na iyon, subalit ni minsan ay hindi niya pa nagawang pumasok doon. May tila kung anong kumurot sa puso niya at alam niyang dahil iyon kay Genesis—mali, ang mga alaala niya kay Genesis na dating nagpasaya sa kaniya, subalit ngayon ay hanggang alaala na lamang.
"MB Bar... Make-Believe Bar," bulong pa niya, subalit napailing na lang siya dahil kung ano-ano na naman ang pumapasok sa kaniyang isip na tungkol sa Fictional World.
Lumakad siya papunta roon at itinulak ang glass door saka siya pumasok. Nagbabakasakali siyang makikita niya roon si Genesis kahit alam niya namang imposible iyon. Pagpasok niya ay sumalubong sa kaniya ang iba't ibang amoy ng alak at malakas na tugtog ng mellow song. Kaunti pa lamang ang tao sa loob dahil hapon pa lang naman. Medyo dark ang paligid pero pinaliliwanag iyon ng iba't ibang kulay ng mga pailaw.
Agad siyang nagtungo sa kinaroroonan ng bartender para um-order ng maiinom. Umupo muna siya sa isang stall at napatingin sa lalaking tumabi sa kanya. Halatang may katandaan na ito dahil litaw na ang kaniyang mga puting buhok, subalit bumabagay pa rin sa kaniya ang side-parted nitong short hair.
Naalala niya tuloy si Mr. Henry. Kagayang-kagaya niya kasi ang style ng buhok nito. Wala siyang pasabing hinigit ang kanang kamay nito at sinuri ang kaniyang pulsuhan. Bigla niya na lamang naisip sa kaniya si Mr. Henry dahil medyo may hawig din sila. Isa pa, 'yong pangalan ng bar!
"Sir!" Nanlaki ang mga mata no'ng bartender sa ginawa ni Alice. Itinaas naman n'ong matanda ang kaniyang kabilang kamay at sumenyas na ayos lamang.
Kung paano nagulat ang bartender ay mas nagulat naman si Alice sa nakita niya. Sa baba ng pulsuhan ng matanda ay mayroon ngang maliit na tattoo. May disenyo iyong nakabuklat na libro at sa ibaba n'on ay ang initials na M.B.
"Sir Henry!" bulalas niya at napatingin sa mga mata ng matanda na nanlalaki rin.
"K-Kilala mo ako, hija?" tanong nito at binawi ang kaniyang kamay.
"Kayo nga si Sir Henry? Kayo 'yong tinutukoy ni Miss Eve..." Napahawak si Alice sa kaniyang dibdib tapos ay nanlambot din ang mga tuhod niya.
"Ibig sabihin ba nito ay... ay nakarating ka roon?" tanong pabalik sa kaniya niya ni Sir Henry.
Saglit na walang umimik sa kanilang dalawa. Mayamaya ay hinigit naman ni Sir Henry ang kaniyang kamay. Hindi na siya umangal pa dahil tila naubusan siya ng lakas sa nalaman niya.
Dumaan sila sa isang mahabang pasilyo, at habang papalayo sila ay mas humihina ang tugtog, hanggang sa nakarating sila sa tapat ng isang nakasarang pinto. Binuksan iyon ni Sir Henry at pumasok sila sa loob.
Bumungad kay Alice ang opisina na may kulay kayumangging motif. May dalawang malalaking shelves na puno ng mga libro ang magkabilaang gilid ng opisina. May lamesa naman sa sulok at sa ibabaw n'on ay ang mga nagkalat na mga papel. Naagaw ng atensyon niya ang name plate na nakalapag doon at nakasulat ang pangalan ni Sir Henry.
"Sa inyo po ba itong bar?"
Humarap sa kaniya si Sir Henry. "Sa akin nga, pero sagutin moa ng tanong ko kanina. Nakarating ka rin ba roon?"
Napatango si Alice kahit pa hindi banggitin nang diretso ang Fictional World. Kitang-kita niya ang paglandas ng mga luha ni Sir Henry sa kaniyang magkabilaang pisngi na nagungulubot na.
"Naging close rin po kami ni Miss Eve at naikuwento niya kayo sa akin."
Mas lalong napaluha ang matanda at isinalaysay ang nangyari sa kaniya noon. Isa rin pala siyang taga-totoong mundo na napadpad sa Fictional World. Subalit, hindi rin naging mabait ang tadhan sa kanya. Nagkaroon siya ng colon cancer sa mundong iyon at itinago niya iyon kay Eve dahil sa takot. Kaya naman, namatay siya roon.
Naibalik nga siya sa totoong mundo, at paggising niya ay wala na siyang naramdamang sakit, maliban sa sakit ng kalooban dahil tuluyan nang nawala sa paningin niya ang kaniyang iniibig. Mas lalong nagpasakit sa kaniyang damdamin sa tuwing iniisip niyang nagluluksa sa pagkawala niya nang walang pasabi kay Eve.
Ikinuwento rin ni Alice ang naging karanasan niya sa Fictional World at ang mapait na sinapit niya nang maibalik siya sa totoong mundo.
"Pero... kumusta naman si Eve?" tanong ni Sir Henry. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya lumuluha.
"Sobrang tagal niya na kayong hinihintay... araw-araw ay lagi niya rin kayong iniisip," tugon niya. Isinalaysay niya rin ang tungkol sa pagpapatuloy ng Make-Believe Bar ni Miss Eve, pati ang pagiging parte niya ng banda roon noon.
Muli na namang nagbabadya ang pagtulo ng mga luha ni Sir Henry kaya tumingala siya at tumitig sa kisame.
"Pareho pala tayo ng sinapit, Alice. Mapait ang ending ng love story natin dahil nagmahal tayo ng taong hindi natin kapareho ng mundo. Siguradong hihintayin ka rin ni Genesis gaya kung paano ako hinihintay ni Eve..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro