CHAPTER 16 - Secret Unveils
PAGKATAPOS na tapusin ni Genesis ang kanilang relasyon kanina ay napagpasyahan ni Alice na umalis na lamang sa bahay na iyon. Pagkalabas ni Genesis sa bahay ay hindi na nakaimik si Alice. Ang tanging nagawa niya na lamang ay pakalmahin ang sarili at mag-impake ng gamit.
Kahit pa sampung balde ng luha ang pakawalan niya ay hindi na maaayos ang kanilang relasyon. Mas mabuti na lamang na umalis siya sa bahay na iyon, at magsimula ng panibagong yugto ng buhay sa Fictional World.
"Alice, sigurado ka na ba sa pasya mo?" pangungulit muli sa kaniya ni Trisha.
Pagkatapos ilagay ni Alice sa dalawang maleta ang mga damit at gamit niya ay isinara niya na ito at napaupo sa kama.
"Oo, Trish. Hindi ko yata kaya kung titira pa ako rito." Buntong-hininga ni Alice. Mas lalo siyang nabibigatan dahil iiwan niya muna si Trisha sa bahay na iyon nang walang ibang kasama bukod kay Genesis.
"Alam kong may iba ka pang problema. Bestfriend mo ako at sana huwag ka nang magtago pa ng sekreto sa akin," wika ni Trisha. "Kung kaya kang itakwil ng boyfriend mo, puwes nandito ako na bestfriend mo," dagdag pa niya kaya hindi mapigilan ni Alice ang pagtulo ng kaniyang mga luha.
Lubos na nasasaktan si Alice dahil ang buong akala niya, si Genesis na ang perfect man para sa kaniya. Hindi niya lubos naisip na kaya pala siyang talikuran ni Genesis. Nabuntis siya ni Genesis pero ayaw siyang panagutan.
"T-Trish, hindi ko talaga kayang sabihin sa iyo, bigyan mo sana ako ng oras para sabihin ang lahat sa'yo. Sana, huwag kang magtampo sa akin," pagpapaliwanag ni Alice at pinunasan ang kaniyang namamasang pisngi.
Hindi pa ipinapaalam ni Alice sa kaibigan na nagbunga ang ginawa sa kaniya ni Genesis. Ayaw niyang ipaalam iyon dahil ayaw niyang problemahin siya ng kaniyang kaibigan. Isa pa, wala siyang lakas ng loob na sabihin iyon.
"Naiintindihan kita. At kung 'yan na ang desisyon mo, susuportahan na lang kita." Nginitian pa siya ni Trisha habang tinatapik nito ang kaniyang balikat. "Oo nga pala, hahanap na rin ako ng ibang matitirahan mamaya, para bukas ay may bago na tayong titirahan. Sa ngayon, doon ka muna sa kaibigan tinutukoy mo."
Umukit ang ngiti sa labi ni Alice at tumayo na mula sa kama. "Pasabi nga rin pala kay Carl na hihingi ako ng pabor sa kaniya."
"Sure, ano ba iyon?"
"Kung puwede niya sanang kunin kay Miss Eve yung address or contact number niya." Bahagya siyang napatigil at napakagat sa kaniyang pang-ibabang labi. "Gusto ko kasi siyang makausap dahil magku-quit na ako sa banda."
Hindi naman nakaimik si Trisha sa desisyon niya. Napatango na lang siya at ngumiti. Mapait na ngiti naman ang ipinukol ni Alice bago siya tuluyang lumabas ng kuwarto at umalis sa bahay na iyon.
Nang makapara siya ng taxi ay agad siyang sumakay roon. Tinawagan niya naman ang taong nagbigay sa kaniya ng tulong.
Hindi niya lubos na maisip na ang taong iyon pa ang isang aagapay at tutulong sa kaniya. Siguro ay mali lang ang pagkakakilala niya sa taong iyon. Mali nga na husgahan nang basta-basta ang isang tao dahil hindi naman makikilala ang totoong siya.
"Hello, Alice? Nasaan ka na?" pambungad sa kaniya ng taong iyon.
"Papunta na ako riyan sa condo mo," sagot ni Alice at mayamaya ay ibinaba ang tawag.
Kinuha niya ang panyong asul sa bulsa niya at ipupunas sana sa luha niya, ngunit mas lalo siyang napaiyak. Napatingin siya sa panyo na ibinigay sa kaniya noon ni Genesis, noong mga sandaling umiiyak pa siya dahil kay Kenndrick. Binuksan niya ang bintana ng taxi at walang pag-aalinlangang itinapon ang panyo sa labas.
Mahaba pa ang biyahe kaya naman ay natulog muna siya...
***
"Ate Elize, mabuti at dumating ka na!
"Maka ate ka naman! Panganay lang ako sa iyo ng ilang minuto," tugon naman ng kakambal niyang si Elize. Magkamukhang-magkamukha talaga sila—lahat ng physical appearance nila.
Bukod pa riyan ay lagi silang magkasama. Mas masahol pa sila sa matalik na magkaibigan. Lahat ng sekreto ng isa't isa ay alam nila. Simula noong namatay ang kanilang mga magulang dahil sa aksidente, sila na lamang palagi ang magka-agapay.
Pero isang araw, nakita na lamang niya si Elize na may kasamang ibang lalaki. Kaya naman pala wala nang oras sa kaniyang ang kaniyang kakambal. Kaya naman pala sa tuwing niyayaya niya itong lumabas ay palaging busy.
"Ate, may kailangan ba akong malaman? Bakit lagi ka na lang busy at walang time sa akin? Alam mo namang ikaw nalang ang mayroon sa akin simula noong mawalan tayo ng mga magulang, 'di ba?" bulyaw ni Alice. Tuluyan na nga siyang naging possessive sa kakambal niya.
"Alice, sadyang busy lang ako. At saka, may iba rin akong priorities at hindi lang ikaw," tugon ni Elize kaya mas gumuhit ang kirot sa dibdib ni Alice.
"Ate, ang point ko lang naman, sana kung may boyfriend ka dapat sabihin mo sa akin. 'Di ba walang taguan ng sekreto? Isang oras akong naghintay sa mall dahil sabi mo magkikita tayo pero hindi ka sumipot. Nakita ko na lang na kasama mo 'yong boyfriend mo!"
"Alice, sorry kung itinago kong may boyfriend na ako. Please huwag ka nang magalit," panunuyo ni Elize kay Alice kaya pilit siyang napangiti.
Lingid naman sa kaalaman ni Elize na hindi pa pala tanggap ni Alice na may kahati na siya sa atensyon niya. Gustung-gusto ni Alice na maghiwalay na silang dalawa dahil gusto niya na sa kaniya lamang ang atensyon ni Elize.
Gumawa siya ng paraan para maghiwalay silang dalawa. Nagsumbong siya kay Elize ng mga walang katotohanang salita. Gumawa siya ng kwento na hindi naman totoo.
"Niloloko ka lang ng lalaking iyon! Nakita kong may kahalikan siyang ibang babae sa park!" pagsisinungaling ni Alice .
"Mahal niya ako at hindi ako naniniwala sa'yo, Alice."
"Hindi ka naniniwala? Eh, ano ito?" tanong ni Alice sabay abot ng picture kay Elize. Picture ngboyfriend niya na may kahalikang ibang babae.
Nagulat siya ng punitin ni Elize ang picture. Gumana ang plano. Ang totoo, in-edit lang iyon ni Alice at ginawang makatotohanan ang larawan.
Tuwang-tuwa siya dahil nag-break sila ng boyfriend niya. Sa wakas ay masosolo niya na ang kakambal niya. Sa kaniya na muli ang atensyon.
Pero gayon nalamang ang panlulumo niya nang malaman niya na meron ulit bagong boyfriend si Elize. This time, naglilive-in na sila. Isang beses na lamang sa isang linggong bumibisita sa kaniya si Elize.
Gumawa muli siya ng paraan. Kung dati edited pictures lang, ngayon naman ay edited videos na ang ginagawa niya. Abala si Alice sa pag-edit ng video ng ka-live in partner ng kakambal niya kaya hindi niya alam na nasa likuran niya na pala si Elize.
"ALICE?"
Kitang-kita niya ang namumulang mukha ni Elize. Magkasalubong ang kaniyang mga kilay at nakakuyom ang kaniyang mga palad. Lumapit sa kaniya ang kaniyang kakambal, at malakas na sampal ang sumalubong sa kaniya.
"Alice, pinagkatiwalaan kita! Mahal na mahal ko siya tapos ikaw pala ang dahilan kung bakit naghiwalay kami! Bakit mo ito ginagawa sa akin?" sigaw ni Elize at muling sinampal si Alice.
"Ate, gusto ko lang naman ng atensyon! Alam mo naman na ikaw na lang ang mayroon sa akin! Tapos uunahin mo pa siya?"
"Napaka-selfish mo, Alice! Balang araw magkakagusto ka rin naman sa isang lalaki at doon mo mare-realize ang lahat-lahat! Saka mo lang ako maiintindihan!" Hindi na nakapagpigil pa ang kaniyang kakambal. Sinunggaban siya nito at sinakal.
Hindi na siya makahinga. Pilit niyang tinatanggal ang kamay ni Elize pero hindi niya kaya. Buong lakas niya siyang itinulak kaya natanggal ang pagkakasakal sa kaniya.
Akala niya ay maiibsan na ang bigat sa kaniyang dibdib, subalit mas nadagdagan iyon dahil sa aksidente niyang nagawa.
"ATE ELIZE!" Nanlaki ang mga mata niya nang maitulak niya sa hagdan si Elize at nalaglag sa ibaba.
Dali-dali niyang nilapitan si Elize sa ibaba at napaiyak na lamang siya nang makita niya si Elize na naliligo sa sarili niyang dugo.
"Sorry! 'Di ko sinasadya!" Tuluyan nang napahagulgol si Alice at nilabanan ang panghihina ng kaniyang tuhod.
"Hinding-hindi kita mapapatawad! Gagantihan ka ng karma at tadhana... t-tandaan mo yan," iyan ang huling katagang sinambit ni Elize bago siya binawian ng buhay.
"NO! Sorry, hindi ko sinasadyang maitulak ka. Please, wake up! Ate Elize, please!" sigaw niya at pilit na ginigising si Elize ngunit bigo siya. Parang nawala siya sa sarili niya sa oras na iyon kaya agad siyang tumakbo paalis.
Umuwi siya ng bahay kinabukasan na gulung-gulo, ngunit laking gulat niya ng walang bakas ng dugo sa bahay nila. Wala rin ang bangkay ni Elize. Lumipas ang maraming taon at naka-move on na siya nang tuluyan. Noong mga taong iyon ay nasa ikalawang taon na rin sa kolehiyo si Alice.
***
Napamulat si Alice. Napaluha siya nang muli niyang mapanaginipan ang nakaraan. Marahil ito na nga ang ganti sa kaniya ng tadhana. Ngayon ay naiintindihan niya na ang kaniyang Ate Elize, subalit huli na ang lahat.
Pagkarating ni Alice sa condo unit ni Michaela ay agad siyang sinalubong ng kaibigan at niyakap.
"Anong nangyayari sa iyo at nangayayat ka nang sobra?" tanong ni Michaela.
Hindi niya napigilang mapayakap sa kaibigan at humagulgol. Mayamaya ay nakadama siya nang labis na paghilab ng tiyan.
"A-Aray! Ang sakit!" impit na sigaw niya at napaupo. Naramdaman niya rin ang mainit na likidong dumadaloy pababa sa kaniyang mga hita. Bago pa man siya makapagsalita ay nawalan na siya ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro