9 » sa bahay na bato
Ang haba na ng nilakad namin ni Frankie.
Ang kanina na diretso lang ang kalsada, ngayon ay pakurba-kurba na. Minsan kumurba sa gilid ng burol, sa itaas ng burol, kulang na lang ay sa ilalim ng burol.
Bukod sa mga kinopyang kalamansi na nagkalat sa paligid, may paminsan-minsan ding mee-he-he-hee ng mga kambing na nanginginain sa damuhan. Buti nga at mukhang hindi naman sila kinopya. Bako-bako ang sungay no'ng isa na ang sama nang tingin sa 'kin. Pero mas marami ang batang kambing at masyadong aligaga. Naghahabulan minsan sa kalsada.
At higit sa lahat, namumula at tostado-tostado na ang braso ko. Konting-konti na lang e magkakulay na kami nitong kasama ko.
Walang patawad ang sikat ng araw e. 'Yong ininom ko kaninang tubig ay mukhang naging pawis na. At itong pawis ay gusto ko nang ipahid sa nanghahapdi kong braso. Hindi sapat ang pananatili ni Frankie sa kanan kung saan nasisilungan ako ng anino niya.
Ilang libong burol pa ba kasi ang dadaanan namin bago makarating kina Barbara? Ang layo naman yata?
"Frankie, malapit na ba tayo?" Hindi ko mapigilang magtanong matapos umupo sa tabi ng daan. Bukod sa masakit na ang mga buol ko sa paa, tuyong-tuyo na talaga ang lalamunan ko. Makahingi man lang ng tubig kina Barbara.
"Malapit na." Pinatayo niya sa kalsada ang kanina niya pang sukbit na batuta. Pinanatili niya rin na nasa lilim ako ng anino niya.
"Sigurado ka ba? Kanina pa tayo naglalakad e."
"Pahinga ka muna." Hindi siya gumalaw habang inaalipusta kami ng maalinsangan na hangin.
Hindi na rin ako nagreklamo, ayos na 'to. May guwardiya na nga, may libreng payong pa.
Kung tutuusin nga, hindi pa ako nakapunta sa lugar na 'to. Ang alam ko lang ay 'yong sa bahay namin, kina Jack, at kina Aling Maria. Napapaisip tuloy ako kung bakit ni minsan ay hindi pa ako nakapunta sa bayan o sa palengke man lang. Sabi ni Kuya na malapit lang daw 'yon. Pati si Tatay na do'n nagtatrabaho. Maganda raw do'n, maraming pasyalan. Napapaisip tuloy ako, bakit nga ba?
Minsan nga ay yayayain ko sina Frankie, at Barbara na mamasyal. Siguradong nakapunta na sila dahil do'n nila sinundo si Lydia. Masaya sigurong mamasyal sa bayan kasama sila.
"Tara na!" Magiliw akong tumayo, natuwa sa naisip kong plano. Tumango lang si Frankie at binalagbag ulit ang batuta sa likod ng balikat niya.
"Dito tayo," sabi niya habang tumatawid sa kabila. Pumalakpak ang tenga ko dahil mukhang malapit na nga. Makikita ko na kung saan nakatira si Barbara. Maipakita niya na rin sa 'kin ang pinagmamalaki nitong koleksyon ng magagandang bato. Medyo kaduda-duda, ano pa ba kasi ang igaganda sa isang bato?
"Dito."
Lumakad ulit si Frankie sa nakadikit na kalsada na nakalatag pababa ng burol. Espaltado pa rin, pero mas maliit na─pang-isang tao lang.
Nakakatuwa lang tingnan mula sa taas, ang dami kasi nitong sanga-sanga. 'Yong tipong nakakaligaw kung bago ka sa lugar. Habang papalapit ay napansin ko rin na ang daming poste. Bawat kanto ay may poste na may nakapaskil na pangalan ng kalye. Kalye Likod, Kalye Kanan, Kalye Diretso. Anong klasing pangalan 'yan? Mayro'n pang Kalye Baba, Kalye Paakyat, seryoso ba 'to?
Pero sa dinami-dami ng kalye at pasikot-sikot na daan, lahat ay papunta sa dulo na may kumpol-kumpol na bahay. Mukhang masaya dahil dikit-dikit ang mga 'to. Nalunok ko ang kakarampot at natira kong laway. Konting kembot na lang at maipahinga ko na rin.
Ilang minuto nga ay narating din namin 'yong lugar na may maraming bahay. Ngayon ko lang nakita nang malapitan na ang mga bahay pala ay gawa sa pinagpatong-patong na tipak ng bato. Mukhang matibay naman dahil sa semento na nakaselyo sa gitna ng mga awang. Pero wala talagang matinong disenyo, basta lang kwadrado.
May isang parihaba lang para sa pinto, at dalawang parisukat para sa bintana. Tapos tabi-tabingi pa. Ang init at ang dilim siguro n'yan sa loob.
Marami na rin ang dinaanan naming bahay, lahat ay isang palapag lang. Binawi lang talaga sa hala-halaman na naging dekorasyon sa paligid ng bawat bahay. Halos kadalasan ay halaman na may maliliit na bulaklak o kaya 'yong halaman na naghalo ang pula at dilaw sa dahon nito.
Nakapagtataka rin na walang katao-tao sa paligid. Mukhang hindi naman abandonado sa linis at ayos nito. May kakaiba rin itong init, parang isang kaibigan na malugod na nangingimbita sa kanyang tahanan.
Hindi nagtagal ay huminto si Frankie sa isang bahay na may dalawang palapag. Mukhang ito lang ang kakaiba sa lahat. Bukod sa ito lang ang mataas, ito lang din ang may bakod. Ito lang din ang kulay puti ang pintura sa kahoy na pinto at bintana.
Nagulat ako nang nilapag ni Frankie ang batuta. Yumuko din siya nang tuwid at hindi na gumalaw.
"Frankie, hoy! Ayos ka lang?" Inalog ko siya sa balikat, pero hindi pa rin siya gumalaw. Naloko na.
"Hoy, Frankie!"
"Ikaw ba si Issa?" May babae na nagsalita sa kung saan. Umikot na 'ko sa kinatatayuan ko, pero wala namang ibang tao.
"Ang gandang bata."
Bumaling tuloy ako kay Frankie. Naalala ko 'yong panaginip ko na babae ang boses niya do'n. Baka hindi niya lang sinasabi na may kakayahan siyang magpaiba-iba ng boses.
Bigla na lang ding tumawa ang boses nang napakatinis. "Pasensiya ka na, hija. Nakalimutan ko na bago ka pala sa lugar namin."
Biglang tingin ko sa harapan, doon kasi nagmula ang boses.
Walang ano-ano'y may unti-unting lumilitaw sa harap ko. Nauna ang magaspang at mabutlig-butlig nitong nguso. Gumapang sa pisngi hanggang nakita na ang pares ng mata na hindi ko maintindihan kung dahil ba malaki o lumuluwa na talaga.
Unti-unti ring lumilitaw ang mahahaba at matutulis nitong kuko. Ayaw nang gumalaw ang katawan ko sa matangkad na hunyango na nakadungaw at nakangisi sa harap ko.
"Ikaw pala ang kinukwento ng anak ko," sabi niya. Hanggang tenga ang ngiti niya. Naghalo rin sa katawan niya ang kulay ng bahaghari.
Hindi ko alam kung makipagkamay ako o yuyuko sa harap niya na katulad ng ginagawa ni Frankie. Sumasakit ang ulo ko dahil hindi ko maiwasang sumunod sa mata niya na lumilipad kung saan.
Mayamaya pa'y may lumitaw din na isa pang hunyango sa likod. May kalakihan ang mga bisig nito. Mas matangkad din, at mas matanda ang hitsura. May dala itong tasa na nangangamoy kape. Sabay ngisi rin hanggang tenga.
"Mahal, ito pala si Issa. Ang laging kinukwento ni Barbara," sabi no'ng makulay na hunyango.
Sa taranta ko ay nagtago ako sa likod ni Frankie. Hinila-hila ko ang kamiseta niya, umaasa na mapagalaw ko man lang siya.
"Tuloy kayo. Frankie, halikayo," sabi no'ng maskuladong hunyango.
Tsaka na lang tumayo si Frankie nang matuwid. Dinampot ang batuta, at pati kamay ko ay dinampot niya din.
Nangungumbinsi na naman ang tingin nito nang hindi ako gumalaw sa paghila niya. Naghilaan pa kami. Pero, nagpatangay na rin ako dahil ayoko rin na maiwan sa labas. Nagsilitawan kasi ang mga kapitbahay na hunyango.
Sige na nga!
Pero─
Hindi ba ako kakainin ng mga 'to?
********************
hunyango - chameleon
This is how chameleon's gaze flies, it's fascinating :D
https://youtu.be/ioblgpA5eTo
Ito ba ang nakikita n'yong bahay sa paligid?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro