Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

8 » ang nakalimutang malong

Payapa ang mundo.

Nagliwaliw ang mata ko sa mga burol. Parang mga berdeng alon sa malawak na kapaligiran hanggang sa abot ng aking natatanaw.

Mainit ang ihip ng hangin.

Lalo kasing nag-iinit ang katawan ko dahil wala man lang punong-kahoy o kahit ulap man lang na pwedeng masilungan. Nagpaligsahan ang mga butil ng pawis na pumatak at sumisingaw lang naman pagbagsak sa espaltadong kalsada na nakalatag sa ibabaw ng burol.

Lumipad ang tingin ko sa harapan nang may naramdaman akong pagpisil sa isa kong kamay.

Natagpuan ko na lang 'to na halos sinakop na ng kamay ni Frankie. Hila-hila niya pa rin pala ako.

Hindi ko maiwasang mapangiti. Ang totoo na para akong kinagat ng boltahe ng kuryente. 'Yong boltahe na parang pinaplaster ang ngiti sa labi. Pinisil niya ulit, lalong tumaas ang boltahe.

Pero teka, kanina pa 'to si Frankie ah. Nananadya na 'to e. Hindi porke't gusto ko e pwede na niyang hawakan at pisilin ang kamay ko.

Hinablot ko ang kamay na siyang paglingon niya naman. Ang inosente ng mata nito na tiningnan ako nang patanong.

"P-pasensiya ka na," mabilis niyang sabi nang nakita niya na tinago ko sa likod ang dalawa kong kamay.

Napangiti tuloy ako nang lihim sa pagkataranta niya. Dinaan sa kamot ng batok at paghahanap ng kung ano sa paligid. Hindi katulad kahapon na pwede siyang lumakad nang malayo. Alangan namang iwanan niya ako rito.

"E...sa'n na tayo ngayon?" tanong ko sa hindi pa rin mapakaling si Frankie. Ulo na ngayon ang kinakamot niya at parang naghahanap ng naliligaw na ibon sa kalangitan.

"Uh, punta tayo kina Barbara," sabi niya. Mukhang nakahinga rin siya nang maluwag dahil mahinahon at tuwid na ulit ang tindig niya.

"May...may kukunin lang ako sa bahay," dagdag niya.

"Pupunta tayo sa bahay n'yo?"

"Malapit lang," tipid niyang sagot.

"Malapit lang 'yan ha."

Tumango siya kasabay ang pinong ngiti. Binagalan ko na naman ang paglakad, letse kasi 'tong labi ko na ayaw tumigil sa pagngiti. Kaso katulad kanina na binagalan niya rin. Nakakainis ha. Pinilit ko na lang sumimangot para hindi halata.

Hindi katulad kanina na puro lang damo ang nakikita sa burol, ngayon ay may kalat-kalat na na ng puno ng kalamansi.

Nahuhuli ko si Frankie na napapangiti sa tuwing kumukunot ang noo ko. Pa'no ba naman kasi 'tong parang iisa lang ang hitsura ng mga kalamansi. Kung ano ang posisyon ng dilaw na dahon, nakalaylay na prutas, pati ang nabaling sanga sa taas ay parehong-pareho sa iba. Parang kinopya lang ang lahat ng mga 'to at basta na lang tinusok sa lupa.

"Namaligno ba tayo?"

Tumawa si Frankie. Ngayon ko lang siya narinig na tumawa. Pati ako napangiti. Nakakainis talaga ang boses niya, bakit kasi anlamig?

"Dito tayo," ang layo ng sagot niya. Bahagya siyang tumingin at patakbong bumaba sa matarik na burol. Ako itong naiwan at tinatanong ang sarili kung paano bumaba na hindi kasama ang magpagulong-gulong.

Nakaupo akong nagpadausdos sa damo. Ito lang talaga ang paraan para hindi gumulong. Mabuti na lang dahil tuyo at makapal ang mga ligaw na halaman, dyahe naman kung mukha akong may tae nito sa pwet.

Konti na lang at naging patag na rin ang dinadaus-usan ko. Mabilis akong tumayo, pinagpagan ang bestida bago tinungo ang kinatatayuan ni Frankie.

Habang papalapit ay umawang ang bibig ko sa dambulahang kuhol na nasa likod niya. Tumaas nang tumaas ang pagkatingala ko hanggang sa nasagad ko na ang leeg. Kung tutuusin kasi na mas matangkad pa 'to kaysa sa bahay namin sa bangin.

Mukhang matagal na rin itong kuhol sa lupa dahil nabaon na ang ibabang bahagi nito. Kahit kinapitan na ng lumot ang labas at may mga ligaw na bulaklak nang tumubo sa mga singit-singit ay nakakamangha itong tingnan.

"Dito ka nakatira?" tanong ko. Dumikit na ang mata ko sa nakalaylay na mga dahon at maliliit na puting bulaklak na animo'y naging dekorasyon sa taas ng bukana.

Hindi sumagot si Frankie. Bumaba ang tingin ko sa nakalahad niyang palad.

Tinaasan ko ng kilay ang kamay niya, pati ang nangungumbinsi niyang mata. Pero hindi talaga natinag, nanatili ito sa harap ko. Parang tuwang-tuwa pa siya sa naka-usli kong nguso.

"Ingat, madulas dito," sabi ni Frankie matapos ko na lang tanggapin ang magaspang nitong palad.

At totoo ngang madulas. Isang paa pa lang ang naiapak ko ay muntik na akong matumba. Kusang pumagitna ang mga daliri ko sa mga daliri niya. Kung gaano ko nahigpitan ang pagkahawak ay gano'n din ang ganti niya.

"Ingat." Inalok niya na rin ang braso. Kahit nagrambol na ang mga paruparo sa tiyan ko ay kusang kumapit ang isa kong kamay dito.

Pareho kaming walang imik habang paisa-isang humahakbang. Pa'no ba naman kasi 'to na sobrang kinis at kintab ng sahig. Parang binuhusan ng langis e. Maya't maya akong nawawalan ng balanse.

Pero pasalamat pa rin ako na wala akong makitang kanto. Pabilog ang manipis at nagsalitang kulay ng tsokolate at dilaw ang looban. Wala talagang ibang makapitan maliban dito sa may-ari na parang wala lang sa kanya.

Kaya naman panay sa baba lang ang tingin ko. Ayokong makita niya ang hitsura ko. Gusto ko nang isuka 'tong ang mga paruparo sa tiyan sa tuwing gumegewang ang paa ko at nahihigpitan niya ang pagkahawak sa kamay ko. Ang sarap lang mangisay sa tabi.

Hindi nagtagal ay mukhang narating na namin ang dulo ng kuhol. Nagpang-abot na kasi ang magkabilaang dingding nito. Kahit papano ay hindi gano'n kadilim, sapat lang ang tumagos na liwanag sa manipis na kabibe.

"Mag-isa ka lang dito?" Hindi ko napigilang magtanong nang namataan ko ang nakatuping malong na nakapatong sa pitpit nang unan. Katabi rin nito ay mga nakatuping kamiseta na madalas kong nakikitang suot niya. Lahat ay nakalapag sa sahig.

Hindi sumagot si Frankie, tumigil lang kami sa isang tabi.

"Upo ka."

Wala nang tanong-tanong akong naupo. Nalungkot ang kamay ko nang bitiwan niya ito at pumunta sa isang tabi. Tumigil siya sa harap ng isang malapad at makinis na bato. Mukhang ito ang nagsisilbi niyang lamesa dahil sa nakapatong na pitsel at isang mahabang tasa na gawa sa kahoy.

Pinagmasdan ko siya habang dinampot ang pitsel na nasobrahan yata sa palamuti. Kumikinang ang kulay pula at berdeng bato na nakadikit rito habang nagsasalin si Frankie ng tubig sa tasa. Nilapag niya rin ito at dinala ang tasa sa kinaroroonan ko.

"Pasensiya ka na, tubig lang mayro'n ako." Nagkamot na naman siya ng ulo bago naupo rin sa sahig.

"Ayos lang, ikaw naman. 'Di ba nga, malayo 'yong nilakad natin?" Bakit ako 'yong nahiya? Inagaw ko sa kanya ang tasa at nilagok lahat ng laman nito. Binalik ko rin 'to agad sa kanya.

"Gusto mo pa?" tanong ni Frankie na parang nagdududa yata kung tama ang naitanong niya.

"Naku, h'wag na. Ayos na 'ko." Nagsisisi ako kung bakit naipilantik ko ang kamay ko sa harap niya. Napaatras tuloy siya at namilog pa ang mata.

"Ano ka ba, ayos lang talaga ako." Nginitian ko ang kaharap na siyang pagkalma naman ng balikat niya.

"Sige, ayos ka lang dito? Sandali lang ako sa labas." Unang beses ko yata siyang narinig na mahaba ang sinabi.

"Ayos lang talaga, sige na." Gusto ko nang pukpukin 'tong kamay ko dahil pumilantik na naman. Problema nito e.

"Sige, madali lang ako." Mabilis na tumayo si Frankie at ang hahaba ng hakbang palabas. Hanggang sa hindi ko na naririnig ang yabag ng mga paa niya.

Tsaka ko lang naramdaman ang pagod. Tinumba ko ang katawan sa mala-porselanang sahig. Ang sarap at nakakaalis ng ngalay ang dulot na lamig nito. Siguradong napakalamig nito sa gabi, dagdagan pa na wala man lang harang ang bukana.

Lumipad tuloy ang mata ko sa nakatuping malong. Abot-kamay lang naman kaya't kinuha ko 'to. Napangiti ako, pamilyar ang matingkad na dilaw at pula sa bulaklak na disenyo nito.

←--→

Pak!

"Barbara, ano ba?" Sinamaan ko nang tingin ang katabi sa malakas na paghampas niya sa maliit na balikat ni Frankie. Napahaplos na lang tuloy sa masakit na parte ang isa na nakaupo sa mahabang upuan na gawa sa kawayan. Bigla na lang kasi itong natumba sa sapa habang nagbubunot kami ng uban.

"'Yan kasi! Dalawang araw ka naming hinintay. Sinabihan ka na ni Mamang na do'n ka na sa bahay kumain. 'Yan, 'yan napala mo!" Dinuro-duro niya pa si Frankie, minsan talaga may pagkamaldita rin 'to.

"Alay higupin mo ito, utoy," sabi ni Aling Maria na kakagaling lang sa kusina. Inabot niya kay Frankie ang isang mangkok na may mainit na sabaw.

"Magpagutom ka pa ha, sa susunod ililibing na kita!" sabi na naman ni Barbara.

"H'wag ka na nga, Barbara. Hinimatay na nga e pinagagalitan mo pa."

"Alay h'wag kayong mag-away e."

Nilagay ni Frankie ang mangkok sa tabi nang maubos na niya ang laman.

"Aba e hubarin mo 'yang baro mo, utoy. Pagkabasa-basa e, ikaw baga'y sisipunin. Hane't hanapin kita ng pamalit."

Pumasok si Aling Maria sa kwarto at naiwan kaming tatlo. Parang nagdadalawang-isip pa si Frankie kahit halata naman na nilalamig na siya.

"Nahiya ka kay Issa?"

Sinamaan ko na naman nang tingin si Barbara. Ano kaya ang problema nito't galit na galit? Nainis na rin siguro si Frankie at hinubad ang pantaas niya nang walang sabi-sabi.

"Tingnan mo 'yan? Hindi ka natatakot na mapagkamalan ka ng aso na pagkain? Sa hitsura mong 'yan?" Dinuro na naman niya si Frankie nang tumambad sa harap namin ang buto't balat nitong katawan.

"Sumusobra ka na Barbara! Kuya ko ba ang tinutukoy mo?"

"Bakit sinabi ko bang kuya mo? Sabi ko lang aso."

Pinigil ko ang sarili na sabunutan itong kaharap ko. Namataan ko kasing napahawak si Frankie sa ulo niya, baka himatayin na naman. Nakakatakot kaninang mas maputi pa sa balat ko ang mukha at labi niya.

"Frankie, ito na lang muna ang isuot mo. Pero isoli mo bukas ha, bigay kasi 'to ni Tatay." Inabot ko sa kanya ang malong na iniwan ko sa sala bago kami nagsimulang mag-uban. Ang tagal kasi ni Aling Maria, napapayakap na si Frankie sa sarili.

Kinuha ito ni Frankie at nanghihina pa rin na binalot niya ang sarili nito.

"H'wag mong kalimutan ha, bigay kasi 'yan ni Tatay."

←--→

Limang taon din ang lumipas. Hindi ko na siya tinanong no'n kinabukasan dahil iniisip ko na baka ginagamit niya pa. Naawa kasi ako sa kanya, talagang patpatin siya noon.

"Issa?"

Napaigting ako nang wala sa oras. Mabilis akong umupo at sa taranta ko ay sinubukan kong itago ang malong. Pero hindi ko na nagawa dahil nabuklat ko 'to kanina.

"Pasensiya ka na, hindi ko na nasoli," sabi ni Frankie na nakatingin sa hawak ko.

"Naku, wala 'yon. Sa 'yo na lang 'to."

Ngumiti ako sa kanya, mabuti na lang at hindi ko rin pinaalala sa kanya. Mukhang ito lang talaga ang ginagamit niyang kumot.

"Ayos ka lang?" Ang hahaba ng hakbang niya palapit sa kinaroroonan ko. Umupo rin siya at parang inusisa ang buo kong pagkatao.

"Ayos lang ako, tara na ba?"

Parang nagdududa pa. Naaliw ako sa pagkunot ng noo niya. Maraming beses na wala talagang kalatoy-latoy ang hitsura niya. Pero ang mga minsan na nagkakaro'n ng buhay ang mukha niya, batid agad kung ano ang gusto niyang iparating.

"Ayos lang talaga ako, tara na."

Nahiya naman ako na maingat niyang tinupi ulit ang malong at maingat ding pinatong sa unan. Ano ba 'yan, parang babasaging gamit.

Tsaka niya nilahad ulit ang kamay, tinanggap ko 'to at hinila niya ako patayo.

Hanggang sa bukana ay panay lundag ng dibdib ko. Sa sahig na naman ang tingin ko dahil hindi ko na naman mapigilan 'tong labi kong ngumiti. Parang tanga talaga e.

Sinuot ko na ang tsinelas nang makalabas na kami ng bahay niya. Si Frankie ay nagtungo sa gilid at bumalik na may bitbit na napakahabang batuta.

"Para sa'n 'yan?" Kumunot ang noo ko, nasobrahan naman yata ng haba. Lagpas balikat niya ang animo'y gawa sa itim na marmol nang tinayo niya ito. Ang kamay niya ay tamang-tama lang sa hawakan na walang'ya't mas malaki pa sa braso ko.

"Kailangan ko lang dalhin," sagot ni Frankie habang kumikinang pa ang hawak niya nang tamaan ng sinag ng araw.

Natuod ako. Pupunta kami kina Barbara na mayro'n siyang dalang ganyan? Kung tutuusin kasi, armas na ang hitsura nito.

"Tara," sabi ni Frankie.

"T-tara,"sagot ko na sinabayan ng pilit na ngiti. Ano bang mayro'n at kailangan niya pa'yang dalhin?


********************

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro