Ang kaninang itim na ulap ay nagkawatak-watak sa malakas na pag-ihip ng hangin. Bumugad ang bughaw na langit. Lumiwanag ang paligid. Humuhuning muli ang mga ibon at mga kulisap.
Pero─
Hindi ko kayang maglakad sa tabi ni Frankie. Nakakailang kumilos, nakakailang tumingin. Nakakailang ang katahimikan sa gitna namin. Sana nauna na lang siya e.
Bahagya akong sumulyap, gusto ko lang namang malaman kung sa'n siya nakatingin. Pero napatingin din pala siya. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagtama ang aming mga mata.
Nag-iwasan kami ng tingin. Nakakailang ang dumaang sumisitsit na hangin.
"Tara na," basag ni Frankie sa katahimikan.
"E...sa'n pala si Barbara?" tanong ko sa kanya. Pilit kong binabalik ang dati kung saan wala akong hiya sa harap niya.
"Nauna na," maiksi niyang sagot, hindi man lang tumingin sa 'kin.
Katahimikan na naman.
Binagalan ko ang lakad, ayoko lang sa tabi niya. Nagsisitayuan kasi ang balahibo ko sa braso pag napapadikit siya. Nakakainis!
Kaso binagalan din niya. Ano ba? Umusog ka nga nang konti. Do'n oh, ganyan.
Nakayuko ako at hinahanap sa mabatong lupa kung ano pa ang sasabihin. Pa'no ba? Itatanong ko ba kung maayos ang gising niya? Kung ano ang agahan niya?
"Mainit 'no?" sabi ni Frankie. Nagulat ako. Nahulog kaya 'to sa higaan? Ngayon ko pa lang siya narinig na unang nagsimula ng usapan.
"Oo nga e, m-mataas na kasi ang araw." Nagulat din ako sa sagot ko. Ang bait lang, hindi ako 'to e.
Palihim akong sumulyap. Bakit, bawal? Kaso letse, nahuli ako. Nakatingin din pala sa'kin. Ang inaasahan kong iiwas siya ulit, pero hindi. May biglang naghahabulang paruparo sa tiyan ko sa pag-ngiti niya.
At biglang lumakas ang ihip ng hangin. Tila nilalaro nito ang kulay-lupang buhok ni Frankie.
May musika. Mabagal at nanunuyong musika na sinasabayan ng pagkutitap ng mga alitaptap na naligaw sa kasikatan ng araw.
Natagpuan ko na lang ang sarili na nakatingala sa mapusyaw na kayumanggi sa mata ni Frankie. Kasabay ang malago at mahabang pilikmata, ito ang ngumiti para sa kanya. Tumagos sa balat ang tingin niya, para akong tinutunaw.
"Errmm─"
Bigla akong natauhan sa pagtikhim niya. Ang mga mata niya ay naging patanong. Kumunot ang noo ko.
Tumikhim ulit si Frankie, at isa pa ulit.
Lalo pang nalukot ang noo ko. Hinahanap sa kasulok-sulukan ng mukha niya ang sagot. Kakahanap ko nga e naligaw sa manipis at mapula niyang labi ang mata ko. Lumukso ang dibdib ko nang gumalaw ito dahil sa pagtikhim niya na naman. Hindi ko talaga maintindihan, hanggang sa tinulak ng daliri niya ang baba ko.
Bumaba ang tingin ko sa lupa. Gusto kong tumakbo nang sobrang layo. Kaso ang mga paa kong ayaw gumalaw, tuluyan nang nilamon ng hiya. Kainin na lang sana ako nitong kinatatayuan ko.
"Halika na," sabi ni Frankie. Hindi pa rin ako gumalaw. Nakita kong humakbang na ang mga paa niya.
Ang bagal kong sumusunod sa kanya. Para akong basang sisiw at wala ng mukhang maihaharap. H'wag na sana siyang lumingon, ayos lang talaga ako rito sa likod.
Ilang minuto pa ay naaninag ko na ang kubo ni Aling Maria. May musika pa rin sa paligid. Habang papalapit kami ay lumalakas ang tugtog. Akala ko na imahinasyon ko lang 'yong kanina, pero may musika pala talaga.
"'Lo, nand'yan ho ba si Aling Maria?" tanong ni Frankie, nangibabaw ang mababa niyang boses.
Walang sumagot. Isang magandang musika lang na umalingawngaw. Napatingin din ako sa harapan, inusisa kung sinong lolo ang tinutukoy niya.
Ngunit inagaw ang aking pansin ng isang kulay-krema na plauta. May disenyong dahon at bulaklak ang nakaukit dito.
Isang matandang lalaki ang may hawak sa kagandahan nito. Tuwid siyang nakaupo sa silya sa gitna ng hardin ni Aling Maria. Nakapikit habang tumutugtog, sumasaliw sa kanyang musika.
Ang sarap sa tenga. Para akong tinatangay ng hangin papuntang langit. Nakakatuwa tingnan si lolo. Kung hindi lang siya tumutugtog ay mapagkakamalan siyang mamatay tao. Hanggang dibdib kasi ang puti at nakatirintis niyang balbas. Dagdagan pa ng mala-ermitanyong buhok na lagpas balikat.
"'Lo, nand'yan ho ba si Aling Maria?" muling tanong ni Frankie.
Hindi pa rin sumagot ang matanda. Tumutugtog pa rin siya. Wala naman akong reklamo dahil sa ganda ng tinutugtog niya. Para siyang anghel na nalipasan ng panahon sa lupa.
Sa katagalan ay naging pamilyar ang kanyang musika. Parang narinig ko na 'to dati, nang maraming beses. Para akong tinatawag, kinakausap, parang may gustong ikuwento. Malungkot. Mapait. Masaya.
Kakakinig ko ay humawi ang lahat ng nakikita ko. Hindi ko na makita si Lolo, ang kubo, ang bughaw na langit. Naging puti ang paligid.
Hanggang sa may nakita akong babae.
Malinis at masyadong makintab ang mahaba niyang buhok. May hawak siyang plorera na may mga pulang rosas. Nakatingin siya sa 'kin na para itong nakadungaw.
Kumurap nang maraming beses ang maamo nitong mga mata. Sa gitna ng tugtog ni Lolo ay nagtugma ang unti-unting pagbabago ng ekspresyon niya.
Ang namimilog niyang mata ay may halong takot, saya at pagkagulat. Narinig ko ang pagbasak ng plorera sa sahig. Ang pagsigaw niya bago tumakbo.
"Ati, ati!"
May malakas na pagbagsak ng pinto kung saan. Lalong lumakas ang tugtog ni Lolo. Nakakabingi.
Kasunod ang alingawngaw ng naghahabulang tunog ng mga sapatos, at tunog ng malakas na pagbukas ng pinto.
"Tutuu ati ang sinasabi ku!"
Nakita ko ulit 'yong babae kanina. Pero may mga kasama na siya. Lahat sila nakadungaw sa 'kin. Pero ang labo ng mga mukha nila.
Sinubukan kong magsalita. Ngunit nakapagtatakang malat at tuyo ang lalamunan ko. Masyado ring malakas ang musika na nilalamon lang nito ang boses ko.
"Ari ay ang apo ko!" boses ni Aling Maria.
Nanggilid ang mga luha ko. Si Aling Maria, gusto kong hawakan ang kamay niya. Ang dami kong gustong ikuwento sa kanya. Nagkita lang kami kahapon, pero bakit parang taon ang lumipas.
Gusto kong makipagkwentuhan sa kanila. Hindi ko maintindihan kung bakit nananabik ako sa kanila. Gusto ko silang mayakap, katulad no'ng sa panaginip ko kay Frankie. Bakit ganito na naman?
Lumakas lalo ang tugtog ni Lolo. Habang lumalakas ay dumidilim din sa paligid nila. Pinilit ko pang silipin kung ano pa ang pwede kong makita. Pero unti-unti silang nilalamon ng dilim.
Nagmamakaawa ako na sana hinaan ni Lolo ang tugtog. Gusto ko lang naman silang makita nang matagal.
Ngunit sadyang ayaw humina ng musika. Ang mga boses nila ay parang alingawngaw na lang na hindi ko maintindihan. Tuluyan nang dumausdos ang luha ko sa sama ng loob. Konting panahon lang naman ang hinihingi ko.
Pero, wala na. Wala na sila.
Natapos na ang tugtog ni Lolo. Marahan niyang nilapag ang plauta sa kandungan. Umakyat din ang mukha nito at natanga sa 'min na nakatanga sa harap niya. Hindi siguro kami napansin kanina.
Dalawang beses akong napaiyak ngayong araw. At sa lahat ng ayoko ay 'yong may nakakakita. Pinalaki kasi ako ni Nanay na malakas. Ang umiyak talo, ang hindi panalo.
Buti na lang at nasa likod ako ni Frankie. Sana hindi niya napansin ang pahapyaw kong pagpahid sa luha. Sana nga hindi niya nakita.
Matapos kong masiguro na maayos na ang hitsura ko ay humakbang ako sa harapan at bumaling kay Lolo. Iniwan niya ang plauta sa silya at paika-ikang naglakad papalapit sa tarangkahan. Maya't maya din niyang hinihila ang salawal na maluwag na yata ang garter.
"Ay ano baga ang sadya ng magandang ineng na ire?" sabi ni Lolo. Ang laswa naman ng ngiti nito, may kasabay pang pagtaas-baba ng puting pares niyang kilay. Ang landi lang.
Sasagot na sana ako nang tinabig ako ni Frankie sa likod niya. Ang lapad lang ng puting kamiseta na nakaharang sa mukha ko kaya hindi na 'ko nakaimik.
"Itatanong ho sana namin kung nandito si Aling Maria," kalmadong tanong ni Frankie sa matanda. Napahanga naman ako dahil magalang pa rin siya kahit parang ewan lang 'tong si Lolo.
"Ano baga? Barya? Ay wala baga akong barya!" sigaw ng kaharap namin.
"Hindi ho! Si Aling Maria ho!"
"Mabaho? Aba e sinong mabaho? Utoy, ako ba ay pinagloloko mo?" Pumiyok ang mataas na boses ni Lolo. Nasilip kong nagmukha siyang natataeng tsonggo.
"Hindi bale na lang po." Pumagitna ako sa dalawa. Buti na lang at balingkinitan ang katawan ko dahil naisingit ko ang sarili sa maliit na espasyo sa gitna ng tarangkahan at kay Frankie.
Nakakarindi na kasi, ang sakit lang sa tenga. Hanep din kasi 'tong si Lolo. Pa'no naman niya naririnig 'yong tinutugtog niya kung bingi naman pala siya. Namimili lang ang pandinig, gano'n?
"Ay ang apo ko ba kamo, si Lydia?"
Wow! Biglang ganda ang timpla ng malanding matanda. Ayan na naman ang pagtaas-baba ng kilay nito.
"Ay sinama baga ng lola niya sa palengke." Napaatras ako sa malaswa na naman niyang ngiti.
"Sige, salamat ho." Hinawakan ako sa braso at tinabig na naman ako ni Frankie sa likod. Hindi na naman ako nakaimik dahil biglang nakakatakot ang hitsura niya. Para siyang leon na konti na lang e mananakmal na.
"Aba e utoy, hindi ako mabaho, ay kahit hindi pa ako naligo!"
Nag-ala Kingkong na naman si Lolo. Lumaki ang butas ng ilong niya sa galit. Marahas din niyang inaalog at sapilitang hinihila sa lupa ang walang muwang na tarangkahan. Ihahampas niya siguro sa 'min.
"Ala e, mga walang galang kayo e! Lumayas kayo e!"
Hinila na 'ko ni Frankie palayo. Naaninag kong inaalog-alog pa rin ni Lolo ang tarangkahan. At mayamaya'y tumigil. Napagtanto niya siguro na mas malakas ang kapit ng bakod sa lupa kaysa sa kakarampot na masels sa kulubot niyang katawan. Mayamaya'y biglang yumuko, at may kung anong pinupulot.
Mabuti na lang at nakatakbo na kami nang malayo. Kung hindi'y baka panay bukol kami sa umuulang bato ng naghuhurumentadong lolo.
********************
Ganito n'yo ba nakikita si Lolo? Siya nga pala si Marco Hietala, bassist ng Nightwish.
photo credits: eyeshenzhen.com
H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro