Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

6 » pag-ibig nga raw

Nagising akong lumuluha. Panaginip lang pala ang lahat.

Pero bakit gano'n? Bakit masakit?

Ang bigat sa dibdib na nakatayo sa harapan niya at pinagmamasdan siyang tahimik na umiiyak. Parang ang tagal naming hindi nagkita. Parang taon na gusto ko siyang yakapin nang mahigpit na mahigpit, sabihin sa kanyang tama na, nandito na 'ko.

Ang gulo. Panaginip lang 'yon, bakit masyado akong apektado? Kahit ngayo'y masakit pa rin.

"Aga ng gising natin ah."

Biglang tingin ko sa nagsalita. Ang daming bubuyog sa utak ko't hindi ko napansin na nasa labas na pala ako ng kwarto.

"Andito ka pala Kuya Lab, kailan ka lang dumating?" tanong ko sa aso sa harapan. Ang lapad lang ng ngisi niya at kita na ang lahat ng pangil. Napangiwi tuloy ako sa naninilaw nitong ngipin, nagsisipilyo pa kaya 'to si Kuya?

Nakatayo siya sa dalawa niyang paa at nakasandal pa sa pintuan ng sarili niyang kwarto. Para ngang may gyera sa likod e. Ang lakas ng dagundong ng metal rock daw kuno. Nakakabingi. Ang hirap talaga pag may rockers na kuya.

"Ano 'yang nasa mata mo? Umiiyak ka?"

"Huh? Ah—eh—wala Kuya—" Kusang tumalikod ang katawan ko sa kanya. Kunyari kong tinapik-tapik ang pisngi, at palihim na hinahapyawan nang punas ang mata. Ay kainis, narinig ko ang yapak niya papalapit.

"Wala 'to Kuya, muta lang─"

Tumigil si Kuya. Nagpatunog ng malutong niyang tsk.

"Maghilamos ka nga, kababae mong tao."

Nakahinga ako nang maluwang nang marinig kong naglakad na siya palayo. Hay, buti na lang.

Nagpunas ako nang maayos. Ayokong may makita siyang ebidensiya. Mahirap na, usisero kasi 'to si Kuya. Kumukurap-kurap, minasa-masahe ang pisngi, at sinuklay ang buhok ng daliri. 'Yan, pwede na 'yan.

"Kailan ka dumating Kuya?" tanong ko ulit sa kanya. Nakasalampak siya sa sahig at nagkakamot ng tenga. Masyadong mabalbon, akala mo e itim na balahibo na tinubuan ng aso.

"Kagabi lang." Bahagya siyang tumingin.

"Hindi na kita ginising. Labas pa lang rinig ko na 'yang hilik mo." At bumalik si Kuya sa pagkakamot.

"Yabang mo naman Kuya! Hindi ako naghihilik ah!" Binato ko siya ng maliit na unan na nadampot ko sa sofa.

"Kaninong hilik pala 'yon? Alangan sa 'kin." Nasalo ng bibig niya ang unan na lalo kong kinainis.

"Kumusta naman kayo rito?" pormal niyang tanong. Nakakainis din 'to si Kuya e. Pang-aasar lagi ang inaabot ko sa tuwing umuuwi siya. Mukhang wala nga yatang pasalubong.

"Kumusta si Nanay?" dagdag pa niya.

"Okay lang Kuya, lagi pa ring sunog ang pagkain. S'yempre, lagi ring daing," sagot ko habang naghahalungkat sa aparador ng pwedeng lutuin.

Tumayo si Kuya, umupo sa silya ng hapagkainan.

"Naalala mo ba no'ng pinakain tayo ni Nanay ng sunog na lugaw?" natatawang sabi niya.

"Hayop na 'yan, ang pait no'n!" dugtong niya pa.

Natawa ako. Naalala ko 'yong pinipilit ni Nanay ipasok sa bibig ni Kuya ang kutsarang puno ng tostadong lugaw. Para daw maging malusog siya. Mangiyak-ngiyak si Kuya. At dahil bata pa ako no'n, pinagtatawanan ko lang siya. Naghabulan pa sila paikot sa lamesa.

"Pagpasensyahan mo na lang si Nanay. Matututo rin 'yon," naging pormal ulit ang tono niya.

"Ano pa nga ba?" Nagtakal ako ng bigas sa kaldero.

"Kumusta pala si Tatay, Kuya?" tanong ko sa kanya. Isa pa 'yon si Tatay na parang wala nang balak umuwi. Marami raw siyang trabaho.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit marami ang tinatrabaho niya para sa isang mangingisda. Si Jack nga mangingisda rin naman, pero nakakauwi naman siya sa bahay niya araw-araw.

"Nakahuli raw siya ng malaking pating no'ng isang araw. Muntik na nga raw lumubog ang bangka niya." kwento ni Kuya.

"E sana lumubog para umuwi na siya."

"Tsk, h'wag kang ngang ganyan kay Tatay."

Tumalikod ako. Matamlay na nakatingin sa hawak kong kaldero.

"Miss ko na kasi si Tatay. Kailan ba siya uuwi?"

Hindi umimik si Kuya. Hindi ako nagsalita't hinintay ang sagot niya.

"Ikaw, kumusta ka naman?" tanong niya matapos ang ilang minutong pananahimik. Lagi siyang ganyan, pareho sila ni Nanay. Pag nagtanong ako tungkol kay Tatay ay laging iniiba ang usapan.

"Nangangarap ka pa rin bang makita ang Diyos?"

Naitaas ko ang ulo. Hindi ko inaasahan na itatanong 'yon ni Kuya. Naalala ko na pinagtawanan ako ni Jack kahapon.

Naikwento ko na rin naman 'to sa kanya dati, pero s'yempre bata pa kami no'n. Kung ano-ano lang ang naiisip namin. Siya nga, sabi niya na gusto niyang sumakay ng saranggola. Ewan ko lang kung yo'n pa rin ang gusto niya. Baka kinalimutan na niya. Nag-iba na talaga si Kuya, parang napag-iwanan na 'ko.

"Hoy, gising!"

Muntik ko nang mabitawan ang kaldero sa tahol niya.

"Kung ano-ano na naman 'yang iniisip mo. Magluto ka na nga't gutom na 'ko."

"Hmmp! Ito na nga po e!"

Matapos naming kumain ni Kuya ay bumaba na 'ko sa bangin para pumasok sa trabaho. Aantayin niya lang daw si Nanay na, may pinapabigay daw si Tatay. Babalik din daw siya ng bayan pagkatapos.

Matamlay akong naglakad sa luntiang kapatagan. Kasintamlay ng langit. Makulimlim, makakapal ang ulap na kulay abo. Parang nakikisabay sa utak kong magulo, sa damdamin kong malungkot.

Kanina ko pa pilit winawaksi, ngunit letse lalong nagsusumiksik.

Kumurba ang labi ko pababa. Nakikita ko na naman ang mga mugtong mata ni Frankie. Bakit ang kamay ko na gustong haplusin ang pisngi niya? Nasabunutan ko ang sarili, kinilabutan sa tinakbo ng utak ko.

"Issa! Andyan ka pa?"

Bumaba ang tingin ko sa pinagmulan ng boses. Nahanap nito ang nakapameywang at salubong pa ang kilay ng tipaklong.

"Pambihira ka naman, kanina pa kita tinatawag."

Wala sa sarili na binaba ko ang kamay sa lupa. Pailing-iling na umakyat ang tipaklong na masungit.

"Anong nangyari sa 'yo? May problema ka?" sunod-sunod na tanong ni Jack.

"Ah...eh...wala naman."

"Talaga bang wala?" Ang sama ng tingin sa 'kin, sinabayan pa ng paghimas-himas ng baba.

"Ano kasi e—"

"Kasi ano?"

"E kasi—" Napakamot tuloy ako sa ulo.

"Kasi?" Hindi kumurap ang loko, ang kulit naman nito.

"E kasi nga, napanaginipan ko si Frankie kagabi." Ayon at nasabi ko rin. Pero nagsisisi na 'ko, mas malala pa kasi 'tong mangulit kaysa kay Kuya.

"Tapos?"

"Tapos—" Umiwas ako nang tingin. Pahapyaw kong tinakip sa mukha ang mahaba kong buhok.

"Tapos, ano na?"

Hala ang kulit talaga.

"Tapos nga, sa panaginip ko─malungkot. Malungkot siya. Gusto ko siyang yakapin."

"Tapos, anong problema do'n?"

Tumaas ang isa kong kilay. Manhid yata 'tong tipaklong na 'to e.

Humagalpak nang tawa ang loko. Pagulong-gulong nakakaloko.

"Biro lang. Tiningnan ko lang ang reaksyon mo," sabi ni Jack matapos akong pagtawanan, na naman.

"Pssst, kinakamatis 'yang mukha mo." Nag-aktong sumisilip pa.

"Nakakainis ka Jack ha! Ihulog kita r'yan!" Hinawi ko na ang buhok, walang kwenta pala ang pagtakip ko ng mukha.

"Alam mo, isa lang ibig sabihin n'yan." Pilit nitong kinalma ang sarili.

"Ano?" Sinimangutan ko siya. Isa na lang at kakagatin ko na 'to.

"Umiibig ka."

"Ako? Hindi ah!"

"Oo."

"Hindi sabi e!"

"Bahala ka. Basta sinasabi ko sa 'yo, Issa, umiibig ka."

"Ewan ko sa 'yo, basta ang alam ko hindi!"

Tumawa na naman siya. Sira-ulo talaga nito.

"E 'di tingnan natin 'yan," dagdag niya habang inaayos ang sarili.

Tumahimik na lang ako. Wala na akong maibato. Pero nakakaasar lang. Wala naman kasi talaga. Bakit niya ba pinagpipilitan?

Hindi ko napansin na malapit na pala kami sa puting bato kung saan ko siya laging iniiwan. Mabuti na lang dahil naiinis ako sa kanya. Napansin niya rin siguro dahil hindi na rin siya umiimik.

"Salamat, Issa. Good luck sa 'yo," pamamaalam ni Jack.

"Sige, alis na 'ko," walang gana kong sabi. Tinalikuran ko siya at tuluyan nang naglakad palayo.

"S'yanga pala, Issa!" sigaw ni Jack. Salubong ang kilay kong lumingon sa kanya.

"Good luck kay Frankie!"

"Ewan ko sa 'yo!"

Tumawa na naman ang lintik.

Gusto kong mangagat, lalo na 'yong nakakainis na tipaklong. Magpapahatid lang e mang-aasar pa. Ano kaya kung hindi ko siya sunduin mamaya. Makikita niya—

"Issa─"

Napahinto ako sa paglalakad. Para akong binuhusan ng yelo nang mabosesan ko ang nagsalita sa likod.

"Sabay na tayo."

Parang gusto kong lumingon na ayoko. Ang hirap igalaw ng leeg, nanigas pati ang dila ko.

"I-ikaw pala, F-Frankie."

Lumundag ang kaluluwa ko nang gumuhit sa labi niya ang ngiti.

"H-hindi mo kasabay si Barbara?"


********************

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro