56 » orasan
Nagsimula kaming maglakad sa direksiyon ng orasan at maituturing itong kahibangan dahil sa unahan namin ay wala ng maaapakan.
Hindi naman siguro magpapatiwakal itong si Frankie kung saan iyon ang ginawa ni Harold kani-kanila lang. Pero nagsimula siyang humakbang sa ere ilang dangkal mula sa pangpang ng bangin.
Hihilain ko na sana siya pabalik pero ang dalawang paa niya ay nakaangat na parang nakaapak sa hagdanang hindi nakikita. Patuloy niya akong hinihila at wala akong nagawa kundi sundan ang mga yapak niya.
Tahimik. Bukod sa alulong ng hangin at sa lagaslas ng tubig ng talon ay walang nagsasalita.
Hindi ko man lingunin ay nararamdaman ko ang matatalim na tingin nila kay Harold.
Habang paakyat ang pag-usad namin ni Frankie ay lihim din akong umaasa na sana ay huwag nang dadagdagan pa ni Kuya ang pasakit na natamo ni Harold. Masyadong marami na ang nangyaring hindi maganda, nakakapagod na, sana ay tama na.
"Sinaktan ka ba?" Tumigil si Frankie, masyadong mababa ang boses niya at halos hindi ko ito marinig.
Ilang segundo kaming nakatayo sa ere na parang hinihintay niya ang sagot ko.
Hindi ako makasagot ng oo at hindi rin ako makailing sa hindi. Sinaktan nga ba ako o ako ang nanakit?
Ramdam niya siguro ang pagbaba ko ng tingin dahil sumunod ang malalim na buntong hininga mula sa kaniya.
Iyon na siguro ang hinintay dahil muling naglakad si Frankie. Kahit maingat ang paghila niya sa akin ay ramdam ko na may kasama itong sama ng loob.
Wala rin akong magawa kundi ang magpatangay muli. Kasama ang mga bagay na gusto kong sabihin sa kaniya, nagsisiksikan at nagkabuhol-buhol sa sumisikip kong utak. Mga bagay na gustong lumabas sa bibig ko na ayaw makisama--anong gawin man ay nanatili itong nakatikom at ayaw bumuka.
"Sana...sana..." Nagawa kong magsalita. Napatingala ako sa bahagyang paglingon niya. Pero masakit sa loob dahil hindi man lang ito sapat para matingnan ako sa likod. At ganoon lang, binalik niya rin agad ang tingin sa harapan.
"Sana huwag mong bigyan ng ibang kahulugan ang...ang..." Dire-diretso ngunit hindi ko kayang dugtungan.
Gusto ko lang naman sanang sabihin na walang ibang kahulugan ang pagyakap ko kay Harold--huwag naman sanang masama ang tingin niya sa akin. Pero hindi ko kayang bigkasin ang salita. May kung anong talas ito sa dila at kahit gaano ko pa man ito gagamitin ay alam kong masusugatan pa rin nito si Frankie.
"Walang anuman..."
Hindi ko naintindihan ang sinabi niya.
Binagalan ko ang paglakad at gusto ko sanang linawin kung ano ang ibig niyang sabihin doon. Pero parang nakasarado na ang lahat ng pinto ni Frankie. Umurong ang aking dila habang pinagmamasdan ang bawat galaw niya na parang hindi na matitinag ng kahit na anong salita.
Tuluyan na akong hindi nabigyan ng pagkakataon nang mapansin na ang tunog ng segundong kamay ng orasan ay triple na ang lakas. Sa bawat paggalaw ng kamay ay umibabaw ang tunog nito sa lahat ng ingay, iyon lang ang aking naririnig kasabay ng bahagyang pagyanig sa paligid.
'Tsaka ko lang napansin na malapit na kami sa higanteng orasan. May kung anong sira ang naapakan kong baitang at bigla na lang itong lumagutok.
Kasunod ay ang pagbalot ng ugong ng animo'y papaalis na bapor. Walang reaksiyon si Frankie sa ingay na parang inaasahan niya itong marinig. Kahit nang lingunin ko sina Kuya at ang kasamahan nitong sina Mang Edgar ay parang wala lang ito sa kanila, wala silang imikan at tahimik silang nakasunod sa amin.
Walang ano-ano'y pumalit ang tunog ng parang hinihilang kadena. Gumalaw ang mukha ng orasan at sa pagpapatuloy ng ingay ay unti-unti rin itong umaangat.
Bawat hakbang namin ay pataas din ito nang pataas hanggang tumigil na kami sa mismong harapan. Kalahati na ang naiakyat mula sa kabuuhan nito at dito nakabungad sa amin ang lamang loob ng orasan na gawa sa mga higanteng turnilyo at mga mekanismo na umiikot sa iba't ibang direksiyon.
Tinuon ko ang tingin sa looban dahil sa pagkakamaling paglingon ko kanina, nakakalula na ang taas ng aming naakyat. Bukod sa guhit na lang sa paningin ang bangin na pinanggalingan namin kanina, hindi nakakatulong na nakaapak lang kami sa ere.
Hindi ko na kailangan tanungin kung para saan ang hagdan na nakalatag sa gitna ng orasan. Kahilera ito kung saan kami nakatayo ni Frankie kaya sa tingin ko ay karugtong ito sa aming dinaanan.
Hindi ko man makita ang dulo nito dahil pagkahaba-haba, pero sa tingin ko ay ito ang daan ng aming katapusan.
************
Kaunting kembot na lang, malapit na, promise!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro