55 » dulo ng mundo
"Noong unang panahon, magkasabay nating pinapanood ang mga memoria. Natatandaan mo pa ba?"
Maliit lang ang liwanag ng garapon pero nagawa nitong ilawan ang mukha ni Harold. Kinuha niya ito sa kamay ko at muling sumakop ang kadiliman matapos niya itong isuksok sa bulsa.
"Bitiwan mo nga ako!" Pinapabigatan ko ang sarili habang binabawi sa kaniya ang kamay. Alam kong matagumpay kong naapakan ang paa nito nang napaungol siya--nakakainis lang na siya lagi ang unang nakakatunton sa akin.
"Dito ka!" Mahigpit ang kamay niya sa palapulsuhan ko at marahas ako nitong hinila. Kusang gumalaw ang kabila kong kamay para itulak siya pero nakuha niya rin ito. "Bakit hindi mo ako maalala, Issa? Bakit!"
"Pinagsasabi mo? Bitiwan mo ako sabi!" Pagpupumiglas ko, nakakabahala ang biglaan nitong pananahimik--dahil madilim ay hindi ko matantiya kung ano ang ginagawa niya.
"Issa, bakit ganito? Masakit..." basag na parang porselana na nahulog sa semento ang boses ni Harold. Tumama sa buhok ko ang mabigat na hangin mula sa kaniyang buntong-hininga habang lumuluwag ang pagkahawak nito sa akin.
"Harold..." Nilapat ko ang noo sa nanginginig nitong kamay habang pilit na hinahawakan ang damdamin na natabig sa salitang binitiwan niya. "Patawad, hindi ko sinasadyang saktan ka. Pero ano bang gagawin ko? Hindi ko kayang suk--"
Hindi ko na natapos ang sasabihin nang may tumarak na parang mga punyal sa aking likuran. Napaubo ako sa sakit at nang gumalaw ang mga ito at bumaon pa lalo sa kalamnan ay alam kong karet niya iyon. Ginamit ko ang natitirang lakas para itulak siya pero niyakap ako nito at parang isang nauupos na kandila--nauubusan ako ng lakas hanggang nahihirapan na akong huminga at wala na akong maalala.
***
Umuulan ba?
Lagaslas ng tubig ang sumusuot sa aking tainga, ngunit sa kalagitnaan ay unti-unting umibabaw ang sunod-sunod na tahol ng aso--napakalayo na parang pilit nitong inaabot ang aking pandinig. Maya't maya'y humihina hangga't muling pumalit ang ugong ng tubig.
Napabalikwas ako nang maalala ang ginawang pag-atake ni Harold. Natagpuan ko na lang ang sarili na karga niya. Napasinghap ako ng hangin nang sinubukan kong gumalaw at mahapdi ang lumalatay sa aking likuran.
"Ibaba mo ako!" sigaw ko, sinipa-sipa ko ang mga paa at tinutulak siya sa balikat habang iniinda ang gumagalaw sa loob ng aking balat--parang mainit na tubig itong kumalat at kalauna'y lumalamig hanggang hindi ko na ito maramdaman.
Patuloy ang pagtulak ko sa kaniya pero parang walang narinig si Harold. Diretso ang tingin nito habang binabaybay ang makitid at matarik na bangin. Karugtong siguro ito ng dulo ng mundo dahil walang kaayusan ang paligid. May malaking orasan na nakalutang sa langit, sa kanan ay nakapatiwarik na bentilador at hinahagupit kami ng malakas nitong hangin.
"Ano ba!" Hindi ko napigilan ang sarili at nasampal ko siya. Nanlaki ang mga mata ko sa nagawa at sa kabilang banda ay hinanda ko na rin ang sarili sa magiging reaksiyon niya.
Pero walang nangyari, walang pagbabago sa mukha niya, ni hindi man lang ito tumingin sa akin. Nagsimulang gumalaw ang buhok ni Harold at mabilis itong pumulupot sa buo kong katawan.
Lumingon sa amin ang higanteng gumamela na nakatayo sa gilid ng bangin. Gumalaw pa ang bulaklak na parang sinusundan kami nang tingin hanggang tumigil si Harold sa dulo ng bangin samantalang tuluyan na akong nabalot ng karet nito na parang sapot.
"Pakawalan mo na ako," mahina at nilamon lang ang boses ko ng lagaslas ng talon sa aming harapan. Ako lang siguro ang nakakarinig nito at hindi ko na rin inaasahang makarating ito sa kaniya dahil ang mga mata ni Harold ay blangko at hindi ko mabasa.
Siguro nga ay mabuti na ang ganito. Siguro nakabubuti na paunlakan na lang ang pangingimbita ng naghahabulang tubig patungo sa baba na wala nang makita kundi kadiliman.
Siguro nga, hindi ko na kailangang harapin si Frankie...hindi ko na kailangang harapin si Kuya Lab. Siguro matatapos din dito ang pagdurusa ng lahat.
Lumipad ang tingin ko sa kulay abong kalangitan. Makapal ang ulap--siguro sa likod no'n, sa kabilang dako ay nando'n si Isabelle.
Kumusta na kaya siya? Iniisip niya rin kaya ako?
Natawa ako. Hindi niya naman yata ako kilala. Hindi niya nga yata alam na may katulad ko na namuhay at umaastang siya.
Lumipat ang mata ko sa awang ng ulap, may kumikislap doon, baka nakatingin siya sa amin--nakikinig.
Isabelle, ano ba kasi ang pinaggagawa mo sa buhay? Bakit hindi mo maamin kay Frankie na mahal mo rin siya? Hindi mo man lang nakita ang mga ginawa niya para sa 'yo. Bakit ang manhid mo?
May nakawalang butil ng luha sa aking mata, sa kabilang banda ay hindi ko napigilan ang matawa. Parehong torpe, parehong hindi makapagsabi. Ang saklap naman ng buhay ninyong dalawa.
Bumaba ang tingin ni Harold at diretso ito sa akin. Hindi ko mapatigil ang sarili sa kakatawa habang pinipigil din ang luha at ang sama ng loob sa katotohanang ang nararamdaman ko kay Frankie ay galing pa rin kay Isabelle. Walang galing sa akin, lahat kami ay impostor, balat-kayo, mga manikang laruan.
Natangay ng malakas na hangin ang iilang hibla ng buhok na siyang tumakip sa aking mukha. Mabuti na rin siguro ang ganito, nang hindi ko na makita ang wakas--kahit alam ko namang isang hakbang na lang ni Harold ang hangganan ng buhay naming dalawa.
"Harold..." pagtawag ko sa kaniya, sa huling pagkakataon, ano man ang nagawa niya, ang kawangis niya ay kaibigan pa rin ni Isabelle. "Alam mo ba, may nasilip akong memoria nina Isabelle at Harold...isang masayang alaala."
Sa pagitan ng awang ng aking buhok ay nakita ko ang paggalaw ng bilog sa mga mata niya. Malalim ang pagsinghap niya ng hangin at nang pinakawalan niya ito ay mabigat katulad ng pagkahawak niya sa aking braso.
"Sana mapanatili pa rin natin ang mga alaalang iyon, ako bilang Issa, ikaw bilang isang karet. Hindi ba't iyon ang ating tungkulin? Ibalik sana natin ang memoria kung saan ito nararapat. Sana tulungan mo ako."
Paatras na humakbang si Harold at walang sabi-sabing lumuhod sa lupa. Napaupo ako sa lapag nang inalis niya ang braso na kaninang nakasuporta sa ilalim ng hita ko, pero nilipat niya ito sa aking likuran at hinatak ako palapit sa kaniya.
"Alam mo ba kung gaano kasakit ang makita kang masaya sa iba?" Sinubsob niya ang kaniyang mukha sa pagitan ng aking leeg at balikat at ang paraan ng yakap niya ay kasinghigpit ng isang batang ayaw magpaiwan. "Na ang mga ngiti mo ay dati-rati'y sa akin lamang.
Ako ang unang bumalot sa 'yo noong panahon ng trahedya, alam mo ba 'yon? Sa lahat ako lang ang nagkaroon ng pagkakataong mamili ng anyo, pero ito pa rin ang pinili ko. Dahil nagbabakasakali ako, Issa. Nagbabakasakali ako na maalala mo ako bilang karet...bilang karet na dati mong kasa-kasama. Pero mas mahigit pala sa 'yo ang pagiging Isabelle. Kung alam ko lang...kung alam ko lang..."
Bumagsak si Harold at mabigat siya sa balikat ko. Garalgal ang lumalabas na hagulhol mula sa kaniya habang gumagalaw ang karet na nakapulupot sa akin. Paatras itong bumabalik sa likuran niya hanggang nalibre ko ang sarili. Pero imbes na itulak siya ay mahigpit ko rin siyang niyakap, doon kinulong ang mga impit ng kaniyang hinagpis.
Ilang minuto ang lumipas na nanatili kami sa ganoong posisyon. Patuloy ang tik tok ng malaking orasan sa langit. Pero hindi katulad no'n na may hangganan ang lahat. Unti-unting humuhupa ang panaghoy ng hangin. Lumuluwag ang yakap ni Harold at sa bawat pagpakawala niya ng malalim na hininga ay tila gumagaan siya sa mga kamay ko.
"Suntok sa buwan lang din naman ang aking mga pangarap. Marahil nga ay tama ka, kailangan na nating ibalik ang mga memoria. Issa, tama ka...makakalaya na ako."
Parang tumarak na punyal ang salitang binitiwan niya. Makakalaya. Makakalaya sila at maiwan akong mag-isa.
Doon ko lang naintindihan ang tunay na nararamdaman ni Harold. Ako ngayon ang bumagsak sa balikat niya, ang mga kamay ko ngayon ang naghanap ng makakapitan habang kinakain ng matinding pangungulila.
"Huwag mo akong kalimutan..."
Akala ko ay naiiyak ko na ang lahat, pero nagbukas ulit ang mga sugat at mas mahapdi pa nang mula sa kaniya ay narinig kong muli ang habilin ni Jack.
Hindi ko nakayanan ang pagbigat ng damdamin at nahayaan ko ang sarili na umiyak sa dibdib niya. Nanatili akong nakayuko habang marahan ako nitong tinutulak, at nang nagpantay ang aming mga mata ay ngumiti siya habang pinupunasan ang mga luha sa aking pisngi. "Ang ganda mo pa rin..."
Kinuha niya ang isa kong kamay at katulad ng lagi niyang ginagawa ay hinalikan niya ang likod nito.
Maya't maya'y kinulong niya ito ng dalawa niyang kamay at may kung anong bagay siyang nilapat sa aking palad.
"Alagaan mo ito, ipangako mo," mapait ang kaniyang salita habang kung ano man itong mainit na hangin na sumasakop sa aking kamay ay dumarami at sumisingaw na sa pagitan ng aming mga daliri.
Gamit ang kabilang kamay ay tinulak ko siya nang parang natutunaw na kandila ang pagbagsak ng pisngi ni Harold. Pati ang mga daliri niya ay nawawala ang porma--dumadausdos na tila likido hanggang bumugad sa akin ang puting liwanag.
Palipat-lipat ang tingin ko sa kaniya at sa liwanag. Kamukha ito ng liwanag na naiwan ni Jack at habang umiikot ito ay dumadagdag din ang laki.
Hindi ako nakapagsalita, nahayaan ko si Harold na tumayo at hinarap ang bangin habang ang mahaba nitong buhok ay dumikit na sa kaniyang balat na parang parte na ito rito.
Naisigaw ko pa ang pangalan niya. Hindi ko naagapan nang tinumba nito ang sarili at nagpatihulog kasabayan ng tubig sa talon.
Pinilit ko pa siyang abutin, nagbabakasakali na sana hindi ito totoo. Sana may sinabi ako at nanatili pa sana siyang nakaupo pa sa harap ko. Sana umikot nang pabaligtad ang oras at pinigilan ko siya.
Bibitiwan ko na rin sana ang pagkakataong mabuhay at sinubukan siyang maisalba nang may dumaang anino sa aking kaliwa--napatingala ako dahil pamilyar ang hugis nito.
Tama ako na si Frankie ito. Halos kisapmata lang ang pangyayari pero kitang-kita ko ang nakasalubong nitong kilay habang mabilis siyang dumapa sa dulo ng bangin. Maya't maya'y bumabangon itong may hila-hila sa kabilang kamay. Nang tuluyan na siyang nakatayo ay binalibag niya ito sa likuran.
'Tsaka ko lang namalayan na may mga tao na pala roon. Nandoon si Barbara kung saan sa tabi niya bumagsak ang animo'y itim na bloke na tinapon ni Frankie. Nandoon din si Kuya, mabilis itong lumapit sa akin at panay tanong kung maayos lang ako habang tatlo sa mga Kamatis Boys ni Aling Maria; sina Mang Edgar, Mang Julio at Mang Meo ay naestatwa sa likod ni Barbara.
Hindi ako nakaimik nang hablutin ni Frankie ang liwanag sa aking kamay. Mabilis nitong tinungo ang kinaroroonan ng bloke at parang sako ang pagdampot niya rito. Wala ring sabi-sabi na pwersahan nitong tinutulak ang liwanag doon na parang gusto niya itong ipasok sa loob.
Mabilis ang pangyayari, sumuot ang liwanag sa loob ng itim na bloke at unti-unti rin itong nagkaroon ng porma. Humaba ang gilid nito at humiwalay sa pagkadikit-dikit hanggang naging braso. Humaba rin ang bandang baba hanggang naging binti. Pumusyaw ang itim nitong kulay hanggang naging maputi na ito kasabayan paglabas ng hitsura ni Harold na hawak ni Frankie sa kwelyo.
"Gago ka!" Mabilis na dumapo ang kamao ni Frankie sa panga ni Harold. Nasalo ni Harold ng kabilang kamay ang pangalawang suntok at gumanti rin ito sa kaharap. Umalis si Kuya sa tabi ko at mabilis nitong pinuntahan ang dalawa. Ilang beses pa silang nagpalitan ng suntok, pareho nang duguan ang kanilang bibig at ilong bago pa sila napaghiwalay ng natirang kalalakihan. "Gago ka, wala ka nang ibang ginawa!" magaspang ang boses sa sigaw ni Frankie.
Humalakhak si Harold at winaksi sina Kuya at Mang Edgar na nakahawak sa kaniyang braso. Tuwid na itong nakatayo pero tawa pa rin siya nang tawa. "Oo, wala akong ibang ginawa. Pakialam mo!"
Humigpit ang paghawak ng umaawat kay Frankie nang nagpupumiglas ito. Tumigil din siya nang humarang sa gitna si Barbara at tinulak pa siya sa balikat.
"Bitiwan n'yo ako!" Marahas na ginalaw-galaw ni Frankie ang braso at walang nagawa sina Mang Julio at Mang Meo kundi ang pakawalan siya. Nakakuyom pa rin ang kamao nito bago tinalikuran ang grupo at ang bibigat ng mga hakbang niya patungo sa kinaroroonan ko.
Hindi ako makapagsalita sa talim ng tingin niya sa akin. Gustuhin ko mang tumayo pero ang bigat ng hangin na umaaligid sa kaniya at hindi ko maigalaw ang katawan.
Kasabay ng tok sa paggalaw ng kamay ng orasan ang pagdampot niya sa kamay ko. Napatayo ako paghila niya sa akin na na para itong kautusan na dapat sundin. Lumingon pa ako sa gawi nina Kuya nang magsimulang maglakad si Frankie patungo sa direksiyon kung saan nakalutang ang higanteng orasan.
************
Malapit na, kaunting kembot na lang.
As a tribute to Harold, let me introduce you to his muse.
https://youtu.be/C7GpFrsVBdo
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro