53 » bugso ng damdamin
Nanlaki ang mga mata namin sa gulat--kahit si Barbara ay napatigil sa ginagawa niya.
Ilang minuto rin akong tulala. Sa tanang buhay ko, ni minsan ay hindi ko ginamit ang palayaw na 'yon kahit na kanino.
"Mabuti pang magpahinga ka muna sa kwarto," basag ni Kuya sa katahimikan. Tinutulak niya ako sa likod kaya't bumaba na rin ako sa bintana.
"Narinig mo ba 'yon, Kuya?" pag-iba ko sa usapan. Bukod sa nakakaasiwa na hindi pa rin nakagalaw si Frankie, gusto ko ring malaman kung may mabigat siyang dahilan nang nahuli ko siyang sumulyap sa labas.
Bigla na lang akong iniwan ni Kuya at bumalik ito sa bintana. Dumangaw siya doon na umaangil. "Maghanda kayo, may paparating!"
Kusang gumalaw ang kanan kong kamay at binunot ang isang gulok mula sa kaluban. Nagtinginan ang tatlo at ako ay napatigil sa gulat nang mapansing pinaikot ko pala sa kamay ang hawakan ng patalim.
"Baba, baba!" Natauhan ang lahat sa sigaw ni Kuya, kumukumpas siya habang nakaturo sa bintana. "Hindi na natin hihintayin sina Mang Edgar!"
Nawala na lang bigla si Barbara sa kinatatayuan. Narinig ko na lang na may lumagapak sa baba ng kubo, kasabay ang tilamsik ng tubig na parang nahulugan ito ng mabigat na bagay.
Sumunod si Harold na lumapit sa bintana. Nakipagtalasan pa ito nang tingin sa 'kin bago lumukso.
"Issa..." Humawak si Kuya sa magkabilaan kong balikat at pinaharap ako sa kan'ya. "Kahit anong mangyari, huwag kang lumayo sa 'min," paalala niya. Ipaalala ko rin sana na hindi na ako bata pero tumalikod na siya't pinatong na ang isang paa sa bintana. "Sumunod kayo agad," sabi niya bago ito tumalon.
Pumalit agad ako kay Kuya nang lapitan ako ni Frankie. Pinatong ko ang paa rito at dinungaw ang taas ng lulundagan.
"Mababalian ka ng buto," sabi ni Frankie habang hawak niya ang kaliwa kong braso. Napatantiya tuloy ako sa babagsakan--mataas. Mukhang tama naman siya, baka lasog-lasog na nila akong datnan. Binaba ko na lang ang paa at maghahagdan na lang. Pero hawak niya pa rin ako sa braso at tinatawag na kami ni Kuya sa baba. "Kung hahayaan mo ako..."
Nakakainis na tama na naman siya--matatagalan kung bababa pa ako sa hagdan. Iniwas ko ang tingin at tinuon na lang sa sahig.
Hinintay niya lang na maibalik ko ang gulok sa lagayan bago dumampi ang bisig niya sa likod ko. Pigil-hininga akong nakatingin sa malayo nang umangat ang mga paa ko sa pagbuhat niya sa 'kin.
Traydor ang mga braso ko na kusa na lang pumaikot sa leeg niya. Walang palipaliwanag na inayos niya muna ako sa gitna ng mga bisig niya bago inisang hakbang lang ang bintana at lumundag pababa.
Hindi katulad dati na gumuguhit sa sikmura ang matinding pagkalula sa tuwing nahuhulog ako sa mataas na lugar. Ngayon ay parang walang nangyari, parang tumalon lang kami mula sa itaas ng lamesa.
Pagkalapag ay buhos ng ulan ang sumalubong sa 'min.
Napapikit ako sa sunod-sunod ngunit masuyong pagdampi nito sa balat.
Kusa akong tumayo sa pagbaba ni Frankie sa mga paa ko sa maputik na lupa. Nanatili akong nakapikit, ninanamnam ang daloy at ritmo ng ulan.
Mula sa tagaktak ng tubig na sinalo ng mga dahon, ngunit bumagsak pa rin sa lupa dahil sa bigat nito. Sa nananalaytay na kidlat sa kalangitan, sinusundan ng dagundong ng kulog--sa hindi maipaliwanag na dahilan ay napakasarap nitong pakinggan.
"Issa, tara na," yaya ni Frankie.
Hinawi ko ang kamay niya nang dumapo na naman ito sa balikat ko.
Umaaliwalas at nabawasan ang panlalagkit ng buhok ko habang bumabaybay rito ang tubig.
Rinig na rinig ko ang pagtatalo nina Kuya at Harold sa likuran. Pinipilit ng hilaw na matsing na kailangan na raw nila akong pakalmahin.
Nakakagalit, nakakainsulto.
Pero nagawa ko itong palampasin. Nahumaling ako sa matining na tili. Nagsasapawan ang mga ito na parang mga anghel na sinasabayan ng kanta ang himig sa paligid.
Hindi ko malaman kung bakit nagbubunyi ako sa mga ingay--sukdulan, gusto kong tumalon.
Nagtatampisaw ako sa sanaw, nakataas ang mga kamay ko na sinasalubong ang biyaya ng langit.
Pero kulang, hindi napapawi ang silakbo sa aking damdamin. Kailangan ko bang sumayaw?
Narinig ko na lang ang sarili na tumatawa. Kinuha ko ang kamay ni Frankie nang lumapit siya at umikot-ikot ako sa ilalim ng braso niya habang umiindak sa saliw ng awitin ng aking mga anghel.
"Sabayan mo ako, dali na..." Hinihila ko si Frankie palayo sa silong ng mga puno. Blangko ang mga tingin niya at sa pagpapabigat nito ay dumudulas lang ang pagkahawak ko sa kamay niya.
"Issa, itigil mo na 'to," may diin ang pagkasabi niya pero nandoon ang lambing sa pagitan ng mga 'to--kaya naman sumilay sa akin ang ngiti.
"Aww...sige na." Naging mapaglaro ang paglabas ng mga salita sa bibig ko. Siguro'y epekto ng lalong paglakas ng ingay at parang nakadungaw na ang mga ito sa akin. Nanunuot sa dibdib at lalong sumidhi ang aking damdamin na parang gusto ko na ring makitili sa kanila. Natagpuan ko na lang ang sarili na nagtatatalon at ang huli'y binubunot ko na ang gulok sa lagayan.
"Pakiusap..." Bahagyang yumuko si Frankie habang ang isang kamay niya ay mabigat na nakapigil sa hawakan ng patalim. Lalo pa siyang yumuko at sa posisyon niyang 'yon ay namataan ko si Harold na papalapit--nakabusangot ang mukha nito habang habol-habol naman ito ni Kuya. Lumapit nang husto si Frankie at dahan-dahan nitong tinutulak pabalik sa kaluban ang bahagyang nakaangat nang patalim. "Ayokong gawin ang isang bagay na ikakagalit mo...kaya, Issa, pakiusap."
Natangay ako papuntang alapaap sa mga sinabi niya. Kay sarap namnamin ang pinapakita at pagpaparamdam niya na pagpapahalaga sa akin.
Kay gaan ng mga kamay ko na dumapo na lang sa batok niya. Hinihila ko siya habang ang mga paa ko ay kasing gaan ring tumingkayad para salubungin si Frankie. Hanggang nawala na ang espasyo na namagitan sa aming dalawa at tuluyan nang naglapat ang aming mga labi.
Pareho kaming hindi gumalaw sa gano'ng posisyon.
Ako ang nagsimula. Nilakbay ko ang malambot nitong mga labi at mainit niya itong tinugunan. Marahan at maingat na nakadampi sa pisngi ko ang isa nitong kamay na animo'y hawak niya ay isang babasaging krystal, habang ang kabila na pinangpigil niya sa patalim ay nasa likuran ko na--mistulang isang bakal, kinulong ako sa bisig nito at ayaw akong pakawalan.
Tumigil ang mundo. Kami lang ang nandito at ang dagundong ng dalawang tambol na nagpapaligsahan sa ritmo.
Ayoko na itong matapos. Hinayaan ko ang sarili ng malunod sa nanunuyong mga labi ni Frankie. Ngunit malakas ang umaalingasaw na amoy ng imburnal na humalo sa hamog ng ulan. Nangingibabaw ang ingay na sa katagalan ay wala itong kaabug-abog na naagaw ang aking atensiyon.
Hindi ko alam kung paano ako nakawala sa kan'ya. Iniwan ko si Frankie na natuod matapos kong lumundag upang maiwasan ang galamay ng gwalltor na minsan nang kumitil sa buhay ng mga magulang ni Barbara.
Hindi ko napigilan ang sarili na humalakhak habang nakatayo sa matabang sanga ng puno ng sinigwelas. Nanginginig ang mga kalamnan ko sa tuwa habang pinagmamasdan ang mga halimaw na animo'y dambulang pugita na naligaw sa lupa. Kasingpula ng dugo ang katawan nito at kumakawag-kawag ang mga galamay na triple ang bilang.
Ngayong nasa kamay ko na ang dalawang sandata, gumuhit sa labi ko ang malapad na ngiti.
Pinasadahan ko ng pagdila ang katawan ng isang patalim. Nakakaintriga. Malamig, ngunit nalalasap ko rito ang tamis ng kanina ko pang gustong gawin.
Ngayong alam ko na ang dahilan ng nag-uumapaw ng bugso sa aking damdamin. Ngayong nasa harapan ko na sila, gusto ko silang pira-pirasuhin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro