53.2 » bugso ng damdamin
Tumalungkod ako at pinabigatan ang sarili. Lumagitik ang sanga ng puno sa paglundag ko at gaya ng sa plano, bumagsak ako sa tuktok ng nilalang habang ang dalawang patalim ay kalahati kong naibaon sa malambot nitong ulo.
Napakasarap pakinggan ang hiyaw ng halimaw. Inikot ko pa ang dalawang gulok nang sa gayon ay mas iingay pa ito--mas malakas, mas masaya.
Sumubok ang isang kasamahan nito na tumulong at sa mismong harapan ko ay humahagibis ang dambuhala nitong galamay. Ikinalapad iyon ng aking ngiti--mabilis kong nabunot ang kanang patalim at tatlong mabibilis na tagpas ang iginawad ko sa lampastangan.
Magkasabay na bumulwak ang sariwang dugo--mula sa inaapakan kong ulo ng pugita, at sa pira-pirasong galamay na masarap sanang ipangsahog kung hindi lang sila halimaw.
Namataan ko si Frankie na nakatingala sa 'kin. Nando’n pa rin ang pagsusumamo sa mga mata niya. Pero hindi ko iyon mabigyan ng simpatiya--lalo na’t lumalagabog ang lupa sa mga paparating--umaalingawngaw ang pagaspas ng pakpak sa himpapawid--nagsitayuan ang mga balahibo ko sa pananabik.
Bago ako lumukso ay tinagpas ko muna ang buhok ni Harold na muntik nang maabot ang isa kong paa.
Akala niya siguro ay hindi ko napansin.
Mamaya siya. Baka akala niya hindi ko siya papatulan--matapos ko lang 'to.
Napakagaan sa pakiramdam. Para akong isa sa hangin na patalon-talon sa mga halimaw. Kahit ang mga paniki sa ere ay ang dali ko lang abutin.
Hindi maapula-apula ang apoy sa aking dibdib. Rumaragasa itong dumaloy sa buo kong katawan at ito ang nagsisilbing alab sa aking mga kamay habang masugid nitong pinagtataga ang mga salarin.
Patuloy ang aking sayaw. Ang mga kasayaw ko ay mga walang ensayo, ang bilis bumigay at ang daling matumba.
Ang tagapanood ay sina Kuya. Malabo ngunit kanina pa nila sinisigaw ang aking pangalan. Mukhang hindi sila natutuwa--imbes na tumulong ay buntot nang buntot sa akin.
At ang entablado ay sapa ng namumulang tubig-ulan. Sa tugtog ng aking hindi mapigil na hagikhik habang naliligo sa bumubulwak na dugo ng mga halimaw.
Jack…
Sana nandito ka. Ganito ang gusto mo, hindi ba?
Namalayan ko na lang na may mainit na likidong dumadausdos sa pisngi ko. 'Tsaka ko lang naramdaman ang kirot ng mga tama ko sa iba't ibang parte ng. binti at braso. Bumagsak ang mga tuhod ko sa lupa, hindi nakayanan ang sobrang pangangalay ng katawan.
Tinukod ko ang kaliwang patalim nang may gumuhit na lawiswis sa aking likuran. Parang may sariling isip ang aking katawan at naikot ko ito kaagad sa gawi ng ingay.
Sa pangalawang pagkakataon ay natagpas ko na naman ang kumpol ng buhok ni Harold. Pinilit ko ang sarili na tumayo para sugurin siya. Pero papalapit din si Kuya, si Frankie, si Barbara sa hunyango nitong anyo--pinaligiran nila ako.
Marami ang balakid na nakaharang sa kanila ngunit hindi nila inalis sa akin ang kanilang mapanghusgang mata.
Ano ba kasi ang mali sa ginawa ko? Ayos lang kung sila ang gumawa, bakit sa akin hindi?
Mabilis kong sinuksok ang kanang gulok sa kaluban nang namataan kong nakapamulsa si Harold at hindi ko na mabasa ang blangko nitong tingin.
Ang gulok sa kaliwa kong kamay ay nilipat ko sa kanan--mas madali sa 'kin ang gumalaw nang isa lang ang hawak.
Hindi ko na hinintay na makalapit pa sila, ginamit ko ang natitira kong lakas para itulak ang mga paa. Hindi ko maipaliwanag kung papaano ako natutong lumundag nang mataas, pero naabot ko ang sanga ng pinakamalapit na puno.
Hindi ko na nilingon ang paulit-ulit na pagtawag nina Kuya. Walang direksiyon ang mga paa kong binagtas ang masukal na gubat.
Nagpatangay ako sa hangin, sa ulan, sa kagustuhan na makalayo sa kanila.
Bakit gano'n na lang ang tingin nila sa 'kin? Si Kuya, si Frankie--sa lahat, akala ko ba kakampi ko sila.
Bakit gano'n? Nakakatampo. Wala namang nagbago sa 'kin. Hindi na ba nila ako kilala?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro