Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

52 » bahay kubo

"Hihintayin lang natin sina Mang Edgar sa kubo, tapos aalis na rin tayo," sambit ni Kuya na katabi kong nakatalungko sa kanang bahagi ng sasakyan. Kaya pala siya natagalan, dinaanan niya pa ang Kamatis Boys ni Aling Maria.

"Nasa'n na ba sila?" tanong ni Frankie--kaharap ko siya sa sasakyan. Hindi nito mabitiw-bitiwan ang kakanin na nakabalot sa dahon ng saging. Kanina niya pa 'to hawak at panay sita niya kay Barbara na katabi niya sa tuwing hinihingi ito sa kan'ya.

"Sa tingin ko malapit lang sila. Dadaanan lang daw nila si Julio, nagbabakasakaling naging ganap na isa sa 'tin."

"Hindi ba't mas mainam kung mag-iwan na lang tayo ng palatandaan at sundan na lang nila?" singit ni Harold na nakalingon mula sa pwesto ng kutsero.

"Delikado, 'tol. Dulo na ng mundo ang unahan ng kubo. Kung tayo lang, walang problema. Pero kung kasama natin si Issa na tatawid, mas mabuti na 'yong marami tayo." Tumayo si Kuya at dumaan sa gitna namin bago siya nakarating sa harapan at umupo roon sa tabi ni Harold. "Mabuti pang maidlip na muna kayo. Ako na rito."

Walang pag-aalinlangan na tumayo si Harold at binaybay ang nagsisiksikang kalagayan namin sa kariton. Alam ko namang sa tabi ko ang tungo niya kaya niyakap ko nang husto ang binti at dumikit sa gilid--ayokong masagi ng kahit na ano na galing sa kan'ya.

Nakarinig na lang ako ng mababang ungol mula rito nang inunahan siya ni Barbara at lumipat ito sa tabi ko. Ilang segundo rin siyang nakatayo at ilang segundo ring naging bakante ang espasyo sa gilid ni Frankie na parang napakalawak at abandonadong disyerto.

"Mierda!" nagmura na ito sa banyagang salita at hindi maipinta ang hitsura nitong pabagsak ang pag-upo sa bakanteng lote.

"Oy, tataob tayo!" sigaw ni Kuya sa unahan.

Umuga ang sasakyan sa sabay na pagtayo ng dalawang lalaki. Napakapit tuloy ako sa harang nang tumagilid ito at muntikan na ngang tumaob.

"Ano ba kayo?" sigaw ng katabi ko at pinabigatan nito ang sarili sa pamamagitan ng pagsandal nang husto sa dingding ng sasakyan.

Bumalik din ang balanse ng kariton, pero walang nagsalita.

Nagtangisan ng tingin ang tatlo--parang baril na isang kalabit lang sa gatilyo ang katapat at sasabog ang isa sa kanila.

"Barbara, dito ka!" mababa pero ma-awtoridad ang pagkasabi ni Frankie. Ginawi ko ang tingin sa kabilang direksiyon habang gumiwang ang sasakyan sa pagpalit nila pwesto.

Kumalma rin.

Magpapahinga na nga sana ako nang may naramdaman akong gumagalaw sa gilid. Naabutan ko ro'n si Frankie na tinatabi ang kaluban na nasagi niya. Tumigil rin siya nang mapansing nakatitig ako sa kan'ya.

"Ako na..." Kinuha ko ang dalawang gulok at niyakap na lang. Akala ko ay tapos na, pero inalok niya pa ako ang kakanin na hawak-hawak niya.

"Baka gutom ka na, kain ka muna."

Matamlay ko siyang tinitigan bago kinuha ang pagkain sa kamay niya. "Salamat," sabi ko bago inabot ang kakanin kay Barbara. Umawang ang bibig niya't may sasabihin pa yata, pero iniwas ko na ang tingin.

"Magpahinga na kayo, kailangan n'yo ng lakas," sigaw ulit ni Kuya sa unahan.

***

Sa unang pagkakataon ay mas nauna akong nagising sa kanila. Lumagpas na kami roon sa itim na langit at kapatagan. May mga huni na ng ibon, mayayabong na dahon sa mga puno, malamig at makulimlim na kalangitan--mukhang uulan.

Naabutan ko si Kuya na tinatali ang dalawang kalabaw sa malaking puno. Tumayo na rin ako at inayos sa pagkatali ang kaluban sa baywang. Parang naalimpungatan pa sina Frankie nang gumalaw ang sasakyan. Pupungas-pungas ang mga 'to na ngayon ko lang nakita sa kanila.

"Dito na tayo. May pagkain akong iniwan sa loob. Pasok na kayo," mahabang litanya ni Kuya.

Hindi ko malaman kung nagsisinungaling o nagbibiro siya--wala namang kubo sa paligid.

Magrereklamo na sana ako nang may namataan akong kawayan na magkakatapat na nakatayo. Sa hindi malamang dahilan ay inusisa ko ang dulo nito. At doon nga, sa tuktok ng apat na kawayan na halos tatlong palapag ang taas, ito ang nagsisilbing haligi sa bahay kubo na inuugoy sa saliw ng hangin.

Walang pasintabi at nauna na si Barbara na akyatin ang mahabang hagdan ng kubo. Sumunod si Kuya, si Harold at hinintay kong umaakyat si Frankie pero nanatili siyang nakasandal sa gilid ng kariton.

"'Di ba kailangan mong kumain?" tanong ko sa kan'ya.

"Hindi ka ba aakyat?" tanong din ang sinagot niya sa 'kin.

Tumungo ako sa malaking puno na pinagtalian ni Kuya ng mga kalabaw at naupo sa lilim nito. "Dito lang ako, ako na lang ang mag-aabang kina Mang Edgar."

"Samahan na kita."

Inirapan ko siya.

Kahit para naman daw sa kaligtasan ko 'yong ginawa nila, hindi pa rin 'yon katanggap-tanggap sa 'kin. Nakakarindi--nakakaiinis.

Nayakap ko ang sarili at lalong lumamig ang dumaang hangin. Kulay abo pa lang ang kulay ng langit kanina, ngayon ay nangingitim na.

"Kailangan na nating sumilong, mababasa tayo rito."

"Ayos lang sa 'kin," sagot ko na hindi tumingin sa kan'ya.

Ang totoo'y ayos lang naman talaga. Kahit papano ay maalis itong mga dumikit na putik sa balat ko, ang mga natuyong dugo sa puti kong bestida.

Ibig ding sabihin ay tatangayin ng tubig ang tanging naiwan ni Jack. Walang paalam na dadaloy palayo at tuluyan ng sisipsip sa lupa.

"Issa, halika na..." Napalingon ako sa biglaang pagdapo ng kamay ni Frankie sa balikat ko. Hindi ako nakagalaw nang pinunasan niya ang luha na nakatakas sa mata ko. "Tama na, huwag ka nang umiyak."

Hinawi ko ang kamay niya at mabilis na tumayo. Kahit wala sa plano ay natagpuan ko na lang ang sarili na naglakad patungo sa hagdanan ng kubo at sinimulan itong akyatin.

Mabilis ang pangyayari na parang isang iglap lang at narating ko agad ang parisukat na butas ng sahig na nagsisilbing entrada ng kubo. Sina Barbara at Harold ang unang bumugad sa 'kin--nakaupo sila sa isang mahabang upuan na gawa sa kawayan, may hawak silang plato at ang dungis ng paligid ng bibig nila na parang nasabuyan ng itim na pintura.

"Issa, dito. Kain ka," yaya ni Kuya nang nailapag ko na sa sahig ang dalawa kong paa. Gumegewang ang bahay sa bawat hakbang ko palapit sa kan'ya. "Kain ka."

"Ano 'yan?" Napangiwi ako sa mamasa-masang putik na nakatumpok sa hawak nitong plato.

"Ahh...ehehe...nakalimutan kong magdala ng para sa 'yo." Asiwa ang tawa ni Kuya habang kinakamot niya ang tainga. Lalo lang akong napangiwi't nagsiliparan ang mga alaga nitong garapata. "Ito talaga ang pagkain ng mga karet, pero pwede na rin 'to sa 'yo."

"Busog pa ako, Kuya," paalam ko sa kan'ya bago tinungo ang bintana na nasa kaliwang bahagi ng silid. Nagsisisi na tuloy ako na binigay ko kay Barbara 'yong pagkain na inabot ni Frankie. Mukhang wala na akong maaasahang matinong pagkain sa kanila.

Saktong bumuhos ang ulan sa pag-upo ko sa bintana.

Yumuko nang husto ang apat na halagi ng bahay na parang hahalik na ito sa lupa sa pagpasok ni Frankie mula sa butas ng sahig. Nagulat na lang ako nang nasa tabi ko na si Harold at hawak nito ang palapulsuhan ko. "Mahuhulog ka."

"Kaya ko ang sarili." Pinanlakihan ko siya ng mata habang binabawi sa kan'ya ang kamay ko. "Bitiwan mo nga ako!"

Yumuko ulit na parang nag-yoyo ang bahay sa paglapit ni Frankie. Nasiksik tuloy kami sa parte ng bintana at lalo pang hinigpitan nitong unggoy ang pagkahawak niya sa kamay ko.

"Narinig mo naman si Issa, hindi ba?" Tinulak ni Frankie si Harold sa dibdib. Bahagya itong napaatras pero hindi ito nagpatalo't gumanti rin.

"O! O!" sigaw ni Kuya. Pumagitna siya agad habang lumapit din si Barbara at hinihila si Harold.

"Gago ka ba? Hindi ka nakakaintindi?" singhal ni Frankie--hinahawi niya si Kuya habang humuhulma sa kabilang kamay ang kan'yang sandata.

"Sino ang mas gago sa atin? Ako ba? Ako ba iyong nagpupumilit sa mali? Ako ba?"

Inikot ko ang mata  dahil parang iba na ang puntong pinaglalaban nila. Kung ano-ano na ang lumalabas sa bibig ni Harold. Keyso raw huwad si Frankie, keyso raw hiram lang ang nararamdaman nito, keyso raw--ang daming kesyo.

"Titigil ba kayo o hindi!" Yumanig ang kubo sa muling pagsigaw ni Kuya. Sa wakas ay tumigil din sila. Nakatigil sa ere ang mga kumpol ng buhok ni Harold na naghugis sibat, at bumagsak sa sahig ang dulo ng karet ni Frankie sa pagbaba niya nito. "Imbes na magtutulungan tayo, 'yan pa ang inuuna n'yo!" dagdag ni Kuya.

Walang nagsalita. Nangibabaw na ngayon ang lagaslas ng ulan at paminsan-minsang kulog na parang nanunudyo pa sa alitan ng dalawa.

Napaupo ako nang tuwid nang may dumaang matining sa paligid. Naningkit ang mga mata ko sa kakasuri sa mga sulok ng kakahuyan sa labas ng kubo--hinahanap doon ang pinanggalingan ng tunog.

"Kayong dalawa, doon na!" narinig kong utos ni Kuya. Napatingin ako sa kan'ya't nakaharap ito kina Barbara. "Sige na!" Tumalima si Barbara at hinihila nito si Harold na parang pader na ayaw magpatinag.

"Issa, delikado rito." Bahagyang yumukod si Frankie at parang bulong na ang pagkasabi niya. Sasagutin ko na sana siya na huwag akong tratuhing parang bata pero naagaw ang atensiyon ko sa pagdaan na naman ng ingay. Mas mahaba at malakas kaysa kanina. "Issa..."

"Kaya ko na rito," pahapyaw kong sagot sa kan'ya. Tumitining lalo ang ingay na parang hiyaw ng isang naipit na nilalang. Ang nakapagtataka ay wala silang reaksiyon na parang wala silang naririnig.

Mabilis kong nawaksi ang kamay ni Frankie nang dumapo ito balikat ko. Uminit ang ulo ko dahil dumagdag pa siya sa ingay na nagsusumiksik na sa utak ko "'Tol, kaya ko na rito!"


************

This is point 3 out of 5 breakpoints of Issa Ilusyunada. Dalawa na lang, getting there.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro